2019
Sundin ang Aking mga Kautusan
Enero 2019


Sundin ang Aking mga Kautusan

Young Men General Presidency

Naisip mo na ba kung, “Paano ko maipapakita sa Ama sa Langit na gusto ko talaga na sagutin Niya ang aking mga panalangin at pagpalain ako?” Binigyan tayo ng Tagapagligtas na si Jesucristo ng sagot noong sinabi Niya na, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

Sa madaling salita, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Kung minsan, ang mga sagot ay hindi dumarating sa kung kailan o kung paano natin inaasahan, at maaari tayong matuksong sumuko o tumigil sa pagiging masunurin. Subalit kung tayo ay matiisin at makikinig, ang Panginoon ay sasagot sa Kanyang sariling takdang panahon at paraan. Palagi Siyang sumasagot sa mabubuting panalangin. Palagi Niyang pinagpapala ang sumusunod (tingnan sa Mosias 2:21–24).

Itinuturo ng daigdig na ang pagmamahal ay walang kaakibat na mga responsibilidad. Ngunit ang kabaligtaran nito ang tunay na totoo. Ang ating pagmamahal sa Diyos ay ipinapakita ng ating kahandaan at sigasig sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32). Ipinahayag pa ni propetang Alma, “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10). At sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, itinuro ng Panginoon, “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (Doktrina at mga Tipan 130:20–21).

Ang kaligayahan, pagpapala, at patnubay ay dumarating sa pamamagitan ng pagsunod. Nais ng Ama sa Langit na ikaw ay maging masaya at malaya dahil Mahal ka Niya, at iyon ang dahilan kung bakit nagbibigay Siya ng mga kautusan. Para mahanap ang kapayapaang hindi matatagpuan sa daigdig na ito, dapat nating matutuhan na ang pagpapasakop sa kalooban ng Ama sa Langit ang tanging daan tungo sa kaligayahan.

Nais ng Ama sa Langit na mahanap mo ang walang-hanggang kaligayahan. Nais ng Kanyang mga propeta na makahanap ka ng kagalakang walang kapantay. Nais namin na mahanap mo ang kapayapaan na matatagpuan lang sa pagsunod sa Tagapagligtas. Sundan ang Kanyang landas (tingnan sa “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164). Piliing maging masunurin. Ang iyong malugod na pagsunod ay hahantong sa tunay na kapayapaan at kaligayahan.