Si Juan, ang Disipulo na Minahal ni Jesus
Ang mga nakasulat sa Bagong Tipan tungkol kay Juan na Pinakamamahal ay nagpapakita sa kanya kapwa bilang isang guro at huwaran para sa ating sariling pagkadisipulo.
Kasunod ni Pedro, si Juan na siguro ang pinakakilala sa orihinal na Labindalawang Apostol ni Jesus. Siya at ang kapatid niyang si Santiago, ay kasama ni Pedro sa ilan sa mga pinakamahahalagang sandali ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, at siya ay nauugnay ayon sa tradisyon sa limang magkakaibang libro sa Bagong Tipan.1 Ang kanyang personal na pagiging malapit sa Panginoon ay ipinahiwatig sa Juan 13:23: “Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus.” Sa loob ng mahabang panahon, sinasalamin ng Kristiyanong sining ang imaheng ito, inilalarawan si Juan bilang isang binata, na madalas na nakahilig sa bisig ng Tagapagligtas. Ito ang pinagmulan ng kanyang natatanging pagkakakilanlan, Juan na Pinakamamahal, ngunit ang kanyang patotoo at misyon ay nagpapakita ng mga aspeto ng pagkadisipulo na maaari rin nating lahat na ibahagi.
Si Juan, Anak ni Zebedeo
Ang ibig sabihin ng pangalan ni Juan sa Hebreo na, Yohanan, ay “naging magiliw ang Diyos.” Karamihan sa mga bagay na alam natin tungkol sa kanya ay nagmula sa unang tatlong Evangelio, na nagkukuwento tungkol sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas mula sa halos magkakaparehong pananaw. Lahat ng ito ay nagkakasundo na si Juan ay anak ng isang mayamang mangingisda mula sa Galilea na nagngangalang Zebedeo, na may sariling bangka at may kakayahan na umupa ng mga arawang manggagawa para tulungan siya at ang kanyang mga anak sa kanilang trabaho. Si Juan at ang kanyang kapatid, si Santiago, ay may kasunduan din sa magkapatid na sina Pedro at Andres, at nilisan nilang apat ang kanilang pangingisda nang tinawag sila ni Jesus na sumunod sa Kanya sa buong-panahon na pagkadisipulo.2
Bagamat hindi na nabanggit muli si Zebedeo sa mga Evangelio, ang ina nina Santiago at Juan ay naging isang tagasunod ni Jesus, nakiusap kay Jesus para sa kanyang mga anak at naparoon sa Pagpapako sa Krus.3 Madalas na kinikilala sa pangalang Salome, ang ina nina Santiago at Juan ay maaari ring isang kapatid ni Maria, na ina ni Jesus, na ang ibig sabihin ay mga pinsang-buo sila ni Jesus at mga kamag-anak ni Juan Bautista.4
Di-nagtagal matapos ang unang pagtawag sa kanya, nasaksihan ni Juan ang marami sa mga naunang himala at turo ng Panginoon.5 Ang pagsaksi sa mga himalang ito at pakikinig sa mga diskurso tulad ng Sermon sa Bundok ay walang dudang naghanda kay Juan para sa sandaling tinawag siya ni Jesus upang maging isa sa Kanyang Labindalawang Apostol.6 Sa mga natatanging saksing ito, sina Pedro, Santiago, at Juan ang bumuo ng grupo ng malalapit na disipulo na naroon sa mahahalagang sandali ng ministeryo ni Jesus sa lupa:
-
Sa pagbuhay sa anak na babae ni Jairus, nakita nang sarili nilang mga mata ang kapangyarihan ng Panginoon laban sa kamatayan.7
-
Sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, kung saan nakita nila si Jesus sa kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian at narinig ang boses ng Ama na pinatototohanan na si Jesus ang Kanyang Anak na kinalulugdan Niya.8
-
Sa Bundok ng mga Olibo para sa Kanyang huling propesiya tungkol sa mga huling araw.9
-
Sa Halamanan ng Getsemani, kung saan nasa malapit lang sila nang simulan ng Tagapagligtas ang Kanyang dakilang gawain ng Pagbabayad-sala.10
Tulad ng pagbibigay ni Jesucristo kay Simon ng karagdagang pangalang Cephas o Pedro, na nangunguhulugang “bato,” binigyan din Niya sina Santiago at Juan ng titulong Boanerges, o “mga anak ng kulog.”11 Dahil tinanong nila si Jesus kung dapat nilang sunugin ang isang nayon ng mga Samaritano na hindi tumanggap sa Kanya (tingnan sa Lucas 9:51-56), ang palayaw na ito ay maaaring ipinapahiwatig na sila ay madaling magalit o kaya naman ay may malalakas na kalooban. Gayunpaman, maaari rin na ang pangalang ito ay pag-asam sa kanilang pagiging makapangyarihang mga saksi kalaunan, tulad ng ang pangalan ni Pedro ay hindi ipinapahiwatig ang kanyang naunang tapat ngunit mapusok na pag-uugali kundi ang kanyang katatagan at kapangyarihan matapos ang Muling Pagkabuhay ni Jesucristo.12
Sa mga pagpapakita ni Juan sa aklat ng Mga Gawa, siya ay ipinapakita bilang isang malakas, matatag na kasama ni Pedro. Kasama si Juan ni Pedro nang pinagaling niya ang isang lumpong lalaki sa templo, at magkasama silang matapang na nangaral sa mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem. Magkasama, ang dalawang Apostol ay naglakbay papuntang Samaria upang ibigay ang kaloob na Espiritu Santo sa mga Samaritano na tinuruan at bininyagan ni Felipe.13
Gayunpaman, sa mga kasulatan na nauugnay kay Juan nakikita nang malinaw na siya ay isang makapangyarihang saksi ng kabanalan ng kanyang guro at kaibigan, si Jesucristo. Ang mga aklat na ito sa Bagong Tipan ay ipinapakita si Juan bilang kapwa isang guro at huwaran para sa ating sariling pagkadisipulo.
Minamahal na Disipulo
Kapansin-pansin, hindi kailanman pinangalanan si Juan sa Evangelio na ayon sa kaugalian ay nauugnay sa kanya. Ang Evangelio ni Juan ay nagbabanggit ng dalawang anak na lalaki ni Zebedeo nang isang beses lamang, sa huling kabanata, kung saan sila ay dalawa sa pitong mga disipulo na sumalubong sa nabuhay na mag-uling Panginoon sa Dagat ng Galilea. Ngunit kahit doon, gayunman, ay hindi sila binanggit sa kanilang pangalan. Sa halip, ang tradisyon, na sinusuportahan ng mga pagtukoy sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik,14 ay kinilala si Juan bilang ang hindi-kilalang “disipulo na minahal ni Jesus” na naroon sa Huling Hapunan, sa Pagpapako sa Krus, sa walang-lamang libingan, at sa pagpapakita ni Jesus sa huling pagkakataon sa Dagat ng Galilea.15
Maaaring siya rin ang “isa pang disipulo” na, kasama ni Andres, ay isang tagasunod ni Juan Bautista at narinig siyang nagpatotoo na si Jesus ang Cordero ng Diyos (tingnan sa Juan 1:35-40), at maaaring siya ang disipulong kasama ni Pedro matapos ang pagdakip kay Jesus at tinulungan si Pedro na makapasok sa korte o hukuman ng mga mataas na saserdote (tingnan sa Juan 18:15–16).
Sa Evangelio ni Juan, ang pinakamamahal na disipulo ay ipinapakita na isang malapit at personal na kaibigan ng Panginoon. Kasama ni Marta, Lazaro, at Maria, si Juan ay maliwanag na inilarawan sa Evangelio na ito bilang isang taong minahal ni Jesus (tingnan sa Juan 11:3, 5). Ang kanyang puwesto sa mesa noong Huling Hapunan ay inilarawan hindi lamang ang karangalan kundi pati na ang kanyang pagiging malapit.
Higit pa sa kanyang pakikipagkaibigan sa Tagapagligtas, ang iba pang mga talata ay nagbubunyag na siya ay isang makapangyarihang saksi sa pinakamahahalagang pangyayari sa misyon ni Jesus: tumayo siya sa paanan ng krus upang masaksihan ang pagkamatay ng Panginoon bilang sakripisyo para sa kasalanan, tumakbo patungong libingan matapos ang Muling Pagkabuhay upang pagtibayin na ito ay walang-laman, at nakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.
Dalawang beses binanggit sa Evangelio ni Juan na ito ay batay sa direktang pagsaksi ng minamahal na disipulo at binigyang-diin na ang kanyang pagsaksi ay totoo,16 isang bagay na muling bumanggit sa pagbabago ni Joseph Smith ng titulo ng Evangelio bilang “Ang Patotoo ni Juan.”17
Bagamat pinagtatalunan pa rin ng mga iskolar ang pagkatao ng minamahal na disipulo, kung siya ang Apostol na si Juan, kung gayon siya ang pinagmulan ng materyal sa Evangelio, kung hindi man siya ang orihinal na awtor nito.18 Bakit hindi siya pinangalanan, hindi direktang kinilala bilang ang Apostol na Juan? Ang sagot ay maaaring dahil ninais niya na ang kanyang mga karanasan ay maging uri ng karanasan para sa mga naniniwala at disipulo sa bawat edad. Sa pagiging hindi nakikilala, maaari niyang pahintulutan tayo na ilagay ang ating sarili sa kanyang mga karanasan, matututuhang magmahal at mahalin ng Panginoon at sa gayon ay magkaroon ng sariling mga patotoo, na tinatawagan naman tayong ibahagi ito sa iba.
Ang mga Sulat: I, II at III Ni Juan
Tulad ng Evangelio ni Juan, wala ni isa sa tatlong sulat na nauugnay kay Juan ang direktang tumukoy sa pangalan niya. Gayunman, ang I Ni Juan, na higit na isang doktrinal na pahayag kaysa isang tunay na sulat, ay malapit na nauugnay sa Evangelio sa estilo at mga paksa nito, na kinabibilangan ng kahalagahan ng pagmamahal at pagsunod, mga tema na itinuro ng Tagapagligtas sa salaysay ni Juan tungkol sa Huling Hapunan.
Isinulat matapos ang Evangelio, ang I Ni Juan ay nagsisimula sa pagpapahayag ng awtor ng kanyang patotoo sa Panginoong Jesucristo, “yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong aming nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay”(I Ni Juan 1:1, pagbibigay-diin ay idinagdag). Maliban sa pag-uulit ng unang mga linya ng Evangelio ni Juan, binigyang-diin ng awtor ang kanyang makapangyarihan, personal, at pisikal na patotoo tungkol kay Jesucristo, na Verbo ng Dios na tunay na nagkatawang-tao.
Ang naunang mga Kristiyano, na orihinal na tagapakinig ng libro, ay tila nakaranas ng pagkakawatak-watak sa grupo na yumakap sa maling paniniwala tungkol kay Jesus na umalis sa Simbahan.19 Sa I Ni Juan, hindi lamang isang saksi ang may-akda; siya ay awtoridad na tinawag upang itama ang mga maling doktrina at labanan ang mga pagbabanta sa pananampalataya mula sa mga anti-Cristo at maling espiritu (tingnan sa I Ni Juan 2:18–27; 4:1–6). Ang kanyang misyon ay hikayatin din yaong nananatiling matapat sa pamamagitan ng pagbabahagi ng makabuluhang katotohanan tungkol sa Diyos at kay Cristo at ang kahalagahan ng patuloy na pananampalataya at kabutihan.
Sa II Ni Juan at sa III Ni Juan, kinilala niya ang kanyang sarili bilang “ang elder” at patuloy na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagmamahal at pagsunod at ang panganib ng mga maling guro at yaong tumatalikod sa tamang awtoridad ng Simbahan.20
Lahat ng tatlong librong ito ay nagtuturo sa atin tungkol sa kahalagahan ng patuloy na debosyon sa inihayag na Jesucristo.
Ang Tagapaghayag
Sa limang libro na iniuugnay sa kanya, tanging ang Apocalipsis lamang ang gumagamit ng pangalang Juan, kinikilala ang awtor nito nang tatlong beses sa pangalang iyon na nasa panimulang mga bersikulo (tingnan sa Apocalipsis 1:1, 4, 9). Bukod sa pagtukoy sa kanyang sarili bilang alagad ng Diyos, hindi na nagbigay ang awtor ng iba pang indikasyon sa kanyang posisyon o tungkulin, pero naniniwala ang mga naunang awtoridad ng mga Kristiyano na siya ay si Juan, na anak ni Zebedeo.
Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay nagpapatunay na si Apostol Juan ay binigyan ng espesyal na komisyon upang tumanggap at isulat ang mga pangitain na kanyang natanggap.21 Isang masalimuot at maraming simbolo na aklat, ang Apocalipsis ay nilayon para aliwin at bigyan ng katiyakan ang mga Kristiyanong nakararanas ng pag-uusig o mga pagsubok sa bawat panahon habang kasabay na naghahayag ng papel ni Jesucristo sa buong kasaysayan.
Kahit na dalawang magkaibang petsa ang inimungkahi kung kailan isinulat ni Juan ang Apocalipsis—isang maagang petsa noong AD 60s sa paghahari ng emperador na si Nero at mas huling petsa noong AD 90s sa panunungkulan ni emperador Domitian—kapwa matapos ang kamatayan bilang martir ni Pedro, na nagtulot na maging senior na Apostol si Juan na nabubuhay pa.
Ang kanyang tungkulin, gayunman, ay hindi lamang upang tumanggap at itala ang mga pangitain na nasusulat sa aklat. Sa isa sa kanyang mga pangitain, sinabi ng anghel kay Juan na Tagapaghayag na kumuha ng isang maliit na libro o scroll, at kainin iyon. Matamis sa kanyang bibig noong una, pero pinapait nito ang kanyang tiyan, na binigyang-kahulugan ni Joseph Smith na kumakatawan ito sa kanyang misyon na tipunin ang Israel bilang bahagi ng pagpapanumbalik ng lahat ng bagay (tingnan sa Apocalipsis 10:9–11; Doktrina at mga Tipan 77:14). Ang misyon na ito ay posible dahil sa patuloy na paglilingkod ni Juan pagkatapos siyang magbagong-kalagayan. Habang ang mga commentator, noon at ngayon, ay nahahati tungkol sa kung ano ang kahulugan ng pahayag ni Jesus kay Pedro tungkol sa kapalaran ni Juan sa dulo ng Ebanghelyo (tingnan sa Juan 21:20–23), nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagpapatibay na ang nagbagong kalagayan ni Juan ay magpapatuloy hanggang sa pagbabalik ng Tagapagligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 7:1–6). Sa madaling salita, hindi lamang niya ipinropesiya ang katapusan ng mundo, kundi kabilang sa misyon niya ang tumulong na maisakatuparan ang mga propesiyang ito pati na rin ang pagsaksi sa katuparan ng lahat ng bagay na inihayag sa kanya.
Kahit na ang ating mga misyon ay hindi kasing-laki tulad ng sa kanya, tuturuan tayo ng halimbawa ni Juan na ang pagmamahal natin kay Jesucristo ay tutulutan tayo na tanggapin ang ating mga tungkulin at pagsubok sa buhay, gaano man ito katamis o kapait minsan.
Pagiging mga Mahal na Disipulo sa Ating Sarili
Si Juan ay nangungunang miyembro ng orihinal na Labindalawang Apostol ni Jesus, isa na may malapit na personal na kaugnayan sa Tagapagligtas at naglingkod sa mahahalagang papel bilang Kanyang saksi, lider ng Simbahan, at isang tagapaghayag. Subalit ang paraan na pinili niya para ilarawan ang sarili bilang minamahal na disipulo sa Ebanghelyo na tinataglay ang kanyang pangalan ay nagpapahintulot sa kanya na maglingkod bilang isang huwaran para sa ating lahat sa ating sariling pagkadisipulo. Mula sa kanya natututo tayo na bilang mga tagasunod ni Jesucristo makakapagpahinga tayo sa mga bisig ng Kanyang pagmamahal, pagmamahal na napagtatanto nating lubusan sa pamamagitan ng mga ordenansa tulad ng itinatag Niya sa Huling Hapunan. Maaari din tayong simbolikong tumayo sa paanan ng krus, nagpapatotoo na si Jesus ay namatay para sa atin, at tumakbo ng may pag-asa upang matutunan sa ating sarili na buhay ang Panginoon. Tulad ni Juan, bilang mga minamahal na disipulo, ang ating panawagan ay ibahagi ang patotoong iyan sa iba, nagpapatotoo sa katotohanan at tinutupad ang anumang pagtawag na darating sa atin hanggang sa muling pagbabalik ng Panginoon.