Gabay ng Isang Weightlifter sa PANININdigan
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Ang isang banal na kasulatan ay makapagbibigay ng malaking pagkakaiba—maging sa mga kompetisyon ng weightlifting.
Noong freshman ako sa high school, inanyayahan ako ng weightlifting coach na sumali ako sa weightlifting.
“Mmm … salamat na lang po,” sabi ko. “Hindi po para sa akin iyan.”
Subalit nagpatuloy siya sa pag-anyaya. Sa loob ng maraming linggo.
Sa huli, sinubukan ko. Tama siya: gustung-gusto ko ang weightlifting. Talagang nakakaasiwa noong una; ang aking katawan ay hindi pa gumawa noon ng bagay na katulad nito. Subalit natutuhan kong mahalin ang pakiramdam ng pagwo-work out. Minahal ko rin ang aking mga teammate at mga kompetisyon. At nagsimula akong maging mahusay!
Ngayon ay malaking bahagi na ng buhay ko ang weightlfting. Nag-eensayo ako araw-araw sa loob ng mga dalawa o tatlong oras, gumagawa ng back squats, clean at jerks, at snatches. (At kung hindi mo alam kung ano ang mga bagay na iyon, huwag mag-alala—ako rin noon!)
Tulad ng maraming bagay, kinakailangan sa weightlifting ang oras at tiyaga, at kung minsan ay napakahirap nito. Buti na lang, palaging narito ang aking pamilya para hikayatin ako, maging kapag nagrereklamo ako tungkol sa kung gaano kasakit ng katawan ko (na madalas mangyari). Ang aking tatay ay palaging may mga ice pack at mga pep talk para sa akin pag-uwi mula sa ensayo. At ang aking nanay ay palaging nagsasakripisyo para makapunta ako sa mga kompetisyon.
Ilang taon ang nakararaan, pumunta ako sa isa sa mga kompetisyong iyon sa Philadelphia, Pennsylvania, USA. Sabik akong makipagkompetensya laban sa mga weightlifter mula sa buong bansa, subalit medyo nag-aalala ako dahil napakalayo ko sa aking pamilya. Upang mas mapadali, nangako ang nanay ko na magte-text siya ng mga banal na kasulatan at magigiliw na mensahe araw-araw.
Sa gabi bago ang kompetisyon, nag-party ang ilang kabataan. Sa tingin ko ay masayang pumunta, kaya nagpunta kami ng roommate ko para tingnan ito. Subalit agad kong nadama na hindi nababagay sa akin ang party na ito. May mga tinedyer na umiinom, naninigarilyo, nagmumura, at nagsasayaw nang hindi maayos. Alam ko na hindi ako dapat naroroon, subalit nag-alala ako kung ano ang maaaring isipin ng roommate ko. O kung ano ang maaaring isipin ng ibang kakompetensya.
Ngunit biglang may pumasok sa isipan ko.
“Tumayo kayo sa mga banal na lugar.”
Mula ito sa aking paboritong banal na kasulatan, at isa sa mga ipinadala ng nanay ko noong umagang iyon: Doktrina at mga Tipan 87:8: “Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating, wika ng Panginoon. Amen.”
Hindi ko alam kung bakit ipinadala sa akin ni Inay ang banal na kasulatang ito noong araw na iyon, pero isa ito sa mga minahal ko sa buong buhay ko. Nakabisado ko ito simula noong walong taong gulang ako, at paulit-ulit na ipinapaalala nito sa akin na magkaroon ng tapang, maging masunurin, at panindigan ang pinaniniwalaan ko.
“Tumayo kayo sa mga banal na lugar.”
“Aalis na ako,” sabi ko sa aking roommate. Ipinaliwanag ko ang tungkol sa banal na kasulatang ipinadala sa akin ng nanay ko noong umagang iyon. “Hindi ito isang lugar na dapat kong katayuan.”
Sinabi sa akin ng roommate ko na hindi rin niya gusto roon. Naaasiwa rin siya pero ayaw niyang umalis nang mag-isa at mabansagang loser o talunan. Pinasalamatan niya ako sa pagsasalita, at umalis na kami.
Kinabukasan, nalaman namin na pagkaalis namin, ang mga kabataang nasa party ay hinuli at tinanggal mula sa kompetisyon dahil sa pag-inom at paggamit ng droga.
Kung hindi ako nabigyan ng pahiwatig na alalahanin ang talata na bigay ng aking nanay, siguro ay natanggal din ako sa kompetisyon. Sa huli ay napanalunan ko ang unang gantimpala, at labis akong nagpapasalamat na nakasali ako. (Sa tingin ko ay pinasasalamatan ko ang aking nanay araw-araw sa pagte-text sa akin.)
Ang pagkakapanalo sa isang kompetisyon ng weightlifting ay isang halatang-halata at agarang pagpapala para sa pagsunod sa mga kautusan. Pero hindi sinasabi sa Doktrina at mga Tipan 87:8 na, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar para manalo kayo sa mga kompetisyon sa weightlifting.” At hindi sinasabi sa Juan 14:15 na, “Kung nais ninyo ng mga agarang pagpapala, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Pinagpapala tayo ng Panginoon dahil mahal Niya tayo. At sinusubukan nating maging banal at masunurin dahil nagtitiwala at minamahal natin ang Panginoon.