Kung Ako’y Inyong Iniibig
Ang 2019 na taunang tema ng mga kabataan ay isang panawagang kumilos—isang personal na imbitasyon mula sa Tagapagligtas. Sasali ba kayong lahat? Mahal ba ninyo Siya? Handa ba kayong sumunod sa Kanyang mga yapak?
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay may ginawang isang bagay para sa atin na hinding-hindi natin magagawa para sa ating mga sarili. At ano ang hinihiling Niya bilang kapalit? Hinihiling Niya na sundin natin ang Kanyang mga kautusan upang mapagpala tayo na palagi nating makasama ang Kanyang Espiritu (tingnan sa Moroni 4:3).
Ang mga kautusan ay kaloob ng pagmamahal. Sinabi lang ng Tagapagligtas na, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos,” subalit bakit? Dahil mahal KA Niya! Nais Niya na ikaw ay maging masaya. Nais Niya na ang buhay mo ay mapuspos ng kaligayahan at ng mga walang katapusang posibilidad. Nais Niya na ikaw ay maging ligtas at protektado mula sa mga kasamaan ng mundo. Nais Niya na ibuhos sa iyo ang mga pagpapalang napakadakila “na walang sapat na lugar na mapaglalagyan nito” (3 Nephi 24:10). Nais Niya na ikaw ay magbalik at makasama Niyang muli at maging kasalo sa lahat ng mga ipinangakong pagpapala ng Ama sa Langit.
Palaging tandaan kung gaano kamahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Siya ay may dalisay na pagmamahal para sa iyo. Maipapakita mo ang iyong pagmamahal para sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang mabubuti mong gawain ay magbibigay ng mga pambihirang pagpapala sa iyo at sa mga taong nakapalibot sa iyo.
Tulad ng sinabi ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Kailangan namin kayo sa batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon. May pagkakaiba kung wala kayo!” Inanyayahan ka niya na “mamukod tangi at maging kaiba sa mundo” sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga pamantayang nasa Para sa Lakas ng Kabataan at sa pagsunod sa mga kautusan—upang “magmukha, magsalitang tulad, kumilos na tulad, at manamit na tulad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal ng mga kabataan, Hunyo 3, 2018], 8, HopeOfIsrael.lds.org).
Sa iyong pagsisikap na sundin ang Panginoon at ang Kanyang mga propeta, pupunuin ka ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ng pagmamahal ng Diyos at magpapatotoo sa iyo tungkol sa banal mong pagkatao bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ang mga pagpapalang iyon ay lalago habang nagsisikap kang mamuhay nang mabuti. Ang Panginoon at ang propeta ay nagtitiwala sa iyo. Mahal ka nila. Nangangako kami na dakilang tiwala sa sarili, katiyakan, at kapanatagan ang darating kapag sinunod at tinupad mo ang kanyang mga kautusan.