Ang Perpektong Kayamanang Maibabahagi
“Bukas ay napaka-espesyal,” sabi ng titser ni Diego. “Magkakaroon tayo ng Show and Tell [Ipakita at Magkuwento]!”
Ngumiti si Diego. Gustung-gusto niya ang Show and Tell! Hindi siya makapaghintay na maipakita sa kanyang mga kaibigan ang isang espesyal na bagay.
Pagkatapos ng eskuwela, sinabi ni Diego kay Mama ang magandang balita.
“Ano po kaya ang dadalhin ko?” tanong niya.
“Isang bagay na espesyal para sa iyo,” sabi ni Mama.
“Puwede kong dalhin si Lobo!”
“Sa tingin ko ay hindi ka puwedeng magdala ng aso sa eskuwelahan,” sabi ni Mama. “Pero may maibabahagi kang iba pang mga espesyal na kayamanan.”
Di nagtagal ay nagsimula ang paghahanap ni Diego ng kayamanan! Nahanap niya ang isang stuffed toy na unggoy. Dadalhin niya kaya ito? Pero nagpatuloy siya sa paghahanap.
Tumingin siya sa likod ng mga upuan sa kusina. Tumingin siya sa lalagyan ng aklat. Hindi siya titigil hanggang sa makahanap siya ng isang bagay na tamang-tama.
Pagkatapos ay tumingin siya sa kanyang kama. Nahanap niya ang perpektong bagay!
Tumakbo si Diego patungo kay Mama para ipakita ito. Niyakap niya ang kayamanan.
“Mama!” sabi niya. “Tingnan ninyo! Nahanap ko ang pinakamagandang bagay.”
Ipinakita niya kay Mama ang isang maliit na larawan. Ito ay isang larawan ni Jesus noong bata pa Siya. Masaya si Diego kapag tinitingnan niya ang larawan. Gusto niya na maging masaya rin ang kanyang mga kaibigan sa eskuwelahan.
“Iyan ay isang espesyal na bagay para sa Show and Tell,” sabi ni Mama. “Ano ang sasabihin mo sa iyong klase tungkol kay Jesus?”
“Na maaaring maging masaya ang lahat ng tao,” sabi niya. “Dahil mahal ni Jesus ang lahat ng tao!”