2019
Mga Investigator na Nahuhulog mula sa mga Puno
Enero 2019


Mga Investigator na Nahuhulog mula sa mga Puno

Yamila Caminos

Buenos Aires, Argentina

man sitting in tree

Paglalarawan ni Robert Crawford

Para sa mga batang missionary na naghahanap ng matuturuan sa mga kalye ng Buenos Aires, Argentina, noong 1995, ang pangako na natanggap nila mula sa miyembro ng Area Presidency ay parang kakaiba: “Kung magtatrabaho kayo ng maigi at magiging tunay na masunurin, ang mga investigator ay mahuhulog mula sa mga puno at mabibinyagan.” Nalaman namin ang tungkol sa pangakong iyon pagkatapos ng maikling panahon.

Pinuputulan ng tatay ko ang isa sa mga puno sa bangketa sa harap ng bahay namin. Habang pinuputulan niya ang puno, may nakita siyang dalawang kabataang lalaking naglalakad papunta sa kanya. Habang dumadaan sila sa ilalim ng puno, tinawag niya sila sa Ingles.

Hindi talaga nagsasalita ng Ingles ang tatay ko, pero may alam siyang ilang mga salita, at siya ay naintriga. Sino ang mga binatang ito, at ano ang ginagawa nila sa aming lugar?

Napahinto ang mga missionary, hinahanap kung saan nanggaling ang boses. Bumaba ang tatay ko mula sa puno para kausapin sila. Humanga siya sa kanilang mensahe at pakikitungo kaya inimbitahan niya sila sa kanyang bahay.

Ang huling karanasan ng tatay ko sa relihiyon ay nakagulo sa kanyang isipan, ngunit ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay nangusap sa kanyang puso. Naranasan niya ang mahihirap na pagsubok, at alam niyang kailangan na niyang magbago. Nakinig siyang mabuti habang nagtuturo ang mga missionary sa kanya, sa nanay ko, sa lola ko, at sa akin.

Ako ay 11 taong gulang pa lamang noon, pero ang mga katotohanan na itinuro nila ay tumatak sa akin—at sa aking nanay at lola. Bilang resulta, nabinyagan kami matapos ang ilang buwan, noong Setyembre 1995.

Ang mga binhi ng pananampalataya na itinanim ng mga missionary sa aming mga puso ay kalaunang pinayabong ng pakikipagkapatiran ng mga kaibigan sa simbahan, karagdagang turo sa ebanghelyo, at ng mabubuting karanasan kasama ng malalakas na lider ng Simbahan. Dahil sa mainit na pagtanggap sa amin, ang mga binhi ng aming pananampalataya ay “nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tig-iisang daan” (Lucas 8:8)

Ang mga bunga ng aming pananampalataya na natatamasa ngayon—halos 25 na taon na ang nakalipas—ay mayroong matibay na kapasiyahan sa sarili tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, mga pagpapala ng templo, at buo at masayang buhay kasama ang bagong henerasyon ng mga kapamilya na nagkakaisa hanggang sa kawalang-hanggan.

Lagi kaming nagpapasalamat sa dalawang matatapat na missionary na sumubok sa isang inspiradong pangako.