2019
Hindi na Ako Natatakot sa Mental Health Counseling
Enero 2019


Digital Lamang

Hindi na Ako Natatakot sa Mental Health Counseling

Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.

Ang paghingi ng tulong na kinailangan ko ay hindi tanda ng kahinaan o kabiguan.

“Makipag-usap ka sa isang mental health counselor.”

Hindi ko inasahan ang payong ito. Kasasabi ko pa lang sa isang matalik na kaibigan kung gaano ako nahihirapang makapasok sa isang kilalang-kilalang accounting program, magpanatili ng mga relasyon, at makipagdeyt bilang kababalik na missionary. Ni hindi ko pa naiisip na magpa-therapy, at pakiramdam ko ang pagkonsulta sa isang counselor ay para lang sa mga taong may malalaking problema o napakahina para haraping mag-isa ang mga hamon. Puro magaganda ang sinabi ng kaibigan ko tungkol sa sarili niyang karanasan sa pagkonsulta sa isang counselor, kaya pinag-isipan ko ito.

Hindi naglaon, lumala ang pagkabalisa ko. Pagkaraan ng mga gabi na hindi ako makatulog sa pag-aalala, nagpasiya akong makipag-appointment. Ninerbiyos ako tungkol sa maaaring sabihin o isipin ng ibang tao kapag nalaman nila na makikipagkita ako sa isang counselor, pero sa sandaling iyon ay apektado na ng aking pagkabalisa ang kakayahan kong kumilos, kaya nagpunta na ako.

Pagdaig sa Pagkabalisa

Sa appointment, maraming itinanong ang counselor na nakatulong para makaisip akong mag-isa ng isasagot. Hindi ako binigyan ng counselor ng madaling solusyon sa mga problema ko. Hindi rin niya ako tinrato na parang nababaliw ako—marami nang taong kumonsulta sa kanya na may mga problemang katulad ng akin. Sa ilang paraan, nadama ko na kailangan kong magpunta sa isang doktor ng medisina. Isa siyang propesyonal na may karanasan sa pagsusuri sa problema at magaling magturo sa akin kung paano iwasan at gamutin ang pagkabalisa.

Bukod pa sa ilang mungkahi, iminungkahi ng counselor na isulat ko sa journal ko ang aking nadarama at naiisip. Napakalaking tulong nito sa pagdaig sa aking pagkabalisa. Patuloy din akong nag-ehersisyo, gumugol ng oras sa aking mga kaibigan at kapamilya, kumain ng nakalulusog na pagkain (o katulad ng isang lalaki sa kolehiyo na nagluluto para sa sarili niya), nag-aral ng mga banal na kasulatan, nagsimba, at nagdasal.

Matapos makipagkita nang ilang beses sa counselor, dalawang bagay ang nagbago para sa akin: Una, nagkaroon ako ng panibago at mas nakalulusog na pananaw tungkol sa mga pagkabalisa ko, sa sarili ko, at sa ibang tao; at pangalawa, pakiramdam ko mayroon akong nakakatulong na mga kasangkapan na magagamit ko sa mga sitwasyong mag-uudyok ng pagkabalisa sa hinaharap. Hindi pa lubos na nawawala ang pagkabalisa ko, pero pakiramdam ko mas kinaya ko itong harapin nang madama ko itong muli. Mula noon, hindi pa ako nakakabalik sa counselor, pero kung sakaling kailanganin ko, hindi na ako mag-aalala tungkol sa paghingi ng tulong—natutuhan ko na walang dahilan para magdusa nang tahimik o mahiya sa paghingi ng tulong para sa isang karamdaman sa pag-iisip.

Pagpapatigil sa Stigma

Sa kasamaang-palad, maraming stigma tungkol sa pagpapagamot sa karamdaman sa pag-iisip, pero maaaring iyan ay dahil sa hindi nauunawaan ng ilan na ang pagkonsulta sa isang mental health professional ay halos kapareho ng pagpapagamot para sa iba pang pisikal na karamdaman. Sinabi na ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung kayo ay may apendisitis, aasahan ng Diyos na magpapabasbas kayo sa priesthood at magpapagamot sa pinakamahusay na doktor. Gayon din sa depresyon o emotional disorder. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.”1

Medyo hindi rin napapansin ang mga pangangailangan sa kalusugan ng pag-iisip. Hindi ito madaling pag-usapan na tulad ng natrangkaso o nabalian ng buto. Pero karaniwan din ang mga ito. Tinataya ng World Health Organization na maraming taong may malalang problema sa pag-iisip na hindi nagagamot: sa pagitan ng 35 at 50 porsiyento sa mga bansang maunlad at 76 hanggang 85 porsiyento sa mga bansang umuunlad.2

Ang paghingi ng tulong na kailangan mo ay hindi tanda ng kahinaan o kabiguan. Gusto ng Ama sa Langit na tayo ay maging malusog, sa pag-iisip at sa katawan, at binigyan na tayo ng maraming “magagandang kaloob” para tulungan tayong makayanan ang mga hamon sa pag-iisip at emosyon sa mortalidad, kabilang na ang:

Kalusugan ng Pag-iisip

Ehersisyo

Mga kaibigan at kapamilya

Pamumuhay ng ebanghelyo

Pagtulog nang sapat

Mga pinuno ng Simbahan

Paglilingkod sa iba

Isang mental health professional

Pagkain ng nakalulusog na pagkain

Hindi natin palaging lubos na madaraig ang lahat ng hamon sa kalusugan ng pag-iisip sa buhay na ito, at kadalasa’y walang madadaling solusyon na akma sa lahat. Pero kapag ginagawa natin ang lahat para tulungan ang ating sarili gamit ang mga kasangkapang naibigay sa atin ng Ama sa Langit, pagagaanin ng Tagapagligtas ang ating mga pasanin (tingnan sa Mosias 24:15), at bibiyayaan tayo ng lakas at pag-asa sa ating mga pagsisikap.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41.

  2. K. Demyttenaere at iba pa, “Prevalence, Severity, and Unmet Need for Treatment of Mental Disorders in the World Health Organization World Mental Health Surveys,” The Journal of the American Medical Association, tomo 291, blg. 21 [Hunyo 2004], 2581–2590.