2019
Ang Sakramento at ang Pagiging Mas Katulad ni Cristo
Enero 2019


Ang Huling Salita

Ang Sakramento at ang Pagiging Mas Katulad ni Cristo

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2017.

The Sacrament and Becoming More Christlike

Ang simbolismo ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon ay magandang pagnilayan. Ang tinapay at tubig ay sumasagisag sa laman at dugo Niya na Siyang Tinapay ng Kabuhayan at Tubig na Buhay (tingnan sa Juan 4:10), na lubos na nagpapaalala sa atin sa halagang ibinayad Niya upang tubusin tayo. Habang pinagpipira-piraso ang tinapay, naaalaala natin ang napunit na laman ng Tagapagligtas. Habang iniinom natin ang tubig, iniisip natin ang dugong tinigis Niya sa Getsemani at sa krus at ang nagpapabanal na kapangyarihan nito (tingnan sa Moises 6:60).

Ngunit ang matalinghagang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay may iba pang kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo… . Kapag tumatanggap tayo ng sakramentong tinapay at tubig tuwing linggo, makabubuting isipin kung gaano natin kailangang lubos na gawing bahagi ng ating buhay at pagkatao ang Kanyang katangian at ang halimbawa ng Kanyang buhay na walang kasalanan. Hindi maaaring magbayad-sala si Jesus para sa mga kasalanan ng iba maliban kung Siya mismo ay walang kasalanan. Dahil walang karapatan sa Kanya ang katarungan, maaari Siyang humalili sa ating lugar para tugunan ang katarungan at magbigay ng awa. …

Ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ng Tagapagligtas ay alisin ang anumang bagay sa ating buhay na hindi naaayon sa pagkataong katulad ni Cristo at taglayin ang mga katangian Niya. Ito ang mas malawak na kahulugan ng pagsisisi: hindi lamang pagtalikod sa nagawang kasalanan kundi “[pagtu]tuon [ng] puso at kalooban sa Diyos” tungo sa pag-unlad (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsisisi”). Ipapakita sa atin ng Diyos ang ating mga kahinaan at pagkukulang, ngunit tutulungan din Niya tayong gawing kalakasan ang ating kahinaan (tingnan sa Eter 12:27). Kung taos nating itatanong, “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20) hindi Niya tayo pahuhulain, kundi mapagmahal Niya tayong sasagutin para lumigaya tayo. At bibigyan Niya tayo ng pag-asa.