2019
Tulad ng Tagapagligtas: Pag-unlad sa Apat na Mahahalagang Bahagi
Enero 2019


Tulad ng Tagapagligtas: Pag-unlad sa Apat na Mahahalagang Bahagi

Wala tayong masyadong alam tungkol sa kung paano lumaki si Jesucristo, subalit binibigyan tayo ng Lucas 2:52 ng isang malaking palatandaan.

woman rappelling

Larawan ng babaeng nagra-rappelling mula sa Getty Images

“Kaya, dapat kong gawin … ang ano?”

Nakinig ako. Totoo. Nakinig talaga ako. Tiningnan ng instruktor ang aking harness, ipinakita sa akin kung paano eksaktong pakakawalan ang tali, tiningnan pa ako sa mga mata at sinabing, “HINDI ko hahayaang malaglag ka!”

Subalit sa mahalagang pagkakataong iyon, naroon akong nakatayo: nanginginig at pinagpapawisan, habang tinitingnan ang nasa likuran ko at nasa ibaba … ibabang-ibaba, alam na kailangan kong humakbang.

Pababa sa isang bangin.

Ngayon, marahil ay hindi ka pa nagkaroon ng ganoong karanasan, literal na pagtalon sa isang bangin, umaasang handang mag-rappel pababa nang ligtas. Subalit alam kong naranasan mo na ito sa espirituwal. Alam mo na, kapag pinag-aralan mo ang mga banal na kasulatan sa iyong sarili at narinig ang mga titser na magpatotoo tungkol sa tunay na doktrina at mga alituntunin. Nadarama mo ang Espiritu na inaanyayahan kang kumilos sa mga paraang makatutulong sa iyo na maging mas katulad ng Tagapagligtas. Nasasabik kang gawin ang hakbang na ito at ipakita sa Panginoon kung gaano ka katapat sa Kanyang ebanghelyo.

Pagkatapos ay iisipin mong, “Paano ko magagawa iyan?”

At ang tila napakalinaw at madaling gawin ilang sandali lang ang nakaraan ay maglalaho. Naroon ka, nakatayo sa gilid ng isang espirituwal na bangin, hindi natitiyak kung may tama kang gamit o paghahanda na kumilos ayon sa katotohanang natanggap mo.

Upang maging katulad ni Jesucristo: Paano mo magagawa iyan?

Magsimula sa Umpisa

Inumpisahan ng Tagapaglgitas ang Kanyang mortal na buhay sa parehong paraan na nagsimula ka at ako: bilang isang sanggol. At sa paglipas ng panahon, tulad natin, si Jesus ay nagsimulang lumaki (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:11–17). Siya ay natuto kung paano maglakad, magsalita, at tumawa. Siya ay natuto kung paano magtrabaho, magbasa, at makisalamuha sa mga tao.

Sa katotohanan, ang paraan ng “paglaki” ng Panginoon ay nakatala sa Lucas 2:52: “At lumaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”

Kung nais nating maging katulad ng Tagapagligtas, masusunod natin ang Kanyang halimbawa.

Kaya tingnan natin ang huwaran na ito at tingnan para sa ating mga sarili kung paano posible na maging katulad ni Jesucristo!

“Lumaki sa karunungan”

Nilikha ng Diyos ang ating mga isip upang magkaroon ng kamangha-manghang kakayahang magsuri, magproseso, at magsagawa ng kaalaman. Mga katotohanan, pigura, kakayahan, pamamaraan—ang dami ng impormasyong matitipon natin ay halos walang hangganan!

Ngunit tulad ng Tagapagligtas, tayo ay nagnanais na lumaki sa karunungan, hindi lang sa impormasyon. Karunungan ang kakayahang gumamit ng impormasyon nang wasto, umunawa sa ating mga pagpili, at gumawa ng mabubuting pagpapasiya.

“Ang wastong paggamit ng kaalaman ay kinabibilangan ng karunungan,” turo ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Ipinaliwanag din niya kung paano nagtamo ang Tagapagligtas ng karunungan: “Siya ay nagkamit ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral, at nagtamo ng karunungan sa pamamagitan ng panalangin, pag-iisip, at pagsisikap.”2 Itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, “O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35; idinagdag ang pagbibigay-diin). Isipin ito: Pinalalago ng pananampalataya, pag-aaral, at pagsunod ang ating kakayahang magtamo ng kaalaman at lumaki sa karunungan!

“Lumaki sa pangangatawan”

Si Nephi ay malaki at malakas. Siya ang tinatawag ng mga banal na kasulatan na may “malaking pangangatawan” (1 Nephi 2:16). Ako ay hindi. Ang pangangatawan ni Nephi ay nilikha upang maisagawa ang mga aktibidad na ibang-iba kaysa sa pangangatawan ko dahil may mga ibang ipinagawa ang Panginoon kay Nephi. Si Nephi ay kinailangang gumawa ng sasakyang-dagat, humanap ng pagkain para sa kanyang pamilya, at tulungan sila na makapaglakbay sa ilang.

Ang ating pisikal na katawan ay taglay ang kailangan natin upang mamuhay at matamasa ang mortal na buhay. Dahil sa banal na disenyo ng Diyos, ang isang bagong silang na bata ay lumalaki sa pangangatawan sa paglipas ng panahon. Hindi natin kailangang magkaroon ng karagdagang mga organ at biyas sa ating pagtanda—ang mga bahaging iyan ay nilikha na bilang bahagi ng ating katawan. Hindi kinakailangang buuin! Subalit para ating mapaglingkuran ang Diyos at ang mga taong nakapaligid sa atin, kailangan nating panatilihin ang kalusugan ng ating katawan.

Ang ating pisikal na katawan ay ang templo, o bahay, ng ating espiritu na perpekto ang pagkakagawa (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17; 6:19–20). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang inyong katawan, anuman ang mga likas na kaloob nito, ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ay isang tabernakulo ng laman—isang templo para sa inyong espiritu.”3

Ang ating katawan ay maaaring makaranas ng matitinding pisikal na hamon, kapansanan, at sakit dahil nagkakaroon tayo ng mortal na karanasan, subalit ginawa ng ating Ama sa Langit ang ating katawan nang perpekto upang matagumpay na maisakatuparan ang ating mga oportunidad sa buhay.

young man at the top of mountain

“Lumaki sa pagbibigay lugod sa Diyos”

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.”4

Mahal ka ng Diyos. Kahit kapag nagkakaroon ka ng bad hair day, mahal ka Niya—pati na rin ang lahat ng iyong mga kalakasan, kahinaan, tanong, at pag-asa. Kaya paano ka “lalaki sa pagbibigay lugod sa Diyos”? Ipakita mo na mahal mo rin Siya!

Minsang itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ipinapakita ng iyong pagsunod ang pagmamahal mo sa Diyos. Ang kahandaan mong sumunod sa maliliit na pang-araw-araw na mga aktibidad ay maghahanda sa iyo na tumugon, sa pagdating ng Kanyang mga imbitasyon sa hinaharap, at magawa ang mas dakilang mga bagay.

“Lumaki sa pagbibigay lugod sa tao”

Surprise! Ang pagkakaroon ng pinakamaraming social media followers ay hindi nangangahulugang mayroon kang “pagbibigay lugod sa tao.”

Ipinakita ni Jesus ang ibang paraan ng pang-iimpluwensya sa iba—at kung sino ang tinutulutan Niya na mag-impluwensya sa Kanya. Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios” (Mga Gawa 10:38).

Minsang sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na, “Naaalala ko pa hanggang ngayon ang mga kaibigang nakaimpluwensya nang mabuti sa buhay ko. Pumanaw na sila, ngunit inspirasyon pa rin sa akin ang alaala ng kanilang pagmamahal, halimbawa, pananampalataya, at patotoo.”5

Mapapalaki mo ang iyong impluwensya sa pamamagitan ng pagiging isang kaibigan na umaantig sa mga buhay para sa kabutihan! Itinuturo sa iyo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan kung paano: “Ipakita na talagang interesado kayo sa iba; ngumiti at ipaalam na nagmamalasakit kayo sa kanila. Pakitunguhan ang lahat nang may kabaitan at paggalang, at iwasang husgahan at pintasan ang mga nakapaligid sa inyo … Sikaping kaibiganin ang mga mahiyain o malungkutin, may mga espesyal na pangangailangan, o ang mga taong nag-aakalang hindi sila kabilang.”6

Isipin ang mga indibiduwal na tunay mong hinahangaan at nirerespeto—ang mga taong iyong kinakasihan. Ano ang mga katangian nila na nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo? Dahil kahit gaano pa kabuti ang ating mga kaibigan, ang ating pinakamatalik na Kaibigan ay si Jesucristo, at ang Kanyang halimbawa ang nais nating sundin!

Jesus sitting with a child

In His Light, ni Greg K. Olsen

Magkakarugtong ang Lahat ng Ito

“At lumaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Sa iyong pagsunod sa huwaran ng paglaki ng Panginoon, malalaman mo na ang mga bahagi ay lubusang nagtutulungan, at ikaw ay magiging mas katulad Niya. Ang iyong isip, katawan, at espiritu ay magtutulungan para sa iyong ikabubuti, at magagawa mong pagpalain ang buhay ng maraming iba pa at mapaglingkuran ang Diyos “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas”! (Doktrina at mga Tipan 4:2).

Mga Tala

  1. James E. Talmage, The Articles of Faith, ika-12 ed. (1924), 90.

  2. James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 112.

  3. Russell M. Nelson, “We Are Children of God,” Ensign, Nob. 1998, 85.

  4. Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127.

  5. Henry B. Eyring, “Tunay na Magkaibigan,” Liahona, Mayo 2002, 29.

  6. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 16.