Mga Simbolo sa Bagong Tipan
Hango mula sa Russell M. Nelson, “In This Holy Land,” Tambuli, Peb. 1991, 13, 17, 18.
Bilang karagdagan sa kanyang mga turo, may makikita tayong mga kahulugan sa mga bagay, kultura, kasaysayan, at lugar sa Bagong Tipan.
Tubig: “Ang Ilog Jordan ang lugar na pinili ni Jesus para sa Kanyang binyag na isinagawa ni Juan upang ‘[maganap] ang buong katuwiran’ [Mateo 3:15]. Mahalaga ba na isinagawa ang sagradong ordenansang ito sa halos pinakamababang katawan ng tubig-tabang sa planetang ito? Hindi ba Siya makapipili ng mas mainam na lugar upang sumagisag sa lalim ng Kanyang pagpapakumbaba na pinaroonan Niya at kung saan bumangon Siya?”
Mga Bundok: “Hindi madaling akyatin ang mga bundok.” Noon, tulad ngayon, tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo upang akyatin ang mga bundok para bigyang-diin ang bisa ng pagsisikap at pagiging masunurin. Hihilingin din Niya sa inyo ito, sa paraang patalinghaga at maaaring literal din.”
Mga Olibo: “Bumaba si Jesus sa paanan ng Bundok ng mga Olibo upang maisakatuparan ang unang bahagi ng Pagbabayad-sala. Ginawa Niya ito sa Halamanan ng Getsemani. Ang salitang Getsemani ay galing sa dalawang salitang-ugat na Hebreo: gath na nangangahulugang ‘pigain,’ at shemen na nangangahulugang ‘langis,’ lalo na ng olibo.
“Ang mga olibo ay piniga sa ilalim ng mabibigat na gulong na bato upang palabasin ang mamahaling langis mula rito. Kaya’t ang Cristo sa Halamanan ng Getsemani ay literal na piniga sa ilalim ng bigat ng mga kasalanan ng mundo. Lumabas sa Kanya ang maraming dugo—ang ‘langis’ ng Kanyang buhay—na lumabas sa bawat butas ng Kanyang balat. (Tingnan sa Lucas 22:44; D at T 19:18.)”
Bungo: “Ang Pagpapapako sa Krus ay naganap sa burol na tinatawag na Golgotha (Hebreo) o Calvario (Latin) na ibig sabihin ay ‘ang bungo.’ Ang bungo ay simbolo ng kamatayan. Sa lugar na tulad nito, ang sakripisyo ng pagbabayad sala ay natupad. Sa krus, napagtagumpayan ng Tagapagligtas ng mundo ang kamatayan sa pinakadakilang posibleng kabuluhan—ang realisasyon at realidad ng kapangyarihan ng Panginoon laban sa kamatayan.”