2021
Magsikap na Maging—Isang Huwaran para sa Paglago at Kalusugan ng Pag-iisip at Damdamin
Agosto 2021


Magsikap na Maging—Isang Huwaran para sa Paglago at Kalusugan ng Isipan at Damdamin

Matutulungan tayong lahat ng huwaran ng paglago na nakabalangkas sa programang Mga Bata at Kabataan habang sinisikap nating maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

woman hanging from rope over pink bar graph

Mga larawan mula sa Getty Images

Ang tunay na paglago o pag-unlad ay nangyayari habang nagsisikap tayong lumago sa iba-ibang aspeto. Natutuhan natin na “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52). Kakaunti ang alam natin tungkol sa panahong ito ng buhay ng Panginoon, ngunit mula sa talatang ito natutuhan natin na Siya ay “lumago”—Siya ay lumago—sa intelektuwal, pisikal, espirituwal, at sa pakikisalamuha. Maraming pag-aaral ang nagpapahiwatig na ang pagsisikap na lumago sa iba-ibang aspeto ng ating buhay ay sumusuporta sa kalusugan ng damdamin at isipan.1

Ang paglago at walang-hanggang potensyal ay mga tema ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ating potensyal na maging katulad ng Ama sa Langit ang pinakamahalaga sa ebanghelyo at nagpapadama sa atin ng pagmamahal, pag-asa, at pasasalamat.2

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ating ginawa. Ito ay pagkilala sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang kahihinatnan natin. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.”3

Isang Huwaran sa Pag-unlad

Ang mga bata at kabataan ay inanyayahan na tularan ang huwaran ng pagtuklas kung ano ang kailangan nilang pagsikapan, pagpaplano kung paano nila iyon gagawin, pagkilos ayon sa kanilang plano nang may pananampalataya, at pagbubulay-bulay tungkol sa natutuhan nila.4 Matutulungan tayong lahat ng huwarang ito sa pagsisikap nating lumago at maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Halimbawa, itinuro ni Alma na “kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo” (Alma 32:27). Habang pinangangalagaan natin ang hangaring iyan, lumalago ito sa tinawag ni Amulek na “pananampalataya tungo sa pagsisisi” (Alma 34:16). Ang hangaring sinasabi ni Alma at ang pananampalatayang pinatototohanan ni Amulek ay hindi nananatiling tulog. Inaakay tayo ng hangarin at pananampalataya natin kay Jesucristo na tunay na magsisi. Inaakay tayo ng prosesong ito ng pagsisisi na patuloy na lumago.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”5

Ang Paglago ay Nangangailangan ng Katapatan

woman running on turquoise arrows

Tulad ng kailangan sa pagsisisi ang patuloy na paggawa at katapatan, nagkakaroon ng tunay na paglago kapag nagsisikap tayong ialay ang ating “buong kaluluwa” (Omni 1:26) sa iba-ibang aspeto. Bawat isa sa atin ay may mga espirituwal na kaloob na magagamit sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Sa ating paghahangad na maging “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17), inaanyayahan tayong paglingkuran ang Panginoon nang buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2). Sa pagsisikap nating lumago sa iba-ibang aspeto, nagkakaroon tayo ng katatagan at napapalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, na tutulong sa atin na harapin ang mga hamon ng buhay.

Ang mga bata at kabataan—at tayong lahat—na nagpapakita ng simple at panandaliang mga mithiing lumago sa espirituwal, sa pakikisalamuha, pisikal, at intelektuwal ay makararanas ng higit na kalusugan ng damdamin at isipan. Ang mga alituntuning ito ay higit pa sa mga konsepto ng pagtulong sa sarili; malusog na pamamaraan ang mga ito sa pagsisikap na maging mga disipulo ni Jesucristo upang “kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48).

Ang Paglago ay Nangangailangan ng Tiyaga at Kasigasigan

Habang nagsisikap tayong lumago at sumulong, dapat nating tandaan na “hindi kinakailangan na [tayo] ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas” (Mosias 4:27). Sinisikap nating maging masigasig, at kapag nadapa tayo, sinisikap nating muling bumangon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 117:13). Ang personal na paglago ay nangangailangan ng tiyaga. Nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking bulag, ang unang nakita ng bulag na lalaki ay “mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.” “Ipinatong na muli [ni Jesus] sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; … at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag” (Marcos 8:24–25). Ang paggaling at paglago—pisikal man, emosyonal, o mental—ay maaaring dumating nang paunti-unti at maaaring hindi kaagad mangyari.

Kailangan Nating Gamitin ang Lahat ng Resources na Makukuha Natin para Lumago

Walang simpleng panlahatang lunas para sa kalusugan ng damdamin at isipan. Daranas tayo ng stress at pagkaligalig dahil nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo na may makasalanang katawan. Dagdag pa rito, maraming bagay na nakapag-aambag ang maaaring masuring karamdaman sa pag-iisip. Anuman ang kalusugan ng ating damdamin at isipan, ang pagtutuon sa paglago ay mas nakalulusog kaysa sa pag-iisip tungkol sa ating mga pagkukulang. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Simbahan ay hindi isang automobile showroom—isang lugar na maididispley natin ang ating sarili para mahangaan ng iba ang ating espirituwalidad, kakayahan, o kasaganaan. Mas mukha itong talyer, kung saan dinadala ang mga sasakyang kailangang kumpunihin at baguhin para tumakbo nang maayos.”6

Ang pagpapaibayo ng ating espirituwalidad ay mahalagang bahagi ng kalusugan ng isipan at damdamin, ngunit kadalasan ay mas marami pa tayong magagawa, at inaasahan ng Panginoon na gagamitin natin ang lahat ng kasangkapang naibigay Niya kung kailan natin gusto. Kung minsan ay may estigmang nakakabit sa paggamit ng karagdagang resources sa pagsisikap nating dagdagan ang kalusugan ng ating isipan at damdamin, ngunit itinuro na ng mga pinuno ng Simbahan na maaaring mahalaga ang resources na ito.

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Tulad ng alinmang bahagi ng katawan, ang utak ay maaaring dumanas ng sakit, trauma, at mga chemical imbalance. Kapag nahihirapan ang ating isipan, angkop lamang na humingi ng tulong sa Diyos, sa mga nasa paligid natin, at sa mga medical at mental health professional.”7

Responsibilidad nating “gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17). Maaaring hindi natin makita ang Kanyang kamay sa paraang inaasahan o hangad natin, ngunit makikita iyon ng mga nagtitiwala sa Kanya.

Ang Halimbawa ng Paglago ng Tagapagligtas

Ang pinakadakilang halimbawa ng paglago ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya;

“At hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan;

“At sa gayon siya tinawag na Anak ng Diyos, sapagkat hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula” (Doktrina at mga Tipan 93:12–14).

Habang nagsisikap tayong lumago at umunlad, tayo man ay makatatanggap nang “biyaya sa biyaya.” Kapag naging mahirap ang buhay, maaari nating isipin na pinabayaan na tayo ng Diyos. Gayunman, makasusumpong tayo ng kapayapaan at kapanatagan sa katotohanan na batid ng Diyos Ama at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang nangyayari sa atin at alam kung paano tayo tutulungang makayanan ang ating mga pagsubok. Ang paniniwala kay Jesucristo ay hindi nangangahulugan na mawawala na ang mga pagsubok sa buhay, kundi naniniwala tayo na mabibigyan tayo ng Panginoon ng lakas na harapin ang ating mga hamon habang nagsisikap tayong maging higit na katulad Niya.8

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dale E. Bredesen, “Reversal of Cognitive Decline: A Novel Therapeutic Program,” Aging, Set. 2014, aging-us.com

  2. Tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Becoming Like God [Pagiging Katulad ng Diyos],” topics.ChurchofJesusChrist.org.

  3. Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32.

  4. Tingnan sa Personal Development: Youth Guidebook (2019), 7.

  5. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Sa Pagiging Tapat,” Liahona, Mayo 2015, 83.

  7. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!” Liahona, Nob. 2019, 57; tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41.

  8. Tingnan sa “Receive the Savior’s Divine Empathy [Tanggapin ang Banal na Pagdamay ng Tagapagligtas],” mentalhealth.ChurchofJesusChrist.org.