“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022.
Ang Walang Hanggang Tipan
Ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa.
Sa mundong ito na nahahati ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan, ang pangangailangan sa katotohanan, liwanag, at dalisay na pag-ibig ni Jesucristo ay higit na kailangan ngayon kaysa sa ibang panahon. Ang ebanghelyo ni Cristo ay maluwalhati, at mapalad tayong pag-aralan ito at mamuhay ayon sa mga tuntunin nito. Nagagalak tayo sa ating mga pagkakataong ibahagi ito—na patotohanan ang mga katotohanan nito saanman tayo naroon.
Madalas akong magsalita tungkol sa kahalagahan ng tipang Abraham at ng pagtitipon ng Israel. Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo at bininyagan tayo, tinataglay natin sa ating mga sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo. Ang binyag ang pasukan na humahantong sa pagiging kasamang tagapagmana ng lahat ng pangakong ibinigay ng Panginoon kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo noong sinaunang panahon.1
“Ang bago at walang hanggang tipan”2 (Doktrina at mga Tipan 132:6) at ang tipang Abraham ay halos magkapareho lamang—dalawang paraan ng pagpapahayag ng tipan na ginawa ng Diyos sa mga mortal na kalalakihan at kababaihan sa magkakaibang panahon.
Ang pang-uri na walang hanggan ay nagpapahiwatig na umiral ang tipang ito bago pa man itatag ang mundo! Kabilang sa planong inilatag sa Malaking Kapulungan sa Langit ang malungkot na pagkatanto na lahat tayo ay mahihiwalay mula sa kinaroroonan ng Diyos. Gayunpaman, nangako ang Diyos na maglalaan Siya ng isang Tagapagligtas na dadaig sa mga bunga ng Pagkahulog. Sinabi ng Diyos kay Adan pagkatapos ng binyag nito:
“Ikaw ay alinsunod sa orden niya na walang simula ng mga araw o wakas ng mga taon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.
“Masdan, ikaw ay kaisa ko, isang anak ng Diyos; at sa gayon maaaring ang lahat ay maging aking mga anak” (Moises 6:67–68).
Tinanggap nina Adan at Eva ang ordenansa ng binyag at sinimulan nila ang proseso ng pagiging kaisa ng Diyos. Pumasok sila sa landas ng tipan.
Kapag kayo at ako ay pumasok din sa landas na iyon o nagsimulang makipagtipan sa Ama sa Langit, tayo ay magkakaroon ng bagong paraan ng pamumuhay. Sa gayon ay lumilikha tayo ng ugnayan sa Diyos na nagtutulot sa Kanya na pagpalain at baguhin tayo. Ang landas ng tipan ay umaakay sa atin pabalik sa Kanya. Kung hahayaan nating manaig ang Diyos sa ating mga buhay, aakayin tayo ng tipang iyon palapit sa Kanya. Ang lahat ng tipan ay nilayong magbigkis. Lumilikha ang mga ito ng ugnayan na may walang hanggang pagkakabigkis.
Isang Espesyal na Pagmamahal at Awa
Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. Sa wikang Hebreo, ang pagmamahal na hatid ng tipan ay tinatawag na hesed (חֶסֶד).3
Ang hesed ay walang eksaktong katumbas sa Ingles. Malamang na nahirapan ang mga tagapagsalin ng King James Version ng Biblia sa pagsasalin ng hesed sa wikang Ingles. Madalas nilang piliin ang “pagmamahal” o “kagandahang-loob.” Naipararating nito ang karamihan ngunit hindi ang lahat ng kahulugan ng hesed. May iba pang mga pagsasalin, tulad ng “awa” at “kabutihan.” Ang hesed ay isang natatanging salita na naglalarawan sa pakikipagtipan kung saan ang dalawang panig ay nangangakong maging tapat sa isa’t isa.
Ang selestiyal na kasal ay gayong pakikipagtipan. Ang mag-asawa ay nakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa na maging tapat sa isa’t isa.
Ang hesed ay isang espesyal na uri ng pagmamahal at awa na nadarama at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga nakipagtipan sa Kanya. At sinusuklian natin ito ng hesed para sa Kanya.
Dahil ang Diyos ay may hesed para sa mga nakipagtipan sa Kanya, mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya.
Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin.
Alam ninyo ang makasaysayang pahayag na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith. Dumating ito sa pamamagitan ng paghahayag. Sinabi ng Panginoon kay Joseph, “Ang pangakong ito ay inyo rin, sapagkat kayo ay mula kay Abraham, at ang pangako ay ginawa kay Abraham” (Doktrina at mga Tipan 132:31).
Sa gayon, ang walang hanggang tipang ito ay ipinanumbalik bilang bahagi ng dakilang Panunumbalik ng ebanghelyo sa kabuuan nito. Isipin ninyo iyon! Ang tipan sa kasal na ginawa sa templo ay tuwirang nakabigkis sa tipang Abraham. Sa templo, ipinakikilala sa mag-asawa ang lahat ng pagpapalang nakalaan para sa matatapat na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob.
Tulad ng ginawa ni Adan, kayo at ako ay personal na pumasok sa landas ng tipan sa binyag. Pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo. Ang mga pagpapala ng tipang Abraham ay iginagawad sa mga banal na templo. Ang mga pagpapalang ito ay nagtutulot sa atin, sa pagkabuhay na mag-uli, na “[magmana] ng mga trono, kaharian, kapangyarihan, mga pamunuan, at mga sakop, sa ating ‘kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay’ [Doktrina at mga Tipan 132:19].”4
Sa pangwakas na teksto ng Lumang Tipan, mababasa natin ang pangako ni Malakias na “ibabaling [ni Elijah] ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6). Sa sinaunang Israel, ang gayong pagbanggit sa mga ama ay kinabibilangan ng mga amang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Nalilinaw ang pangakong ito kapag binasa natin ang ibang bersyon ng talatang ito na binanggit ni Moroni kay Propetang Joseph Smith: “Kanyang [Elijah] itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Tiyak na kabilang sa mga amang iyon sina Abraham, Isaac, at Jacob. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:9–10.)
Jesucristo: Ang Sentro ng Tipan
Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang nagtulot sa Ama na tuparin ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga anak. Si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay,” kung kaya’t “sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6). Ang katuparan ng tipang Abraham ay nagiging posible dahil sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Si Jesucristo ang sentro ng tipang Abraham.
Ang Lumang Tipan ay hindi lamang isang aklat ng banal na kasulatan; ito rin ay isang aklat ng kasaysayan. Naaalala ninyong binasa ninyo ang tungkol sa pagsasama nina Sarai at Abram. Dahil wala silang anak, ibinigay ni Sarai ang kanyang alilang babae na si Hagar upang maging asawa rin ni Abram, alinsunod sa patnubay ng Panginoon. Isinilang ni Hagar si Ismael.5 Minahal ni Abram si Ismael, ngunit hindi siya ang anak na pagtatatagan ng tipan. (Tingan sa Genesis 11:29–30; 16:1, 3, 11; Doktrina at mga Tipan 132:34.)
Bilang pagpapala mula sa Diyos, at bilang tugon sa pananampalataya ni Sarai,6 siya ay nagdalantao kahit matanda na upang maitatag ang tipan sa kanyang anak na si Isaac (tingnan sa Genesis 17:19). Isinilang si Isaac sa loob ng tipan.
Binigyan ng Diyos sina Sarai at Abram ng mga bagong pangalan—Sara at Abraham (tingnan sa Genesis 17:5, 15). Ang pagbibigay ng mga bagong pangalan na iyon ang tanda ng pagsisimula ng bagong buhay at bagong tadhana para sa pamilyang ito.
Minahal ni Abraham sina Ismael at Isaac. Sinabi ng Diyos kay Abraham na si Ismael ay pararamihin at gagawing malaking bansa (tingnan sa Genesis 17:20). Kasabay nito, nilinaw ng Diyos na ang walang hanggang tipan ay itatatag kay Isaac (tingnan sa Genesis 17:19).
Ang lahat ng tatanggap sa ebanghelyo ay magiging bahagi ng angkan ni Abraham. Mababasa natin sa Galacia:
“Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
“… Kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
“At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako” (Galacia 3:27–29).
Samakatwid, maaari tayong maging tagapagmana ng tipan sa pamamagitan ng pagsilang o pag-aampon.
Ang anak nina Isaac at Rebeca na si Jacob ay isinilang sa loob ng tipan. Dagdag pa rito, pinili niyang pumasok sa kanyang sariling pagpapasiya. Tulad ng alam ninyo, ang pangalan ni Jacob ay ginawang Israel (tingnan sa Genesis 32:28), na ibig sabihin ay “hayaang manaig ang Diyos” o “isang taong nananaig sa piling ng Diyos.”7
Mababasa natin sa Exodo na “naalala ng Diyos ang kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob” (Exodo 2:24). Sinabi ng Diyos sa mga anak ni Israel, “Kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari” (Exodo 19:5).
Ang pariralang “sariling pag-aari” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na segullah, na ibig sabihin ay isang napakahalagang kayamanan—isang “pag-aari.”8
Nakatala sa aklat ng Deuteronomio ang kahalagahan ng tipan. Alam ng mga Apostol sa Bagong Tipan ang tipang ito. Matapos pagalingin ni Pedro ang isang lalaking pilay sa mga baitang ng templo, nagturo siya sa mga nagmamasid tungkol kay Jesus. Sinabi ni Pedro, “Niluwalhati ng Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang Anak na si Jesus” (Mga Gawa 3:13).
Tinapos ni Pedro ang kanyang mensahe sa pagsasabi sa kanyang mga tagapakinig, “Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa’” (Mga Gawa 3:25). Nilinaw sa kanila ni Pedro na bahagi ng misyon ni Cristo ang pagtupad sa tipan ng Diyos.
Ang Panginoon ay nagbigay ng gayon ding sermon sa mga tao sa sinaunang Amerika. Doon, sinabi ng nabuhay na mag-uling Cristo sa mga tao kung sino talaga sila. Sinabi niya:
“Kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.
“Ang Ama na ibinangon akong una sa inyo, at isinugo ako upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa kanyang mga kasamaan; at ito ay dahil sa kayo ay mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:25–26).
Nakikita ba ninyo ang kahalagahan nito? Ang mga tumutupad sa kanilang mga tipan sa Diyos ay magiging grupo ng mga kaluluwang kayang labanan ang mga kasalanan! Ang mga tumutupad sa kanilang mga tipan ay magkakaroon ng lakas na labanan ang palagiang impluwensya ng mundo.
Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Tipan
Iniutos ng Panginoon na ipalaganap natin ang ebanghelyo at ibahagi natin ang tipan. Ito ang dahilan kaya tayo may mga missionary. Nais Niyang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa sa Kanyang mga anak na piliin ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at tahakin ang landas ng tipan. Nais ng Diyos na iugnay ang lahat ng tao sa tipang ginawa Niya kay Abraham noong sinaunang panahon.
Dahil dito, ang gawaing misyonero ay mahalagang bahagi ng dakilang pagtitipon ng Israel. Ang pagtitipon na iyon ang pinakamahalagang gawain na nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki. Walang maikukumpara sa halaga. Ang mga missionary ng Panginoon—ang Kanyang mga disipulo—ay nakikibahagi sa pinakamalaking hamon, pinakadakilang layunin, pinakamahalagang gawain sa mundo ngayon.
Ngunit hindi lamang iyon—may iba pa. May malaking pangangailangan na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga taong nasa kabilang panig ng tabing. Nais ng Diyos na matamasa ng lahat, sa magkabilang panig ng tabing, ang mga pagpapala ng Kanyang tipan. Ang landas ng tipan ay bukas sa lahat. Nakikiusap tayo sa lahat na tahakin ang landas na iyon kasama natin. Wala nang iba pang gawain na lubos na kinabibilangan ng lahat. Sapagkat “ang Panginoon ay maawain sa lahat ng yaon na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan” (Helaman 3:27).
Dahil naipanumbalik na ang Pagkasaserdoteng Melquisedec, ang kababaihan at kalalakihang tumutupad sa tipan ay maaaring makatanggap ng “lahat ng pagpapalang espirituwal” ng ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 107:18; idinagdag ang diin).
Sa paglalaan ng Kirtland Temple noong 1836, sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, nagpakita si Elijah. Ang kanyang layunin? “Upang ibaling … ang mga anak sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 110:15). Nagpakita rin si Elias. Ang kanyang layunin? Upang ipinagkatiwala kina Joseph Smith at Oliver Cowdery “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain” (Doktrina at mga Tipan 110:12). Sa gayon, iginawad ng Guro kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang awtoridad ng priesthood at ang karapatang ipagkaloob ang mga natatanging pagpapala ng tipang Abraham sa iba.9
Sa Simbahan, tinatahak natin ang landas ng tipan kapwa nang mag-isa at nang magkakasama. Tulad ng mga mag-asawa at pamilya na may natatanging magkakakapit na ugnayan na lumilikha ng espesyal na pagmamahal, gayon din ang bagong ugnayang nabubuo kapag ibinibigkis natin ang ating sarili pataas sa ating Diyos sa pamamagitan ng tipan!
Maaaring ito ang ibig sabihin ni Nephi nang sabihin niya na “minamahal [ng Diyos] sila na mga tatanggap sa kanya bilang kanilang Diyos” (1 Nephi 17:40). Ito mismo ang dahilan kung bakit, bilang bahagi ng tipan, ang espesyal na awa at pagmamahal—o hesed—ay maaaring matanggap ng lahat ng papasok sa nagbibigkis at personal na ugnayang ito sa Diyos, maging “hanggang sa isanlibong salinlahi” (Deuteronomio 7:9).
Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. Binibiyayaan tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa.10 Nakakaapekto ito sa kung sino tayo at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan. Pinangakuan tayo na tayo rin ay maaaring maging “sariling pag-aari” Niya (Mga Awit 135:4).
Mga Pangako at Pribilehiyo
Ang mga gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan at kadakilaan, ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Si Jesucristo ang tagagarantiya ng mga tipang iyon (tingnan sa Mga Hebreo 7:22; 8:6). Ang mga tumutupad sa tipan na nagmamahal sa Diyos at nagtutulot sa Kanya na manaig sa lahat ng iba pang bagay sa kanilang buhay ay ginagawa Siyang pinakamalakas na impluwensya sa kanilang mga buhay.
Sa ating panahon, may pribilehiyo tayong makatanggap ng mga patriarchal blessing at malaman ang ating ugnayan sa mga sinaunang patriarch. Ang mga pagpapalang iyon ay nagbibigay rin ng sulyap sa hinaharap.
Ang ating tungkulin bilang pinagtipanang Israel ay tiyakin na napagtatanto ng bawat miyembro ng Simbahan ang kagalakan at mga pribilehiyong kaugnay ng pakikipagtipan sa Diyos. Ito ay isang panawagan na hikayatin ang bawat lalaki at babaeng tumutupad sa tipan, kabilang ang mga bata, na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong naaabot ng kanilang impluwensya. Isa rin itong panawagan na suportahan at hikayatin ang ating mga missionary, na isinugo nang may mga tagubilin na magbinyag at tumulong na tipunin ang Israel, upang magkakasama tayong maging tao ng Diyos at Siya ang maging Diyos natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:9).
Ang bawat lalaki at babae na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood at gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos ay maaaring tuwirang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos. Tinataglay natin ang pangalan ng Panginoon sa ating mga sarili bilang mga indibiduwal. Tinataglay din natin ang Kanyang pangalan bilang isang grupo ng tao. Ang pagiging masigasig sa paggamit ng tamang pangalan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang mahalagang paraan na tinataglay natin bilang isang grupo ng mga tao ang Kanyang pangalan. Tunay ngang ang bawat mapagkawanggawang pagkilos ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga miyembro nito ay pagpapakita ng hesed ng Diyos.
Bakit ikinalat ang Israel? Dahil nilabag ng mga tao ang mga kautusan at pinagpapatay nila ang mga propeta gamit ang mga bato. Ang mapagmahal ngunit nagdadalamhating Ama ay tumugon sa pamamagitan ng pagkalat sa Israel kung saan-saan.11
Gayunpaman, ikinalat Niya sila na may pangakong balang-araw ay muling titipunin ang Israel sa Kanyang kawan.
Ang lipi ni Juda ay binigyan ng responsibilidad na ihanda ang mundo para sa unang pagparito ng Panginoon. Mula sa liping iyon, si Maria ay tinawag na maging ina ng Anak ng Diyos.
Ang lipi ni Jose, sa pamamagitan ng mga anak nila ni Asenath na sina Ephraim at Manases (tingnan sa Genesis 41:50–52; 46:20) ay binigyan ng responsibilidad na mamuno sa pagtitipon ng Israel, upang maihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Sa gayong walang hanggang ugnayan ng hesed, likas lamang na nais ng Diyos na tipunin ang Israel. Siya ang ating Ama sa Langit! Nais Niyang marinig ng bawat isa sa Kanyang mga anak—sa magkabilang panig ng tabing—ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Isang Landas ng Pagmamahal
Ang landas ng tipan ay isang landas ng pagmamahal—ang kamangha-manghang hesed, ang mahabaging pangangalaga at pagtulong na iyon sa isa’t isa. Ang pagdama sa pagmamahal na iyon ay nagpapalaya at nagpapasigla. Ang pinakamatinding kagalakang mararanasan ninyo ay kapag napuspos kayo ng pagmamahal para sa Diyos at sa lahat ng Kanyang mga anak.
Ang pagmamahal sa Diyos nang higit kaysa sa sinuman o anuman ang kundisyon na naghahatid ng tunay na kapayapaan, kapanatagan, kumpiyansa, at kagalakan.
Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos—sa ating ugnayan ng hesed sa Kanya. Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nakipagtipan tayo sa Kanya na palaging tutupad sa Kanyang salita. Gagawin Niya ang lahat ng makakaya Niya, nang hindi nilalabag ang ating kalayaang pumili, upang matulungan tayong mapanatili ang sa atin.
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula at nagtatapos sa pagtukoy sa walang hanggang tipang ito. Mula sa pahina ng pamagat nito hanggang sa pangwakas na patotoo nina Mormon at Moroni, binabanggit ng Aklat ni Mormon ang tipan (tingnan sa Mormon 5:20; 9:37). “Ang pagdating ng Aklat ni Mormon ay palatandaan sa buong mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa Niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.”12
Mahal kong mga kapatid, tinawag tayo sa mahalagang panahong ito sa kasaysayan ng mundo upang ituro sa mundo ang tungkol sa kagandahan at kapangyarihan ng walang hanggang tipan. Ang ating Ama sa Langit ay nagtitiwala sa atin nang lubusan na gawin ang dakilang gawaing ito.
Ang mensaheng ito ay ibinigay rin sa pulong ng mga lider sa pangkalahatang kumperensya noong Marso 31, 2022.