Mensahe Ng Area Presidency
Ang Himala ng Kampanya para sa 4600
“Ang tahanang nakasentro sa ebanghelyo, na itinatag ng mabubuting magulang, ang pinakamagandang lugar para magsimulang magkaroon ng patotoo ang bagong henerasyon.”
Masaya ang puso ko na malaman na maraming kabataan at mga Young Single Adult ang tumugon sa aming hamon na maging bahagi ng 4600 mga missionary. Nagpapasalamat ako sa mga magulang ng mga missionary na ito. Salamat sa pagpapalaki sa kanila sa ebanghelyo at na ipinagkatiwala ninyo sila sa Panginoon sa loob ng dalawang taon o labingwalong buwan habang sila ay nasa mission field. Nabigyang-inspirasyon din ako ng marami na tumugon sa tawag na maglingkod nang walang malakas na suporta sa tahanan. Kagila-gilalas ang mahal na mga kabataang ito!
Ang kampanyang “I WILL GO, I WILL SERVE” ng area presidency para makahanap ng 4600 mga missionary ay malaking tagumpay. Noong Mayo 2021, matapos mapauwi ang lahat ng mga dayuhang missionary dahil sa pandemya, tumugon tayo sa pamamagitan ng pag-imbita sa bagong henerasyon ng mga Pilipinong Banal na humayo at maglingkod. Nagtakda kami na magkakaroon ng 4600 mga missionary application pagsapit ng Disyembre 2022. Sa ngayon, mayroon tayong 3,695 na mga missionary sa field, at umaasa kami na marami pang madaragdag sa pagtatapos ng taon.
Bagaman ang puwersa ng mga missionary ay nangalahati dahil sa pandemya, ang bilang ng mga binyag ay halos naging doble kumpara sa bilang noong bago magpandemya. Bukod sa aktuwal na mga binyag, nadagdagan din ang mga paghahanap at bilang ng itinurong mga lesson.
Itong himala ng 4600 mga missionary ay dahil na rin sa imbitasyon ni Pangulong Russell M. Nelson at ng kanyang asawang si Sister Wendy W. Nelson, sa pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan noong Hunyo 3, 2018. Inanyayahan ng propeta ang lahat ng kabataan sa Simbahan na “magpatala sa kabataang batalyon ng Panginoon” at makibahagi sa “pinakamalaking hamon, at pinakadakilang gawain sa mundo.”
Sa paglalakbay ko sa Pilipinas, hanga talaga ako sa kalakasan ng Simbahan at ng pananampalataya ng mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw. Sa lahat ng mga priesthood leader, salamat sa inyong walang-sawang paglilingkod sa Simbahan. Pinasasalamatan din namin ang mga lider ng mga organisasyon sa inyong inspiradong pamumuno sa pag-akay sa maraming kabataan na piliing magmisyon.
Pero ang impluwensya ng mabuting lider ng simbahan ay kalahati lamang ng equation. Ang tahanang nakasentro sa ebanghelyo, na itinatag ng mabubuting magulang, ang pinakamagandang lugar para magsimulang magkaroon ng patotoo ang bagong henerasyon. Sa D at T 68:25, inutusan ng Panginoon ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, “na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay…”
Magandang halimbawa nito sina Christopher at Melita Baliton na taga Asingan, Pangasinan, na may pitong anak. Sumapi sila sa Simbahan noong 2012 kasama ang kanilang tatlong pinakamatatandang anak at ang apat na maliliit pa ay bininyagan noong mag-8 taong gulang sila. Ibinuklod sila sa buhay na ito at sa walang-hanggang sa Manila Temple noong 2013.
Kamakailan, nakabisita ako sa magandang tahanan ng pamilya Baliton at nalaman ko na namatay si Brother Christopher noong 2020. Ang responsibilidad na ipagpatuloy ang hanapbuhay nila na pagtitinda ng pagkain ay napunta kay Sister Melita, sa tulong ng kanyang mga anak, lalo na ni Christian Adam, na kanilang pangatlong anak.
Nang sabihin ni Adam na gusto niyang magmisyon at mapabilang sa 4600, nag-alala siya sa pag-alis niya dahil alam niyang sa kanya umaasa ang nanay niya bilang runner at delivery boy ng kanilang food cart business. Nadama namin ang malaking pananampalataya ni Melita nang sabihin niyang “tiniyak ko sa kanya na magiging ayos lang kami, nariyan ang mga kapatid niya na tutulong sa akin.”
Sinabi rin ni Sister Baliton na pangarap noon ng yumao niyang asawa na makapagmisyon si Adam. Sinabi pa niya na, “Bukod sa pagtulong sa aming mga kapatid na hindi pa alam ang tungkol sa totoong ebanghelyo ni Jesucristo, gusto ko talagang maging impluwensya ang halimbawa ni Elder Baliton sa mga nakababata niyang kapatid para sila rin ay maging mga full-time missionary.” Si Elder Baliton ay matapat ngayong naglilingkod sa Philippines Iloilo Mission at masaya kaming makilala siya nang personal nang bumisita kami sa mission.
Salamat sa lahat ng mga magulang sa Simbahan sa paghahanda sa inyong mga anak na makasama sa batalyon ng mga kabataan ng Panginoon. Tulad ng mga ina ng 2,000 mga kabataang mandirigma, nawa palagi nating turuan ang ating mga anak na huwag magduda sa Panginoon upang sila ay makahayo at maglingkod.
Ang mga magulang at mga lider ng simbahan ay may mahalagang papel sa paghubog sa ating mga anak at kabataan na maging magigiting na missionary.
Maraming sakripisyong ginagawa ang mga missionary kapag naglilingkod sila. Ang pag-aaral at karera nila ay isinasantabi, nangungulila sila sa kanilang mga pamilya at kaibigan, at ang ilan ay dumaranas pa ng malalaking pagsubok at hamon. Ang ilang sakripisyo ay hindi ganoon kalaki, pero makabuluhan pa rin. Hayaang ikuwento ko si Sister Kyla Erin de Dios mula sa Mintal, Davao.
Si Sister de Dios ay 19 anyos. Una ko siyang nakilala noong Pebrero 2022, at dahil Koreano ako, sinabi niya na tagahanga siya ng BTS. Siya ay naging BTS army noong 2017, dahil naganyak, nahikayat, at napanatag siya ng kanilang mga awitin. Nagkaroon pa siya ng twitter account na may mahigit 2,000 followers na dedikado sa pagsuporta sa BTS.
Nang makita ko siyang muli kamakailan, binanggit ko ang BTS pero iba na ang reaksiyon ni Sister Kyla. Sinabi niyang naghahanda na siya para sa misyon at kasama na sa batalyon ng Panginoon, hindi na siya BTS army, pero malapit nang mapabilang sa hukbo ng Panginoon. Isinumite na niya ang kanyang papeles sa mission at nasasabik na sa pagdating ng kanyang mission call.
Ano ang naging sanhi ng malaking pagbabago ng kanyang puso? Ang nagpasimula ng kanyang paghahanda ay ang kanyang karanasan sa FSY. Sinabi niya na, “Noon pa man ay gusto ko nang maging Lingkod ng Panginoon, kahit noon pa sa Primary. Natanto ko kung paano talaga pinagpapala sa espirituwal ang isang tao kapag tumalikod sa mga bagay ng mundo. Sa FSY natuto akong ‘Magpokus sa kung ano ang itinatayo mo, hindi sa kung ano ang iiwanan mo.’ Kapag sinimulan nating magpokus sa pagbuo ng ating ugnayan sa Panginoon, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagsunod sa mga kautusan, tayo ay nagiging batalyon ng Panginoon. Magiging handa talaga tayo sa pakikipagdigmaan para sa Panginoon.”
Gusto pa rin ni Sister de Dios ang BTS, pero mas mahal niya ang Panginoon. Mahal kong mga batang kapatid, mayroon ba sa buhay ninyo na inuuna ninyo kaysa sa ugnayan ninyo sa Panginoon? Hinihikayat ko kayong suriin ang inyong prayoridad at tiyakin na nakatuon kayo sa mga bagay na pinakamahalaga na makabuluhan sa walang hanggan.
Isasara ko ang mensahe ko sa mga salita ng mahal nating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson:
“Minamahal kong pambihirang mga kabataan, isinugo kayo sa mundo sa mismong panahon na ito—ang pinakamahalagang panahon sa kasaysayan ng mundo—para tipunin ang Israel… Walang ibang nangyayari sa mundong ito ngayon na mas mahalaga kaysa riyan. … Ito ang misyon kung saan kayo isinugo sa mundo. Iniimbita ko kayong manindigang kasama ng mga kabataan sa buong mundo at maranasan ang kasiyahan ng pagiging miyembro ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon.”