Lumapit kay Cristo, Hahayo Ako, Maglilingkod Ako: Isang “Mataas na Pananaw para Maglingkod”
“Ang mga Pilipinong Banal ay may liwanag sa buong mundo sa pagsagot sa panawagan na maglingkod sa full-time mission. … [Ngunit] ang paglapit kay Cristo at pagpunta sa templo ay hindi mapaghihiwalay. Ito ang nais naming itanim sa isipan ng mga kabataan habang naghahanda silang humayo at maglingkod.”
Ang panawagan tungo sa mas “mataas na pananaw para maglingkod” ay ipinalabas ni Elder Steven R. Bangerter, Philippines Area President, sa katatapos na “I Will Go, I Will Serve” fireside na ginanap sa Lahug, Cebu City, noong Nobyembre 20, 2022.
Ang kampanyang “I Will Go, I Will Serve” ay inilunsad ng Philippines Area Presidency noong May 2021 para ang bilang ng mga Pilipinong missionary ay umabot sa 4600 pagsapit ng Disyembre 2022. Simula noon, halos 3,200 mga Pilipinong missionary na ang sumali sa batalyon ng mga kabataan.
Pinuri ni Elder Bangerter ang mga lider ng Simbahan at mga miyembro sa pagsisikap nilang maihanda ang mga kabataan. At hinikayat niya ang mga Banal na “mas magtuon, nang mas lubusan, mas taimtim sa kung paano [kayo] mas makakalapit kay Cristo sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo.”
At ipinakilala niya ang bagong tema — “Lumapit kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako” — kasabay ng bagong logo na naglalarawan sa templo na may mga kabataan na pumapasok dito.
Idinagdag pa ni Elder Bangerter: “Hindi natin dapat tingnan ang templo at ang pagtanggap ng mga ordenansa at tipan sa templo bilang isang kahon o box na lalagyan ng tsek patungo sa pagpunta sa full-time mission. Ang ating pokus sa paglapit kay Cristo ang dahila para makilala natin ang mahalagang papel ng templo sa paghahatid sa atin sa Kanya.”
Sa pagsasalita tungkol sa landas ng tipan, idinagdag ni Elder Carlos G. Revillo Jr., Philippines Area Presidency Second Counselor na, “Kung paanong ang pagsunod sa landas ng tipan ay palagian at habambuhay na proseso, gayundin ang pag-alam tungkol sa landas ng tipan.”
Binigyang-diin ni Elder Yoon Hwan Choi, First Counselor ng Philippines Area Presidency, na ang “tahanang nakasentro sa ebanghelyo, na itinatag ng mabubuting magulang, ang pinakamagandang lugar para magsimulang magkaroon ng patotoo ang bagong henerasyon.”
Kasunod ng fireside, narito ang ibinahagi ng mga Pilipinong Banal:
“Napalalim ng brodkast na ito ang pang-unawa ko sa kahalagahan ng gawaing misyonero! Bilang isang taong nais mapabilang sa hukbo ng Panginoon, natanto ko na ang hangarin kong maglingkod ay dapat habambuhay na gawin.”
June Darlene, Mandaue Philippines Stake
“Bilang mga lider ng Simbahan, hindi lamang natin inihahanda ang mga kabataan na magmisyon; tinutulungan natin silang maging mga lider sa hinaharap sa pagtulong sa kanila na manatili sa landas ng tipan.”
Renz Adlaon, Iligan Philippines Stake
“Ang mga missionary na nakauunawa sa kahalagahan ng mga tipan ay mas malamang na turuan ang mga tao na gumawa at tuparin din ang mga tipan. Ang anak ko, na missionary ngayon, ay nagbahagi kung paano nakatulong ang dagdag na pananaw na ito sa kanila para maihanda ang 3 pamilya na mabuklod sa templo.”
Ma. Tria Joy Paguio, Dasmarinas Philippines Stake
“Napaalalahanan ako sa patuloy na pagdalo sa templo at pagiging missionary kahit tapos na akong maglingkod. Habang pinapanood ang brodkast, nadama ko na dapat kong i-text ang isa sa mga estudyante ko sa Missionary Preparation class para tapusin ang kurso at magmisyon. Ang sarap ng pakiramdam ng maging parang missionary ulit!”
Jhan-Jhan Agustin, Camiling Philippines Stake
“Ipinagmamalaki ko na isa ako sa 4600! Ipinaalala sa akin ng brodkast ang layunin ko bilang isa sa mga magiging missionary ng Diyos. Hindi madali ang gawaing ito, pero alam kong tutulungan Niya akong magtagumpay.”
Ellen Grace Bangos, Iligan Philippines Stake
Panoorin ang buong fireside broadcast sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng Simbahan.