Welcome sa Isyung Ito
Pag-anyaya sa Espiritu sa Ating Buhay
Ang Huling Hapunan ay higit pa sa pagkain para sa mga Apostol; ito ay isang himala at sagradong sandali na makasama ang Panginoon. Ang mga panalangin sa sakramento ay naghahatid ng gayon ding himala sa atin dahil pinagpapala tayo nito na makasama natin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Paano natin madarama na malapit tayo sa presensya ng Tagapagligtas tulad ng mga Apostol?
Sa kanyang artikulo sa pahina 4, ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar na “ang ating sagradong responsibilidad ay magkaroon ng mga banal na gawi na nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon na makasama natin sa lahat ng oras.” Ang pagsunod sa payo sa kanyang artikulo ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mga banal na gawi na, bagama’t maliit ang mga ito, ay maglalapit sa atin kay Jesucristo.
Sa pahina 40, ibinahagi ko ang aking karanasan sa pagkawala ng aking asawa, na nagkasakit habang nakatira kami sa Europe East Area. Bagama’t mahirap na panahon ito para sa akin, iyon ang karanasang naisip ko habang nag-iisip ako nang mabuti kung paano maibabahagi ang himala ng pagdanas ng awa ng Tagapagligtas sa di-inaasahang mga paraan.
Napakalaking himala ang madama ang presensya ng Panginoon sa ating mga sandali ng pag-iisa, pagsubok, at kahinaan. Maaari nating piliing magkaroon ng mga banal na gawi na mag-aanyaya sa Espiritu sa ating buhay. Dalangin ko na hangarin natin ang lakas at patnubay na handang ipagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng banal na kaloob na Espiritu Santo.
Taos-pusong sumasainyo,
Pangulong Susan H. Porter
Primary General President