2023
“Ang mga Sagot sa Lahat ng Problema Mo ay Nasa Aklat na Ito”
Hunyo 2023


Digital Lamang

“Ang mga Sagot sa Lahat ng Problema Mo ay Nasa Aklat na Ito”

Ang awtor ay naninirahan sa Canada.

Napapalayo na ako sa Simbahan ng Panginoon. Sa isang sinabi ng kapatid kong lalaki, nagsimulang magbago ang lahat.

mga banal na kasulatan na nakabukas sa tabi ng isang larawan ni Cristo

Lumaki ako sa Simbahan sa isang tahanang may pagmamahalan. Subalit nang maging tinedyer na ako, nagsimula akong mapalayo sa ebanghelyo. Halos tuwing Linggo ay nagsimba pa rin ako. Naniwala ako sa itinuturo, pero hindi sapat ang katapatan ko para ipamuhay ang ebanghelyo.

Nang umuwi ang kuya ko mula sa kanyang misyon, nakita niya na mali ang direksyong tinatahak ko. Pumasok siya sa kuwarto ko isang gabi at sinubukan akong kausapin. Pero hindi talaga ako interesado. Sa huli ay sinabi niya, “Lahat ng sagot sa lahat ng problema mo ay nasa aklat na ito,” at inilagay niya ang Aklat ni Mormon sa ibabaw ng kama ko. Pagkatapos ay umalis na siya. Pagkaraan ng ilang minuto, sinabi ko sa sarili ko sa nanunuyang boses, “Lahat ng sagot sa lahat ng problema mo ay nasa aklat na ito.”

“OK,” naisip ko, “tingnan natin.”

Binuklat ko ang Aklat ni Mormon at ang unang talatang nakita ko ay ang Alma 29:13, na nagsasabing, “Oo, at ang Diyos ding yaon ay nagtatag ng kanyang simbahan sa kanila; oo, at ang Diyos ding yaon ay tinawag ako sa isang banal na tungkulin, ang ipangaral ang salita sa mga taong ito, at pinagkalooban ako ng malaking tagumpay, kung saan ang aking kagalakan ay nalubos.” Nadama ko rin ang nadama ni Joseph Smith nang sabihin niyang, “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12).

Napakalakas ng Espiritu, at nabatid ko na pinatnubayan ako ng Panginoon. Agad akong naghanap ng pulang lapis, sa takot na baka mawala ko ang talatang ito sa banal na kasulatan at hindi ko na ito makitang muli. Muli ko itong binasa, na sinisikap na unawain ang kahulugan nito para sa akin. Naunawaan ko na dapat akong magmisyon, na magtatagumpay ako, at magiging masaya ako sa paggawa nito.

Sa takot na baka magbago ang isip ko o magduda ako sa pahiwatig, mabilis akong sumakay sa kotse ko at nagpunta sa pizza shop ng tatay ko para hingin ang kanyang suporta, na agad niyang ibinigay. Pagkatapos ay nagpunta ako sa bahay ng bishop ko at tinanong kung ano ang kailangan kong gawin para makapagmisyon. Hindi nagtagal, natanggap ko ang tawag na maglingkod sa Philippines Manila Mission. Ang nangyari, naging masaya at nagtagumpay ako

Simula noon, hindi na naging katulad ng dati ang buhay ko. Hindi ko tiyak kung saan ako mapupunta o ano ang gagawin ko kung hindi pumasok ang kuya ko sa kuwarto ko noong gabing iyon, pero sigurado akong mali ang direksyon ng buhay ko. Talagang iniligtas ng Aklat ni Mormon ang buhay ko. Alam ko na alam ng Panginoon ang nangyayari sa atin at nais tayong tulungan kung magsisikap tayo at ipapakita natin na interesado tayo sa Kanya.