2023
Na sa Tuwina ay Aalalahanin Natin Siya
Hunyo 2023


“Na sa Tuwina ay Aalalahanin Natin Siya,” Liahona, Hunyo 2023.

Na sa Tuwina ay Aalalahanin Natin Siya

Pinatototohanan ko na ang nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nagpapala sa atin kapag karapat-dapat tayong tumatanggap ng sakramento at sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

placeholder altText

Larawang kuha ni Jerry Garns

Matapos magtipon ang Tagapagligtas at ang Labindalawang Apostol para sa kanilang huling hapunan, sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa” (Lucas 22:15).

Kasama ang labing-isa sa Labindalawa, hindi nagtagal ay lumisan si Jesus papunta sa Halamanan ng Getsemani at inako sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan. Tiniis din Niya ang pakunwaring paglilitis at pinilit Siyang pasanin ang Kanyang krus patungong Golgota. Pero bago ang Kanyang matinding pagdurusa sa halamanan at sa krus, inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo para sa bawat hamon at paghihirap na dadalhin ng bawat isa sa kanila sa huli.

“Habang sila’y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, ‘Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.’

“At kumuha siya ng isang saro, at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, ‘Uminom kayong lahat nito;

“Sapagkat ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan’” (Mateo 26:26–28).

Pagkatapos, sa isa sa Kanyang mga huling turo sa mortalidad, ipinaliwanag Niya:

“Makakabuti sa inyo na ako’y umalis, sapagkat kung hindi ako aalis, ang Mang-aaliw ay hindi darating sa inyo. Ngunit kung ako’y umalis, siya’y susuguin ko sa inyo. …

“Subalit kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat hindi siya magsasalita nang mula sa kanyang sarili, kundi ang anumang bagay na kanyang marinig, iyon ang kanyang sasabihin at kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating” (Juan 16:7, 13).

pinagpuputul-putol ni Jesus ang tinapay

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Simon Dewey

“Kaylaking pagpapala!”

Sa isang mission leadership seminar kamakailan, matapos tumanggap ng sakramento, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Naisip ko na ang paggawa ng tipan ngayon ay mas mahalaga kaysa sa mensaheng inihanda ko. Gumawa ako ng tipan nang makibahagi ako ng sakramento na magiging handa akong tanggapin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo at magiging handa akong sundin ang Kanyang mga kautusan. Madalas, naririnig ko ang pahayag na nakikibahagi tayo ng sakramento para magpanibago ng mga tipang ginawa sa binyag. Bagama’t totoo iyon, ito ay higit pa roon. Gumawa ako ng bagong tipan. Gumawa kayo ng mga bagong tipan. … Ngayon bilang kapalit nito ay ipinapahayag [ng Panginoon] na palagi nating makakasama ang Kanyang Espiritu. Kaylaking pagpapala!”1

Sa mga panalangin sa sakramento, hinihiling ng mga maytaglay ng priesthood sa Ama na “basbasan at gawing banal” ang tinapay at tubig, upang tayo ay makakain at makainom “bilang pag-alaala” sa katawan at sa dugo ng Kanyang Anak. Bawat isa sa atin ay nagpapatotoo na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak. Kumikilos tayo ayon dito at pinalalakas ang patotoong iyan sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.)

Para sa mga disipulo ng Panginoon sa mga huling araw, ang ordenansa ng sakramento ay nangangailangan ng higit pa sa inuulit at karaniwang pakikibahagi at kaswal na katapatan.

mga taong tumatanggap ng tubig ng sakramento

Larawang kuha ni Robert Casey

“Personal nating pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” sabi ni Pangulong Nelson. “Iniisip nating mabuti ang kabuluhan ng Kanyang paghihirap sa Getsemani at ng Kanyang Pagkakapako sa Krus sa Calvario. Sa oras na ito bawat isa sa atin ay dapat ‘siyasatin ang kaniyang sarili’ (I Taga Corinto 11:28) at isiping mabuti ang mga personal na tipang ginawa sa Panginoon. Sa oras na ito pakaisipin natin ang mga sagradong bagay na ukol sa Diyos.”2

Ang pagkain at pag-inom ng mga sagisag ng sakramento ay hindi nagpapatawad sa mga kasalanan. Pero kapag tayo ay mapanalangin at taos-pusong naghahanda at karapat-dapat na nakikibahagi sa ordenansa, sinusuri natin ang ating mga kilos at hangarin ng ating puso at tinatanggap ang paanyaya ng Panginoon na magsisi (tingnan sa Moises 5:8). Kapag nag-aalay tayo ng sakripisyong hinihingi Niya—isang bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:20)—pinapangakuan tayo na sa tuwina ay mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. At sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo na palaging pumapatnubay sa atin, matatamo natin at mapapanatili sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Moroni 6:4).

Ang ating sagradong responsibilidad ay magkaroon ng mga banal na gawi na nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon na makasama natin sa lahat ng oras—mga gawi tulad ng pagtupad sa mga tipan, pagsunod sa mga kautusan, pagsisisi, pagpapatawad, pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at pagsamba sa tahanan, simbahan, at sa templo.

Ipinakita ng mga disipulo ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon ang isa pang banal na gawi: “Sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila” (3 Nephi 19:9).

si Jesus na nagdarasal

[Our Light] Ang Ating Liwanag, ni Dan Wilson

Ang Susi sa Pag-alaala

Tulad ng mga disipulo noong unang panahon, maaari rin tayong manalangin nang taimtim at palagi para sa Espiritu Santo at sa mga pagpapalang may kaugnayan sa Kanya. Ipinangako ng Tagapagligtas: “Ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo …, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo” (Juan 14:26; idinagdag ang diin).

Ang mahalaga, ang patnubay ng Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na laging alalahanin si Jesucristo—ang Kanyang sakripisyo, ang Kanyang ebanghelyo, ang Kanyang mga pangako sa atin, ang Kanyang pagmamahal para sa atin, at ang mga tipang dinadala natin patungo sa Kanya at na kasama Siya.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Ang susi sa pag-alaala na nagdudulot at nagpapanatili ng patotoo ay ang pagtanggap sa Espiritu Santo bilang kasama. Ang Espiritu Santo ang tumutulong para makita natin ang nagawa ng Diyos para sa atin. Ang Espiritu Santo ang makakatulong sa mga pinaglilingkuran natin na makita kung ano ang nagawa ng Diyos para sa kanila. …

“Ang Espiritu Santo ang siyang nagpapatotoo na si Jesucristo ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit na nagmamahal sa atin at nagnanais na magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan na kasama Niya nang sama-sama bilang mga pamilya.”3

At ang Espiritu Santo ang tumutulong sa atin na espirituwal na sumulong sa mundong nagdidilim. Sa panahong ito ng mga virus at bakuna, hindi lamang ang pisikal na sakit ang banta sa atin.

“Ang mga espirituwal na sakit na parang epidemya ay lumalaganap sa buong mundo. Hindi natin sila kayang pigilan. Ngunit mahahadlangan natin ang ating mga kabataan [at ang ating sarili] na mahawahan ng mga ito,” pagtuturo ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang dagdag na kaalaman at patotoo sa ebanghelyo, pati na ang patnubay ng Espiritu Santo, dagdag pa niya, ay parang bakuna na mag-i-inoculate o poprotekta sa atin laban sa kasamaan at panlilinlang.

“[Ang ibig sabin ng] In ay ‘magkaroon o makapasok’ at ang oculate ay nangangahulugang ‘mata upang makakita,’” sabi ni Pangulong Packer. “Naglalagay tayo ng mata sa loob [natin]—ang hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:26].”4

Ang matang iyon ang papatnubay, aalo, at poprotekta sa atin. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, ang patnubay ng Espiritu ay maaari at dapat patuloy at hindi isang bihirang pangyayari. Tutal, ang pangako sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon ay na “sa tuwina ay mapa[pa]saatin ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77; idinagdag ang diin).

Mga Ipinangakong Pagpapala

Ang pag-alaala sa nagawa ng Panginoon para sa atin, ang pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento, at makasama palagi ang Kanyang Espiritu ay tunay na kagila-gilalas na mga pagpapala. Pinatototohanan ko na ang mga ipinangakong pagpapala ay dadaloy sa ating buhay kapag naghahanda at karapat-dapat tayong nakikibahagi sa sakramento bawat linggo at sa gayo’y mapapalakas ang ating ugnayan sa tipan sa Tagapagligtas.”

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, sa Dale G. Renlund, “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 25, tala 18.

  2. Russell M. Nelson, “Pagsamba sa Sacrament Meeting,” Liahona, Ago. 2004, 14.

  3. Henry B. Eyring, “O Pakatandaan, Pakatandaan,” Liahona, Nob. 2007, 68.

  4. Boyd K. Packer, “The One Pure Defense,” Religious Educator, tomo 5, blg. 2 (2004), 9.