2023
Jerusalem Noong Panahon ni Jesus
Hunyo 2023


Konteksto ng Bagong Tipan

Jerusalem Noong Panahon ni Jesus

Alamin ang iba pa tungkol sa lungsod na nagkaroon ng mahalagang papel sa ministeryo ng Tagapagligtas.

si Jesucristo na nakatingin sa Jerusalem

Christ Laments over Jerusalem [Nanaghoy si Cristo sa Jerusalem], ni Gary Smith

Ang lungsod ng Jerusalem ay mahalaga sa buhay ng mga Judio noong unang siglo at pinangyarihan ng ilan sa pinakamahahalagang kaganapan sa buhay at ministeryo ni Jesucristo.

Halimbawa, nakatala sa Mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan na madalas bisitahin ni Jesus ang Jerusalem para ipagdiwang ang mga kapistahan ng pagpasok ng mga Judio sa templo (kung saan madalas Siyang magturo sa mga patyo sa labas)1 at na ginugol Niya ang huling linggo ng Kanyang mortal na buhay sa lungsod habang naghahanda para sa isang pagdiriwang ng Paskua.2 Sa lugar na iyon, ibinigay ni Jesus ang Kanyang mga huling mensahe sa publiko, nakipagtalo sa mga lokal na awtoridad, idinaos ang Kanyang Huling Hapunan kasama ang mga disipulo, naghirap at nanalangin sa Getsemani, at dumanas ng mga pagsubok, pang-aabuso, at pagpapako sa krus na sa huli ay humantong sa Kanyang kamatayan, libing, at pagkabuhay na muli.

Dahil sa Jerusalem nangyari ang mahahalagang kaganapang ito sa buhay at misyon ni Jesus, ang pag-unawa sa tanawin ng lungsod noong mga unang panahon ng Roma ay maaaring lubhang magbigay-liwanag sa ating pagbabasa ng mga salaysay sa Ebanghelyo.

Ang Lungsod sa Ilalim ng Pamumuno ni Haring Herodes at ng Kanyang mga Kahalili

Ang Jerusalem na alam ni Jesus ay may kaunting pagkakahawig sa lungsod na binibisita ng mga turista sa makabagong panahon, pero ang mga nakasulat sa mga banal na kasulatan, pinagkunan ng kasaysayan, at paghuhukay ng mga arkeologo ay nagtutulot sa isang kamangha-manghang pagtatayong muli ng mga tampok noong unang siglo ng Jerusalem.3

Hindi tulad ng nayon ng Galilea kung saan ginugol ni Jesus ang halos buong ministeryo Niya,4 ang Jerusalem ay isang mayaman at kahanga-hangang lungsod na ipinaayos kamakailan ni Haring Herodes at ng kanyang mga kahalili para ipakita ang mga pinakabagong pamantayan sa konstruksyon, teknolohiya, at pasilidad ng mga Romano. Kabilang dito:

  • Ang napakalaking Temple Mount, kung saan maaaring sambahin sa templo ng mga manlalakbay na Judio mula sa buong Mediterranea ang Diyos ng Israel. Si Jesus, mangyari pa, ay nagpunta rin sa templo nang bumisita Siya sa Jerusalem.5

  • Ang sunud-sunod na mga pader at muog (tulad ng Antonia Fortress) na nagprotekta sa lungsod.

  • Ang mga institusyong panlibangan, tulad ng teatro at hippodrome.

  • Isang aqueduct system na naghahatid ng tubig sa loob ng lungsod para suplayan ang lumalaking pangangailangan ng mga naninirahan doon at ang regular na pagdagsa ng mga bisita.

  • Ilang pool—tulad ng Pool of Bethesda sa hilaga at ng Pool of Siloam sa timog—para sa ritwal na paglusong ng mga manlalakbay na Judio na regular na nagpupunta sa lungsod para ipagdiwang ang mga kapistahang nakasaad sa Torah. Dinalaw ni Jesus mismo ang mga pool na ito.6

Ang Mababang Lungsod at Mataas na Lungsod

Ang pinakaluma at naglalahong bahagi ng Jerusalem sa panahong ito ay ang Mababang Lungsod, na nasa timog lamang ng Temple Mount. Naroon ang mga mataong palengke, masisikip na kalsada, mga hostel, at kumpul-kumpol na mga bahay ng mahihirap, gayundin ang mas malalaking tirahan para sa ilan sa mas kilalang mga residente ng lungsod.

Nasa kanluran ang Mataas na Lungsod—ang pinakamataas at pinakamayamang bahagi ng Jerusalem. Dito itinayo ni Herodes ang kanyang napakarangyang mansiyon (na may nakakabit na bahay sa magkabilang panig, pasyalang mga hardin, at mga pool), at hinangad ng mayayamang tao sa Judea na tularan ang pagkamaharlika ng mga Romano.

Tumira ang mayayamang pamilyang ito, na kinabibilangan ng mga saserdoteng nangasiwa sa templo ng Jerusalem, sa malalaking bahay sa lungsod na napapalamutian ng estilong Pompeian na mga painting sa pader, mga mosaic na sahig na may mga disenyong bulaklak at linya, at magagandang hardin. Kumain din sila nang estilong Romanong triclinia (mga silid para sa paghiga sa mga sopa sa mga oras ng piging) na may masasarap na putahe at imported na lutuin.

Mga Huling Araw ni Jesus sa Jerusalem

Dahil karamihan sa mga aristokratang pamumuhay na ito ay suportado ng mga ikapung ibinigay sa pamilya ng mga saserdote at mula sa pera ng templo sa Jerusalem, hayagang kinondena ni Jesucristo ang mayayaman sa lungsod dahil sa pananamantala nila sa mga maralita, sa pagyayabang nila sa kanilang kayamanan at kapangyarihan, at sa pagtrato nila sa mas mahirap na lipunan ng mga Judio.7

Ang kaguluhan sa aristokratiko sa lugar ay humantong sa pagwawakas ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus, na nahayag sa buong Jerusalem.

Sa Kanyang huling gabi, ibinahagi ni Jesus ang Kanyang Huling Hapunan sa Kanyang mga disipulo sa isang lugar ng mga tirahan sa lungsod (na, sa kabila ng tradisyonal na lokasyon sa Western Hill, ay maaaring naganap sa isang disenteng bahay malapit sa Mababang Lungsod). Pagkatapos ay nagpahinga siya sa isang agrikultural na pasilidad sa labas ng mga pader ng lungsod sa Bundok ng mga Olibo na tinatawag na Getsemani, o “lugar ng pigaan ng langis,” kung saan Siya naghirap at dinakip. Pagkatapos ay nilitis siya ng mga lokal na awtoridad ng saserdote dahil sa paglapastangan. Ginawa ito sa isa sa mayayamang tahanan sa Mataas na Lungsod.

Kinaumagahan, muling nilitis si Jesus ng pinunong Romano na si Poncio Pilato (na malamang na nangyari sa palasyo na minsang inokupahan ni Haring Herodes). Pagkatapos ay napilitan si Jesus na pasanin ang Kanyang krus sa labas ng mga pader ng lungsod at hayagang ipinako sa krus sa lugar ng bitayan na tinatawag na Golgota, o “lugar ng bungo” (malamang na malapit sa isang iniwanang minahan ng mga bato sa hilagang kanlurang bahagi ng lungsod).8 Kasunod ng Kanyang pagkamatay, inilibing si Jesus ng Kanyang mga alagad sa isang kalapit na libingan. Dito nahimlay ang Kanyang katawan hanggang sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli sa ikatlong araw.9

Bagama’t maaaring hindi natin palaging alam ngayon nang may katiyakan ang eksaktong mga lugar na nauugnay sa huling linggo ni Jesus, ang pag-unawa sa mga pangunahing lugar at kaayusan ng lungsod ng Jerusalem noong unang siglo ay maaaring magbigay ng mahahalagang kabatiran sa ating pagbabasa ng mga salaysay sa Ebanghelyo, magbigay-buhay sa mga pangyayari sa mga huling araw ni Jesus, at tulungan tayong mas mapalapit sa Kanya kapag nadama natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-salang inilaan Niya sa Banal na Lungsod.