2023
Sa Miyerkules, Tawagin Siyang Oscar
Hunyo 2023


“Sa Miyerkules, Tawagin Siyang Oscar,” Liahona, Hunyo 2023.

Pagtanda nang May Katapatan

Sa Miyerkules, Tawagin Siyang Oscar

Sa kabila ng pagharap sa mga epekto ng edad at kanser, nakahanap si Ken ng makabuluhang paraan para mapaglingkuran ang kanyang mga kapitbahay.

lalaking naglilipat ng lalagyan ng basura

Iniipon ni Brother Williams ang mga lalagyan ng basura ng 28 kapitbahay niya. “Kailangan nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at gumawa ng mabuti sa mga tao,” sabi niya.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Tuwing Miyerkules, ang 81 taong gulang na si Ken Williams ay nagsusuot ng magkakaparehong kamiseta at sombrero. Parehong ipinapakita ng kamiseta at sumbrero ang kilalang karakter na si Oscar, na nakatira sa isang lalagyan ng basura. Ang Oscar na iyon ay kilalang masungit pero kaibig-ibig. Kilala lang si Ken bilang kaibig-ibig.

Naghihintay si Ken sa loob ng pintuan niya sa harapan at nakikinig. Hinihintay niya ang tunog ng trak ng basura. Mahalaga ang tunog kay Ken dahil siya ay talagang bulag. Isama pa diyan ang katotohanang 14 na taon na siyang sumailalim sa chemotherapy, pero handa pa rin siyang lumabas at tulungan ang kanyang mga kapitbahay—28 sa kanila, sa katunayan.

Kilala at mahal si Ken ng lahat ng kanyang kapitbahay sa pataas at pababa sa kalye. Siya ang lalaking nagdadala ng mga lalagyan ng basura.

Kapag Dumaraan ang Trak

“Nakikita namin na dumaraan ang trak ng basura,” sabi ng isang kapitbahay na si Laura Willes, “at ang susunod na nakikita namin ay si Ken na naglalakad sa bangketa gamit ang kanyang puting tungkod, at nagbabahay-bahay at hinihila ang mga lalagyan.”

“Pinananatili nitong maganda ang aming komunidad,” sabi ng asawa ni Ken na si De Ann. “Pero pinananatili rin nitong walang sagabal sa mga kalsada. Hindi ko alam kung makakadaan sa kalsada ang isang trak ng bumbero nang hindi nasasagi ang lahat ng lalagyan.”

Sabi ni Laura, ang pagbabantay ni Ken ay makapagbibigay rin ng katiyakan sa mga taong umaalis ng kanilang mga tahanan, “para hindi halata kapag walang tao sa bahay.”

Kaya paano nagagawa ni Ken na ilipat ang mga lalagyan habang naglalakad gamit ang isang tungkod? “Higit sa anupaman, ang tungkod ay para talaga maging matatag ako,” sabi niya, “at kapag nakasandig ako sa lalagyan ng basura, binibigyan din ako nito ng katatagan.” Sa tulong ng isang espesyal na contact lens, nakakakita siya nang sapat sa isang mata upang makita ang daraanan niya. Kapag may niyebe sa lupa, hindi siya pupunta kung saan siya maaaring madulas at bumagsak.

“Kung may araw na hindi niya makukuha ang mga lalagyan,” sabi ni De Ann, “sinasabihan ko ang mga kapitbahay.”

mag-asawa

Isang Lumalagong Papel

Hindi nagsimula si Ken sa pagkuha ng lahat ng lalagyan pataas at pababa sa kalye. Ito ay isang papel na unti-unti niyang natutuhan. “Pagkatapos dumaan ng trak ng basura, pupunta siya sa mga bahay sa paligid namin at itutulak ang mga lalagyan sa kalsada,” paliwanag ni De Ann. “Dahan-dahan itong dumami. Ginawa niya ito sa isa pang bahay at sa isa pa, hanggang sa maging ganito na ito ngayon.”

At ang palayaw na Oscar? “Nagmula iyan sa aming anak na si Collette,” sabi ni De Ann. “At ginamit ito ng mga tao.”

Nakipagkaibigan si Ken sa matatagal nang residente at mga bagong lipat, sa mga lolo’t lola, mga anak, at mga apo. “Nakakatuwa kung ilang tao ang nakakakilala sa kanya bilang Oscar,” sabi ni Laura.

“Nagpapakatotoo Lang Bilang Ken”

Bakit paulit-ulit na ginagawa ni Ken ang munting paglilingkod na ito? Napakalalim ng sagot niya. “Kailangan nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at gumawa ng mabuti sa mga tao. Iyon ang sinisikap kong gawin. Ipinaaalam nito sa kanila na may pagkakataon din silang gumawa ng mabuti sa ibang tao.”

Sa katunayan, ginugol ni Ken ang buong buhay niya sa pagtulong sa iba. Bilang consultant sa automotive business, nakipagtulungan siya sa mga dealership para mapabuti ang kanilang operasyon. Bilang miyembro ng Simbahan, tumanggap siya ng mga tungkulin at ibinahagi ang ebanghelyo, “hindi sa pangangaral sa aking kapwa kundi sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng kagalakang nagmumula sa pagsunod sa Tagapagligtas.”

Paggunita ni De Ann, “Noong nagpapa-chemo si Ken, sinabi sa akin ng mga nars at ng isa sa mga doktor na tinulungan niya ang maraming pasyente na makayanan ang kanilang chemo, at halos lahat ng ito ay dahil sa kanyang personalidad. Ni hindi niya alam na may ginagawa siyang espesyal; nagpapakatotoo lang siya bilang Ken.”

Si Ken ay nakikipaglaban pa rin sa apat na uri ng kanser, pero tumigil na siya sa pagpapa-chemo apat na taon na ang nakararaan. “Sabi ng oncologist, si Ken ay isang naglalakad na himala,” sabi ni De Ann.

Tuwing Miyerkules, makikita mo siya sa kanyang damit pang-Oscar, naghihintay na dumaan ang trak para matulungan niya ang kanyang mga kapitbahay. “Hindi lang ako basta nagpasiyang pumunta at dalhin ang mga basura,” sabi ni Ken. “Nagpasiya ako na isa iyon sa ilang bagay na magagawa ko pa rin. At hangga’t kaya kong maglingkod sa aking kapwa, patuloy akong maglilingkod.”

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.