“Paghahangad ng Kaloob na mga Wika,” Liahona, Hunyo 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Paghahangad ng Kaloob na mga Wika
Nagsikap ako nang husto sa aking misyon na matuto ng Ingles, ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mga wika ay hindi kaagad dumating.
Nang buksan ko ang aking mission call, natuwa ako na pupunta ako sa Ghana Accra Mission. Maglilingkod ako sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa wikang Ingles. Mula ako sa Democratic Republic of the Congo, kaya ang aking katutubong wika ay French.
Pagdating ko sa misyon, maaari kong batiin ang mga tao sa Ingles ngunit wala na akong iba pang masasabi. Alam ko na hindi iyon sapat para magampanan ko ang aking tungkulin bilang missionary.
Naisip ko ang Propetang Joseph Smith nang isalin niya ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”1 Naisip ko rin ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa “iba’t iba ng mga kaloob,” kabilang na ang “iba’t ibang mga wika” at “ang pagpapaliwanag ng mga wika” (1 Corinto 12:4, 10; tingnan din sa Mormon 9:7, 24).
Napuspos ako ng motibasyon na nagpadama sa akin na maaari kong hangarin ang kaloob na makapagsalita ng mga wika at matanggap ito. Para matanggap ang kaloob na iyon, nagpasiya akong magtakda ng ilang mithiin araw-araw:
-
Manalangin para sa kaloob na mga wika.
-
Masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Hangarin ang patnubay ng Espiritu.
-
Pakinggan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa Ingles.
-
Pag-aralan ang English grammar at key missionary vocabulary.
-
Palaging magsalita ng Ingles.
-
Kumanta ng mga himno sa Ingles.
Pinaghirapan ko nang husto ang aking mithiin. Gayunman, ang kaloob na makapagsalita ng mga wika ay hindi kaagad dumating. Ngunit makalipas ang ilang buwan, habang tinuturuan naming magkompanyon ang isa sa aming mga kaibigan, nakadama ako ng tiwala sa mga salitang sinambit ko. Naging mahirap ang una naming pakikipagkita sa aming kaibigan. Wala akong tiwala sa kakayahan kong magsalita ng Ingles, pero noong araw na iyon ay nagulat ang kaibigan namin.
“Elder Lono, saang bansa ka nagmula?” tanong niya sa akin.
“Galing ako sa DR Congo,’ sagot ko.
“Sigurado ka?” tanong nito.
“Oo!” sagot ko.
Hindi ko alam, pero naging matatas na ako sa Ingles kaya inakala ng kaibigan namin na katutubong wika ko ito. Nagpapasalamat ako na biniyayaan ako ng Panginoon ng kaloob na makapagsalita ng mga wika para maayos akong makapagsalita ng Ingles.
Alam ko na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak at bibiyayaan Niya tayo ng mga kaloob ng Espiritu kapag masigasig nating hinahangad ang mga ito nang may pananampalataya kay Jesucristo.