“Paano Natin Magagawang Maging Mas Makabuluhan ang Sakramento para sa Atin?,” Liahona, Hunyo 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano Natin Magagawang Maging Mas Makabuluhan ang Sakramento para sa Atin?
Sa mga kabanatang ito sa Bagong Tipan, mababasa natin ang tungkol sa pagpapasimula ng Panginoon ng sakramento:
“At siya’y dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, ‘Ito’y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.’
“Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, ‘Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo’” (Lucas 22:19–20).
Tatlong Tanong
Pagnilayan ang mga tanong na ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang naiisip ko kapag tumatanggap ako ng sakramento? Talaga bang nakatuon ako sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Nauunawaan ko ba ang laki ng Kanyang sakripisyo at ang kadakilaan ng aking hinaharap kapag tinataglay ko sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo at nagpapasiyang sundin ang Kanyang mga kautusan?’” (“Reflection and Resolution” [Debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 7, 1990], 6, speeches.byu.edu).
Tatlong Bagay na Dapat Unawain
Pag-isipan ang mga sumusunod na turo ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) tungkol sa tatlong bagay na dapat tandaan tungkol sa sakramento:
“Ang una ay ang pag-unawa sa sarili. Ito’y pagsusuri ng kaisipan at damdamin. ‘Gawin ito bilang pagalaala sa akin’ [Lucas 22:19], ngunit dapat marapat tayong makibahagi, suriin ang sarili na isinasaalang-alang ang kanyang pagiging marapat.
“Pangalawa, may pakikipagtipan; isang tipan na higit pa sa isang pangako. … Ang tipan, ang pangako, ay dapat maging sagrado tulad ng buhay. Ang alintunting iyan ay kasama tuwing Linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento.
“Pangatlo, may isa pang pagpapala, at iyan ay ang pagiging malapit sa Panginoon. May pagkakataong makipag-ugnayan sa sarili at sa Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 40–41).