“Paano Ko Makikilala ang Espiritu?,” Liahona, Hunyo 2023.
Paano Ko Makikilala at Mauunawaan ang Espiritu?
Para magabayan tayo sa pagkilala sa Espiritu, naglaan ang Panginoon ng maraming paglalarawan ng Espiritu Santo sa mga banal na kasulatan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Higit na mahalaga ngayon na malaman kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu.”1 Subalit marami pa rin ang napapaisip, paano ko makikilala ang Espiritu? Ito ay isang tanong na paulit-ulit na itinatanong sa akin bilang guro sa missionary training center, sa Seminaries and Institutes, at sa Brigham Young University. Mabuti na lang, sinagot ng Panginoong Jesucristo ang tanong na ito sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga makabagong propeta.
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto na “ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinuman, maliban kung nasa kanya ang Espiritu ng Diyos” (Joseph Smith Translation [sa .1 Mga Taga Corinto 2:11]). Dahil ang mga espirituwal na katotohanan ay hindi karaniwang nakikita ng ating likas na mga mata, ang mga ito ay hindi matututuhan gamit ang ating likas na mga pandamdam o katalinuhan lamang. Dahil dito, makikilala lamang natin ang mga ito sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9–10). Kailangang pagtibayin ang mga ito ng Espiritu Santo sa atin (tingnan sa Moroni 10:4).
Kaya nga mahalagang matutuhan ng bawat isa sa atin para sa ating sarili kung paano makilala at umasa sa Espiritu para malaman ang katotohanan.2 Tulad ng itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung ang nalalaman lang ninyo ay ang nakikita ng inyong likas na mga mata at naririnig ng inyong likas na mga tainga, wala kayong gaanong malalaman.”3
Upang magabayan tayo sa pagkilala sa Kanyang Espiritu, ibinigay ng Panginoon ang mga sumusunod na paglalarawan:
“Kapayapaan sa iyong isipan.” Para matulungan si Oliver Cowdery na makilala ang Espiritu, itinanong ng Panginoon, “Hindi ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?” (Doktrina at mga Tipan 6:23).4 Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang damdamin ng kapayapaan ang pinaka-karaniwang pagpapatibay na nararanasan ko mismo. Kapag nag-aalala akong mabuti tungkol sa isang bagay na mahalaga, na sinisikap na tagumpay itong malutas, patuloy akong nagsisikap nang may pananampalataya. Sa huli, dumarating ang ganap na kapayapaan, na lumulutas sa aking mga problema, tulad ng ipinangako Niya.”5
“Sa iyong isipan at sa iyong puso.” Sa isa pang pagkakataon, ibinigay ng Panginoon ang paglalarawang ito: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. … Ito ang diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Sa pagkomento tungkol dito, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ipinahihiwatig ng Panginoon [dito] na ang paghahayag ay madalas dumarating bilang mga kaisipan sa isipan at damdamin sa puso.”6
Ang mga inspiradong kaisipan at damdaming ito ay “magbibigay-liwanag sa iyong isipan” (Doktrina at mga Tipan 11:13) at magiging dahilan upang ang iyong puso ay “mapuspos ng galak” (Mosias 4:20). Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang “unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag” ay kapag “nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo,” na nagbibigay sa inyo ng “bigla[a]ng [mga ideya].”7
“Nag-aalab ang ating puso sa loob natin.” Habang pinagninilayan ang itinuro ng nabuhay na mag-uling Cristo, sinabi ng dalawa sa Kanyang mga disipulo, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?” (Lucas 24:32). Gayundin, sinabi ni Jesucristo kay Oliver Cowdery, “Aking papapangyarihin na ang inyong dibdib ay mag-alab” upang pagtibayin ang katotohanan (Doktrina at mga Tipan 9:8; tingnan din sa 3 Nephi 11:3). Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ito ay “hindi init ng pakiramdam kundi damdamin ng kapayapaan at pagmamahal at katiwasayan at kabutihan.”8
“Damhin mo na tama ito.” Itinuro ni Jesucristo kay Oliver Cowdery na malalaman niya na totoo ang isang bagay sa pamamagitan ng Espiritu dahil “madarama [niya] na ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8). Ayon kay Elder Scott, ito ay nangangahulugan na “ang sagot ay dumarating bilang pakiramdam na may kasamang pananalig.”9
“Isang banayad at munting tinig.” Itinuro ng Panginoon kay Elijah na hindi Siya karaniwang nagsasalita nang husto sa pamamagitan ng apoy, buhawi, at mga lindol, ngunit kadalasan ang Kanyang espirituwal na pakikipag-ugnayan ay marahan sa pamamagitan ng “banayad at munting tinig” (1 Mga Hari 19:12).10 Ang espirituwal na tinig na ito ay parang “bulong” na tumatagos “sa buong kaluluwa” (Helaman 5:30), at “kahit inilarawan ito bilang isang tinig,” pagtuturo ni Pangulong Packer, “ito ay isang tinig na nadarama ng isang tao, kaysa naririnig.”11
“Ikaw ay tumanggap ng tagubilin ng aking Espiritu.” Dahil ang Espiritu ay nakikipag-ugnayan sa tahimik at banayad na mga paraan, maaari tayong makatanggap ng paghahayag nang hindi man lang ito namamalayan. Ipinaliwanag ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Sa tuwing magtatanong ka ikaw ay [n]akatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon” (Doktrina at mga Tipan 6:14). Buong panahon siyang ginagabayan ng Panginoon, ngunit hindi niya ito nabatid noon. Tanging sa paggunita lamang, nang binanggit ito ng Panginoon, ay saka lang niya naalala at nakita ang patnubay ng Panginoon. Gayundin, tayo rin ay “nabubuhay sa paghahayag”12 at maaaring hindi natin mapansin ang Espiritu hanggang sa matapos na ang paggabay Niya sa atin.
“Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito.” Inilarawan ni Joseph Smith ang isang karanasan sa Espiritu habang nagsasaliksik siya ng mga banal na kasulatan, na nagsasaad na “tila pumasok [ang isang talata] nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Makikilala rin natin ang Espiritu kapag naantig ng mga talata sa banal na kasulatan at mga turo ng propeta ang ating puso at binibigyang-inspirasyon tayo na muling basahin at pagnilayan ang mga ito.
“Taludtod sa taludtod.” Bagama’t kung minsan ay inaasahan natin na darating ang paghahayag nang sabay-sabay, ipinaliwanag ng Panginoon, “Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Sa madaling salita, ang mas gustong paraan ng Panginoon ay magbigay ng paisa-isang paghahayag, nang paunti-unti, tulad ng pagtingin sa unti-unting liwanag ng pagsikat ng araw sa halip na makita ang liwanag nang minsanan matapos bumaling sa liwanag.13 Kadalasan, ang paghahayag na ito ay nakikilala lamang kapag tiningnan nang sama-sama.
“Nag-aakay sa paggawa ng mabuti.” Iniisip ng ilan kung ang pahiwatig na gumawa ng kabutihan ay mula sa Espiritu o sa sarili lang nilang kaisipan. Sinagot ito ni Jesucristo nang turuan Niya si Hyrum Smith kung paano makikilala ang Kanyang Espiritu: “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti … ; at ito ang aking Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 11:12). Dapat nating isipin na ang mga espirituwal na pahiwatig na gumawa ng kabutihan ay mula sa Espiritu, at dapat tayong kumilos ayon dito.
“Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.” Kung minsan, hindi kaagad tumutugon ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu tulad ng inaasahan natin. Maaaring mahirap ito at kailangan nating manampalataya sa Kanyang patnubay na “mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16). Paliwanag ni Pangulong Nelson: “Tiyak na may mga pagkakataon na sa pakiramdam ninyo ay tila sarado na ang kalangitan. Ngunit ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpapasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa inyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo.”14 Kapag nadama natin ang banal na katahimikang ito, dapat nating tandaan, tulad ng itinuro ni Pangulong Oaks, “na ang Panginoon ay mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. … Pagkatapos ay hihintayin natin ang paghahayag mula sa Panginoon.”15
Bagama’t makakatulong ang mga paglalarawang ito, ang mga ito ay hindi pa rin sasapat. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Packer: “Wala tayong mga salita (maging ang mga banal na kasulatan ay walang mga salita) na lubos na naglalarawan sa Espiritu. Karaniwang ginagamit ng mga banal na kasulatan ang salitang tinig, na hindi lubos na akma. “Ang maselan at dalisay na espirituwal na pakikipag-ugnayang ito ay hindi nakikita ng ating mga mata, ni naririnig ng ating mga tainga.”16 Sa huli, ang pagkilala sa Espiritu ay tulad ng pagtikim ng asin: mahirap ilarawan sa mga salita ngunit makikilala kapag personal mo itong naranasan.17
Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating matutuhang kilalanin ang Espiritu sa ating sarili mismo. Bagama’t hindi natin mapupuwersa ang mga espirituwal na karanasan, maaari tayong lumikha ng kapaligirang makahihikayat na mangyari ang mga ito. Inihayag ng Panginoong Jesucristo ang ilan sa maliliit at mga karaniwang bagay na magagawa natin para matutuhang pakinggan Siya na magsalita sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu upang mas makilala natin ang espirituwal na impluwensyang iyon tuwing nagsasalita Siya sa atin.
Mga banal na kasulatan. Inihayag ng Panginoong Jesucristo na maaari nating mapakinggan ang Kanyang espirituwal na tinig na nangungusap sa atin kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan. Sinabi niya:
“Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao … kundi mula sa akin; …
“Sapagkat [ito ang aking tinig na nangungusap nito sa inyo]; sapagkat ang mga ito ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ay maaari ninyong basahin ang mga ito … ;
“Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig” (Doktrina at mga Tipan 18:34–36).
Ipinaliliwanag ang alituntuning ito, itinuro ni Elder Bednar: “Ang isa sa mga paraan na naririnig ko Siya ay nasa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ang tinig ng Panginoon na naitala na. At hindi man natin maririnig dito ang isang aktuwal na tinig, bagama’t maaaring mangyari iyan. Naririnig ko ang mga banal na kasulatan sa isang damdamin—isang damdamin sa aking isipan, isang damdamin sa aking puso. Para sa akin, ang mga banal na kasulatan ay susi sa pagtanggap at pagkilala sa mga kaisipan at damdaming iyon.”18
Templo. Itinuro ni Pangulong Nelson na “maaari din nating pakinggan Siya sa templo. Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng pagkakatuto. … Doon, natututuhan natin kung paano hawiin ang tabing at makipag-ugnayan nang mas malinaw sa langit.”19 Ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na matutuhan natin nang mas lubusan na makilala ang Espiritu sa templo nang manalangin siya “na ang lahat ng yaong sasamba sa bahay na ito … ay lumaki sa inyo, at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo” (Doktrina at mga Tipan 109:14–15). Kapag palagi tayong sumasamba sa templo, nadarama natin ang Espiritu at lumalago ang kakayahan nating makilala ang Kanyang tinig sa ating buhay.
Mga propeta. “At sa huli,” turo ni Pangulong Nelson, “pinapakinggan natin Siya kapag binibigyang-pansin natin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.”20 Kapag palagi nating pinakikinggan ang mga mensahe ng ating mga buhay na propeta at apostol at kumikilos ayon sa kanilang payo, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na turuan tayo. Ito ay isa pang mahalagang pinagmumulan ng karanasan sa Espiritu na makatutulong sa atin na makilala ang Kanyang impluwensya.
Dagdag pa rito, maaari tayong magdasal nang taimtim, maglingkod nang tapat sa Simbahan, magtala ng mga espirituwal na impresyon, at marapat na makibahagi ng sakramento. Sa paggawa ng mga bagay na ito nang may pananampalataya kay Jesucristo, darating ang Espiritu, at makikilala natin Siya sa pamamagitan ng mga paglalarawan sa banal na kasulatan, magiging pamilyar tayo sa Kanyang mga pahiwatig sa pamamagitan ng sarili nating karanasan, at mas tiwalang makikilala ang Kanyang impluwensya sa lahat ng aspeto ng ating buhay. “Sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus”21 at matamo ang “pag-iisip ni Cristo” (1 Mga Taga Corinto 2:16).