2023
Pinagpala ng Kapangyarihan at Lakas
Hunyo 2023


“Pinagpala ng Kapangyarihan at Lakas,” Liahona, Hunyo 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pinagpala ng Kapangyarihan at Lakas

Nanginig ang mga kamay ng aking ama nang binasbasan niya ako ng mga salitang nagpabago sa buhay ko.

isang ama na nagbabasbas sa kanyang anak

Larawang-guhit ni Dilleen Marsh

Pag-uwi ko mula sa dalawang taong misyon ko, ang sumunod na mithiin ko ay makasal sa templo. Sa kasamaang-palad, nagsimula akong maghangad ng hindi mabubuting libangan, nagpapatangay sa tukso, at nakipagdeyt sa labas ng Simbahan.

Ang kalungkutan, panghihinayang, at lumbay ay sumunod, kabilang na ang diborsyo. Mayroon pa rin akong patotoo at nais kong makasal sa templo, pero nadama ko na hindi ako karapat-dapat sa mga pagpapalang iyon. Isinantabi ko ang pagkabagabag ng konsiyensya ko at naghangad ng kaligayahan sa mga makamundong pag-uugali.

Kalaunan, hindi ko na maitago ang nadarama ko, at binagabag ako ng konsiyensya ko dahil sa aking mga kasalanan. Lumuhod ako at nagsumamo sa Panginoon na may kalumbayang mula sa Diyos. Nangako ako na mula noon, ipamumuhay ko ang batas ng kalinisang-puri.

Pero hindi lang sa bagay na iyon ako nahihirapan. Lulong na lulong din ako sa droga. Isang gabi, natagpuan ko ang sarili ko na puno ng nakapanghihinang takot. Hawak ang cell phone ko, tinitigan ko ang numero ng telepono ng tatay ko. Inabot ako ng mahigit isang oras para magkaroon ng lakas-ng-loob na tawagan siya at itanong kung puwede ko siyang makita.

Matapos kaming mag-usap nang matagal tungkol sa mga paghihirap ko, binigyan ako ng tatay ko ng basbas ng priesthood. Nanginig ang kanyang mga kamay habang nagsasalita siya nang may kapangyarihan at paniniwala. Sinabi niya na walang kapaguran akong pinagtatrabahuhan ni Satanas at ng kanyang mga kampon dahil binabagabag sila ng aking espirituwal na potensyal. Sinabi ni Tatay na hangga’t narito ako sa lupa, may pagkakataon akong madaig ang aking adiksyon. Binasbasan Niya ako ng kapangyarihan at lakas na magawa ito.

Nang matapos ang basbas, niyakap ko ang aking ama at ina at humikbi sa balikat ng tatay ko. Nakadama ako ng matinding pagmamahal at pasasalamat sa aking puso. Nawala ang nadarama kong kawalan ng pag-asa. Ang mga pisikal na pagnanasa ng adiksiyon at ang mabigat na ulap ng depresyon at kakulangan ay naglaho rin.

Agad akong nakadama ng panibagong sigla sa buhay at ng posibilidad na magalak kung susundin ko ang kalooban ng Ama sa Langit. Pinatototohanan ko na ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay at nakikita!

Sa paglipas ng panahon, biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng kasal sa templo, isang mapagmahal na asawa na nakauunawa sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at ng dalawang anak.

Ang pag-ahon mula sa hukay na dati kong kinaroroonan patungo sa kinaroroonan ko ngayon ay tunay na isang himala. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pananampalataya kay Jesucristo, lahat ng bagay ay posible! Ako ay buhay na patunay niyon.