2023
Mga Himala ng Awa
Hunyo 2023


“Mga Himala ng Awa,” Liahona, Hunyo 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Mateo 26:50–54; Marcos 14:46–47; Lucas 22:49–51; Juan 18:3–11

Mga Himala ng Awa

Pinagaling ni Jesus kapwa si Malco at ang Kanyang mahal na disipulo na si Pedro.

Tumutulong ang Tagapagligtas para pagalingin ang tainga ng isang lalaki

Suffer Ye Thus Far [Tigil! Tama na!], ni Walter Rane, hindi maaaring kopyahin

Nakatanggap ka na ba ng kaloob mula sa ating Ama sa Langit na akmang-akma sa iyong mga pangangailangan na hindi mo hiningi o hindi ka karapat-dapat? Ito ang natanggap ni Malco, ang alipin ng mataas na saserdote, nang dakpin niya ang Tagapagligtas.

Kinailangan mo na ba ng tulong sa pag-ayos ng kinalabasan ng iyong padalus-dalos na pagkilos o masasakit na salita, kahit na mabuti naman ang hangarin mo? Ito ang kaloob na natanggap ni Pedro nang sikapin niyang ipagtanggol ang Tagapagligtas sa isang mahirap na sitwasyon.

Sa kalagitnaan ng isa sa pinakamahahalagang sandali ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, kung kailan ang plano ng kaligtasan para sa lahat ng anak ng Diyos ay nakadepende sa susunod na mangyayari, nag-ukol ng panahon ang Tagapagligtas na kaawaan ang dalawang taong ito.

Ano ang matututuhan natin mula sa himalang natanggap ni Malco nang pinagaling siya ng Taong ipinadadakip sa kanya? At ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pedro sa di-inaasahang himalang ito?

Isang Di-inaasahang Himala

Matapos ang Kanyang matinding pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa 2 Nephi 9:21; Mosias 3:7), ginising ni Jesus ang Kanyang mga disipulo at kaagad Siyang nilapitan ng mga mandurumog na armadong mga bantay sa templo at mga kawal na Romano.1 Kasama nila si Judas at ang isang tagapagsilbi ng mataas na saserdote. Habang papalapit ang mga tao sa madilim na gabi, tinukoy ni Judas si Jesus sa pamamagitan ng paghalik sa pisngi, na sinagot ng Tagapagligtas ng, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?” (Lucas 22:48).

Habang nag-aatubili ang mga mandurumog, tinanong sila ni Jesus, “Sino ang inyong hinahanap?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” ang sagot nila.

“Ako nga iyon,” ang sagot Niya, at si Juan, na naroon, ay nagtala na nang tumugon Siya, ang mga mandurumog ay “umurong, at bumagsak sa lupa.” Ang karingalan ng Tagapagligtas, kahit matapos ang Kanyang matinding pagdurusa, ay nadama sa makapangyarihang paraan. Matapos silang tanungin muli kung sino ang kanilang hinahanap, inulit ni Jesus, “Sinabi ko sa inyo na, ‘Ako nga.’” Pagkatapos, upang protektahan ang Kanyang mga disipulo, sinabi ni Jesus, “ Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito” (Juan 18:4–8).

Gayunman, may iba pang mga ideya si Pedro. Naglalayong ipagtanggol ang Tagapagligtas, hinugot niya ang kanyang tabak at hiniwa si Malco, ang alipin ng mataas na saserdote, kaya naputol ang kanyang tainga (tingnan sa Juan 18:10).

Ngunit pinayapa ni Jesus ang mainit na sitwasyon. Pinigilan niya si Pedro, sinabi Niya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.

“O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?

“Ngunit kung gayo’y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?” (Mateo 26:52–54).

Nakatala sa bawat salaysay na isinuko ni Jesus ang Kanyang sarili at ang Kanyang mga disipulo ay nagsitakas. Gayunman, iniulat ni Lucas na una, maawain na “hinawakan [ni Jesus] ang tainga [ni Malco] at pinagaling siya” (Lucas 22:51).

Pagpapaabot ng Awa kay Malco

Kaytindi ng kaamuang ito na ipinakita ni Jesus noong Siya ay itinuring na kriminal! Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “tinulungan at pinagaling [ni Jesus] ang taong nagtangkang dumakip sa Kanya gamit ang kapangyarihan mula sa langit na maaari Niyang gamitin para hindi Siya madakip at maipako sa krus.”2

Sa kabila ng pangkalahatang saklaw ng misyon ng Tagapagligtas, hindi kailanman nawala sa Kanyang paningin ang isang tao. Bagama’t kaunti lang ang alam natin kay Malco, kilala siya ni Jesus.

Naantig ba si Malco sa haplos ng Tagapagligtas? Napalapit ba ang kanyang puso sa Tagapagligtas dahil sa magiliw na awang ito? Hindi natin alam. Pero anuman ang kanyang mga personal na pagpili, sa pagpapagaling ng kanyang tainga, binigyan siya ng regalong hindi niya hiningi. Ang huling himalang ito ng pagpapagaling sa mortalidad ay pagpapakita ng awa sa panig ng Tagapagligtas, isa pang pagkakataon para maipakita ang mahimalang kapangyarihan at pagmamahal ng Kanyang Ama.

Mahal ni Jesus ang bawat anak ng Kanyang Ama nang may walang-hanggang pagmamahal. Sa lahat ng ginagawa ng Tagapagligtas, nagsisikap Siyang magdala ng mga kaluluwa sa Kanyang sarili, upang madala sila sa pagsisisi upang sila ay maligtas (tingnan sa 2 Nephi 26:24).

Nakaranas ka na ba ng pagbabago ng puso matapos makatanggap ng di-inaasahang pagpapala? Nabuksan na ba ang iyong mga mata upang makita “ang mga batis ng awa, na hindi kailanman tumitigil, [na] humihingi ng mga awit ng malakas na papuri”?3

Awang Nagprotekta kay Pedro

Paano naman si Pedro? Alam ni Jesus na kailangan Siyang dalhin upang magdusa at mamatay upang maging posible na makabalik tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at Pagkabuhay na Muli. Ito ang Kanyang misyon. Ngunit kailangan din na makaligtas ang Kanyang mga disipulo upang magawa ang kanilang misyon na ipangaral ang ebanghelyo at patatagin ang Simbahan.

Ang madidilim na puwersa na nagtitipon sa paligid ng Tagapagligtas ay maaaring labis na nakakatakot para sa mga Apostol. Si Pedro ay kumilos nang pabigla-bigla, itinututok ang isang tabak sa mukha ng marami upang ipagtanggol ang kanyang Panginoon; gayunman, pinagaling ng Panginoon ang sugat na idinulot ni Pedro. Hindi natin alam kung iniligtas ng paggaling ni Malco si Pedro mula sa mga ibubunga nito na maaaring maging dahilan para hindi niya matupad ang kanyang misyon. Pero napakagandang regalo nito kay Pedro!

May nasabi o nagawa ka na ba na pabigla-bigla o nakasasakit, kahit na dahil sa pagtatanggol ito sa Tagapagligtas o sa Kanyang Simbahan? Ang pag-alaala sa karanasan ni Pedro ay makapagbibigay sa atin ng tapang na hangaring gumawa ng mga pagbabago. Nakikita ng Tagapagligtas ang ating mga di-perpektong pagsisikap na ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo at ipagtanggol ang Kanyang pangalan, kahit na sa ating kahinaan, ang mga pagsisikap na iyon ay maaaring magdulot ng kapahamakan nang hindi sinasadya.

Kapag ipinagtatanggol natin ang ating mga paniniwala sa social media o nang personal, maaari tayong maging “labis na [pabigla-bigla]” (Mosias 9:3) o “pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan” (Mateo 23:23), kabilang na ang awa. Hindi tayo gumagamit ng mga tabak, ngunit ang mga salita ay may mabisang epekto, na kayang “umakay sa mga tao na gawin yaong matwid” (Alma 31:5) o masaktan sila (tingnan sa Santiago 3:2). Maaari nating matagpuan ang ating sarili sa parehong sitwasyon ni Pedro, na nakadepende sa awa ng Tagapagligtas upang mapagaling ang mga sugat na naidulot natin at matulungan tayong sumulong, na ipinagtatanggol ang pananampalataya at ibinabahagi ang ebanghelyo nang may “diwa ng kaamuan” (Doktrina at mga Tipan 100:7), na pumapalit sa diwa ng pagtatalo (tingnan sa Mga Gawa 4:7–14; 5:40–42).

Awa sa Ating mga Kahinaan

Hindi malinaw kung nasaksihan ng sinumang mandurumog ang pagpapagaling sa tainga ni Malco, ngunit marahil ay kinaaawaan din sila ng Tagapagligtas, na nagbibigay sa kanila ng isang huling pagkakataon na masaksihan ang Kanyang kapangyarihan at magsisi.

Sa sarili nating mga sandali ng kahinaan, nagpapaabot ng awa ang Panginoon, na nagtutulot sa atin na malampasan ang mga hamong kinakaharap natin.

Noong Disyembre 2016, nagkaroon ng pulmunya ang asawa ko. Nakatira kami noon sa Moscow, Russia, kung saan naglilingkod si Bruce sa Europe East Area Presidency. Sinabi ng mga doktor na kailangan niyang manatili sa ospital nang ilang araw para tumanggap ng mga antibiotiko. Nang gabing iyon ang kanyang kalusugan ay lumala, at siya ay na-induced coma.

Nang sumunod na 10 araw, gumigising ako tuwing umaga, humihingi ng tulong sa Panginoon habang nagmamaneho ako papunta sa metro station, naglalakbay nang 45 minuto sa subway, at pagkatapos ay nilalakad ang natitirang kanto papunta sa ospital. Buong araw akong nakaupo sa tabi ni Bruce sa intensive care unit habang nakahiga lamang siya, hindi makapagsalita o makagalaw, napapaligiran ng lahat ng uri ng monitor. Tuwing gabi, nagbibiyahe ako pauwi para tipunin ang aming mga gamit bilang paghahanda sa pagbalik namin sa Utah.

Kahit ngayon, naaalala ko na sa malamig at madilim na mga araw na iyon, hindi ako kailanman natakot habang nagbibiyahe ako sa subway. Naaalala ko ang kapayapaan at kapanatagang nadama ko habang nakaupo ako noon sa tabi ng kama ni Bruce sa ospital. Sa bahay tuwing gabi, nag-iisa ako pero hindi ako nalulungkot.

Gayunman, hindi nagtagal pagkabalik namin sa Utah, pumanaw si Bruce.

“Ginawa Ko Ito para sa Iyo”

Kamakailan, nang gunitain ko ang mahahabang araw na iyon, malinaw na nagsalita ang Panginoon sa aking isipan, “Ginawa ko ito para sa iyo.” Sa sandaling iyon, ipinaalam sa akin ng Panginoon na ang kapayapaang nadama ko, ang kaligtasang naranasan ko, at ang pakiramdam na hindi ako nag-iisa ay nagmula sa mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak. Kinaawaan Nila ako sa aking kahinaan.4

Kung minsan nababatid natin ang Kanyang awa, at kung minsan naman ay sumusulong lang tayo, hindi nalalaman ang banal na tulong na nagtutulot sa atin na magpatuloy. Ngunit kapag nananalangin tayo na mabuksan ang ating mga mata upang makita ang awa na ipinagkakaloob sa atin ng Tagapagligtas, magiging handa ang ating puso na kaawaan ang mga taong nakakasalubong natin sa ating landas. Sabi Niya, “Maging maawain, gaya naman ng inyong Ama na maawain” (Lucas 6:36).

Matatanggap man natin ang awang iyan kapag gumagawa tayo ng masasamang pagpili, gaya ni Malco; na nabitag sa desperadong kalagayan, na tulad ni Pedro; o nagpupunyagi lamang nang higit pa sa ating kakayahan, tulad ko; magagawa at gagawin ng Panginoon na dalawin tayo sa Kanyang awa.

Habang pinagninilayan natin ang pinakamalaking pagpapakita ng awa—ang pagdurusa ng ating Tagapagligtas—maririnig natin ang Kanyang mapagmahal na mga salita sa atin: “Ginawa ko ito para sa iyo.”

Mga Tala

  1. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 614–17.

  2. David A. Bednar, “Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Mayo 2018, 33.

  3. “Come, Thou Fount of Every Blessing,” Hymns (1948), blg. 70.

  4. Tingnan sa “Tanglaw Ko ang Diyos,” Mga Himno, blg. 49.