“Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo,” Liahona, Hunyo 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag rin Siyang Espiritu, ang Banal na Espiritu, o ang Mang-aaliw. Kapag natutuhan nating pakinggan ang Kanyang tinig, patototohanan Niya sa atin si Jesucristo at tutulungan tayong malaman ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Miyembro ng Panguluhang Diyos
Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tinatawag na Panguluhang Diyos. Mahal Nila tayo at nagkakaisang gumagawa para isakatuparan ang plano ng kaligtasan. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may katawan na may laman at buto, ang Espiritu Santo ay wala. Siya ay isang espiritu.
Saksi ng Ama at ng Anak
Ang Espiritu Santo ay “sumasaksi sa Ama at sa Anak” (2 Nephi 31:18). Ang ibig sabihin ay maaari tayong tumanggap ng patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nagpapatotoo sa Katotohanan
Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa lahat ng katotohanan. Tutulungan Niya tayong malaman na ang ebanghelyo—kabilang na ang plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, ang Pagpapanumbalik, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ay totoo. Palalakasin Niya ang ating patotoo kapag patuloy tayong nananalangin, sumusunod sa mga kautusan, at pinag-aaralan ang ebanghelyo.
Pumapatnubay at Pumuprotekta sa Atin
Magagabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating mga pasiya at poprotektahan tayo laban sa pisikal at espirituwal na panganib. Tutulungan Niya tayong mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong kung magdarasal tayo at sisikaping gawin ang tama. Palagi Niya tayong aakayin “sa paggawa ng mabuti” (Doktrina at mga Tipan 11:12).
Inaaliw Tayo
Ang Espiritu Santo ay tinatawag kung minsan na “Mang-aaliw” (Juan 14:26). Mapupuspos Niya tayo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig” (Moroni 8:26) kapag tayo ay nag-aalala, nalulungkot, o natatakot. Habang tinutulungan Niya tayong madama ang pagmamahal ng Diyos, madaraig natin ang panghihina-ng-loob at mapalalakas tayo sa ating mga pagsubok.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Matapos tayong binyagan, natatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa isang ordenansang tinatawag na kumpirmasyon. Kapag natanggap natin ang kaloob na ito, mapapasaatin palagi ang Espiritu Santo hangga’t namumuhay tayo nang matwid.
Paano Natin Pinakikinggan ang Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ay nakikipag-ugnayan sa mga tao sa iba’t ibang paraan. Maaaring kabilang dito ang payapa at nakapapanatag na damdamin o ideya tungkol sa sasabihin o gagawin. Kapag ipinagdasal natin na patnubayan tayo at mapakinggan ang Kanyang mga pahiwatig, malalaman natin kung paano Siya nangungusap sa atin.