Digital Lamang: Mga Young Adult
Inihahanda Tayo ng Pag-aasawa para sa Kawalang-Hanggan—Paano Natin Iyan Magagawa Habang Wala pa Tayong Asawa?
Ang doktrina ng kasal ay makakatulong sa ating lahat na umunlad sa landas ng tipan tungo sa kadakilaan, anuman ang ating marital status.
Sa ebanghelyo ni Jesucristo, madalas nating marinig ang mga mensahe patungkol sa kahalagahan ng pag-aasawa. Alam natin na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos”1 at na, sa pamamagitan ng ating mga tipan, makakasama natin ang ating mga mahal sa buhay magpakailanman. Ito ay isang pundasyon ng doktrina ng Panginoon.
Para sa ilan, maaaring mahirap makarinig tungkol dito nang napakadalas—lalo na kung gusto mong magkaroon ng makakasama sa kawalang-hanggan pero wala ka pang nakikita, hindi mo alam kung ang taong idinedeyt mo ang pakakasalan mo, o hindi ka sigurado kung gusto mo ngang mag-asawa.
Pero bakit labis na binibigyang-diin ang pag-aasawa? Paano ka makakahanap ng kahulugan sa doktrina ng kasal bilang isang taong walang asawa? Kung minsa’y pinag-uusapan ng mga tao ang mga bagay na matututuhan mo lamang sa pag-aasawa, pero hindi nililimitahan ng Diyos ang iyong personal na pag-unlad batay sa kung may karelasyon ka, at marital status ay hindi isang palatandaan ng iyong espirituwal na pag-unlad o kakayahan. Narito ang ilang paraan na maiaangkop mo ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pag-aasawa sa iyong paglalakbay tungo sa kadakilaan—anuman ang iyong kasalukuyang marital status.
Bumuo ng Makabuluhang mga Relasyon
Ang mga tao ay sabik na makipag-ugnayan, na nangangailangan na kapwa magmahal at mahalin. Bilang isang magkatumbas at tapat na relasyon na pinahihintulutan ng Diyos, at ginagawa ng kapwa mag-asawa ang lahat ng kanilang makakaya para mahalin at pangalagaan ang isa’t isa, binibigyan ng kasal ang relasyon ng pinakamalaking kakayahan na sabay-sabay na tuparin ang mga pangangailangang ito. Sa pag-aasawa, maaari kang makipag-ugnayan sa iyong asawa sa mga paraang hindi magagawa sa anumang iba pang uri ng relasyon—may kahati ka sa iyong buhay, iyong mga pangarap, iyong mga anak, at iyong mga kabiguan.
Kaya paano ito naaangkop sa iyo kung wala kang asawa o hindi ka pa handang mag-asawa? Alam natin na mahalaga ang mga relasyon dahil inuutusan tayong “magmahalan sa isa’t isa” (Juan 15:12), “palakasin [ang ating] mga kapatid” (Lucas 22:32), at “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” (Mosias 18:8)—at angkop iyan sa lahat ng iyong relasyon.
Una, maaari mong sikaping magkaroon ng malapit at mapagsuportang mga relasyon sa ibang mga taong pinagkakatiwalaan mo at nasisiyahan kang makasama. Magsanay na maging totoo sa mga relasyong ito, magtapat sa ibang mga tao, at taos-pusong sabihin ang iyong mga nararamdaman, pangangailangan, at alalahanin. Palalimin ang relasyon mo sa iyong Tagapagligtas at sa Ama sa Langit at alamin kung paano Nila ipinararating ang Kanilang pagmamahal at suporta lalo na sa iyo.
Ang pagbuo ng malalapit na relasyon na tulad ng kay Cristo sa mga kaibigan, kapamilya, at sa Diyos ay maaaring pumuspos ng kahulugan at kagalakan sa iyong buhay. Kung hihingin mo ang Kanyang tulong, tutulungan ka ng Diyos na lumikha ng makabuluhang mga relasyon na maaaring magbigay ng suportang espirituwal, emosyonal, at pakikisamang kailangan mo habang tumatahak ka sa landas ng tipan.
Maging Higit na Katulad ni Cristo
Isa sa mga layunin natin dito sa lupa ang lumago at umunlad. At ang magagandang pagsasama ng mag-asawa ay lumilikha ng isang magandang kapaligiran para lumago. 2
Ang mga relasyon ay maaaring mahirap. Iba-iba ang mga tao at hindi perpekto, at walang sinumang nagpapakasal bilang isang asawang kasing-perpekto ni Cristo. Mabuti na lang at itinutulak tayo ng magagandang relasyon na maging mas mabubuting bersyon ng ating sarili sa pamamagitan ng pagpapasensya, pagmamahal, pagiging di-makasarili, at pagkakaroon ng iba pang mga katangian ni Cristo nang higit pa sa kaya nating gawin ngayon.
Lahat tayo ay maaaring makinabang sa aktibong pagsisikap na maging mas mabuting katuwang sa ating mga relasyon sa mga kaibigan, kapamilya, at iba pa. Maaari tayong magsanay na magpakita ng pagdamay, pakikinig nang may habag, at pagpapasensya at pagpapatawad sa mga mahal natin sa buhay. Tulad ng itinuro ni Sister Neill F. Marriott, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Nauunawaan ba natin na may kapangyarihan si Cristo na [dalhin tayo sa mapagmahal na pakikisama] sa Ama at sa isa’t isa? Mabibigyan Niya tayo, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ng kailangang kaalaman tungkol sa mga kaugnayan.”3
Nagiging mas katulad tayo ng Tagapagligtas—sa gayo’y nagiging mas mabubuti tayong indibiduwal at asawa (sa hinaharap)—kapag nagsisikap tayong maging katulad Niya sa lahat ng ating relasyon.
Mamuhay nang May Kadakilaan sa Pamamagitan ng Paggawa at Pagtupad ng mga Tipan
Tayo ay mga banal na nilalang na may selestiyal na DNA. “Ang ating teolohiya ay nagsisimula sa mga magulang sa langit. Ang pinakadakilang hangarin natin ay maging katulad nila,”4 kaya mayroon tayong potensyal na maging katulad ng ating mga magulang sa langit, na lumilikha ng mga mundo at inapo sa buong kawalang-hanggan. Tinutulutan tayo ng mga ordenansa sa templo na umunlad sa landas pabalik sa piling ng Diyos, at tinutulungan tayo na maging ang tao na kailangan nating kahinatnan upang maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan at mamuhay sa piling ng Diyos.
Ang kadakilaan ay kinapapalooban kapwa ng pamumuhay sa piling ng Diyos at ng pamumuhay na katulad ng Diyos. Ang ordenansa ng pagbubuklod ang pinakadakilang ordenansa dahil ipinagkakaloob nito sa atin ang lahat ng karapatan, pribilehiyo, at pagpapalang kailangan para mamuhay na tulad ng Diyos.5
Samantalang kailangang pumasok sa tipan ng pagbubuklod kasama ang isang mapagmahal na asawa para maging katulad ng ating mga magulang sa langit kalaunan, ang mga indibiduwal na hindi pa nabubuklod sa isang asawa ay kailangan pa ring mamuhay nang may kadakilaan ngayon. Maaari kang mamuhay sa isang paraan na gumagalang sa tipan ng pagbubuklod, kahit hindi mo pa nagagawa ang tipang iyon. Maaari kang dumalo sa templo at tuparin ang lahat ng tipang nagawa mo. Ang paggalang sa iyong mga tipan ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng kapayapaan at mas mapalapit sa Diyos, lahat ng iyan habang inaakay ka na mas mapalapit sa pagtupad sa iyong walang-hanggang tadhana.
Tulad ng itinuro ni Sister Jean B. Bingham, dating Relief Society General President: “Wala nang mas mahalaga pa sa ating walang-hanggang pag-unlad kundi ang tuparin ang ating mga tipan sa Diyos.”6
May Lugar Ka sa Plano ng Kaligtasan
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan na “mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Alam na alam Nila ang inyong sitwasyon, inyong kabutihan, inyong mga pangangailangan, at inyong paghingi ng tulong sa inyong mga panalangin.”7 Alam Nila ang kabiguan mo sa pakikipagdeyt, ang mga takot at alalahanin mo tungkol sa pag-aasawa, ang pasakit mo sa paggawa ng lahat ng dapat mong gawin pero wala ka pa ring makakasama sa kawalang-hanggan, o anuman ang maaaring nadarama mo tungkol sa pag-aasawa.
Ang walang-hanggang kasal ay mahalaga sa plano ng Diyos. Ikaw ay mahalaga sa plano ng Diyos Kabilang ka sa ebanghelyo ni Jesucristo, at gayon man ang pakiramdam mo o hindi, walang kinalaman ang katayuan ng relasyon sa katotohanang iyon. Maaari kang lumago at umunlad at mag-ambag sa gawain ng Diyos. Tutulungan ka ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa personal mong mga karanasan at relasyon habang patuloy kang sumusulong sa landas ng tipan sa iyong selestiyal na paglalakbay.
Nais ng Diyos na madama mo na may nagmamahal sa iyo at may pag-asa ka, upang hindi ka lubos na mamroblema tungkol sa paghahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan. Tandaan na kapag nagsisikap tayong maging higit na katulad ni Cristo sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan at tumutupad sa ating mga tipan, magiging handa tayong bumalik sa Ama sa Langit at matatanggap natin ang “lahat ng mayroon ang … Ama” (Doktrina at mga Tipan 84:38).