“Narito Tayo para Tulungan ang Isa’t Isa,” Liahona, Hunyo 2023.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Narito Tayo para Tulungan ang Isa’t Isa
Ibinibigay ng Panginoon ang aking mga pangangailangan. Biniyayaan Niya ako ng tahanang ito at ng lahat ng bagay na nasa loob nito.
Leonard: Naging sugapa ako sa alak. Wala akong tahanan. Iisang damit lang ang suot ko palagi. Natulog ako sa mga palumpong at kumain ng galing sa mga basurahan. Wala akong anuman o sinuman.
Elder Olsen: Paano ka nagbago?
Leonard: Nagpasiya akong manalangin. Humingi ako ng tulong sa Panginoon, at sa kung paanong paraan ay nagkaroon ako ng lakas na tumigil sa pag-inom. Palagi kong naiisip Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nadama ko na kabilang ako roon dati. Naisip ko makakahanap akong muli ng pag-asa doon.
Elder Olsen: Sinabi mo sa akin na nagsimula kang makaramdam ng mga simbuyo ng damdamin.
Leonard: Oo, inakay ako ng Panginoon, at nang sumunod ako sa Kanya, sinimulan Niya akong pagpalain.
Elder Olsen: Paano ka tinulungan ng mga lokal na lider ng Simbahan?
Leonard: Natiwalag ako, pero tinulungan nila akong maunawaan ang kailangan kong gawin, at gawin ang kailangan kong gawin upang makabalik sa lubos na pakikipagkapatiran. Unti-unti, naabot ko ang aking minimithi. Ang araw na nabinyagan ako ang pinakamasayang araw ng buhay ko.
Elder Olsen: Ngayon ay nakatira ka sa ibaba ng burol na malapit sa chapel natin [sa Dennehotso Branch meetinghouse sa Kayenta, Arizona, USA]. Ang bahay mo ay isang maliit na trailer, walang kuryente at walang linya ng tubig, ngunit sinasabi mong itinuturing mo ang iyong sarili na mapalad?
Leonard: Ibinibigay ng Panginoon ang aking mga pangangailangan. Biniyayaan Niya ako ng tahanang ito at ng lahat ng bagay na nasa loob nito. Gustung-gusto kong may tahimik na lugar kung saan maaari akong mag-aral ng mga banal na kasulatan at manalangin. Nakatira sa malapit ang kapatid kong babae, at doon ako nakakakuha ng tubig. Kung minsan kapag kailangan ko ng kuryente, hinahayaan niya akong makisaksak ng extension cord mula sa kanyang bahay.
Elder Olsen: Paano ka pa napagpala ng ebanghelyo?
Leonard: Ipinakita sa akin ng Panginoon na may kahulugan ang buhay na ito. Isang bagay iyan na ilang taon ko nang hinahanap-hanap. Ngayon ay nais kong tulungan ang ibang tao, tulad ng pagtulong Niya sa akin.
Elder Olsen: Nakikita kitang tumutulong sa mga tao sa lahat ng oras. Noong isang araw, tinulungan mo ang isang babae na ang kotse ay hindi makaalis sa buhangin.
Leonard: Tumawag lamang ako ng ilang miyembro ng Simbahan at kumuha ng ilang pala. Nagsimula kaming maghukay at magtulak. Hindi nagtagal ay nakabiyahe na siya ulit.
Elder Olsen: Paano naman ang panahong iyon na patuloy kang nakadarama ng pahiwatig na bisitahin ang iyong pamangkin, na ang tirahan ay milya-milya ang layo sa Farmington, New Mexico?
Leonard: Hindi ko tiyak kung bakit dapat akong pumunta, pero alam kong nais ng Panginoon na pumunta ako.
Elder Olsen: Kaya, kumilos ka ayon sa pahiwatig, nakahanap ka ng paraan para makarating doon, at tamang-tama ang pagdating mo upang mabigyan siya ng kinakailangang tulong.
Leonard: Alam ng Panginoon na kailangan niya ng tulong, at alam Niya na matutulungan ko siya.
Elder Olsen: Sa iyong tungkulin sa branch presidency, tinutulungan mo ako sa mga ministering assignment, mga miting, mga branch activity, at addiction recovery program ng Simbahan. Ano ang sasabihin mo kung may nagtanong sa iyo ng, “Paano mo minamahal ang iyong kapwa?”
Leonard: Nang buong-puso ko.
Elder Olsen: Paano mo ipinapakita ang pagmamahal na iyon?
Leonard: Ibinabalik ko lang sa kanila ang ibinigay sa akin ng Panginoon. Kailangang madama ng mga tao na minamahal sila. Kailangan nilang makadama ng pag-alo. Kailangan nila ng paggabay. Kailangan nilang maunawaan kung ano ang maibibigay sa kanila ng Panginoon. Kapag nasa ilalim ka ng isang hukay, kailangan mong madama na kung hihingi ka ng tulong ay may taong darating.
Elder Olsen: Nakatira ka sa isang maliit na trailer, pero ang puso mo ay kasinglaki ng nasa labas ng bahay. Mapagpakumbaba kang namumuhay at walang makamundong ari-arian. Ngunit katulad ka ni Cristo na laging tumutulong sa mga nangangailangan.
Leonard: Iyan ang dahilan kaya narito tayo, hindi ba? Para tulungan ang bawat isa.