2023
Paano Nakagawa ng Kaibhan ang Pagbubuklod sa Templo sa Pagsasama Naming Mag-asawa
Hunyo 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Nakagawa ng Kaibhan ang Pagbubuklod sa Templo sa Pagsasama Naming Mag-asawa

Dahil sa pandemya, kinailangan naming magpakasal ng asawa ko sa huwes sa halip na sa templo.

sealing room

Nang ibalita na magsasara nang matagal ang lahat ng templo noong panahon ng pandemya, naaalala ko na tinawagan ko si Keaton (na nobyo ko noon) at pinag-usapan namin kung ano ang dapat naming gawin. Dapat ay ikakasal na kami sa templo sa loob ng ilang linggo, at hindi kami sigurado kung dapat naming hintaying magbukas na muli ang mga templo para magpakasal o kung dapat kaming magpakasal sa huwes at magpabuklod kalaunan.

Kung ako ang tatanungin, nalungkot ako dahil noon ko pa naiisip ang araw ng kasal ko sa templo at tila ba nawawala na ang pagkakataong iyon. Pinagplanuhan ko na ring tanggapin ang aking endowment sa linggo ring iyon ng aming kasal, kaya kinailangan naming maghintay pa nang mas matagal kapag nagbukas na muli ang mga templo kapwa para sa endowment at sa sealing appointment.

Sa huli, matapos ang maraming panalangin at pag-uusap, pinili namin ni Keaton na magpakasal sa huwes sa orihinal na petsa ng kasal namin sa templo. Pero determinado kaming magpabuklod kapag nagbukas na muli ang mga templo.

Paghahanda

Habang hinihintay naming magbukas na muli ang mga templo, ginamit namin ang oras ng aming paghihintay para malaman ang iba pa tungkol sa mga tipan na gagawin namin sa ordenansa ng pagbubuklod (at sa endowment ko). Kinausap namin ni Keaton ang bishop namin tungkol sa pagdalo sa temple prep class, at nabigyang-inspirasyon siyang hilingin kay Keaton na maging guro ko. Linggu-linggo, magkatabi naming tinalakay ni Keaton ang templo.

Talagang espesyal at nakapagpatibay sa relasyon namin ang panahong ito nang pag-usapan namin ang mga pangako sa tipan na gagawin namin sa isa’t isa kapag nabuklod kami.

Anim na buwan pagkatapos ng kasal namin sa huwes, natanggap ko ang aking endowment at nabuklod kami ni Keaton. Napaligiran kami ng pamilya, ngunit hindi tulad noong ikasal kami, hindi kami kabado o balisa—tuwang-tuwa kami! Nakatuon lamang kami sa kahulugan ng walang-hanggang kasal—sa mga tipan na ginagawa namin. Siyempre, ang mga pagdiriwang at aktibidad na karaniwang ginagawa sa araw ng kasal ay kapana-panabik at kasiya-siya. Pero nagpapasalamat ako sa panahong ginugol namin para tunay na maghandang makipagtipan sa isa’t isa at sa Diyos. Sa huwes man o sa templo kayo unang ikinasal, alam ko na ang tunay na paghahandang makipagtipan sa inyong asawa at pagtutuon sa ordenansang iyon sa araw ng inyong kasal ay isa sa mga pinakamasayang karanasan ninyo.

Ang sandaling magkaharap kaming lumuhod sa altar at nabuklod, napuspos ng matinding pasasalamat, pagmamahal, at kagalakan ang aming puso. Agad naming nadama ang malaking kaibhan sa aming relasyon.

Bagama’t naging masaya ang pagsasama namin sa nakalipas na anim na buwan, nang gabing iyon ay pinag-usapan namin ni Keaton ang espesyal na kasagraduhang nadama namin ngayon sa aming pagsasama. Nagkaroon ng bagong diwa ng kabuuan at kapayapaan sa aming relasyon. Ang Espiritu sa aming tahanan noong gabing iyon ay napakalakas na halos mahawakan namin iyon. Nadama namin sa aming puso ang bagong antas ng pagmamahal para sa isa’t isa at para sa Tagapagligtas. At alam namin na iyon ay dahil nabigkis namin ang aming sarili sa isa’t isa at sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga walang-hanggang tipan.

Pagninilay

Sa pamamagitan ng aming mga karanasan, nasaksihan namin ni Keaton ang kahalagahan ng pagpapatatag at pagpapalakas ng ating relasyon nang mag-isa at kasama ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ang mabuklod sa templo ay nagtutulot sa atin na lubos na madama ang kapangyarihang idinudulot ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa kasal—kung paano talaga mababago ng mga ito ang ating pagmamahal sa isa’t isa at maaanyayahan ang nagpapagaling, tumutubos, at nagbibigay-kakayahang pagmamahal ng Tagapagligtas sa ating relasyon.

Inuulit ko ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan: “Kung makakausap ko nang sarilinan ang bawat young adult, makikiusap ako sa inyo na maghanap ng makakasama na maibubuklod sa inyo sa templo. Maaaring isipin ninyo kung ano ang magagawang kaibhan nito sa inyong buhay. Ipinapangako ko sa inyo na malaki ang kaibhang magagawa nito! Kapag nagpakasal kayo sa templo at palaging bumabalik sa templo, kayo ay palalakasin at gagabayan sa inyong mga desisyon.”1

Naranasan namin ni Keaton ang “[malaking] kaibhan” sa aming buhay na inilarawan ni Pangulong Nelson. Kamakailan, natanggap namin ang aming unang anak, isang magandang batang babae, na nagbukas ng aming puso’t isipan sa pagmamahal ng Diyos para sa amin sa isang bagong antas. Tuwing tinitingnan natin ang kanyang magagandang mata, naaalala namin ang malalaking pagpapala ng templo at mga walang-hanggang pamilya. Amin siya magpakailanman, at kami ni Keaton ay pagpapalaing magkasama magpakailanman dahil ibinuklod kami para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.

Pinatototohanan ko na ang mabuklod sa templo ay sulit sa lahat ng bagay at na makikita ninyo ang patnubay ng Panginoon sa inyong relasyon kung patuloy kayong magtutuon sa inyong mga tipan at gagawing prayoridad ang templo sa inyong buhay.