“Pagkilos nang may Pananampalataya Habang Umaasang Makapag-asawa—8 Ideya para sa mga Adult na Walang Asawa,” Liahona, Hunyo 2023.
Pagkilos nang may Pananampalataya Habang Umaasang Makapag-asawa—8 Ideya para sa mga Adult na Walang Asawa
Paanong natin mapapanatili ang pag-asa na makapag-asawa at magkaroon ng mga anak sa hinaharap samantalang nagdadalamhati pa rin tayo na hindi pa dumarating ang mga pagpapalang ito?
Para sa mga adult na miyembro ng Simbahan na walang asawa, ang pangako ng selestiyal na kasal—ngayon man o sa kawalang-hanggan—ay naghahatid ng malaking pag-asa at kapanatagan. Subalit ang pangakong iyan ay hindi nangangahulugang wala na ring dalamhati, pag-aalala, o pagkalito.
Maraming propeta ang nagsalita tungkol sa ipinangakong pagpapala ng kasal para sa matatanda na wala pang asawa at nananatiling karapat-dapat sa tipang iyon.1 Halimbawa, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bagamat hindi sila nagkulang, mag-isa nilang hinaharap ang mga pagsubok ng buhay. Ngunit pinaaalalahanan tayong lahat na, sa paraan at panahon ng Panginoon, walang mga pagpapalang ipagkakait sa Kanyang matatapat na Banal.”2
Ipinaalala rin sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na bagama’t ang pagpapala ng selestiyal na kasal ay tinitiyak sa matatapat, “ang mismong oras at paraan ng paggagawad ng mga pagpapala ng kadakilaan ay hindi inihayag na lahat.”3 Kaya, ang patuloy na tanong ay mananatili para sa mga walang asawa: ang pangako ng kasal ba ay darating sa mortalidad o hindi? At sa tanong na iyan, maaaring makadama ang ilang tao ng kawalang-katiyakan, pasakit, at maging ng di-mailarawang kawalan na hindi materyal—ang pagkawala ng pagkakataong maging asawa o magulang sa panahong inasam nila.
Sa pamamagitan ng pananampalataya at mga pagpapala mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ang mga walang asawa ay patuloy na makahahanap ng pag-asa, lakas, at kagalakan habang naghihintay sila sa Panginoon para sa mga ipinangakong pagpapala ng selestiyal na kasal.
Pagsulong sa Gitna ng Di-mailarawang Kawalan
Sa buhay na ito, dumaranas tayong lahat ng maraming uri ng kawalan at kabiguan. Subalit ang pagkawala ng mga pag-asa at inaasahan na maaaring dumating o hindi pa rin dumarating sa ating buhay ay nagdudulot ng kawalang-katiyakan na naiiba sa mga pagkawalang madaling mailarawan. Halimbawa, gaano man kahirap ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay, ito ay malinaw; tinutulungan tayo nitong magluksa at gumaling kalaunan sa paglipas ng panahon. Subalit ang iba namang mga pagkawala ay hindi gaanong malinaw, kapansin-pansin, o walang takdang oras. Halimbawa, maaari itong mangyari sa mga taong hindi magkaanak o nakakakita ng paglala ng dementia ng isang kapamilya. Maaari rin itong mangyari para sa mga adult na walang asawa sa kasalukuyan na umasam o umasang makakapag-asawa sila, lalo na sa mga hindi nakapag-asawa o hindi nagkaroon ng mga anak sa anumang dahilan. Tinatawag ng mga mental health professional ang di-mailarawan na pagkawalang ito na di-malinaw na kawalan dahil sa malabong katangian nito.4
Bilang isang taong hindi naikasal hanggang sa nasa mga 30 na ako at bilang therapist na nagpapayo sa maraming tao na wala pang asawa (kabilang na ang mga miyembro ng Simbahan), pamilyar ako sa hirap ng ganitong uri ng kawalang-katiyakan at kawalan, lalo na sa isang Simbahan na sa tamang paraan ay nagbibigay-diin sa ipinanumbalik na doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya.
Maraming kliyente ang nagsasabi sa akin na sana ay alam nila kung maikakasal ba sila sa buhay na ito—kahit na malaman nila na hindi sila maikakasal sa mortalidad, kahit paano ay mahaharap nila ito at makakasulong sila habang inaasam ang mga pagpapalang iyon sa hinaharap. Ang kawalang-katiyakan ng pagkawalang ito ang lumilikha ng kaisipan kung mas mabuti bang kumapit o magpatuloy.5 Kabilang sa mga karaniwang reaksyon sa ganitong uri ng kawalan ang pag-aalinlangan, pagkalito, kawalang-katiyakan, kalungkutan, depresyon, pagkabalisa, sakit, kalungkutan, kahihiyan, sama-ng-loob, galit, pagkabigo, at dalamhati.
Kahit ang pinakamatatag na tao na walang asawa ay maaaring mahirapan sa kawalang-katiyakan na pag-asam na maikasal at magkapamilya sa buhay na ito. Sa pagsasalita sa mga miyembro ng Simbahan na wala pang asawa, ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Tinitiyak ko sa inyo na sensitibo kami sa kalungkutan na nadarama ng marami sa inyo. Ang kalungkutan ay isang bagay na mapait at masakit sa kalooban. … Ngunit may mga nagmumula rin sa Kanya na nagsabing, ‘Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo.’ (Isa. 51:12.)”6 Si Cristo ang pinagmumulan ng ating kapanatagan at pag-asa sa gitna ng kawalang-katiyakan.
Ang “paghihintay sa Panginoon” na ito, turo ni Pangulong Ballard, ay “nangangahulugan ng patuloy na pagsunod at espirituwal na pag-unlad palapit sa Kanya. Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid. Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pagkilos.”7
Kaya, paano kikilos ang mga taong walang asawa na tutulong sa kanila na sumulong nang may pananampalataya kay Cristo sa gitna ng mga pasakit ng paghihintay sa pag-aasawa na maaaring mangyari o hindi sa buhay na ito? Ang sumusunod na walong estratehiya ay makatutulong para madagdagan ang iyong katatagan na hindi lamang mabuhay nang walang asawa kundi magtagumpay rin at mamuhay nang may kasiyahan.
1. Unawain na Nararanasan Mo ang Di-malinaw na Kawalan
Makatutulong na maunawaan na nararanasan mo ang isang uri ng di-malinaw na kawalan at malamang na hindi mo madaling malutas ang pagkalito na naidudulot nito. Ang kamalayang ito ay makatutulong sa iyo na gawing normal ang pinagdaraanan mo, nakadarama ka man ng pag-aalinlangan tungkol sa pagiging dalaga o binata, nag-aasam ka man na maikasal pa rin, nagnanais na sumuko sa paghahanap ng mapapangasawa, nagsisisi sa hindi pagpapakasal sa isang tao, o nag-iisip kung may mali sa iyo o sa mga potensyal na kapartner mo. Ang pag-unawa na nakararanas ka ng di-malinaw na kawalan ay makapagbibigay ng kaunting kaginhawahan.
2. Kilalaning Tama ang Ilang Pananaw
Mahalagang tanggapin na ang ilang pananaw sa iyong karanasan ay sabay-sabay na totoo. Halimbawa:
-
“Maaari akong umasa na makapag-aasawa ako at maaari rin akong sumulong nang namumuhay sa makabuluhan at kasiya-siyang mga paraan.”
-
“Maaari akong sabay na magdalamhati na wala akong asawa sa ngayon at umasa na maaari akong maikasal sa hinaharap.”
-
“Maaari kong sabay na mapahalagahan ang mga ugnayan ko sa mga kaibigan at kapamilya at hangarin na makapag-asawa.”
-
“Maaari akong sabay na magsikap na makilala ang mapapangasawa ko sa hinahanap at maniwala na maaari iyong depende sa takdang panahon ng Panginoon at sa kalayaang pumili ng iba.”
3. Magtuon sa Bagay na Maaari Mong Makontrol
Dapat mong malaman kung ano ang maaari mong makontrol at ang hindi mo makokontrol. Halimbawa, maaari mong makontrol ang patuloy na paglapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at paghugot ng lakas sa pamamagitan Nila. Maaari kang maghanda at mamuhay nang marapat para sa kasal sa templo, at maaari mong saliksikin ang uri ng taong gusto mong mapangasawa. Hindi mo makokontrol ang pagkakahanap sa taong iyon o ang pagpiling pakasalan ka ng taong iyon. Kapag naunawaan mo kung ano ang makokontrol mo at tinatanggap mo ang hindi, mo makokontrol mababawasan mo ang paghihirap ng damdamin at madaragdagan ang kakayahan mong makayanan ang kapighatian. Hindi maiiwasan ang sakit, ngunit ang kalungkutan at pagdurusa ay kadalasang dumarating kapag sinusubukan nating kontrolin ang mga bagay na hindi natin kayang kontrolin sa halip na magtiwala sa mga plano ng Diyos.8
Magtiwala sa Diyos, lalo na sa mga bagay na hindi mo makokontrol (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–7). Isipin kung paano makapagbibigay ng mga pagkakataong umunlad ang pagiging single habang umaasa na makakapag-asawa. Itinuro minsan ni Elder Bruce C. Hafen, isang emeritus General Authority Seventy: “Ang mga problema sa buhay ay tila hindi tumitigil, ngunit ang pagsisikap nang husto na harapin ang mga problema ay bumabanat sa inyo nang sapat kahit paano para matutuhan ninyo ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan nang hindi nababanat. Ang masayang buhay ay hindi tungkol sa pagkuha ng gusto ninyo; ito ay tungkol sa saloobin ninyo tungkol sa anumang mangyayari sa inyo, isang saloobin na nagpapahintulot sa inyo na lumago.”9
4. Pangalagaan ang Banal na Hangaring Mag-asawa
Ang hangaring mag-asawa ay maaaring pagmulan ng pag-asa, inspirasyon, at motibasyon. Piliing pangalagaan ang banal na hangaring mag-asawa, kahit na ang pag-asam na makapag-asawa ay maaaring mahirap at masakit kapag ikaw ay single. Maaari kang matuksong supilin ang hangaring mag-asawa upang pagaanin ang mga hamon na dulot nito sa damdamin; maaaring kabilang dito ang negatibong pag-iisip tungkol sa kasal at sa iba (sa mga taong nakadeyt mo, sa opposite sex, at iba pa) o pagpiling manatiling single o walang asawa.
Ang intensiyonal na paggamit ng inyong kalayaang pumili na bigay ng Diyos upang pangalagaan ang banal na hangaring ito na maikasal—kahit na ito ay malaking pinagmumulan ng pighati habang single ka pa—ay maaaring makapagbigay ng lakas. Ang mga halimbawa kung paano mo ito magagawa ay kinabibilangan ng:
-
Pag-iisip sa mga linya na “Dahil ang kasal ay isang matuwid na hangarin na pinahahalagahan ko, pinipili kong panghawakan ang pag-asa na makakapag-asawa ako sa buhay na ito, bagama’t ang paggawa nito ay pagpili ring patuloy na madama ang kabiguan at sakit ng kalooban ng pagiging single o walang asawa.”
-
Pagpiling gawin ang makakaya mo para makapag-asawa, tulad ng pagkilala sa mga tao at pakikipagdeyt, kahit na ang ibig sabihin ng paggawa nito ay maaari kang tanggihan, panghinaan-ng-loob, at mapagod kung minsan.
Ang paggalang sa hangaring makasal habang hindi mo pa nagagawa ang utos na mag-asawa sa ngayon ay isang makabuluhang paraan upang ipakita ang iyong taimtim na pangako na sundin ang Tagapagligtas sa landas ng tipan.
5. Manatiling Nagsisikap para sa Iyong Walang-Hanggang Pag-unlad
Kapag wala ka pang asawa, madaling pagtuunan nang husto ang papel na ginagampanan ng kasal sa ating walang-hanggang pag-unlad. Gayunman maaari ka pa ring lumago at umunlad sa maraming paraan. Ang pangunahin nating layunin sa buhay ay maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang Tapat sa Pananampalataya ay nagtuturo sa mga taong wala pang asawa at nagnanais na makasal na “huwag mawalan ng pag-asa. Kasabay nito, huwag masyadong pagkaabalahan ang inyong mithiin. Sa halip, sabik na makibahagi sa mga makabuluhang gawain. Humanap ng mga paraan para makapaglingkod sa inyong mga kamag-anak at komunidad. Tanggapin at gampanan ang mga tungkulin sa Simbahan. Manatiling malinis, kapwa sa pisikal at sa espirituwal. Patuloy na matuto at magpakahusay at umunlad sa inyong personal na buhay.”10 Palaguin ang mga katangiang katulad ng kay Cristo. Gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan na magagawa mo habang wala ka pang asawa. Samantalahin kung ano ang maibibigay sa iyo ng kasalukuyan mong sitwasyon. Humanap ng kagalakan sa iyong paglalakbay. “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
6. Palakasin ang Iyong mga Kaugnayan sa Iba
Ang makabuluhang mga ugnayan ay mahalagang bahagi ng mortalidad at ng kawalang-hanggan. Pag-ibayuhin ang iyong pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa iba.11 Magpraktis na magkaroon ng mga makabuluhang pakikipag-uusap. Magbahagi ng tungkol sa iyong mga karanasan. Makinig sa iba. Ayusin ang di-pagkakasundo. Makibahagi sa mga nagpapasiglang aktibidad. Alamin na ang inyong mga ugnayan ay mabisang pinagmumulan ng kagalakan at nagbibigay ng mga paraan para maging higit na katulad ni Jesucristo.
7. Unawain ang Iyong Tunay na Identidad
Ang pagiging single o walang asawa ay tila pinakamahalagang aspeto ng inyong buhay, pero hindi ito ang iyong pagkatao; bahagi lamang ito ng iyong kasalukuyang sitwasyon. Magtuon sa iyong tunay na identidad bilang anak ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. … Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo.”12 Panatilihing nakatuon sa iyong banal na identidad ang paraan ng paglalarawan mo sa iyong sarili.
8. Patuloy na Umasa
Ang pag-asa ay matatagpuan kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Mateo 11:28–30; Mosias 24:13–15).13 Ang manatiling umaasa sa kabila ng kawalang-katiyakan ay isang pagkilos nang may pananampalataya. Itinuro ni Pangulong Ballard na ang pag-asa kay Cristo ay “kailangan … upang madaig ang hirap, mapagyaman ang espirituwal na katatagan at lakas, at malaman na mahal tayo ng ating Amang Walang Hanggan at na mga anak Niya tayo, na mga kabilang sa Kanyang pamilya.”14
Panatilihin ang walang-hanggang pananaw na nagbibigay ng tamang perspektibo sa pagiging single. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang pagiging single, kawalan ng anak, kamatayan, at diborsyo ay bumibigo sa mga ideyal at nagpapaliban sa katuparan ng mga ipinangakong pagpapala. … Ngunit ang mga kabiguang ito ay pansamantala lamang. Nangako ang Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na sumusunod sa mga kautusan, na tapat sa kanilang mga tipan, at hinahangad yaong matwid.”15
Nakakapagpaibayo man ng mga hamon sa pagiging single o walang asawa ang ipinanumbalik na mga doktrina ng plano ng kaligtasan, makasusumpong ka ng katiyakan at pag-asa sa pamamagitan din ng paniniwala sa plano ng Diyos, sa iyong likas na kabanalan, at sa walang hanggang kasal para sa lahat ng namumuhay nang karapat-dapat sa dakilang pagpapalang ito.