Digital Lamang
Protektado sa Pagguho ng mga Bato
Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.
Nang hindi mapigilan ang pag-andar ng kotse namin patungo sa barandilya ng talampas, biniyayaan ako ng Espiritu ng isang di-inaasahang pahiwatig.
Binisita namin ng anak kong babae at ng kanyang pamilya ang Yellowstone National Park, at ginugol namin ang buong araw na iyon sa pamamasyal. Maulan ang araw na iyon, pero hindi namin hinayaang makasira iyon sa araw namin. Halos buong maghapong nagmaneho ang anak ko, pero nang maghatinggabi na ay nahiwatigan ko na ako na dapat ang magmaneho pabalik sa tinutuluyan namin.
Hindi malinaw sa akin kung bakit kinailangang ako ang magmaneho, pero lagi kong sinisikap na sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo kapag ganito ang pakiramdam ko. Tulad ng itinuro ni Joseph Smith, “Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito … ang [inyong] gagawin at patutunguhan.”1
Dumilim na, at malakas ang ulan. Mula sa kahit saan, may lumabas sa harapan ng trak ko. Hindi ko tiyak kung ano iyon, pero malapit iyon. Alam kong tatamaan namin iyon. Natanto ko na isang piraso ng gilid ng burol ang nasira at nahulog sa aming daanan. Simbilis ng makakaya ko, sinubukan kong iwasan ang malaking bato, pero napakalapit niyon at tinamaan namin iyon.
Itinulak kami ng bilis ng trak sa ibabaw ng bato, kaya tumagilid ang trak at bumagsak sa dalawang gulong. Sinikap kong patigilin ang trak, pero bumara ang silinyador. Patuloy kaming umabante nang mabilis, na parang rocket na lumilipad sa daan sa dalawang gulong. Sa pagkakataong iyon, natanto ko na patungo kami sa isang barandilya sa talampas na pababa sa Yellowstone River. Nawalan ako ng kontrol sa sasakyan, at nalaman ko kung ano ang nasa kabilang panig ng barandilya kung lumampas kami roon.
Sa sandaling iyon, tahimik akong nagdasal: “Ama, tulungan Mo sana akong iligtas ang pamilya ko!” Biglang nahiwatigan ko na pinapapatay sa akin ng Espiritu Santo ang makina. Kakailanganin kong alisin ang isang kamay ko sa manibela, pero nakakapit doon ang dalawang kamay ko para makontrol ang trak. Naisip ko, “Hindi ko mabitawan iyon.” Nakadama ako ng nakapapanatag na bulong mula sa Espiritu Santo: “OK lang. Tutulungan kita. Patayin mo ang makina.” Inabot ko ang ignition switch at inalis ang susi. Nang magsimulang bumagal ang trak, muli kong namaniobra iyon para manatili kami sa daan.
Alam ko na ang pahiwatig ng Espiritu Santo ang naghikayat sa akin na patayin ang makina. Parang mahigpit na hawak ng mga anghel ang manibela para maalis ko ang kamay ko para patayin ang makina. Alam ko na tinulungan ako ng Ama sa Langit at ng Espiritu Santo noong gabing iyon. Lubos akong nagpapasalamat sa ebanghelyo sa aking buhay na ginawang posible para sa akin na maging handang tumanggap ng mga pahiwatig na gumabay sa amin tungo sa kaligtasan.