2023
Ang Takot ba ay Nakasasagabal sa Iyong Kaugnayan sa Diyos?
Hunyo 2023


“Ang Takot Ba ay Nakasasagabal sa Iyong Pakikipag-ugnayan sa Diyos?,” Liahona, Hunyo 2023.

Mga Young Adult

Ang Takot ba ay Nakasasagabal sa Iyong Kaugnayan sa Diyos?

Paano ko mapaliliit ang agwat na iyon na kung minsan ay nadarama ko sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit?

babaeng nakatingin sa isang grupo ng mga tao na nasa kabila ng isang look

Mga larawang-guhit ni Alex Nabaum

Ano ang mangyayari kung napakatibay ng iyong kaugnayan sa Diyos na mapagkakatiwalaan mo Siya nang 100 porsiyento? Siguro ay may pananampalataya ka na makapaglilipat ng mga bundok (tingnan sa Mateo 17:20) o sabihin sa mga ilog, “Ikaw ay maging lupa” (1 Nephi 17:50).

Naniniwala ako na posible ang ganitong uri ng kaugnayan sa Diyos. Pero palagi akong nagdududa, posible ba ito sa akin?

Pinahahalagahan ko ang aking kaugnayan sa Ama sa Langit. Naglalaan ako ng oras, pagsisikap, at pagmamahal sa Kanya araw-araw. Pero kung minsan nadarama ko pa rin na may malaking agwat na nakahahadlang sa akin para mas mapalapit sa Kanya. Ito ay isang agwat na hindi ko alam kung paano pakikitirin hanggang nitong kamakailan lang.

Ang Takot ay Nakakasira ng mga Relasyon

Halos buong buhay akong namuhay na malayo ang damdamin sa mga taong mahal ko. Nasisiyahan akong makipagkaibigan, pero hindi ko natutuhan kailanman kung paano talaga hayaang maging bahagi ng buhay ko ang mga tao—na nangangailangan ng pagiging bukas at pagiging mas personal kaysa komportable sa akin.

Sa paglipas ng mga taon ay nasaktan ako ng mahihina, nasira, at nabigong mga ugnayan. Kaya ang pakikipagsapalaran na muling maging bukas upang makipag-ugnayan sa mga tao ay laging tila mapanganib. Matagal na pahanon ang inabot bago ko ito inamin, ngunit ang isa sa mga pinakamatinding takot ko ay ang maging hindi sapat para sa isang taong mahalaga sa akin at maiwan ako.

Kamakailan ay natanto ko na kung minsan ay nararanasan ko ang takot ding ito na talikuran ang kaugnayan ko sa Diyos.

Kapag nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan tungkol sa kung paano maaasahan ang Diyos, naniniwala ako sa mga ito. Pero sa sandaling kailangan kong magtiwala sa Kanya, nananatili ang kaunting takot at hinahadlangan ako nito na lubos na magtiwala. Inilarawan ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang ganitong pakiramdam: “Maaaring may mga pagkakataon na nadarama ninyong nakahiwalay kayo—at malayo [pa nga]—mula sa Tagapagbigay ng bawat mabuting kaloob. Nag-aalala kayo na nag-iisa kayo. Nahahalinhan ng takot ang pananampalataya.”1

Nang pag-aralan ko ang paraan na may epekto ang takot sa aking mga pakikipag-ugnayan, natuklasan ko ang ilang katotohanan na nakatulong sa akin na makatugon nang mas mabuti sa takot para magkaroon ako ng pag-asa at patuloy na mapalakas ang aking kaugnayan sa Kanya at sa iba.

Ang Kahalagahan ng Pagtitiwala

Gusto nating lahat na magkaroon ng matibay at may pagtitiwalang ugnayan sa buhay, lalo na sa Ama sa Langit. Pero kung minsan ang takot ay maaaring makahadlang para tulutan ang ating sarili na maging bukas sa potensyal na pakikipagkaibigan, walang-hanggang kabiyak, at maging sa Ama sa Langit. Madarama natin na nanganganib tayo sa lahat ng uri ng bagay, pero kadalasan ang pinakamalaking takot ay nagmumula sa pananaw na inilalayo ng iba ang kanilang sarili sa atin—o gagawin nila ito sa hinaharap.

Nakita ko ang sarili kong nahuhumaling sa paghihintay sa isang taong gusto ko na sumagot sa text ko. Palagi kong tinitingnan ang cellphone ko, umaasang sasagot sila—at nababalisa kung hindi sila sumasagot! Sa ibang pagkakataon naman ay hindi ako makatwirang nagpapasiya na ang pakikipagdeyt ay hindi sulit sa emosyonal na panganib na masaktan o mabigo, kaya tinatapos ko ito. Ang dalawang pagtugon na ito ay parehong mas nagpapakita ng reaksyon na nakabatay sa takot kaysa pagtitiwala.

Kung iisipin ito, natural na tutugon ako sa Diyos sa gayon ding mga paraan kapag hindi ako lubos na nagtitiwala sa Kanya at sa halip ay hinahayaan kong ang takot at pag-aalinlangan ang maging batayan ng aking mga kilos. Subalit gaya ng natututuhan natin sa Mga Kawikaan, lagi tayong “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa” (Mga Kawikaan 3:5).

babaeng nakikihalubilo sa iba

Magtakda ng mga Angkop na Limitasyon

Tayong lahat ay maaaring magkaroon ng mas matatag at mabubuting relasyon, at ang isang bagay na tumutulong sa akin ay ang pagtatakda ng makatotohanang mga inaasahan. Kapag ang dalawang tao sa isang relasyon ay may makatotohanan at tapat na mga inaasahan, mas malamang na hindi nila madama na ang mga ginagawa (o hindi ginagawa) ng ibang tao ay naglalagay sa kanilang relasyon sa panganib.

Kung minsan ay mali ang mga inaasahan sa paraan ng pakikibahagi ng Diyos sa ating buhay. At ang mga inaasahang iyon ay kadalasang dahilan kung bakit maaaring madama natin na hindi natin Siya mapagkakatiwalaan—dahil hindi Niya ipinapakita ang inaasahan natin sa Kanya o nais nating gawin Niya . Maaari tayong magsimulang makadama ng pagkadismaya, kawalan ng tiwala, o takot na wala Siya roon, na hindi Niya tayo mahal, o na hindi Niya tutuparin ang Kanyang mga pangako.

Maaari tayong tumugon nang may pagkabalisa. O simulang isalig ang ating pananampalataya sa katuparan ng mga pagpapala na sa palagay natin ay nararapat o sa kalalabasan na inaakala nating pinakamabuti para sa atin. O maaari tayong umiwas—itinitigil natin ang pagbabasa ng ating mga banal na kasulatan o ang pagdarasal para sa Kanyang patnubay dahil mas gusto nating magtiwala sa sarili nating lakas.

Ang lahat ng pag-uugaling ito ay mga sagabal na humahadlang sa atin para ating tunay na madama at maipadama ang tumpak na pagmamahal ng Ama sa Langit.

Sa ganitong mga sitwasyon, tayo ang kailangang magsuring muli ng ating mga inaasahan at pag-uugali. Sa halip na sabihin sa Diyos kung paano Siya dapat magpakita sa atin, mas makabubuting malaman kung paano Siya kumikilos. Tulad ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Totoong kahangalan sa tulad nating mortal na limitado ang pang-unawa na ipalagay na mahahatulan natin ang Diyos, na isipin halimbawa na ‘hindi ako masaya, kaya tiyak na may maling ginagawa ang Diyos.’”2

Ang mga Tipan ay Bumubuo ng Tiwala

Para magkaroon ng tiwala sa ating kaugnayan sa Ama sa Langit, maaari tayong bumaling sa ating mga tipan. Malinaw na ipinaliliwanag ng mga tipan ang inaasahan Niya sa atin. Kapag masigasig tayong nagsisikap na tuparin ang ating tipan, ginagawa natin ang ating bahagi para magtiwala sa banal na ugnayang ito.

Ang mga tipan ay katibayan na mahal tayo ng Diyos at tapat Siya sa atin—na walang makapaghihiwalay sa atin sa Kanya o sa Kanyang pagmamahal (tingnan sa Roma 8:38–39) kapag patuloy natin Siyang hinahanap at nagsisisi sa bawat araw. Kapag nakita natin sa ating sarili na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako sa atin kapag tinutupad natin ang mga pangako natin sa Kanya, nagkakaroon tayo ng katiyakan na maaari tayong lubos na magtiwala sa Kanya.

Ang pagkilala sa pagtupad ng Diyos sa mga tipan ay nangangailangan ng pagsunod, pagninilay, at pananampalataya. Kung nahihirapan kang makita Siya sa iyong buhay, isipin ang mga paraang ito na ipinangako Niya na ibibigay sa iyo bilang pagpapala kapag gumagawa ka at tumutupad ng mga tipan:

  • Kaginhawahan mula sa kabiguan, kalungkutan, o panghihinayang3

  • “Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at mga turo ng Panginoon.”4

  • Lakas laban sa mga tukso5

  • “Karagdagang pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.”6

  • Mas malapit at mas matibay na ugnayan sa Tagapagligtas7

  • Lakas na maabot ang ating buong potensyal8

  • Kagalakan at espirituwal na mga pahiwatig9

  • “Walang-katapusang inspirasyon at motibasyon”10

Nang sadya kong hinanap ang mga pagpapalang ito, naging malinaw sa akin na palagi akong ginagabayan ng Diyos at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako tulad ng palagi Niyang ipinapangako. At iyan ang nagbibigay sa akin ng katiyakan para magtiwalang nariyan Siya para sa akin kapag kailangan ko Siya. “Sapagkat tutuparin niya ang lahat ng kanyang pangako na gagawin niya sa iyo, sapagkat tinupad niya ang kanyang mga pangakong ginawa niya sa ating mga ama” (Alma 37:17).

Sa buhay ko, hindi lahat ng ugnayan ay naging maayos. At dahil sa mga nasirang relasyon ay natakot akong sumubok muli. Ngunit naniniwala ako na madaraig nating lahat ang ating mga takot kapag sinusubukan nating magkaroon ang pagtitiwala at nagsisikap tayong maunawaan ang espirituwal na lakas na nagmumula sa ating pakikipagtipan sa Diyos.

Umaasa ako na balang-araw ay makakahanap ako ng makakasama sa kawalang-hanggan at patuloy na makakabuo ng magagandang ugnayan sa iba sa pamamagitan ng natututuhan ko tungkol sa pagtupad ng aking mga tipan sa Kanya. Tulad ng itinuro ni Elder Christofferson: “Sa huli, ang mabiyayaang magkaroon ng malapit at matibay na kaugnayan sa Ama at sa Anak ang hinahangad natin. Ito ang malaking kaibhan sa lahat at sulit ang halaga nito magpakailanman. … Anuman ang maranasan natin sa buhay na ito, maaari tayong magtiwala sa Diyos at magalak sa Kanya.”11

Kapag patuloy tayong hahawak nang mahigpit sa ating mga tipan, madarama natin ang nakapagbibigay-kakayahang pagtitiwala sa isa’t isa at sakdal na pagmamahal sa ating ugnayan sa Ama sa Langit.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 121.

  2. D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 78.

  3. Tingnan sa ElRay L. Christiansen, “We Have Made Covenants with the Lord,” Ensign, Ene. 1973, 51.

  4. About the Temple Endowment,” ChurchofJesusChrist.org/temples/what-is-temple-endowment.

  5. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, “The Pearl of Great Price,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1930, 103.

  6. About the Temple Endowment,” ChurchofJesusChrist.org/temples/what-is-temple-endowment.

  7. Tingnan sa “About the Temple Endowment,” ChurchofJesusChrist.org/temples/what-is-temple-endowment.

  8. Tingnan sa ElRay L. Christiansen, “We Have Made Covenants with the Lord,” 51.

  9. Tingnan sa “About the Temple Endowment,” ChurchofJesuschrist.org/temples/what-is-temple-endowment.

  10. Endowed with Covenants and Blessings,” Ensign, Peb. 1995, 40.

  11. D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 80.