2023
Liwanag, Katotohanan, at Paglakad Natin na Kasama si Jesucristo
Hunyo 2023


Digital Lamang

Liwanag, Katotohanan, at Paglakad Natin na Kasama si Jesucristo

Isipin ang tatlong estratehiyang tutulong sa iyo na lumakad sa liwanag at mahiwatigan ang katotohanan nang hindi nalilinlang.

si Cristo na naglalakad kasama ang mga disipulo

Hanapin ang Liwanag

Ang inspiradong mga titik ng magandang awiting “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” ay isang paanyaya para magmuni-muni nang malalim:

Si Jesus lumakad sa karunungan;

Diyos minahal sa Kanyang kabataan.

Ako’y gagabayan Niya, at Siya ang daan,

Araw-araw Siya ay aking susundan.

Aking sisikaping Siya ay gayahin,

Pangakong landas Niya ay tatahakin.

Ako’y aalagaan ng Panginoon,

Siya’y laging susundin, at mamahalin.

Kay Jesus tiwala, Siya’y pakikinggan.

Kahit may mali, ako’y ‘di Niya iiwan.

Ako’y binigyan Niya ng kapangyarihan,

Tutulungan Niya ‘ko magpakailanman.

Sa aking paglakad, Jesus kasama,

Ako ay Kanyang babasbasan ng pag-ibig Niya,

Puso’y babaguhin at tutulungan Niya.

Sa aking paglakad, Jesus ang kasama.1

Tunay ngang wala nang higit, mas nakakatuwa, at mas nagpapasiglang hamon kaysa matutong lumakad na kasama ang Panginoon at kasabay nito ay tumanggap ng kagila-gilalas na pagpapalang makasama Natin Siya.

Isipin ang propetang si Enoc. Habang lumalago ang kanyang pananampalataya at pag-unawa, tinuruan si Enoc sa lahat ng paraan ng Diyos. Napakalaki ng kanyang pananampalataya at napakabisa ng kanyang pananalita kaya tinulungan niya ang bawat miyembro sa kanyang komunidad na magsisi at maranasan para sa kanilang sarili ang liwanag at katotohanang nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan. Napakalaki ng kanilang pagbabago at pagbabalik-loob kaya lumakad sila na kasama ang Panginoon at kalaunan ay dinala sila sa langit. Naghangad si Enoc ng liwanag at katotohanan sa kanyang buhay, at inanyayahan siyang lumakad na kasama si Jesus (tingnan sa Moises 6–7).

Isipin natin kung paano makakatulong ang paghahanap natin ng liwanag at katotohanan sa ating pang-araw-araw na buhay na lumakad na kasama si Jesus. Ayon sa mga banal na kasulatan, ang ilaw ay “ang banal na lakas, kapangyarihan, o impluwensya na nanggagaling sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at nagbibigay ng buhay at [liwanag] sa lahat ng bagay. … Tinutulungan din nito ang mga [anak ng Diyos] na maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at tinutulungang ilagay sila sa daan ng ebanghelyo na [humahantong] sa kaligtasan.”2 Ipinaliwanag ni propetang Abinadi sa Aklat ni Mormon na si Jesucristo “ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9). Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).

Samakatwid, kapag naghanap tayo ng liwanag sa ating buhay, hinahanap natin si Cristo. Kapag hinanap natin si Cristo at tinanggap ang Kanyang liwanag, tayo ay nagiging mga anak Niya—”mga anak ng liwanag” (1 Tesalonica 5:5). Pinagliliwanag ng mga anak ng liwanag ang kanilang ilaw upang makita ng iba ang kanilang mabubuting gawa at luwalhatiin ang ating Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 5:16). Ang hangaring iyon ay umaakay sa atin na gumawa ng mabuti sa buhay at nangangako na tayo ay “hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” Kapag nagpatuloy tayong tahakin ang landas na ito sa banal na liwanag ni Jesus, tayo ay natututo, lumalago, at nagtatamo ng higit pang liwanag.3 May huwaran ng pagtatamo ng liwanag habang lumalakad tayo na kasama si Jesus, at, kasunod niyon, ginagabayan ni Jesus ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng pagpapala sa atin na “sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama natin” (Doktrina at mga Tipan 20:77). Ito mismo ang ipinangako ng Panginoon kay Enoc: “At ikaw ay mananahan sa akin, at ako’y sa iyo; kaya nga, lumakad na kasama ko” (Moises 6:34).

Hanapin ang Katotohanan

Ngayo’y ibaling natin ang ating pansin sa katotohanan. Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na “ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Itinurong minsan ni Propetang Joseph Smith: “Ang kaalaman ay kailangan sa buhay at kabanalan. … Ang kaalaman ay paghahayag. Dinggin, kayong lahat na kalalakihan, ang mahalagang susing ito: ang kaalaman ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”4 Sabi ng Panginoon:

“Ang Espiritu ng katotohanan ay sa Diyos. Ako ang Espiritu ng katotohanan, at si Juan ay nagpatotoo sa akin, sinasabing: Siya ay tumanggap ng kabuuan ng katotohanan, oo, maging ng lahat ng katotohanan;

“At walang taong tatanggap ng kaganapan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 93:26–27).

Mga kapatid, sa kontekstong ito, ang katotohanan ay may kaugnayan sa liwanag, kaalaman, at mga paghahayag mula sa langit at naaayon sa isipan, kalooban, pagkatao, kaluwalhatian, at katauhan ng Diyos.5 May kapangyarihan sa katotohanan dahil “ang katotohanan ang magpapalaya sa [atin]” (Juan 8:32). Samakatwid, ang katotohanan ay nagbibigay sa atin ng kakayahang makita nang malinaw, mahiwatigan at maiwasan ang panlilinlang, at magtakda ng isang landas sa kabila ng mga kawalang-katiyakan ng ating panahon. Sa katunayan, dapat ay palagi nating hanapin ang katotohanan sa ating buhay sa anumang paraan. Ang pangalawa at pang-apat na talata ng himnong “Sabihin, Ano ang Katotohanan?” ay lubos na nakakatulong sa pag-unawa sa kahalagahan ng paghahanap natin sa katotohanan:

Katotohana’y pinakamaningning

Na gantimpalang mahahangad.

Ito ay sa kailaliman mo hanapin,

O kaya’y sa kaitaasan mo tunguhin,

Asam na pinakamarangal. …

Katotohanan ang huli at ang una,

‘Di mababago ng panahon.

Langit ma’y pumanaw, at mundo’y magiba,

Ang katotohana’y hindi masisira;

Buhay nati’y ito ang layon.6

Nabubuhay tayo sa kagila-gilalas na mga panahon na ang mundo ay puno ng mas maraming impormasyon kaysa rati. Subalit mas mahirap ngayong mahiwatigan ang katotohanan. Nabubuhay tayo sa isang mundong may iba’t ibang pananaw, maingay at magkakaiba ang opinyon, at mga tusong pilosopiya na kadalasa’y nagmumula sa mga taong nagsasabi na sila ay eksperto at influencers—na karamihan ay nagpapahayag ng kanilang mga opinyon at pananaw sa internet. Sa internet ay tila walang-tigil ang pag-atake sa katotohanan.

Gusto noon ng pangulo ng Amerika na si Abraham Lincoln na kausapin ang kanyang mga tagapakinig at kadalasa’y gumagamit ng mga palaisipan at katatawanan kapag siya ay nagsasalita. May isang kuwento na nagtanong daw siya sa mga tagapakinig kung ilan ang magiging binti ng aso kung ituturing na binti ang buntot. Nang sabihin nilang lima, sinabi niya na ang sagot ay apat, dahil hindi komo tinawag na binti ang buntot ay binti na nga iyon.

Mayroon talagang tinatawag na katotohanan. Ilang tao man ang mag-like at mag-share ng kanilang “katotohanan” o ilang tao mang may impluwensya sa lipunan ang nagpapatibay rito, ang katotohanan ay na ang buntot ay hindi binti at hindi maaaring maging binti. Ang palaisipan ni Lincoln ay nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng “katotohanan para sa akin” at ng lubos na katotohanan. Dalubhasa si Satanas sa pag-aalis ng kahulugan ng mga salita, pagbabago ng mga kahulugan, at pagbabaluktot ng katotohanan. Maraming tao online ang tila nakakalusot nang husto sa pamamagitan ng pagbabago ng kahulugan ng isang bagay, pero ang hindi makatwirang pagbabago ng mga kahulugan ay hindi mababago ang realidad o kung ano talaga ang totoo.

Sa isang banda, ang pamantayan ng katotohanan para sa mundo ay naging depende na sa kung ano ang maganda sa pakiramdam. Anumang pagdududa sa “itinuturing na katotohanan” ng isang tao, ayon sa pakahulugan niya mismo sa mga ito, ay itinuturing na kontrobersyal at isang personal na pag-atake. Ang impormasyong walang pamantayan at walang liwanag at katotohanan ay lumilikha ng alternatibong realidad. Isipin, halimbawa, ang napakatagal na pagbababad ninyo sa internet na parami nang parami ang naipapakitang content at impormasyon batay sa inyong mga pag-klik at pag-like. Habang lalo kayong nagki-klik sa isang bagay, mas dumarami ang ipinapakitang content at impormasyon sa internet—hindi para hanapin ang katotohanan kundi upang mapahusay ang pag-aanunsyo at madagdagan ang kita. Halimbawa, kung magki-klik kayo sa video tungkol sa mga aso, hindi magtatagal at maaaring isipin ninyo na lahat ay mahilig sa aso at may aso at na ang internet ay talagang nilikha ng isang aso para sa mahihilig sa aso. Ipapakita sa inyo ng internet ang dumaraming bilang ng mga larawan at anunsyong ito hanggang sa magsimula na kayong mag-isip na kailangan ninyo talaga ng aso.

Sa mundo ngayon, maaari kayong maglakad na may napakalakas na teknolohiya sa inyong bulsa o backpack, pero hindi ninyo basta maitatanong sa teknolohiya kung ano ang liwanag at katotohanan. Ang paglakad na may dalang teknolohiya, kahit kamangha-mangha ang mga kakayahan nito, ay hindi dapat itulad sa paglakad na kasama si Jesus. Ang pag-asa sa ating paglakad na may mga makamundong tinig at makalupang pinagmumulan ay maaaring gawin tayong mahina laban sa mga maling pilosopiya at kasinungalingan. Ang mga bagay na ito ay maaaring nakakaakit sa atin, pero hindi kumakatawan ang mga ito sa katotohanan.

Minsa’y itinuro ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Ang katotohanan ay katotohanan. Ang ilang bagay ay totoo lang. Ang Diyos ang nagpapasiya kung ano ang katotohanan—hindi ang paborito mong social media news feed.”7

At bago siya, maraming taon na ang nakararaan, itinuro din ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), na siyang propeta noong panahon na ako ay estudyante sa unibersidad, na ang lubos na katotohanan ay hindi “mababago ng mga opinyon ng tao.”8 Mga kapatid, “ang lubos na katotohanan ay umiiral sa isang mundo na lalo pang humahamak at nagpapawalang-saysay sa tanggap ng lahat.”9

Lumakad na Kasama ni Jesucristo

Ang ating hangarin sa buhay ay maghanap ng liwanag at katotohanan at lumakad na kasama ang ating Tagapagligtas at tanggapin ang dakilang pagpapalang makasama Natin Siya sa paglakad, sa kabila ng kadilimang umiiral sa mundo ngayon. Nagpayo na si Pangulong Nelson, “Ngayon, pakinggan sana ninyo ako kapag sinabi kong: Huwag kayong magpaligaw sa mga tao na ang mga pagdududa ay maaaring udyok ng mga bagay na hindi ninyo nakikita sa kanilang buhay.”10 Inanyayahan din niya tayong maghatid ng liwanag at katotohanan sa ating mga patotoo:

“Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo.”11

Ang mga payong ito ay talagang isang paanyaya na lumakad na kasama si Jesus upang makalakad si Jesus na kasama natin.

Paano tayo makakalakad sa liwanag at makakahiwatig ng katotohanan nang hindi nalilinlang ng mga itinuturing na katotohanan na itinataguyod ng mga taong hindi naaapektuhan ng banal at lubos na katotohanan? Maaari ba akong magbigay ng ilang estratehiya batay sa natutuhan ko mula sa mga inspiradong turo ng ating mga propeta at sa sarili kong karanasan sa buhay?

Regular na Pag-aralan ang Aklat ni Mormon

Una, humingi ng inspirasyon sa Diyos kung paano balansehin ang abalang iskedyul mo para makapag-ukol ka ng oras sa regular na pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo nang napakalinaw at mabisa sa Aklat ni Mormon. Ang sagradong talaang ito ng mga banal na kasulatan ay isang mahalagang pangyayari sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa dispensasyong ito, kasunod ng pagdalaw ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith. Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon ang tunay at perpektong pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak, ang di-makasarili at banal na nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, at ang pinakadakilang ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Muli (tingnan sa 3 Nephi 11).

Nasa Aklat ni Mormon ang mga sagot sa pinakamahihirap na tanong sa buhay, at itinuturo nito ang doktrina ni Cristo. Tulad ng naituro ng ating mahal na propetang si Pangulong Nelson, ang mga katotohanang nakapaloob sa aklat na ito ay “may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.”12 Isipin ang mga pangako ng propeta para sa mga taong nag-uukol ng oras na pag-aralan ang kagila-gilalas na aklat na ito ng banal na kasulatan:

“Habang mapanalangin ninyong pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. … Habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Sa araw-araw ninyong maiging pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ng ngayon.”13

Ang pag-uukol ng oras sa Aklat ni Mormon ay gagabay sa inyo patungo kay Jesucristo at pupuspusin kayo ng inspirasyon at paghahayag para sa inyong buhay. Pupuspusin nito ng liwanag ang inyong kaluluwa at tutulungan kayong mahiwatigan ang katotohanan.

Binasa ko ang buong Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon noong bata pa akong estudyante sa seminary. Naaalala ko pa ang mainit na pakiramdam na nag-umapaw sa aking kaluluwa, pumuspos sa aking puso, niliwanagan ang aking pang-unawa, at naging mas lalong kalugud-lugod, tulad ng inilarawan ni Alma nang ipangaral niya ang salita ng Diyos sa kanyang mga tao (tingnan sa Alma 32). Ang damdaming iyon at ang karagdagang liwanag at katotohanan na nakita ng Panginoon na angkop para pagpalain ako ay naging kaalaman kalaunan na nag-ugat sa puso ko at naging pundasyon ng aking patotoo. Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato na sumusuporta sa aking pananampalataya sa Panginoon at sa aking patotoo sa doktrina ni Jesucristo. Ito ang isa sa mga batong panulok na nagpapalakas sa aking patotoo sa katotohanan ng banal na nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo. Ito ang kalasag ko laban sa mga pagtatangka ng kaaway na pahinain ang aking pananampalataya at ikintal ang kawalan ng paniniwala at kadiliman sa aking isipan. Binibigyan ako nito ng lakas-ng-loob na buong tapang na ipahayag ang aking patotoo sa mundo tungkol sa liwanag at katotohanan ng Tagapagligtas. Ipinapangako ko sa inyo na kapag mapanalangin at palagi ninyong pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon, makasusumpong kayo ng liwanag at katotohanan sa inyong buhay at mas mapapalapit kayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at matututong lumakad na kasama Siya.

Gumugol ng Mas Maraming Oras sa mga Templo ng Panginoon

Ang pangalawang estratehiya ay gumugol ng mas maraming oras sa Panginoon sa Kanyang mga templo. Simula noong unang mensahe ni Pangulong Nelson sa buong Simbahan noong Enero 2018, itinuon na niya ang marami sa kanyang mga turo sa mahalagang papel na ginagampanan ng templo at ng mga sagradong ordenansa at tipan nito sa ating buhay. Narito ang itinuro niya sa okasyong iyon:

“Ang [resultang pinagsisikapang matamo ng bawat isa sa atin ay ang] mapagkalooban ng kapangyarihan sa isang bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, [maging] tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Pagpapalain kayo ng inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ng karagdagang personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”14

Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Narito ang sagot ni Pangulong Nelson sa tanong na ito:

“Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon. Nakikiusap ako sa inyo na mapanalanging tingnan kung saan ninyo ginugugol ang inyong oras. Mamuhunan ng oras sa inyong hinaharap at sa inyong pamilya. Kung malapit kayo sa templo, hinihikayat ko kayo na humanap ng paraan na regular na makipagkita roon sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—gawin ito [nang tumpak] at gawin ito nang may kagalakan. Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”15

Mga kapatid, ang sagot na ito ay isang paanyaya na muling ituon ang ating mga prayoridad sa ating buhay at isama rito ang templo. Ang mga templo ay literal na mga bahay ng Panginoon. At kapag naroon tayo, na nakatuon sa pagsamba sa Kanya at sa paghahanap sa Kanyang liwanag at katotohanan, madarama natin ang malinaw na impresyon na iniwan na natin ang mundo, at malayo sa ating isipan ang malungkot at mapanglaw na mundo. Lubos nating madarama na hindi tayo madaling daigin ng anumang masamang impluwensya sa mundo. Ang mga templo ay mga lugar ng paghahayag, tagubilin, at kanlungan mula sa mga espirituwal na unos na kinakaharap natin sa ating panahon.

Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan para makapaglaan ng oras para sa Panginoon sa Kanyang mga templo. Halina’t ilagay ang inyong mga pasanin sa Kanyang harapan sa Kanyang banal na bahay, at ipinapangako ko sa inyo na mapupuspos kayo ng bagong diwa at tiwala sa hinaharap. Yayakapin kayo ng Panginoon, kakalungin kayo, at aakayin kayo sa paisang-isang hakbang sa landas na tatahakin na kasama Siya. Sa templo natututuhan natin ang mga katotohanan ng kawalang-hanggan at tumatanggap tayo ng higit na liwanag habang mas napapalapit tayo kay Jesus at natututong lumakad na kasama Niya.

Sundin ang mga Salita ng Ating mga Buhay na Propeta

Ang pangatlong estratehiyang inaalok ko sa inyo ay sundin ang mga salita ng ating mga buhay na propeta. Mga kaibigan ko, mapalad tayong mapamunuan ng mga propeta, na mga inspiradong kalalakihan na tinawag upang mangusap para sa Panginoon. Tinawag sila upang ipaalam ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng kanilang mga turo. Mapagkakatiwalaan natin palagi ang mga buhay na propeta. Makikita sa kanilang mga turo ang kalooban ng Panginoon, na nagpahayag, “At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito” (Doktrina at mga Tipan 1:4; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:38). Sa 2 Cronica sa Lumang Tipan, mababasa natin, “Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo’y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo’y magtatagumpay” (2 Cronica 20:20).

Ang pagkakaroon ng mga buhay na propeta sa ating panahon ay tanda ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Naantig ang puso ko kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa napakaespesyal na paraan sa isang panahon na kailangang-kailangan ko ng pag-alo. Matapos kong matanggap ang napakahirap na tungkuling ito na maging apostol ng Panginoong Jesucristo, si Elder Holland ang unang taong tumawag sa akin. Agad kong nakita ang kanyang natatangi at makapangyarihang tinig sa kabilang dulo ng linya at nadama ko ang pagmamahal niya at ng Diyos sa akin. Itinuring ko ang tinig ni Elder Holland na tinig ng isa sa mga lingkod ng Tagapagligtas, at nagbigay ito sa akin ng malaking ginhawa at tiwala sa isang napakahirap na sandali.

Iyan ang ginagawa ng mga propeta at apostol. Hindi kayo kailangang personal na tawagan sa telepono ng sa isa sa mga propeta ng Panginoon para madama ang pagmamahal ng Diyos sa inyo. Madarama ninyo ang pagmamahal ng Diyos sa simpleng pagsunod sa kanilang mga turo. Inaanyayahan ko kayo, mga kaibigan kong kabataan, na pansinin at kilalanin ang kanilang tinig at sundin ang kanilang inspiradong payo, na aakay sa inyo sa liwanag at katotohanan. Inorden sila para ihayag ang nasa puso’t isipan ng Panginoon. Ang ating lubos na kaligtasan ay nakasalalay sa pagsunod sa salitang ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, lalo na sa kasalukuyang pangulo ng Simbahan. Ipinapangako ko na kapag naglakad kayo na kasama at nakinig sa mga propeta at apostol sa mga huling araw, masusumpungan ninyo ang inyong sarili na naglalakad na kasama si Jesus.

Ang isang tunay na maluwalhating kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan na nangyari sa Bethlehem ng Judea ay ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang Kanyang pagsilang, buhay, at nagbabayad-salang sakripisyo ay literal na naghatid ng liwanag at katotohanan sa mundo. Ipinahayag Niya mismo:

“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.

“At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 11:10–11).

Gusto ko ang payong ibinigay ng apostol na si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica: “Kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo’y hindi ng gabi ni ng kadiliman man” (1 Tesalonica 5:5). Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kayo ay mga anak ng Diyos. Nasa inyo ang liwanag ni Cristo, gayundin ang gumagabay na liwanag na dumarating sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Lagi-laging lumakad sa liwanag na iyon, na aakay sa inyo sa katotohanan at tutulungan kayong lumakad na kasama si Jesucristo.

Kapag tinanggap natin ang liwanag at katotohanan ng Tagapagligtas, magagawa nating sundan ang Kanyang mga yapak at pakinggan ang tunog ng sandalyas sa Kanyang mga paa at matutong lumakad na kasama Niya. Dalangin ko na maipahayag nawa ng bawat isa sa atin nang may malaking kagalakan, “Sa aking paglakad,” at pagkatapos ay buong tiwalang sabihing, “[si] Jesus ang kasama.”16 Ang paglakad na kasama Siya ang pinakamainam na paglalakbay.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay at na ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay ibinibigay sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Palagi Siyang malapit, matiyagang naghihintay sa atin kapag tayo ay napapagod sa daan at lumalakad na kasama natin magpakailanman saanman tayo naroon.

Mula sa isang debosyonal sa Brigham Young University noong Dis. 12, 2022.