“Isang Daluyan ng Inspirasyon,” Liahona, Hunyo 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Daluyan ng Inspirasyon
Bilang sagot sa aking panalangin, ginamit ako ng Panginoon para pagpalain ang isa sa Kanyang mga anak.
Ilang taon na ang nakararaan nang tinawag kaming mag-asawa na magmisyon sa institute of religion sa Santa Monica, California, USA. Naglingkod kami hindi lamang bilang mga direktor ng institute kundi bilang mga guro rin. Isang gabi, nagsumamo ako sa Panginoon sa panalangin, “Hayaan po Ninyong maging daluyan ako ng Inyong inspirasyon upang matulungan ko ang isa sa Inyong mga anak.” Pagkatapos kong magdasal, natulog ako pero nagising ako nang alas-4:30 n.u.
Karaniwang nagtuturo ang asawa ko ng alas-7:00 n.u. Klase sa Aklat ni Mormon, pero noong umagang iyon, sinagot ng Panginoon ang aking panalangin. Ang tema ng lesson ay “Ang Hangarin ng Aking Puso,” pero wala akong ideya kung ano ang nakaiskedyul na ituro ng asawa ko, ni hindi ako sumangguni sa kanyang manwal ng lesson. Pero tumayo ako, sinabi ko sa kanya na gusto kong ituro ang lesson nang araw na iyon, at nagpunta ako sa gusali ng institute.
Nakita ko ang ilang talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa tema, kabilang na ang 1 Nephi 2:16: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, … sapagkat mayroon ding matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, kaya nga, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama.”
Pagkatapos ay iniugnay ko ang mga hangarin ni Nephi sa mga hangarin ni Haring Solomon sa 1 Mga Hari 3:9: “Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?”
Isang binatilyo lang ang pumunta sa klase namin noong araw na iyon. Hindi pa siya miyembro ng Simbahan, pero alam ko na ang aral na ito ay ang ipinlano ng Panginoon para sa kanya. Binasa at tinalakay namin ang mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol kay Nephi at kay Solomon. Pagkatapos ay hiniling ko sa kanya na isulat ang kanyang tugon sa tanong na ito: “Ano ang mga hangarin ng iyong puso?” Pagkaraan ng ilang minuto, itinanong ko kung gusto niyang ibahagi ang isinulat niya. Sabi niya, “Gusto ko pong malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon at kung dapat akong magpabinyag.”
Narinig at di-nagtagal ay sinagot ng Panginoon ang hangarin ng binatilyong ito. Isipin ninyo ang aming kagalakan nang dumalo kaming mag-asawa sa kanyang binyag makalipas ang apat na buwan. Nagpapasalamat ako na ginawa akong daluyan ng Panginoon para sa isang inspiradong lesson noong araw na iyon para matulungang maihanda ang binatilyong ito para sa binyag.