Kung hindi ninyo mapapanood ang video, basahin ang script na ito.
Pangulong Thomas S. Monson : Napakagandang pangako! “Siya na sumusunod sa mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.” [D at T 93:28 ]. …
Mga kapatid, ang pinakamalaking pagsubok sa buhay na ito ay pagsunod. “Susubukin natin sila,” sabi ng Panginoon, “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” [Abraham 3:25 ].
Sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” [D at T 132:5 ].
Wala nang mas dakila pang pagsunod kaysa yaong ipinakita ng ating Tagapagligtas. Sinabi ni Pablo tungkol sa Kanya:
“Bagama’t siya’y Anak, gayon ma’y natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis;
“At nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya” [Sa Mga Hebreo 5:8–9 ].
Ang Tagapagligtas ay nagpakita ng dalisay na pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng sakdal na pamumuhay, sa pagsasakatuparan ng Kanyang sagradong misyon. Hindi Siya kailanman nagmataas. Hindi Siya kailanman naging palalo. Nanatili Siyang matapat. Siya ay laging mapagpakumbaba. Siya ay laging tapat. Siya ay masunurin sa tuwina. …
Nang maharap sa matinding paghihirap sa Getsemani, kung saan dumanas Siya ng matinding sakit kung kaya’t “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa” [Lucas 22:44 ], ipinakita Niya ang pagiging masunuring Anak sa pagsasabing, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” [Lucas 22:42 ].
Katulad ng tagubilin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol noon, Kanya rin tayong tinatagubilinan, “Sumunod ka sa akin” [Juan 21:22 ]. Handa ba tayong sumunod?
Ang kaalamang hinahanap natin, ang mga sagot na hinahangad natin, at ang lakas na ninanais natin ngayon para maharap ang mga hamon ng magulo at pabagu-bagong mundong ito ay maaaring mapasaatin kapag handa tayong sundin ang mga utos ng Panginoon. Babanggitin kong muli ang mga salita ng Panginoon: “Siya na sumusunod sa mga kautusan [ng Diyos] ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay” [D at T 93:28 ].
Mapagkumbaba kong idinadalangin na nawa ay pagpalain tayo nang sagana na ipinangako sa mga masunurin. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas, amen.
(“Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 89, 92)
Bumalik sa pahina 80 .