Resources Mabubuting Bagay na Darating Elder Jeffrey R. Holland “Bawat isa sa atin ay dumarating sa mga panahong kailangan nating malaman na bubuti rin ang mga bagay-bagay. Ipinahahayag ko na ito talaga ang inaalok sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo, lalo na sa mga oras ng pangangailangan. Tatlumpung taon na ang nakalipas noong isang buwan, nagsimulang maglakbay ang isang maliit na pamilya [patawid] ng Estados Unidos, [lahat ng ari-arian ay nagkasya sa pinakamaliit na trailer na magagamit]. “Walang pera, luma ang sasakyan, eksaktong 34 na milya na silang gumagaygay sa highway nang umusok ang kanilang karag-karag na sasakyan. Siniyasat ng bata pang ama ang usok, tinapatan ito ng sariling galit, pagkatapos ay pinaghintay ang tiwalang asawa at dalawang walang-malay na anak—ang bunso na tatatlong buwan lamang—sa loob ng sasakyan at naglakad siya nang tatlong milya o higit pa patungong katimugang kalakhan ng Kanarraville, na ang populasyon noon, palagay ko, ay 65. “May nakuhang tubig sa dulo ng bayan, at isang napakabait na mamamayan ang nag-alok na ihatid siya pabalik sa pamilyang naiwan sa sasakyan. Nakumpuni ang sasakyan, at dahan-dahang namaneho pabalik sa St. George para ma-inspeksyon. Pagkaraan ng mahigit dalawang oras na paulit-ulit na pagsisiyasat, hindi natuklasan kaagad ang problema, kaya muli silang nagbiyahe. “Sa gayon ding katagal na paglalakbay sa lugar ding iyon sa highway, muling umusok ang sasakyan mula sa ilalim ng takip na iyon ng makina. Ngayong nadarama na mas nasisiraan siya ng bait kaysa nagagalit, muling iniwan ng naiinis na ama ang tiwalang mga mahal sa buhay at nagsimulang maglakad nang malayo para muling humingi ng tulong. “Sa pagkakataong ito, sinabi ng lalaking nagbigay ng tubig, ‘Kailangan mo o ng lalaking kamukhang-kamukha mo na bumili ng bagong radiator para sa sasakyang iyon.’ Hindi nito alam kung tatawa siya o iiyak sa sinapit ng bata pang pamilyang ito. ‘Gaano na ba kalayo ang narating ninyo?’ sabi nito. ‘Tatlumpu’t apat na milya,’ sagot ko. “‘Gaano pa kalayo ang lalakbayin ninyo?’ ‘Dalawampu’t anim na raang milya,’ sabi ko. ‘Palagay ko, maaari kang makarating, at maaaring makarating ang asawa mo at dalawang maliliit na anak, pero ni isa sa inyo ay hindi makakarating kung ang sasakyang iyan ang gagamitin ninyo.’ Nagmistula siyang propeta sa lahat ng sinabi niya. “Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas, naparaan ako sa mismong lugar na iyon. Sa isang iglap, parang nakita ko sa tabing-daang iyon ang isang lumang sasakyan sakay ang isang matapat na bata pang babae at dalawang maliliit niyang anak. Sa banda pa roon, nawari ko sa aking isipan ang isang bata pang lalaki na naglalakad patungong Kanarraville, halata ang malaking takot ng bata pang ama sa tulin ng kanyang lakad. “Sa isang iglap na ideyang iyon, hindi ko maiwasang sigawan siya, ‘Huwag kang susuko! Magpatuloy ka sa paglakad. Huwag kang titigil. May tulong at kaligayahan sa banda riyan.’ “Ang ilang pagpapala ay dumarating kaagad, ang ilan ay sa bandang huli, at ang ilan ay dumarating sa kabilang buhay; ngunit para sa mga tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ito. Magiging maayos ang lahat sa huli. Magtiwala sa Diyos at manalig sa mabubuting bagay na darating” (“Good Things to Come,” lds.org/media-library). Bumalik sa pahina 140.