Mga Naunang Edisyon
Mga Resources


Mga Resources

Pagiging Handa sa Espirituwal

Magsalitan sa pagbabasa ng sumusunod.

JULIE B. BECK

Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos ukol sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito. Ang pagiging marapat sa Espiritu ng Panginoon ay nagsisimula sa paghahangad sa Espiritung iyon at nagpapahiwatig ng tiyak na antas ng pagkamarapat.

Ang pagsunod sa mga kautusan, pagsisisi, at pagpapanibago ng mga tipang ginawa sa binyag ay nagpapala na laging mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon [tingnan sa D at T 20:77]. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay nagdaragdag din ng espirituwal na lakas at kapangyarihan. …

Maraming sagot sa mahihirap na tanong ang matatagpuan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan dahil tumutulong ito sa paghahayag [tingnan sa 2 Nephi 32:3]. Dumarami ang mga ideyang natatagpuan sa banal na kasulatan habang lumalaon, kaya mahalagang mag-ukol ng ilang oras sa mga banal na kasulatan araw-araw.

Mahalaga ring manalangin araw-araw para mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 19:24–33). Yaong mga masigasig humingi ng tulong sa panalangin ay kadalasang may kalapit na papel at lapis para magsulat ng mga tanong at magtala ng mga damdamin at ideya.

Ang paghahayag ay maaaring dumating oras-oras at maya’t maya kapag tama ang ginagawa natin. … Ang personal na paghahayag ay nagbibigay sa atin ng pang-unawa kung ano ang gagawin araw-araw para pag-ibayuhin ang pananampalataya at kabutihan ng sarili, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin ang mga nangangailangan ng ating tulong. Dahil ang personal na paghahayag ay pinagmumulan ng lakas na laging napapanibago, posibleng madama na naliligiran tayo ng tulong sa mga oras ng kaguluhan.

Sinabihan tayong magtiwala sa Espiritung iyon na umaakay sa atin na “gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid” (D at T 11:12). Sinabihan din tayo na liliwanagan ng Espiritung ito ang ating isipan, pupuspusin ng galak ang ating kaluluwa, at tutulungan tayong malaman ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa D at T 11:13–14).

Ang ipinangakong personal na paghahayag ay dumarating kapag hiniling natin, naghanda tayo para dito, at sumulong tayo nang may pananampalataya, tiwala na ibubuhos ito sa atin. (“At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 11)

Bumalik sa pahina 101

Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Basahin ang mensaheng ito nang mag-isa o kasama ang isang kagrupo. Basahin at markahan ito gamit ang mga ideya sa pahina 104. Repasuhin ito ngayong araw, sa isang linggo, at sa isang buwan. Kung gagawin mo ito, halos maaalala mo ang lahat ng natutuhan mo!

DAVID A. BEDNAR

Ano ang kahulugan ng maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya?

… Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, tayo ay biniyayaan ng kaloob na kalayaang pumili. … Bilang mga tinuturuan, kayo at ako ay dapat kumilos at maging tagatupad ng salita. … Kayo ba at ako ay mga kinatawan na kumikilos at naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, o naghihintay lang tayo na maturuan at pakilusin? … Dapat maging sabik tayong lahat sa paghingi, paghahanap, at pagkatok [tingnan sa 3 Nephi 14:7].

… Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi [basta] pagtanggap lamang. … Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan kapwa ng “puso at may pagkukusang isipan” (D at T 64:34). Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay resulta ng pagpapaunawa ng Espiritu Santo sa kapangyarihan ng salita ng Diyos kapwa sa damdamin at sa kaibuturan ng puso. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi puwedeng mailipat mula sa nagtuturo tungo sa tinuturuan … sa halip, ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili.

Naunawaan ng batang si Joseph Smith kung ano ang kahulugan ng maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. … Malinaw na naihanda niya ang sarili para “humingi nang may pananampalataya” [Santiago 1:6] at para kumilos. … Pansinin na ang mga tanong ni Joseph ay natuon hindi lamang sa kung ano ang kailangan niyang malaman kundi kung ano ang kailangan niyang gawin … Ang panalangin niya ay hindi para alamin lamang kung aling simbahan ang totoo. Ang tanong niya ay kung anong simbahan ang kanyang aaniban. Nagtungo si Joseph sa kakahuyan para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Determinado siyang kumilos. …

Sa katunayan, isa sa mga malalaking hamon ng pagiging mortal ay ang maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. … Itinuro ni Joseph, “Ang pinakamabisang paraan para makamtan ang katotohanan at karunungan ay ang hindi paghanap nito sa mga aklat, sa halip ay dumulog sa Diyos sa panalangin, at kamtan ang banal na aral” [History of the Church, 4:425]. …

… Batay sa karanasan, natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon. … Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. …

Ang responsibilidad na maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nakasalalay sa bawat isa sa atin bilang indibiduwal. … Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay napakahalaga sa ating espirituwal na pagsulong at sa pag-unlad ng Simbahan. … Nawa bawat isa sa atin ay tunay na magutom at mauhaw sa kabutihan at mapuspos ng Espiritu Santo [tingnan sa 3 Nephi 12:6]—upang maghangad tayo na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Ensign, Sept. 2007, 63–68 o Liahona, Set. 2007, 19–24)

Bumalik sa pahina 106

Aktibidad sa Tahanan: Handa ba Akong Magtagumpay sa Paaralan?

Kailangan nating maghanda para magtagumpay sa ating pag-aaral o training. Kumpletuhin mo ang assessment na ito. Maaari mong hingan ng opinyon ang iba.

Lagyan ng numero ang unahan ng bawat pahayag, 1, 2, o 3. 1 = kailangang magsikap 2 = katamtaman 3 = mahusay na nagagawa

Magsulat ng ilang ideya kung paano uunlad sa aspetong iyan.

  • Kusang Pagkilos. Nagagawa ko ang mahihirap na gawain. Kusa akong kumikilos nang hindi kailangang pilitin pa.

  • Mga paraan para umunlad:

  • Desisyon sa Career. Malinaw ang mithiin ko, at masigasig na tatapusin ang aking pag-aaral.

  • Mga paraan para umunlad:

  • Maghangad na Matuto. Gusto kong matuto, at hindi ko hahayaang makahadlang ang mga problema.

  • Mga paraan para umunlad:

  • Pagpaplano. Responsibilidad ko ang aking buhay. Pinaplano ko ang mga araw at linggo ko, at hinahayaan kong gabayan ako ng Espiritu.

  • Mga paraan para umunlad:

  • Suporta. Napapaligiran ako ng mga taong sumusuporta, gumagabay, at nagmamahal sa akin. Kung hindi, maghahanap ako ng mga tao na magbibigay ng suporta.

  • Mga paraan para umunlad:

  • Pangangasiwa ng Pera. Maaari akong kumita at mag-impok ng pera. Nagbabayad ako ng mga bayarin sa takdang oras, pati na sa PEF loan. Hindi ako gumagastos nang higit sa kinikita ko.

  • Mga paraan para umunlad:

Ano ang natutuhan mo mula sa karanasang ito? Maikling ibahagi ang iyong mga ideya sa iyong pamilya o mga kaibigan.