Kabanata 18
Mag-ingat sa Kapalaluan
“Ang kapalaluan ay kasalanan ng buong sansinukob, ang napakasamang pag-uugali. Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson ang mga kaibhan ng kapalaluan sa pagpapakumbaba:
“Ang kapalaluan ay kawalang-paggalang sa Diyos at hindi pagpapahalaga sa tama. Hindi ito makatingin nang tuwid sa tao at nakikipagtalo kung sino ang tama. …
“Ang kapalaluan ay nakikilala sa pagsasabing ‘Ano ang gusto ko sa buhay?’ sa halip na ‘Ano ang gustong ipagawa sa akin ng Diyos sa buhay ko?’ Ito ay sariling kalooban laban sa kalooban ng Diyos. Ito ay takot sa tao kaysa takot sa Diyos.
“Ang pagpapakumbaba ay tumutugon sa kalooban ng Diyos—sa takot sa Kanyang mga paghatol at sa mga pangangailangan ng mga tao sa ating paligid. Sa mga palalo, hangad nila ang papuri ng sanlibutan; sa mapagpakumbaba, papuri ng langit ang nagpapasigla sa kanilang puso.”1
Ang mga turong ito ay pamilyar sa kalalakihang naglingkod na kasama ni Pangulong Benson sa Korum ng Labindalawang Apostol. Alam nila na bilang Pangulo ng kanilang korum, hindi niya inisip kailanman ang sarili niyang mga pananaw—tanging ang malaman at masunod ang kalooban ng Diyos. Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer, na kalaunan ay naglingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ang paraan ni Pangulong Benson sa pagtalakay sa mga miting ng korum: “Puwede kang hindi sumang-ayon kay Pangulong Benson nang hindi nag-aalala na iisipin niyang kinakalaban mo siya. Buung-buo naming tinalakay ang mga bagay-bagay nang hindi inaalala kung ano ang opinyon niya.”2 Sinabi ni Elder Russell M. Nelson, na naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol nang dalawang taon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Benson: “Sa anumang bagay, kahit hindi niya opinyon, isang pamantayan lang ang ginagamit si Pangulong Benson—Ano ang pinakamabuti para sa kaharian? Kung kailangang gawin ang ilang bagay nang taliwas sa kanyang paraan, gagawin niya ito. Ang hangad lamang niya ay ang pinakamabuti para sa kaharian.”3
Bilang lider ng pamahalaan, masigasig din si Pangulong Benson na gawin ang pinakamainam para sa kaharian ng Diyos. Nang maglingkod siya bilang kalihim ng agrikultura sa Estados Unidos, tumanggap siya ng maraming “papuri ng sanlibutan,”4 pati na ng matinding pambabatikos. Hindi siya nagpaapekto sa kanyang mga narinig. Sa halip, sinunod niya ang mga paalalang madalas ibigay ng kanyang asawang si Flora: “Huwag mong alalahanin ang opinyon ng tao tungkol sa iyo basta’t ginagawa mo ang tama sa harap ng Panginoon.”5 Kuntento sa tahimik na “papuri ng langit,”6 hinangad niyang laging sundin ang kalooban ng Diyos.
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Binalaan na tayo ng Panginoon na mag-ingat sa kapalaluan.
Sinasabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan na ang Aklat ni Mormon ay “tala ng mga taong nahulog.” (D at T 20:9.) Bakit sila nahulog? Ito ang isa sa mahahalagang mensahe ng Aklat ni Mormon. Ibinigay ni Mormon ang sagot sa mga huling kabanata ng aklat sa mga salitang ito: “Masdan, ang kapalaluan ng bansang ito, o ng mga tao ng mga Nephita, ang magpapatunay sa kanilang pagkalipol.” (Moro. 8:27.) Pagkatapos, para maunawaan natin ang napakahalagang mensahe ng Aklat ni Mormon mula sa mga taong iyon na nahulog, binalaan tayo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, “Mag-ingat sa kapalaluan, at baka kayo ay maging katulad ng mga Nephita noong sinauna.” (D at T 38:39.)
Taos kong hinahangad ang inyong pananampalataya at mga panalangin habang sinisikap kong ipaliwanag ang mensaheng ito ng Aklat ni Mormon—ang kasalanan ng kapalaluan. Ang mensaheng ito ay matagal nang bumabagabag sa aking kaluluwa. Alam kong nais ng Panginoon na iparating ang mensaheng ito ngayon.
Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, kapalaluan ang nagpabagsak kay Lucifer, na “anak ng umaga.” (2 Ne. 24:12–15; tingnan din sa D at T 76:25–27; Moises 4:3.) Sa katapusan ng mundong ito, kapag nalinis na ng Diyos ng apoy ang mundo, ang palalo ay susunugin na parang dayami at mamanahin ng maaamo ang lupa. (Tingnan sa 3 Ne. 12:5; 25:1; D at T 29:9; JS—K 1:37; Mal. 4:1.)
Tatlong beses ginamit ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan ang mga katagang “mag-ingat sa kapalaluan,” pati na ang babala sa pangalawang elder ng Simbahan, si Oliver Cowdery, at kay Emma Smith, ang asawa ng Propeta. (D at T 23:1; tingnan din sa 25:14; 38:39.)7
2
Ang pangunahing tanda ng kapalaluan ay pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa.
Maling-mali ang pagkaunawa sa kasalanan ng kapalaluan, at marami ang nagkakasala nang walang kamalay-malay. (Tingnan sa Mosias 3:11; 3 Ne. 6:18.) Sa mga banal na kasulatan walang nakasulat na matwid na kapalaluan—lagi itong itinuturing na kasalanan. Kung gayon, paano man gamitin ng mundo ang katagang ito, kailangan nating maunawaan kung paano ginagamit ng Diyos ang katagang ito upang maunawaan natin ang pananalita ng banal na kasulatan at makinabang tayo rito. (Tingnan sa 2 Ne. 4:15; Mosias 1:3–7; Alma 5:61.)
Iniisip ng karamihan sa atin na ang kapalaluan ay pagkamakasarili, pagmamagaling, pagyayabang, pagmamataas, o pagmamalaki. Lahat ng ito ay mga sangkap ng kasalanan, ngunit ang sentro, o buod, ay wala pa rito.
Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kahulugan ng pagkapoot ay “pagkamuhi, pagiging masungit, o pagsalungat.” Ito ang kapangyarihang hangad ni Satanas para mapagharian tayo.
Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. Kapag nagmamataas tayo sa Diyos, iyon ay dahil sa ugaling “ang aking kalooban ang masusunod at hindi ang inyo.” Tulad ng sabi ni Pablo, “pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo.” (Fil. 2:21.)
Kapag sinalungat natin ang kalooban ng Diyos, hindi natin mapipigil ang ating mga pagnanasa, gana, at silakbo ng damdamin. (Tingnan sa Alma 38:12; 3 Ne. 12:30.)
Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay. (Tingnan sa Hel. 12:6.) Iginigiit nila ang pagkaunawa nila sa katotohanan laban sa dakilang kaalaman ng Diyos, ang kanilang mga kakayahan laban sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kanilang mga nagawa laban sa Kanyang mga makapangyarihang gawa.
Maraming tawag sa ating pagkapoot sa Diyos, tulad ng paghihimagsik, katigasan ng puso, katigasan ng ulo (o leeg), kawalan ng pagsisisi, pagmamalaki, paghihinanakit, at paghahanap ng mga palatandaan. Nais ng mga palalo na sumang-ayon sa kanila ang Diyos. Ayaw nilang baguhin ang kanilang mga opinyon para umayon ito sa Diyos.
Isa pang malaking bahagi ng laganap na kasalanang ito ng kapalaluan ang pagkapoot sa ating kapwa. Natutukso tayo araw-araw na mas iangat ang ating sarili kaysa sa iba at hamakin sila. (Tingnan sa Hel. 6:17; D at T 58:41.)
Nagiging kaaway ng palalo ang lahat ng tao sa pamamagitan ng paggigiit ng kanilang talino, opinyon, trabaho, yaman, talento, o iba pang panukat ng mundo laban sa ibang tao. Sa mga salita ni C. S. Lewis: “Ang kapalaluan ay hindi nasisiyahan sa pagkakamit ng isang bagay kundi sa pagkakaroon ng mas marami nito kaysa sa iba. … Pagkukumpara ang dahilan kaya ka nagmamalaki: ang kasiyahan ng pagiging angat mo kaysa sa iba. Kapag wala nang pakikipagkumpitensya, wala nang kapalaluan.” (Mere Christianity, New York: Macmillan, 1952, mga pahina 109–10.)
Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, nagmungkahi si Lucifer para kumpitensyahin ang plano ng Ama na sinunod ni Jesucristo. (Tingnan sa Moises 4:1–3.) Hinangad niyang mas mapuri siya kaysa sa iba. (Tingnan sa 2 Ne. 24:13.) Sa madaling salita, ang kanyang palalong hangarin ay agawan ng trono ang Diyos. (Tingnan sa D at T 29:36; 76:28.)
Laganap ang katibayan sa mga banal na kasulatan tungkol sa masasamang bunga ng kapalaluan sa mga tao, grupo, lungsod, at bansa. “Ang kapalaluan ay nauuna sa kapahamakan.” (Kaw. 16:18.) Winasak nito ang bansang Nephita at ang lungsod ng Sodoma. (Tingnan sa Moro. 8:27; Ezek. 16:49–50.)8
3
Ang palalo ay mas takot sa paghatol ng tao kaysa paghatol ng Diyos.
Kapalaluan ang nagpako kay Cristo sa krus. Labis na napoot ang mga Fariseo dahil sinabi ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos, na isang banta sa kanilang katungkulan, kaya’t nagplano silang patayin Siya. (Tingnan sa Juan 11:53.)
Naging kaaway ni David si Saul dahil sa kapalaluan. Nagselos siya dahil inawit ng kababaihang Israelita na “Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, at ni David ang kaniyang laksa-laksa.” (1 Sam. 18:6–8.)
Ang palalo ay mas takot sa paghatol ng tao kaysa paghatol ng Diyos. (Tingnan sa D at T 3:6–7; 30:1–2; 60:2.) Ang “Ano ang iisipin ng mga tao tungkol sa akin?” ay mas pinahahalagahan nila kaysa sa “Ano ang iisipin ng Diyos tungkol sa akin?”
Palalayain na sana ni Haring Noe ang propetang si Abinadi, ngunit dahil sa kanyang kapalaluan ay nagpasulsol siya sa kanyang masasamang saserdote na ipasunog si Abinadi. (Tingnan sa Mosias 17:11–12.) Nalungkot si Herodes sa hiling ng kanyang asawa na pugutan ng ulo si Juan Bautista. Ngunit dahil sa kanyang palalong hangarin na maging maganda ang tingin sa kanya ng “nangakaupong kasalo niya sa dulang” ay ipinapatay niya si Juan. (Mat. 14:9; tingnan din sa Marcos 6:26.)
Ang takot sa paghatol ng tao ay nakikita mismo sa pakikipagkumpitensya para sa papuri ng mga tao. Higit na mahal ng palalo “ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.” (Juan 12:42–43.) Sa mga motibo natin sa ating mga ginagawa nakikita ang kasalanan. Sinabi ni Jesus na ginawa Niya “lagi ang mga bagay” na nagpalugod sa Diyos. (Juan 8:29.) Hindi ba mas makabubuti na hangarin nating malugod sa atin ang Diyos kaysa tangkaing mas umangat ang ating sarili kaysa sa ating kapatid at higitan ang iba?
Hindi gaanong nag-aalala ang ilang palalong tao kung natutugunan ng suweldo nila ang kanilang mga pangangailangan basta’t mas malaki ang suweldo nila kaysa iba. Ang kanilang gantimpala ay ang nahigitan nila ang iba. Ito ang pagkapoot na lakip ng kapalaluan.
Kapag naimpluwensyahan ng kapalaluan ang ating puso, nawawalan tayo ng kalayaan sa mundo at nagpapaalipin tayo sa paghatol ng mga tao. Mas malakas ang sigaw ng mundo kaysa mga pagbulong ng Espiritu Santo. Binabalewala ng pangangatwiran ng mga tao ang mga paghahayag ng Diyos, at bumibitiw ang palalo sa gabay na bakal. (Tingnan sa 1 Ne. 8:19–28; 11:25; 15:23–24.)9
4
Ang kapalaluan ay nakikita sa maraming paraan.
Ang kapalaluan ay isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili. Itinuturing ng karamihan sa atin ang kapalaluan na pagkakasala ng mga taong angat sa buhay, tulad ng mayayaman at nakapag-aral, na humahamak sa atin. (Tingnan sa 2 Ne. 9:42.) Gayunman, may isang mas karaniwang problema sa atin—at iyon ay ang kapalaluan mula sa ibaba na nakatingin sa itaas. Nakikita ito sa napakaraming paraan, tulad ng paghahanap ng mali, pagtsitsismis, paninirang-puri, pagbubulung-bulong, pamumuhay nang higit pa sa ating kinikita, inggit, pag-iimbot, hindi pasasalamat at pagbibigay ng papuri na maaaring magpasigla sa iba, at hindi pagpapatawad at pagseselos.
Ang pagsuway ay palalong pakikipagtalo sa isang taong nakasasakop sa atin. Maaaring ito ay sa isang magulang, lider ng priesthood, guro, o maging sa Diyos. Ang taong palalo ay namumuhi sa katotohanan na may nakahihigit sa kanya. Iniisip niya na nakakahamak ito sa kanyang katayuan.
Ang kasakiman ay isa sa mas karaniwang mga anyo ng kapalaluan. “Kung paano ako naaapektuhan ng lahat ng bagay” ang pinakamahalaga sa lahat—pagpapahalaga sa sarili, awa sa sarili, sariling tagumpay sa mga bagay na makamundo, pagbibigay-kasiyahan sa sarili, at pagiging maramot.
Ang kapalaluan ay nauuwi sa mga lihim na pagsasabwatan na binubuo upang magkaroon ng kapangyarihan, makinabang, at papurihan ng mundo. (Tingnan sa Hel. 7:5; Eter 8:9, 16, 22–23; Moises 5:31.) Ang bungang ito ng kapalaluan, na tinatawag na lihim na pagsasabwatan, ang nagpabagsak sa mga Jaredita at Nephita at naging at magiging dahilan ng pagbagsak ng maraming bansa. (Tingnan sa Eter 8:18–25.)
Isa pang anyo ng kapalaluan ang pagtatalo. Ang mga argumento, awayan, di-makatwirang pamamahala, di-pagkakaunawaan ng magkaibang henerasyon, diborsyo, pang-aabuso sa asawa, kaguluhan, at kaligaligan ay pawang nasa kategoryang ito ng kapalaluan.
Ang pagtatalo sa ating pamilya ay nagtataboy sa Espiritu ng Panginoon. Itinataboy rin nito ang marami sa mga miyembro ng ating pamilya. Ang pagtatalo ay maaaring magmula sa masasakit na salita hanggang sa di-pagkakasundo ng mga bansa sa buong mundo. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na “sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang.” (Kawikaan 13:10; tingnan din sa Kawikaan 28:25.)
Pinatutunayan sa mga banal na kasulatan na ang mga palalo ay madaling masaktan at nagtatanim ng sama-ng-loob. (Tingnan sa 1 Ne. 16:1–3.) Ayaw nilang magpatawad para magkaroon ng utang-na-loob sa kanila ang iba at mapangatwiranan ang nasaktan nilang damdamin.
Ang mga palalo ay hindi madaling payuhan o iwasto. (Tingnan sa Kawikaan 15:10; Amos 5:10.) Ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili para pangatwiranan at bigyang-dahilan ang kanilang mga kahinaan at pagkukulang. (Tingnan sa Mat. 3:9; Juan 6:30–59.)
Umaasa ang palalo na sabihin sa kanila ng mundo kung sila ay may halaga o wala. Ang pagpapahalaga nila sa sarili ay nakabatay sa paghatol ng iba kung gaano sila katagumpay sa mundo. Nadarama nila na makabuluhan sila kung maraming tao silang nahigitan sa tagumpay, talento, kagandahan, o katalinuhan. Hindi maganda ang kapalaluan. Sinasabi nitong, “Kung magtatagumpay ka, bigo ako.”
Kung mahal natin ang Diyos, ginagawa natin ang Kanyang kalooban, at natatakot tayo sa Kanyang paghatol nang higit kaysa sa paghatol ng tao, magkakaroon tayo ng pagpapahalaga sa ating sarili.10
5
Nililimita o pinipigil ng kapalaluan ang pag-unlad.
Ang kapalaluan ay nakapipinsalang kasalanan sa tunay na kahulugan ng salitang iyan. Nililimita o pinipigil nito ang pag-unlad. (Tingnan sa Alma 12:10–11.) Ang palalo ay hindi madaling turuan. (Tingnan sa 1 Ne. 15:3, 7–11.) Hindi sila magbabago ng isip para tumanggap ng mga katotohanan, dahil ang paggawa niyon ay pag-amin na mali sila.
Masama ang epekto ng kapalaluan sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan—sa kaugnayan natin sa Diyos at sa Kanyang mga lingkod, sa pagitan ng mag-asawa, magulang at anak, amo at empleyado, guro at estudyante, at buong sangkatauhan. Ang tindi ng ating kapalaluan ay nakikita sa pakikitungo natin sa ating Diyos at mga kapatid. Nais ni Cristo na isama tayo sa Kanyang kinaroroonan. Hinahangad ba nating gawin din iyon sa iba?
Sa kapalaluan ay naglalaho ang damdamin natin na tayo ay anak ng Diyos at na magkakapatid tayo. Pinaghihiwalay at winawatak-watak tayo nito ayon sa ating “mga katayuan sa buhay,” “yaman” at “mga pagkakataong matuto.” (3 Ne. 6:12.) Imposibleng magkaisa ang mga palalong tao, at kung hindi tayo magkakaisa hindi tayo sa Panginoon. (Tingnan sa Mosias 18:21; D at T 38:27; 105:2–4; Moises 7:18.)
Isipin ang idinulot sa atin ng kapalaluan noong una at kung ano ang idinudulot nito ngayon sa sarili nating buhay, sa ating pamilya, at sa Simbahan.
Isipin ang pagsisising maaaring magpabago ng buhay, magpanatili sa pagsasama ng mag-asawa, at magpatatag ng mga tahanan, kung hindi tayo hinadlangan ng kapalaluan na ipagtapat ang ating mga kasalanan at talikuran ang mga ito. (Tingnan sa D at T 58:43.)
Isipin ang maraming miyembrong di-gaanong aktibo sa Simbahan dahil sila ay nasaktan at sa kanilang kapalaluan ay hindi nagpatawad o lubos na nakibahagi sa hapag ng Panginoon.
Isipin ang libu-libo pang binata at mag-asawang maaaring magmisyon kung hindi lang sila hinahadlangan ng kapalaluan na isuko ang kanilang puso sa Diyos. (Tingnan sa Alma 10:6; Hel. 3:34–35.)
Isipin kung gaano mag-iibayo ang gawain sa templo kung mas pinahahalagahan ang oras na iniuukol sa banal na paglilingkod na ito kaysa sa maraming palalong hangaring umaagaw sa ating oras.11
6
Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba.
May epekto ang kapalaluan sa ating lahat sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang antas. Nauunawaan na ninyo ngayon kung bakit ang gusali sa panaginip ni Lehi na kumakatawan sa kapalaluan ng mundo ay malaki at maluwang at napakaraming pumapasok doon. (Tingnan sa 1 Ne. 8:26, 33; 11:35–36.)
Ang kapalaluan ay kasalanan ng buong sansinukob, ang napakasamang ugali. Oo, ang kapalaluan ay kasalanan ng buong sansinukob, ang napakasamang ugali.
Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba—kaamuan, pagkamasunurin. (Tingnan sa Alma 7:23.) Ito ang bagbag na puso at nagsisising espiritu. (Tingnan sa 3 Ne. 9:20; 12:19; D at T 20:37; 59:8; Mga Awit 34:18; Isa. 57:15; 66:2.) Tulad ng napakagandang pagkasabi ni Rudyard Kipling:
Napawi na ang kaguluhan at sigawan;
Mga kapitan at hari’y nagsilisan.
Ngunit naroon pa rin ang sinaunang alay,
Isang pusong mapagpakumbaba at nagsisising tunay.
Panginoong Diyos ng mga Hukbo, sa ami’y manatili,
Baka makalimot, makalimot kami. …
Ang Diyos ay magkakaroon ng mapagpakumbabang mga tao. Maaari nating piliing magpakumbaba o kaya’y piliting magpakumbaba tayo. Sinabi ni Alma, “Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.” (Alma 32:16.)
Piliin nating magpakumbaba.
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagdaig sa pagkapoot sa ating mga kapatid, pagpapahalaga sa kanila na tulad sa ating sarili, at pag-aangat sa kanila nang kasingtaas o mas mataas pa sa atin. (Tingnan sa D at T 38:24; 81:5; 84:106.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagtanggap ng payo at disiplina. (Tingnan sa Jacob 4:10; Hel. 15:3; D at T 63:55; 101:4–5; 108:1; 124:61, 84; 136:31; Kawikaan 9:8.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin. (Tingnan sa 3 Ne. 13:11, 14; D at T 64:10.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng taos-pusong paglilingkod. (Tingnan sa Mosias 2:16–17.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagmimisyon at pangangaral ng salita na magpapakumbaba sa iba. (Tingnan sa Alma 4:19; 31:5; 48:20.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagpunta sa templo nang mas madalas.
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagtatapat ng ating mga kasalanan at pagtalikod sa mga ito at pagsilang sa Diyos. (Tingnan sa D at T 58:43; Mosias 27:25–26; Alma 5:7–14, 49.)
Mapipili nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, pagpapailalim ng ating kalooban sa Kanya, at pag-una sa Kanya sa ating buhay. (Tingnan sa 3 Ne. 11:11; 13:33; Moro. 10:32.)
Piliin nating magpakumbaba. Magagawa natin ito. Alam kong kaya natin.
Mahal kong mga kapatid, dapat tayong maghandang tubusin ang Sion. Tunay ngang kapalaluan ang humadlang sa atin sa pagtatatag ng Sion noong panahon ni Propetang Joseph Smith. Dahil din sa kasalanan ng kapalaluan kaya nagwakas ang lubos na paglalaan ng mga ari-arian at kabuhayan ng mga Nephita. (Tingnan sa 4 Nephi 1:24–25.)
Ang kapalaluan ay malaking hadlang sa Sion. Inuulit ko: Ang kapalaluan ay malaking hadlang sa Sion.
Dapat nating linisin ang loob ng sisidlan sa pamamagitan ng pagdaig sa kapalaluan. (Tingnan sa Alma 6:2–4; Mateo 23:25–26.)
Kailangan nating sundin ang mga “panghihikayat ng Banal na Espiritu,’ hubarin ang palalong “likas na tao,” maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon,” at maging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba.” (Mosias 3:19; tingnan din sa Alma 13:28.)
Nawa’y magawa natin ito at patuloy nating maisakatuparan ang ating banal na tadhana ang taimtim kong dalangin.12
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Binigyang-diin ni Pangulong Benson na ang kapalaluan ang naging sanhi ng pagkalipol ng mga Nephita (tingnan sa bahagi 1.) Sa palagay ninyo bakit napakalakas ng mapanirang kapangyarihan ng kapalaluan?
-
Sa paanong paraan maaaring “sinasalungat [ng mga tao] ang kalooban ng Diyos”? (Tingnan sa bahagi 2.) Ano ang ilang pagpapalang dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang kalooban ng Diyos?
-
Sa palagay ninyo bakit natin itinatanong kung minsan na “Ano ang iisipin ng ibang tao tungkol sa akin?” sa halip na “Ano ang iisipin ng Diyos tungkol sa akin?” (Tingnan sa bahagi 3.) Paano nagbabago ang ating buhay kapag ang pinakamalaking hangarin natin ay maging kalugud-lugod sa Diyos?
-
Repasuhin ang mga tanda ng kapalaluan na nakatala sa bahagi 4. Paano natin maiiwasan ang mga tandang ito ng kapalaluan sa ating buhay?
-
Sinabi ni Pangulong Benson, “Masama ang epekto ng kapalaluan sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan”—sa Diyos at sa iba (bahagi 5). Bakit ito totoo? Sa anong mga paraan tumitibay ang ating mga kaugnayan kapag mapagpakumbaba tayo?
-
Sa bahagi 6, naglista si Pangulong Benson ng mga paraan na mapipili nating magpakumbaba. Sa palagay ninyo bakit mas mabuti na piliing magpakumbaba kaysa piliting magpakumbaba?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 23:12; Lucas 18:9–14; Santiago 4:6; Alma 5:27–28; D at T 112:10; 121:34–40
Tulong sa Pag-aaral
Para maihalintulad ang mga salita ng isang propeta sa inyong sarili, pag-isipan kung paano nauugnay sa inyo ang kanyang mga turo (tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 225). Isiping tanungin ang inyong sarili kung paano makakatulong ang mga turong iyon sa inyong mga problema, tanong, at pagsubok sa buhay.