Kabanata 21
Mga Alituntunin ng Temporal at Espirituwal na Kapakanan
“Lahat ng bagay na nauukol sa pangkabuhayan, pakikihalubilo sa lipunan, at espirituwal na kapakanan ng pamilya ng tao ay inaalala at laging aalalahanin ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Noong 1936, dahil nahirapan ang mga tao sa buong mundo sa mga problemang pang-ekonomiya dahil sa Great Depression, naglahad ng bagong welfare program ang Unang Panguluhan. Ang programang ito, na tinatawag na Church Security Plan, ay itinatag hindi para bigyan ng libreng pagkain at kabuhayan ang mga taong nangangailangan kundi para “tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili.”1 Nang itatag ng Unang Panguluhan at iba pang mga lider ng Simbahan ang programang ito, itinuro nila ang mga batayang alituntunin ng kasipagan, pag-asa sa sarili, at paglilingkod. Hinikayat nila ang mga miyembro ng Simbahan na magbayad ng ikapu at mga handog-ayuno, gumawa at mag-imbak ng pagkain, umiwas sa di-kinakailangang pangungutang, at mag-impok ng pera para sa mga pangangailangan sa hinaharap.
Sa panahong iyon, si Pangulong Ezra Taft Benson ay naglilingkod bilang tagapayo sa isang stake presidency sa Boise, Idaho. Siya ay isa ring economist, marketing specialist, at farm management specialist para sa estado ng Idaho. Tinanggap niya ang atas ng kanyang stake president na dumalo sa isang miting kung saan ilalahad ang Church Security Plan. Paggunita niya kalaunan: “Buong-pusong sumunod ang aking kaluluwa sa lahat ng bagay na narinig ko nang araw na iyon. Nagbalik ako sa Boise Stake at sinabi ko sa aking mga kapatid na ang ibinalitang programang ito ay kapaki-pakinabang sa ekonomiya, sa pakikihalubilo sa lipunan, at sa espirituwal, at nagpahayag ako ng tiwala na buong-pusong tutugon dito ang mga miyembro ng Simbahan dahil hindi lamang ito kapaki-pakinabang kundi kinakailangan din.”2
Dalawang buwan matapos ilahad ni Pangulong Benson ang programa sa kanyang stake, “maraming proyektong pangkapakanan ang binuo: isang ward ang nagtanim sa ekta-ektaryang halamanan, isa pang ward ang nagtanim ng labinlimang akre ng sugar beets, at ang Relief Society sa isa pang ward ay nagde-lata ng pagkain at gumawa ng mga kubrekama at damit. Nagtayo pa nga ang [isang ward] ng maliit na pagawaan ng mga de-latang pagkain.”3
Nakita ni Pangulong Benson ang malaking impluwensya ng welfare program pagkaraan ng 10 taon. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, inatasan siyang mangulo sa Simbahan sa Europa pagkatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa mga lupaing iyon na winasak ng digmaan, pinamunuan niya ang gawain ng Simbahan na maglaan ng mga kalakal na tutulong sa mga tao na muling tumayo sa sarili nilang mga paa. Ikinuwento niya ang kanyang karanasan nang dumating sa Berlin, Germany, ang unang kargamento ng mga welfare supply ng Simbahan:
“Isinama ko ang gumaganap na pangulo ng mission na si President Richard Ranglack. Pumasok kami sa lumang-lumang bodega, na binabantayan ng guwardiyang may sandata, na kinaroroonan ng mahalagang welfare goods. Sa dulo ng bodega nakita namin ang patung-patong na mga kahon na halos umabot na sa kisame.
“‘Mga kahon ba ng pagkain ang mga iyon?’ tanong ni Richard. ‘Ibig mong sabihin, mga kahon ng pagkain ang mga iyon?’
“‘Oo, kapatid ko,’ sagot ko, ‘pagkain at damit at gamit sa pagtulog—at, sana, mayroon ding mga gamot.’
“Ibinaba namin ni Richard ang isa sa mga kahon. Binuksan namin ito. Puno ito ng pinaka-karaniwang mga pagkain—dried beans. Nang makita ito ng butihing lalaking iyon, hinahawak-hawakan niya ito, pagkatapos ay umiyak siyang parang bata sa pasasalamat.
“Binuksan namin ang isa pang kahon, na puno ng dinurog na trigo, walang dagdag o kulang, tulad ng pagkalikha at layon dito ng Panginoon. Tinikman niya ang isang kurot nito. Pagkaraan ng isang sandali tumingin siya sa akin na may luha sa kanyang mga mata—at basa na rin ng luha ang aking mga mata—at sinabi niya, habang marahang umiiling-iling, ‘Brother Benson, mahirap paniwalaan na tutulungan kami ng mga taong ni hindi pa kami nakikita o nakikilala.’
“Iyan ang pamamaraan ng Panginoon! Kusang pagbibigay dahil sa pagmamahal sa kapatid at kahandaang magsakripisyo, at pagtulong sa iba na tulungan ang kanilang mga sarili. Napapanatili niyon ang dangal at respeto sa sarili.”4
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Ang Panginoon ay nasasabik at handang pagpalain ang Kanyang mga tao sa temporal at espirituwal.
Nalalaman ko, mga kapatid, na sa pagtalakay sa mga temporal na bagay, sinabi ng Panginoon:
“… lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal. …” [D at T 29:34.]
Ang layunin, mangyari pa, ay espirituwal. Gayunman, nabubuhay tayo sa isang materyal, pisikal, at temporal na mundo. …
… Ang tao ay may dalawang bahagi, temporal at espirituwal, at sa mga paghahayag sa mga taong ito noong araw, maraming beses na nagbilin at nag-utos ang Panginoon hinggil sa mga temporal na bagay. Iniutos Niya sa mga Banal at mga lider ng Simbahan na bumili ng lupain at iba pang ari-arian; na magtayo ng mga templo; pati na rin ng isang palimbagan, at isang tindahan, at ng gusaling paupahan para sa “nangalupaypay na manlalakbay” [tingnan sa D at T 124:22–23]. Sa dakilang paghahayag na kilala bilang Word of Wisdom, hindi lamang niya tinukoy ang mabuti at hindi mabuti para sa tao, kundi ibinalangkas niya ang isang plano para sa pagpapakain ng mga alagang hayop, na, sa nakalipas na mahigit isandaang taon, ay unti-unting sinuportahan sa pamamagitan ng pag-aaral ng tao sa siyensya [tingnan sa D at T 89]. Anumang nakakaapekto sa kapakanan ng tao ay inaalala at aalalahanin ng Simbahan noon pa man. Pinayuhan na ang ating mga tao noon pa man tungkol sa mga gawaing temporal. …
Mahalaga na lagi tayong mag-isip nang tuwid, mga kapatid. Lagi nating isaisip na lahat ng materyal na bagay ay kasangkapan lamang para maisakatuparan ang mas mabuting layunin, na ang layuning iyon ay espirituwal, bagama’t ang Panginoon ay nasasabik at handang pagpalain ang kanyang mga tao sa temporal. Ipinahiwatig Niya ito sa maraming paghahayag. Itinuro Niya, nang paulit-ulit, na dapat nating ipagdasal ang ating mga pananim, alagang hayop, sambahayan, tahanan, at hilingin na basbasan tayo ng Panginoon sa ating mga temporal na gawain. At nangako siya na paroroon siya at handa at kusa niya tayong pagpapalain. …
… Hindi gagawin ng Panginoon para sa atin ang kaya at dapat nating gawin para sa ating sarili. Ngunit layunin niyang pangalagaan ang kanyang mga Banal. Lahat ng bagay na nauukol sa pangkabuhayan, pakikihalubilo sa lipunan, at espirituwal na kapakanan ng pamilya ng tao ay inaalala at laging aalalahanin ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.5
Kapag pinangasiwaan natin ang anumang aspeto ng welfare program, kailangan nating tandaan ang pangunahing layunin ng pagkakatatag nito. Ang ipinahayag na layuning iyan ay “upang bumuo, hangga’t maaari, ng isang sistema na magwawaksi sa sumpa ng katamaran, papawi sa kasamaan ng paglilimos, at muling pasimulan sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling mga paa, kasipagan, pagtitipid, at paggalang sa sarili. Layunin ng Simbahan na tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Dapat muling bigyang-diin na pagtatrabaho ang namamayaning alituntunin sa buhay ng mga miyembro ng ating Simbahan.”6
Ang bisa ng welfare program ng Simbahan ay nakasalalay sa bawat pamilyang sumusunod sa inspiradong tagubilin ng mga lider ng Simbahan na matustusan ang sarili sa pamamagitan ng sapat na paghahanda. Layon ng Diyos na ihanda ng kanyang mga Banal ang kanilang sarili sa paraan “na ang simbahan [tulad ng sinabi ng Panginoon] ay makatayong malaya sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig.” (D at T 78:14.)7
Ang talinghaga sa mga banal na kasulatan tungkol sa limang matalino at limang mangmang na mga dalaga [tingnan sa Mateo 25:1–13] ay isang paalala na hindi kailangang maghintay nang matagal ang isang tao bago niya isaayos sa espirituwal at temporal ang kanyang tahanan. Handa ba tayo?8
2
Sa masigasig, may layunin, at di-makasariling pagtatrabaho, natatamo natin ang mga pangangailangan sa buhay at nag-iibayo ang ating mga banal na katangian.
Narito ang isa sa mga unang alituntuning inihayag kay amang Adan nang siya ay paalisin sa Halamanan ng Eden: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa” (Gen. 3:19). Lahat ng natatamo nating materyal na bagay sa buhay ay nagmumula sa ating pagsisikap at sa awa at tulong ng Diyos. Pagtatrabaho lamang ang nagdudulot ng mga pangangailangan sa buhay.9
Inutusan ng Diyos ang tao na mabuhay sa sarili niyang pagsisikap, at hindi sa pagsisikap ng iba.10
Ang atin ay isang ebanghelyo ng pagtatrabaho—nang may layunin, di-makasarili at isinasagawa sa diwa ng tunay na pagmamahal ni Cristo. Sa gayon lamang natin mapag-iibayo ang ating mga banal na katangian. Sa gayon lamang tayo magiging karapat-dapat na mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon para mabasbasan ang iba sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon na maaaring humantong sa pagbabagumbuhay ng kalalakihan at kababaihan tungo sa kabutihan.
Dapat mapagpakumbaba nating pasalamatan ang hamong ito, ang pamanang ito, ang pagkakataong ito na maglingkod at sa saganang gantimpala nito. Napakapalad ng mga taong maaaring sumunod sa plano ng Panginoon para magkaroon ng kakayahang ito at gamitin ito para mabasbasan ang iba. Iyan ang ginawa ni Cristo. Iyan ang pribilehiyo nating gawin.11
Ang mga tumatanggap ng welfare ay dapat magtrabaho sa abot ng kanilang makakaya para mabigyan sila ng tulong mula sa fast offering. Kapag hindi binigyan ng makabuluhang trabaho, kapag hindi hinikayat ang mga tao na magtrabaho, magiging sistema ng Simbahan ang pamimigay ng pera sa mga tao nang walang kapalit na pagsisikap, at hindi magiging epektibo ang layunin ng pagkatatag ng welfare program. Isang batas ng langit, at hindi natin lubos na natutuhan dito sa lupa, na hindi mo permanenteng matutulungan ang mga tao kapag ginawa mo para sa kanila ang mga bagay na kaya nilang gawin, at dapat nilang gawin, para sa kanilang sarili.12
Dapat nating hilingin na basbasan ng Panginoon ang lahat ng ating ginagawa at huwag tayong gumawa kailanman ng anumang bagay na hindi natin mahihiling ang Kanyang pagbabasbas. Huwag tayong umasa na gagawin ng Panginoon ang magagawa natin para sa ating sarili. Naniniwala ako sa pananampalataya at paggawa, at mas lubos na pagpapalain ng Panginoon ang taong nagsisikap na makamtan ang ipinagdarasal niya kaysa sa taong dasal lang nang dasal.13
Ang masigasig at may layuning pagtatrabaho ay humahantong sa malusog na pangangatawan, kapuri-puring tagumpay, malinis na budhi, at mahimbing na pagtulog. Ang pagtatrabaho ay kapaki-pakinabang na sa tao noon pa man. Nawa’y magkaroon kayo ng lubos na paggalang sa pagtatrabaho gamit man ninyo rito ang inyong pag-iisip, puso, o kamay. Nawa’y matamasa ninyo magpakailanman ang kasiyahan ng matapat na pagsisikap. … Hindi kayo makararating sa langit sa puro pangangarap lamang. Kailangan ninyong magsikap, magsakripisyo, at mamuhay nang matwid para dito.14
3
Kapag gumagawa at nag-iimbak tayo ng pagkain, agad tayong nakikinabang at nagiging handa sa mga pangangailangan natin sa hinaharap.
Napag-isipan na ba ninyo kung ano ang mangyayari sa inyong komunidad o bansa kung maparalisa ang transportasyon o magkaroon ng digmaan o bumagsak ang ekonomiya. Paano kayo kukuha ng pagkain at maging ang inyong mga kapitbahay? Gaano katagal makakayang tugunan ng tindahan sa kanto—o supermarket—ang mga pangangailangan ng komunidad?
Halos katatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinapunta ako ng Unang Panguluhan sa Europa para muling itatag ang ating mga mission at bumuo ng isang programa para sa pamamahagi ng pagkain at mga damit sa mga Banal. Tandang-tanda ko pa ang mga taong sumasakay sa tren tuwing umaga na may dalang iba’t ibang uri ng maliliit na hiyas para lumabas ng bayan at ipagpalit ng pagkain ang mga ari-arian nila. Pagsapit ng gabi, puno ang istasyon ng tren ng mga tao na may bitbit na mga gulay at prutas, at napakaraming maiingay na mga baboy at manok. Nakakabingi ang ingay. Mangyari pa, ang mga taong ito ay handang ipagpalit ang anuman para sa bagay na nagbibigay-buhay—pagkain.
Ang halos nalimutan nang paraan ng pagtugon sa sariling pangangailangan ay ang produksyon ng sariling pagkain sa tahanan. Masyado tayong nasanay sa pagpunta sa mga tindahan at pagbili ng kailangan natin. Sa paggawa ng ilan sa pagkain natin, nababawasan nang malaki ang epekto ng pagbaba ng halaga ng pera natin. Ang mas mahalaga, natututo tayong gumawa ng sarili nating pagkain at isali ang lahat ng miyembro ng pamilya sa kapaki-pakinabang na proyektong ito. …
… Iminumungkahi kong gawin ninyo ang ginawa ng iba. Makitipon sa iba at humingi ng pahintulot na gamitin ang isang bakanteng lote para pagtaniman, o umupa ng kapirasong lupa at magtanim dito. Ilang elders quorum na ang nakagawa nito bilang isang korum, at lahat ng nakasali ay nakaani ng gulay at prutas at napagpala sa pagtulong at pakikibahagi ng pamilya. Maraming pamilyang nagbungkal sa kanilang bakuran para makapagtanim.
Hinihikayat namin kayo na mas umasa sa inyong sarili upang, tulad ng pahayag ng Panginoon, “sa kabila ng maraming kahirapan na pasasainyo, … ang simbahan ay makatayong malaya sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig” (D at T 78:14). Nais ng Panginoon na tumayo tayo sa sarili nating mga paa at umasa sa ating sarili dahil ito ang mga panahon ng paghihirap. Binalaan Niya tayo ngayon at noon pa man tungkol sa mangyayari. …
Ang produksyon o paggawa ng pagkain ay bahagi lamang ng paulit-ulit na pagbibigay-diin na mag-imbak kayo ng pagkain … saanman ito pinahihintulutan ng batas. Hindi sinabi sa inyo ng Simbahan kung anong mga pagkain ang dapat ninyong imbakin. Mga miyembro na ang magpapasiya nito. …
… Ang paghahayag na gumawa at mag-imbak ng pagkain ay maaaring mahalaga sa ating temporal na kapakanan ngayon na tulad ng pagsakay sa arka ng mga tao noong panahon ni Noe. …
… Planuhing magkaroon ng suplay ng pagkain tulad ng pag-iimpok ninyo ng pera sa bangko. Mag-imbak ng kaunti kada suweldo. I-de-lata o i-bote ang prutas at mga gulay mula sa inyong hardin at halamanan. Pag-aralan kung paano magpreserba ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapatuyo at paglalagay nito sa freezer. Gawing bahagi ng inyong badyet ang pag-iimbak ng pagkain. Mag-imbak ng mga binhi at magkaroon ng sapat na kagamitan para magawa ito. Kung kayo ay nag-iimpok ng pera at nagpaplanong bumili ng pangalawang kotse o TV o ilang bagay na para sa inyong kaginhawahan o kasiyahan, maaaring kailanganin ninyong baguhin ang inyong mga priyoridad. Hinihimok namin kayo na mapanalanging gawin ito at gawin ito ngayon din. …
Kadalasan ay kampante tayong nagpapahinga at nangangatwiran na hindi maaaring magkaroon dito ng digmaan, pagbagsak ng ekonomiya, taggutom, at lindol. Ang mga naniniwala rito ay hindi nababatid ang mga paghahayag ng Panginoon, o kaya’y hindi nila ito pinaniniwalaan. Ang mayayabang na nag-iisip na hindi mangyayari ang mga kalamidad na ito, na kahit paano ay maliligtas sila dahil sa kabutihan ng mga Banal, ay nalilinlang at magsisisi na naniwala sila sa kahibangang iyon.
Binalaan na tayo ng Panginoon noon pa man tungkol sa panahon ng matinding paghihirap at pinayuhan tayo, sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, kung paano natin mapaghahandaan ang mahihirap na panahong ito. Nasunod ba natin ang Kanyang payo? …
Maging tapat, mga kapatid, sa payong ito at kayo ay pagpapalain—oo, ang pinakamapalad na mga tao sa buong mundo. Kayo ay mabubuting tao. Alam ko iyan. Ngunit kailangan nating lahat na maging mas mabuti kaysa dati. Ilagay natin ang ating sarili sa kalagayan na hindi lamang sarili natin ang ating mapapakain sa pamamagitan ng paggawa at pag-iimbak ng pagkain sa tahanan, kundi maging ang ating kapwa.
Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na maging handa para sa mga panahong darating, na maaaring siyang pinakamahirap sa lahat.15
4
Sumasapuso natin ang kapayapan at kapanatagan kapag inimpok natin ang bahagi ng ating kita at iniwasan ang di-kailangang pangungutang.
Buong paggalang ko kayong hihimuking mamuhay ayon sa mga pangunahing alituntunin ng pagtatrabaho, pagtitipid, at pag-asa sa sarili at turuan ang inyong mga anak sa pamamagitan ng inyong mabuting halimbawa. … Mamuhay ayon sa inyong sariling kinikita. Regular na mag-impok ng bahagi ng inyong kinikita. Iwasan ang di-kailangang pangungutang. Maging matalino na huwag magpundar nang napakabilis. Matutong pamahalaang mabuti kung anuman ang mayroon kayo bago ninyo isiping magpundar ng iba pa.16
Ang malungkot, nakatatak na sa isipan ng iba na kapag dumaranas tayo ng paghihirap, kapag hindi tayo naging matalino at naging gastador tayo at namuhay tayo nang higit sa ating kinikita, dapat tayong umasa sa tulong ng Simbahan o pamahalaan. Nalimutan ng ilan sa ating mga miyembro ang batayang alituntunin ng welfare program ng Simbahan na “walang tunay na Banal sa Huling Araw, samantalang kaya ng katawan, ang kusang ipauubaya sa iba ang responsibilidad na tustusan ang kanyang sarili.” …
Higit kailanman, kailangan nating matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pag-asa sa sarili. Hindi natin alam kung kailan maaaring maapektuhan ng karamdaman o kawalan ng trabaho ang ating sariling kalagayan. Alam naman natin na ang Panginoon ay nagbadya ng mga kalamidad sa buong daigdig sa hinaharap at binalaan tayo ngayon at noon pa man na maging handa. Dahil dito paulit-ulit na binigyang-diin ng Mga Kapatid ang programang “balikan ang mahahalagang alituntunin” para sa temporal at espirituwal na kapakanan.17
Nais ng Panginoon na maging malaya at makatayo sa sariling mga paa ang Kanyang mga banal sa mahihirap na panahong darating. At walang sinumang tunay na malaya kapag siya ay baon sa utang.18
Sa aklat ng Mga Hari mababasa natin ang tungkol sa isang babaeng umiiyak na lumapit kay Eliseo, ang propeta. Patay na ang kanyang asawa, at may utang siya na hindi niya kayang bayaran. Parating na ang nagpautang para kunin at ipagbili ang kanyang dalawang anak na lalaki bilang mga alipin.
Mahimalang nagawa ni Eliseo na magkaroon siya ng maraming langis. Pagkatapos ay sinabi niya rito: “Ikaw ay yumaon, ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka at ang iyong mga anak sa nalabi.” (Tingnan sa 2 Mga Hari 4:1–7.)
“Bayaran mo ang iyong utang at mabuhay ka.” Kayganda ng mga salitang ito noon pa man! Napakatalinong payo nito para sa ating lahat ngayon! …
Maraming taong hindi naniniwala na muling babagsak ang ekonomiya. Panatag sa kanilang inaasahan na patuloy na trabaho at regular na pagkita, umuutang sila nang hindi iniisip kung ano ang gagawin kung mawalan sila ng trabaho o tumigil ang kanilang pagkita sa ibang kadahilanan. Ngunit paulit-ulit na sinabi ng pinakamahuhusay na awtoridad na hindi pa sapat ang talino natin para kontrolin ang ating ekonomiya nang hindi ito bumabagsak. Sa malao’t madali ang mga pagbabagong ito ay darating.
Ang isa pang dahilan ng paglaki ng utang ay mas matindi pa at nagdudulot ng malaking problema. Ito’y ang pagtindi ng materyalismo, kumpara sa katapatan sa mga bagay na espirituwal. Maraming pamilya, para “makapagpasikat” sa iba, ang kukuha ng mas malaki at mas mamahaling bahay kaysa kailangan, sa isang mamahaling lugar. … Sa tumataas na klase ng pamumuhay, tumitindi ang tuksong bilhin ang bawat bagong gadget na lumalabas sa pamilihan. Ang tusong mga kaparaanan na ipinlanong mabuti ng makabagong pag-aanunsyo ay nakatuon sa mga kahinaan ng mamimili. Dahil dito, nakakalungkot na tumitindi ang pagnanais na dapat makamtan ang mga materyal na bagay na iyon ngayon din, nang hindi na naghihintay, hindi nag-iimpok, at hindi pinagkakaitan ang sarili.
Ang mas masama pa, napakaraming pamilyang may personal na pagkakautang ang walang pera [impok] na magagamit kapag kinailangan. Magkakaroon sila ng malaking problema kung biglang matigil o mabawasan ang kanilang kinikita! Lahat tayo ay may kilalang mga pamilya na nangutang nang higit kaysa kaya nilang bayaran. Matinding dusa ang dinaranas ng mga taong ganito ang sitwasyon.19
Ngayon hindi ko sinasabi na lahat ng pangungutang ay masama. Hindi lahat. Ang pag-utang para ipuhunan sa magandang negosyo ay bahagi ng pag-unlad ng kabuhayan. Ang tamang pag-utang para bumili ng bahay ay malaking tulong sa pamilya.20
Sa huli, mas madaling mamuhay ayon sa ating kinikita at pigilang hiramin ang mga inimpok para sa hinaharap maliban kung kailangan—huwag kailanman para sa mga luho. Hindi makatarungan sa ating sarili o sa ating komunidad na hindi isipin ang hinaharap sa ating paggastos na kapag dumating ang panahon na wala na tayong kita ay kailanganin nating humingi ng tulong-pinansyal sa mga ahensya o sa Simbahan.
Taimtim akong nakikiusap sa inyo, huwag ninyong itali ang inyong sarili sa mga utang na kadalasan ay labis-labis ang patubo. Mag-impok ngayon at bumili kalaunan, at mas uunlad kayo. Maililigtas ninyo ang inyong sarili sa mataas na patubo at iba pang mga bayarin, at ang perang naimpok ninyo ay maaaring magbigay ng oportunidad para makabili kayo kalaunan nang may malaking diskuwento.
… Labanan ang tuksong mangutang para bumili ng ari-ariang mas marangya o maluwang kaysa talagang kailangan ninyo.
Mas uunlad ang buhay ninyo, lalo na ang mga pamilyang nagsisimula pa lamang, kung bibili muna kayo ng maliit na bahay na alam ninyong kaya ninyong bayaran sa maikling panahon. …
Huwag hayaang magipit kayo o ang inyong pamilya sa pera. Iwasan ang mga luho, kahit pansamantala lamang, para makapag-impok. Malaking katalinuhan ang maglaan para sa edukasyon ng inyong mga anak sa hinaharap at para sa inyong pagtanda. …
Mga kapatid, sasapuso natin ang kapayapan at kapanatagan kapag namuhay tayo ayon sa ating kinikita. Nawa’y pagkalooban tayo ng Diyos ng karunungan at pananampalatayang sundin ang inspiradong payo ng priesthood na huwag mangutang, mamuhay ayon sa ating kinikita, at magbayad kaagad—sa madaling salita, “bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka.”21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa bahagi 1, binanggit ni Pangulong Benson ang mga batayang alituntunin ng welfare program ng Simbahan. Sa paanong paraan nakakatulong ang mga alituntuning ito sa ating temporal na kapakanan? Sa paanong paraan nakakatulong ang mga ito sa ating espirituwal na kapakanan?
-
Ano ang ilang pakinabang ng “masigasig at may layuning pagtatrabaho”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 2.) Ano ang ilang bagay na ikinatutuwa ninyo sa pagtatrabaho? Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata at kabataan na matutong masiyahan sa pagtatrabaho?
-
Ano ang ilang pagpapalang darating kapag sinunod natin ang payo ni Pangulong Benson sa bahagi 3? Isipin kung ano ang gagawin ninyo, na iniisip ang inyong kasalukuyang sitwasyon, para masunod ang payong ito.
-
Sa palagay ninyo bakit humahantong sa “kapayapaan at kapanatagan” ang matalinong paggastos ng pera? Sa kabilang banda, ano ang mararanasan natin kapag hindi tayo “[na]muhay ayon sa [ating] sariling kita”? (Tingnan sa bahagi 4.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Jacob 2:17–19; Alma 34:19–29; D at T 19:35; 42:42; 75:28–29; 104:78; Moises 5:1
Tulong sa Pagtuturo
“Upang matulungan ang mga mag-aaral na makapaghanda sa pagsagot sa mga katanungan, maaari ninyong naising sabihin sa kanila bago magbasa o maglahad ng isang bagay na hihingin ninyo ang kanilang mga katugunan. … Halimbawa, maaari ninyong sabihing, ‘Makinig habang binabasa ko ang talatang ito nang sa gayon ay makapagbahagi kayo ng mga bagay na nakapagbigay-interes sa inyo hinggil dito’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 86).