Kabanata 3
Kalayaang Pumili, Isang Walang-Hanggang Alituntunin
“Ang kalayaan ay ibinigay na sa ating lahat para makagawa tayo ng mahahalagang desisyon na magiging mahalaga sa ating kaligtasan. Ang mga desisyong iyon ay may epekto sa ating kaligayahan sa kawalang-hanggan.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Nakatira at nagtatrabaho sa isang sakahan, nalaman ni Ezra Taft Benson ang mga bunga ng mabubuting desisyon. Paggunita niya: “Lumaki akong naniniwala na kahandaan at kakayahang magtrabaho ang pangunahing sangkap sa matagumpay na pagsasaka. Sipag at talino ang susi. Kapag ginamit ninyo ito, malaki ang tsansang magtatagumpay kayo.”1 Sa murang edad, nalaman ni Ezra na siya at ang kanyang pamilya ay magkakaroon ng mas maraming pagkain kung pipiliin nilang alagaan ang kanilang halamanan. Nalaman niya na kung nais niyang magtagumpay ang pamilya sa kanilang dairy business, kailangan niyang magpasiyang gumising nang maaga araw-araw para gatasan ang mga baka.2 Nakita niya na nang magpasiya siya na magpakasipag, inupahan siya ng mga magsasaka sa lugar para alisan ng usbong ang kanilang beets at isakay sa trak ang kanilang dayami.3 Nakita niya na ang mga pagsubok ay dumarating maging sa matatapat, ngunit nakita rin niya na ang mga indibiduwal at pamilya ay makapagpapasiyang tumugon sa mga pagsubok sa paraang tutulong sa kanila na maging masaya at matagumpay.4
Para sa batang si Ezra Taft Benson, masusukat ang ilang bunga ng mabubuting pasiya sa balde-baldeng gatas, sa mga trak na puno ng dayami, at sa malaking sahod para sa buong araw ng kasipagan. Ang iba ay mas mahirap sukatin ngunit mas nagtatagal. Halimbawa, nang obserbahan niya ang kanyang mga magulang, nakita niya ang galak, kapayapaan, at lakas na dumarating kapag pinipili ng mga miyembro ng pamilya na maging tapat sa isa’t isa at sa Panginoon.5 Nalaman niya na ang batas ng pag-aani—“ang lahat ng ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya” (Mga Taga Galacia 6:7)—ay angkop sa mga espirituwal na hangarin gayundin sa pisikal na gawain.
Taglay ang karanasang ito bilang pundasyon, madalas ipaalala ni Pangulong Ezra Taft Benson sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa iba ang kahalagahan ng kalayaan—ang kalayaang “piliin ang landas na dapat nilang tahakin.”6 Ang kanyang mga turo tungkol sa alituntunin ng kalayaan ay higit pa sa paalala na “pumili ng tama o mali.”7 Sinabi niya na ang kalayaan ay kakayahang “gumawa ng mahahalagang desisyon na magiging mahalaga sa ating kaligtasan” at magkakaroon ng “epekto sa ating kaligayahan sa kawalang-hanggan.”8 Hinikayat niya ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang iba pa na gamitin ang kanilang kalayaan upang “kusang kumilos,” nang hindi na naghihintay pang utusan sa lahat ng bagay.9 Ang alituntunin ng kalayaan, sabi niya, ay “parang ginintuang sinulid sa buong plano ng ebanghelyo ng Panginoon para pagpalain ang kanyang mga anak.”10
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Ang kalayaan—ang kalayaang pumili—ay bigay ng Diyos, isang walang-hanggang alituntunin.
Pinatototohanan ko na tayo ay espiritung anak ng mapagmahal na Diyos, na ating Ama sa Langit (tingnan sa Mga Gawa 17:29; 1 Ne. 17:36). Mayroon Siyang dakilang plano ng kaligtasan upang maging sakdal na katulad Niya ang Kanyang mga anak at magkaroon ng ganap na kagalakan na tulad ng tinatamasa Niya. (Tingnan sa 1 Ne. 10:18; 2 Ne. 2:25; Alma 24:14; 34:9; 3 Ne. 12:48; 28:10.)
Pinatototohanan ko na sa ating kalagayan bago tayo isinilang ang ating Nakatatandang Kapatid sa espiritu, maging si Jesucristo, ang itinalagang maging Tagapagligtas natin sa plano ng kaligtasan ng Ama. (Tingnan sa Mosias 4:6–7; Alma 34:9.) Siya ang pinuno ng ating kaligtasan at ang tanging daan para tayo makabalik sa ating Ama sa Langit upang magtamo ng ganap na kagalakan. (Tingnan sa Heb. 2:10; Mosias 3:17; Alma 38:9.)
Pinatototohanan ko na si Lucifer ay naroon din sa kapulungan ng langit. Hinangad niyang wasakin ang kalayaan ng tao. Siya’y naghimagsik. (Tingnan sa Moises 4:3.) Nagkaroon ng digmaan sa langit, at ang sangkatlo ng mga hukbo ay inihulog sa lupa at pinagkaitan ng katawan. (Tingnan sa Apoc. 12:7–9; D at T 29:36–37.) Si Lucifer ay kaaway ng lahat ng kabutihan at hinangad niya ang kalungkutan ng buong sangkatauhan. (Tingnan sa 2 Ne. 2:18, 27; Mosias 4:14.)11
Ang pinakamahalagang usapin sa kapulungang iyon sa langit bago tayo isinilang ay: Magkakaroon ba ng walang-limitasyong kalayaan ang mga anak ng Diyos na piliin ang landas na kanilang tatahakin, mabuti man ito o masama, o pipilitin at pupuwersahin silang sumunod? Si Cristo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nanindigan sa unang panukala—kalayaang pumili; nanindigan si Satanas sa huli—sapilitan at puwersahan.12
Nilinaw sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng malaking digmaan sa langit, isang labanan tungkol sa alituntunin ng kalayaan, ang karapatang pumili. (Tingnan sa Moises 4:1–4; D at T 29:36–38; 76:25–27; Apoc. 12:7–9.)13
Ang digmaang nagsimula sa langit tungkol sa usaping ito ay hindi pa tapos. Ang labanan ay nagpatuloy sa mortalidad.14
Ang kalayaang pumili ay isang walang-hanggang alituntuning bigay ng Diyos. Ang dakilang plano ng kalayaan ay ang plano ng ebanghelyo. Walang sapilitan dito; walang puwersahan, walang pananakot. Ang tao ay malayang tanggapin ang ebanghelyo o tanggihan ito. Maaari niya itong tanggapin at pagkatapos ay tumangging ipamuhay ito, o maaari niya itong tanggapin at lubusang ipamuhay ito. Ngunit hinding-hindi tayo pupuwersahin ng Diyos na ipamuhay ang ebanghelyo. Manghihimok Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Tatawagin at papatnubayan at hihimukin at hihikayatin at pagpapalain Niya tayo kapag tumugon tayo, ngunit hinding-hindi Niya pupuwersahin ang isipan ng tao. (Tingnan sa Hymns, 1985, blg. 240.)15
2
Ang buhay na ito ay panahon ng pagsubok kung saan malaya tayong pumili ng mabuti o masama.
Ipinakita kay Abraham ang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit bago sila bumaba sa lupa. Ipinakita rin sa kanya ang paglikha sa daigdig, at sinabi ng Panginoon sa kanya: “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” (Abraham 3:25.) Nakapaloob din sa banal na pahayag na iyan ang karapatang pumili.16
Ang buhay na ito ay isang pagsubok: isang pagsubok kung saan patutunayan natin ang lakas ng ating espiritu, isang pagsubok na walang-hanggan ang mga bunga para sa bawat isa sa atin. At ngayon ang ating oras at panahon—tulad ng bawat henerasyon—na malaman ang ating mga tungkulin at gampanan ang mga ito.17
Totoong hindi nalulugod ang Panginoon sa kasamaan. Totoo ring hangad Niya na huwag magkaroon nito. Totoong tutulungan Niya ang mga kumakalaban dito. Ngunit ang pagtutulot Niyang magkaroon ng kasamaan sa Kanyang mga anak dito sa mortalidad ay katunayan na binigyan Niya sila ng kalayaang pumili, kahit na ito ang magiging batayan Niya sa huling paghuhukom sa kanila.18
Walang kasamaang hindi mapipigilan [ni Jesucristo]. Lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Karapatan Niyang pamahalaan ang daigdig na ito. Subalit pinapayagan Niyang magkaroon ng kasamaan para makapili tayo sa mabuti o masama.19
Ang buhay ay panahon ng pagsubok sa walang-hanggang pag-iral ng tao, kung saan binigyan siya … ng karapatang pumili ng tama o mali. … May malalaking bunga ang mga pagpiling iyon, hindi lamang sa buhay na ito, kundi, mas mahalaga pa rito, sa buhay na darating. May mga hangganang hindi maaaring lagpasan ni Satanas. Sa loob ng mga hangganang iyon, kasalukuyan siyang hinahayaang mag-alok ng masamang alternatibo sa mabubuting alituntunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan nitong pumili ang mga tao ng mabuti o masama at ito ang magtatakda sa kalalagyan nila sa kabilang-buhay.20
3
Ginagamit natin ang ating kalayaang magpasiya na nagtatakda sa kaligayahan natin ngayon at sa buong kawalang-hanggan.
Mahal kayo ng Diyos tulad ng pagmamahal Niya sa bawat isa sa Kanyang mga anak, at ang Kanyang hangarin at layunin at kaluwalhatian ay makabalik kayo sa Kanya na dalisay at walang bahid-dungis, napatunayan ang inyong sarili na marapat kayo sa walang-hanggang kagalakan sa Kanyang piling.
Inaalala kayo ng inyong Ama sa langit. Binigyan Niya kayo ng mga kautusan na gagabay sa inyo, na magdidisiplina sa inyo. Binigyan din Niya kayo ng kalayaan—kalayaang pumili—“upang makita kung [inyong] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos [Niya].” (Abr. 3:25.) Ang Kanyang kaharian dito sa lupa ay napakaayos, at ang inyong mga lider ay nakalaang tumulong sa inyo. Nawa’y malaman ninyo na lagi namin kayong minamahal, iniisip, at ipinagdarasal.
Iniisip din kayo ni Satanas. Nakatuon siya sa pagkawasak ninyo. Hindi Niya kayo dinidisiplina sa pamamagitan ng mga kautusan, sa halip ay nag-aalok siya ng kalayaang “gawin ang gusto ninyong gawin.” … Ang plano ni Satanas ay “gawin mo ang gusto mo at magdusa ka kalaunan sa ibubunga nito.” Hangad niyang maging kaaba-aba ang lahat katulad ng kanyang sarili [tingnan sa 2 Nephi 2:27]. Ang plano ng Panginoon ay kaligayahan ngayon at kagalakan magpakailanman sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo.21
Malaya tayong pumili, ngunit hindi tayo malayang baguhin ang mga bunga ng mga pagpiling iyon.22
Malinaw na magkakaroon ng kaunting pagsubok sa pananampalataya kung matatanggap natin kaagad ang lubos nating gantimpala sa bawat mabuting gawa, o kaya’y mapaparusahan kaagad sa bawat kasalanan. Ngunit walang dudang magkakaroon ng mga bunga kalaunan ang bawat isa.23
Bagama’t panandaliang masisiyahan ang isang tao sa pagkakasala, ang resulta nito sa huli ay kalungkutan. “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.” (Alma 41:10.) Ang kasalanan ay lumilikha ng di-pagkakasundo sa Diyos at nagpapahirap sa espiritu. Samakatwid, makabubuting suriin ng isang tao ang kanyang sarili para matiyak na sumusunod siya sa lahat ng batas ng Diyos. Bawat batas na sinunod ay naghahatid ng partikular na pagpapala. Bawat batas na sinuway ay naghahatid ng partikular na kaparusahan. Ang mga nangabibigatang lubha sa kawalang-pag-asa ay dapat lumapit sa Panginoon, sapagkat malambot ang kanyang pamatok at magaan ang kanyang pasan. (Tingnan sa Mat. 11:28–30.)24
Ang pinakamahalagang layunin sa buhay ng sinuman ay ang paggawa ng mga desisyon. Bagama’t ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao ay … ang karapatang pumili, binigyan din niya ng pananagutan ang tao sa mga pagpiling ito. … Inilalagay natin ang sarili nating buhay sa landas ng tagumpay o kabiguan. Hindi lamang natin maaaring piliin ang ating pinakamahahalagang mithiin, kundi maaari din nating alamin at pagpasiyahan para sa ating sarili, sa maraming pagkakataon, ang paraan kung paano natin matutupad ang mga mithiing iyon, at ang ating kasipagan o katamaran ang magtatakda sa bilis ng ating pagtupad sa mga ito. Kailangan dito ang sariling pagsisikap at lakas at maaaring magkaroon ng mga balakid o hadlang.25
Ang kapalaran ng sangkatauhan at ng buong sibilisasyon ay nakasalalay sa tao, kung gagamitin niya ang kanyang … kalayaang pamahalaan ang kanyang sarili o balewalain ang mga walang-hanggang batas sa ikapapahamak ng kanyang sarili at anihin ang mga ibubunga nito. Samakatwid, ang totoong usapin ngayon ay hindi tungkol sa ekonomiya o sa pulitika. Ang mga ito ay espirituwal—ibig sabihin kailangang matuto ang tao na sumunod sa mga batas na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan.26
Ang kalayaan ay ibinigay na sa ating lahat para makagawa tayo ng mahahalagang desisyon na magiging mahalaga sa ating kaligtasan. Ang mga desisyong iyon ay may epekto sa ating kaligayahan sa kawalang-hanggan.27
Ang mga desisyon natin ang humuhubog sa ating pagkatao. Ang ating walang-hanggang tadhana ay malalaman sa mga desisyong gagawin pa lang natin.28
4
Ang mga desisyon na lubhang mahalaga ay nangangailangan ng ating taimtim na panalangin.
Kung gagawa tayo ng mga desisyon na angkop at naaayon kay Cristo, una sa lahat ay kailangan tayong mamuhay sa paraang magagamit natin ang di-nakikitang kapangyarihang iyon na kung wala iyon ay hindi makagagawa ng mabuting desisyon ang sinuman.
Isa sa pinakamahahalagang desisyon ng panahong ito ay nang ipasiya ng batang si Joseph Smith na sundin ang payo ni Santiago: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya. Ngunit humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.” (Santiago 1:5–6.)
Ang kaligtasan mismo ng milyun-milyong lalaki at babae sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon ay nakasalalay sa desisyong iyan! Dapat nating isaisip na talagang mahalaga ang mga tao at na ang mga desisyong ginagawa nila ay malaki ang epekto sa buhay ng iba.29
Sabi ng Panginoon, “Kumatok, at kayo’y pagbubuksan” (3 Nephi 14:7; Mateo 7:7). Sa madaling salita, kailangan dito ang ating pagsisikap.30
Ang matatalinong pasiya ay karaniwang nagagawa pagkatapos ng pagsisikap, pagpupunyagi, at panalangin. Nilinaw ito sa sagot ng Panginoon sa walang-saysay na pagsisikap ni Oliver Cowdery: “Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.” (D at T 9:8.)
Magsimula tayo, kung gayon, sa pagsasabi na ang masigasig na paghahanap sa ating Ama sa langit, ang pananalig na sasagutin niya ang ating mga dalangin, ay nakapapanatag na batayan para magsimula. … Hindi iigib ng tubig ang Panginoon mula sa isang tuyong balon, kaya kailangan nating gawin ang ating tungkulin. Kung minsan ang pagsisikap na makagawa ng tamang pasiya ay nangangailangan ng matinding lakas, pag-aaral, at mahabang pagtitiis.31
Sa napakahalagang pagpapasiya, ang pag-aayuno na may kahalong panalangin ay makapaghahatid ng malaking espirituwal na kaalaman.32
5
Tayo ang kinatawan ng ating sarili, at inaasahan ng Panginoon na gagawa tayo ng maraming bagay na bukal sa ating kalooban.
Noong 1831 ganito ang sabi ng Panginoon sa kanyang Simbahan:
“Sapagkat masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod; dahil dito siya ay hindi makatatanggap ng gantimpala.
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;
“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa nang mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.
“Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga’t hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak.” (D at T 58:26–29.)
Ang mga layunin ng Panginoon—ang mga dakilang layunin—ay gayon pa rin: ang kaligtasan at kadakilaan ng kanyang mga anak.
Karaniwan ay ibinibigay sa atin ng Panginoon ang mga pangkalahatang layuning isasakatuparan at ilang patnubay na susundin, ngunit inaasahan niya na pagsisikapan natin ang karamihan sa mga detalye at pamamaraan. Ang mga pamamaraan at tuntunin ay karaniwang nabubuo sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin at pamumuhay sa paraan na matatamo at masusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu. Ang mga taong di-gaanong espirituwal, tulad noong mga panahon ni Moises, ay kinailangang utusan pa sa maraming bagay. Ngayon ang mga taong espirituwal ay nakatuon sa mga layunin, inaalam ang mga tagubilin ng Panginoon at ng kanyang mga propeta, pagkatapos ay kumikilos nang may panalangin—nang hindi na inuutusan “sa lahat ng bagay.” Ang ganitong pag-uugali ay naghahanda sa mga tao sa pagiging diyos. …
Kung minsan may pag-asam na hinihintay ng Panginoon na kusang kumilos ang kanyang mga anak, at kapag hindi sila kusang kumikilos, nawawala sa kanila ang mas mahalagang gantimpala, at kinalilimutan na lang ng Panginoon ang lahat at hinahayaan silang pagdusahan ang mga bunga nito o kaya’y mas lalo pa niyang ipinaliliwanag ang dapat nilang gawin. Karaniwan, natatakot ako, kapag mas ipinaliliwanag pa niya ito, mas lumiliit ang ating gantimpala.33
Dapat tayong maging “sabik sa paggawa” ng mabubuting bagay at iwanang mas maganda ang mundo sa paninirahan natin dito.34
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa paanong paraan ninyo nakita na “ang digmaang nagsimula sa langit … ay hindi pa tapos”? (Tingnan sa bahagi 1.) Ano ang magagawa natin para patuloy na makapanindigan sa alituntunin ng kalayaan?
-
Madalas nagtataka ang mga tao kung bakit tinutulutan ng Diyos na umiral ang kasamaan sa mundo. Paano nakakatulong ang mga turo ni Pangulong Benson sa bahagi 2 para masagot ang tanong na iyan?
-
Ano ang magagawa natin para maipaunawa sa mga bata at kabataan ang mga katotohanan sa bahagi 3? Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata at kabataan na maunawaan ang epekto ng mga desisyong ginagawa nila?
-
Pagnilayan ang payo ni Pangulong Benson tungkol sa paggawa ng “mga desisyong angkop at naaayon kay Cristo” (bahagi 4). Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagsasama ng panalangin sa masigasig na pagsisikap na gumawa ng mga pasiya?
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay”? Paano nagbabago ang inyong buhay kapag gumagawa kayo ng mabubuting bagay “sa [inyong] sariling kalooban” sa halip na hintayin pang utusan kayo? (Tingnan sa bahagi 5.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Deuteronomio 11:26–28; Josue 24:15; 2 Nephi 2:14–16; Alma 42:2–4; Helaman 14:30–31; D at T 29:39–45; 101:78
Tulong sa Pagtuturo
Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay “[nagbibigay sa] maraming tao ng pagkakataong makilahok sa aralin. Ang mga taong karaniwang atubiling makilahok ay maaaring magbahagi ng mga ideya sa maliliit na grupo [na hindi nila nasasabi] sa harapan ng buong grupo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, [2000], 213).