Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon


Kabanata 9

Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon

“May nadarama ba tayo sa kaibuturan ng ating puso na umaasam na mas mapalapit sa Diyos? … Kung gayon, ang Aklat ni Mormon ang tutulong sa atin upang magawa ito nang higit pa sa alinmang aklat.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Noong Enero 5, 1986, namuno si Pangulong Ezra Taft Benson sa isang stake conference sa Annandale, Virginia—ang kanyang unang stake conference bilang Pangulo ng Simbahan. Ang naroong mga Banal sa mga Huling Araw ay “kitang-kitang naantig” nang mapakinggan siyang magsalita. Sa kanyang mensahe, “nagpatotoo siya tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na baguhin ang mga buhay at akayin ang mga tao kay Cristo.” Naghayag siya ng isang “masiglang hamon [na] pag-aralan ang banal na kasulatang ito.”1

Ang mensaheng ito ay hindi na bago sa ministeryo ni Pangulong Benson. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, madalas niyang hikayatin ang mga Banal sa mga Huling Araw na pag-aralan ang Aklat ni Mormon at sundin ang mga turo nito.2 Ngunit bilang Pangulo ng Simbahan, nabigyang-inspirasyon siya na mas bigyang-diin pa ang mensahe. Sabi niya: “Binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang lingkod na si Lorenzo Snow na muling bigyang-diin ang alituntunin ng ikapu upang tubusin ang Simbahan sa pagkakabaon sa utang. … Ngayon, sa ating panahon, inihayag ng Panginoon na kailangang muling bigyang-diin ang Aklat ni Mormon.”3 Pinatotohanan ni Pangulong Benson ang Aklat ni Mormon saanman siya magpunta: sa mga missionary meeting, stake at regional conference, pangkalahatang kumperensya, at pakikipag-usap sa mga General Authority.4

Sa kanyang mensahe sa una niyang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, ibinahagi ni Pangulong Benson ang isang dahilan ng kahalagahan ng mensaheng ito. “Maliban kung ating basahin ang Aklat ni Mormon at dinggin ang mga turo nito,” pagbabala niya, “sinabi ng Panginoon sa bahagi 84 ng Doktrina at mga Tipan na ang buong Simbahan ay nasa ilalim ng sumpa: ‘At ang kaparusahan na ito ay nasa sa mga anak ng Sion, maging sa lahat’ [D at T 84:56]. Pagpapatuloy ng Panginoon: ‘At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon at ang dating mga kautusan na aking ibinigay sa kanila, hindi lamang upang sabihin, kundi upang gawin alinsunod sa yaong aking isinulat’ [D at T 84:57].”5

Ang sumusunod na mga sipi, na pawang nagmula sa mga sermon ni Pangulong Benson bilang Pangulo ng Simbahan, ay halimbawa ng kanyang mga babala at pangako ukol sa Aklat ni Mormon:

“Ngayon hindi lamang tayo kailangang magsabi ng higit pa tungkol sa Aklat ni Mormon, kundi kailangan din tayong gumawa ng higit pa ukol dito. Bakit? Ang sagot ng Panginoon: ‘Upang sila ay makapagdala ng bunga na nararapat para sa kaharian ng kanilang Ama; kung hindi ay mananatili sa kanila ang kaparusahan at paghuhukom na ibubuhos sa mga anak ng Sion’ [D at T 84:58]. Nadama na natin ang parusa at kahatulang iyon!

“… Ang Aklat ni Mormon ay hindi naging, ni hindi pa naging, sentro ng ating personal na pag-aaral, pagtuturo sa pamilya, pangangaral, at gawaing misyonero. Kailangan natin itong pagsisihan.”6

“Hindi natin ginagamit ang Aklat ni Mormon na tulad ng nararapat. Ang ating mga tahanan ay hindi gayon kalakas maliban kung ginagamit natin ito para ilapit ang ating mga anak kay Cristo. Maaaring sirain ng mga makamundong kalakaran at turo ang ating pamilya maliban kung alam natin kung paano gamitin ang aklat para ilantad at masugpo ang mga kabulaanan. … Hindi gayon kaepektibo ang ating mga missionary maliban kung [nagtuturo] sila gamit ito. Hindi malalagpasan ng mga nagpabinyag dahil sa pakikisama, kawastuhan, kultura, o edukasyon ang mga pagsubok sa kanilang pananampalataya maliban kung ang kanilang patotoo ay nag-uugat sa kabuuan ng ebanghelyo na nasa Aklat ni Mormon. Ang mga klaseng dinadaluhan natin sa Simbahan ay hindi mapupuspos ng Espiritu maliban kung ito ang ating pamantayan.”7

“Binabasbasan ko kayo ng dagdag na pang-unawa sa Aklat ni Mormon. Ipinapangako ko sa inyo na mula sa sandaling ito, kung ating babasahin araw-araw ang mga pahina nito at susundin ang mga tuntunin nito, magbubuhos ang Diyos sa bawat anak ng Sion at sa Simbahan ng isang uri ng pagpapalang hindi pa nakikita kailanman—at sasamo tayo sa Panginoon na alisin na Niya ang sumpa—ang parusa at kahatulan. Taos-puso ko itong pinatototohanan.”8

“Hindi ko lubos na alam kung bakit iningatan ng Diyos ang aking buhay hanggang sa panahong ito, ngunit ito ang alam ko: Na sa oras na ito ay inihayag Niya sa akin na talagang kailangan nating isulong ngayon ang Aklat ni Mormon sa kagila-gilalas na paraan. Kailangan kayong tumulong sa pasaning ito at sa pagpapalang ito na ibinigay Niya sa buong Simbahan, maging sa lahat ng anak ng Sion.

“Si Moises ay hindi nakapasok sa lupang pangako kailanman. Hindi nakita ni Joseph Smith ang pagkatubos ng Sion kailanman. Maaaring hindi mabuhay nang matagal ang ilan sa atin para makita ang araw na mapupuno ng Aklat ni Mormon ang daigdig at aalisin ng Panginoon ang Kanyang sumpa. (Tingnan sa D at T 84:54–58.) Ngunit, kung loloobin ng Diyos, layon kong iukol ang natitira ko pang buhay sa maluwalhating gawaing iyon.”9

Portrait (full figure) of Joseph Smith, Jr. The Prophet is depicted standing on the grounds of the Kirtland Temple. He is holding a copy of the Book of Mormon. The Kirtland Temple is visible in the background. There are clouds in the sky.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon “ang saligang bato ng ating relihiyon.”

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.

Gaano kahalaga ang Aklat ni Mormon? Tinawag ito ni Joseph Smith na “saligang bato ng ating relihiyon.” (History of the Church, 4:461.) “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag,” wika niya, “at nasaan ang ating relihiyon? Wala tayo niyon.” (History of the Church, 2:52.)10

Ang saligang bato ang gitnang bato sa isang arko. Pinananatili nito ang iba pang mga bato sa kinalalagyan nito, at kung aalisin ito, ang arko ay babagsak.

… Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, gayon din naman na ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak [na kasama ng] katotohanan ng Aklat ni Mormon. Naiintindihan itong mabuti ng mga kaaway ng Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit lubos nilang pinipilit na pabulaanan ang Aklat ni Mormon, sapagkat kung ito ay mapapabulaanan, mapapabulaanan din si Propetang Joseph Smith. Gayon din ang mangyayari sa mga sinasabi natin tungkol sa mga susi ng priesthood, at paghahayag, at sa ipinanumbalik na Simbahan. Ngunit sa gayon ding paraan, kung totoo ang Aklat ni Mormon—at milyun-milyon na ngayon ang nagpapatotoo na pinatunayan sa kanila ng Espiritu na totoo nga ito—kung gayon kailangang tanggapin ng tao ang mga pahayag ng Panunumbalik at lahat ng kaakibat nito.11

Marahil wala nang higit na malinaw na patotoo tungkol sa kahalagahan ng aklat na ito ng banal na kasulatan kaysa sa sinabi ng Panginoon mismo tungkol dito.

Sa Kanyang sariling bibig pinatutunayan Niya (1) na ito ay totoo (D at T 17:6), (2) na naglalaman ito ng katotohanan at ng Kanyang mga salita (D at T 19:26), (3) na ito ay isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan mula sa kaitaasan (D at T 20:8), (4) na naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo (D at T 20:9; 42:12), (5) na ibinigay ito sa pamamagitan ng inspirasyon at pinagtibay sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel (D at T 20:10), (6) na pinatutunayan nito na ang mga banal na kasulatan ay totoo (D at T 20:11), at (7) ang mga tatanggap nito nang may pananampalataya ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan (D at T 20:14).12

2

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at inilalapit tayo sa Diyos.

Ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon, tulad ng nakatala sa pahina ng pamagat nito, ay “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.”

Ang tapat na naghahanap ng katotohanan ay magkakaroon ng patotoo na si Jesus ang Cristo kapag mapanalangin niyang pinagbubulayan ang mga inspiradong salita ng Aklat ni Mormon.13

Naaalala ba natin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon? Sa Biblia mayroon tayong Lumang Tipan at Bagong Tipan. Ang salitang testamento ay salin sa wikang Ingles ng salitang Griyego na maaari ding isalin bilang tipan. Ito ba ang ibig sabihin ng Panginoon nang tawagin Niya ang Aklat ni Mormon na “bagong tipan”? Tunay na ito ay isa pang tipan o saksi ni Jesus. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit idinagdag natin kamakailan ang mga salitang “Isa Pang Tipan ni Jesucristo” sa pamagat ng Aklat ni Mormon. …

Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Pinatototohanan nito ang Kanyang katunayan nang may kapangyarihan at kalinawan. Hindi tulad ng Biblia, na nagpasalin-salin sa iba’t ibang mga maninipi, tagapagsalin, at masasamang tao na gumawa ng pagbabago sa teksto, ang Aklat ni Mormon ay nagmula sa manunulat tungo sa mambabasa sa iisang inspiradong hakbang ng pagsasalin. Samakatwid, ang patotoo nito tungkol sa Panginoon ay malinaw, walang bahid-dungis, at puno ng kapangyarihan. Ngunit higit pa rito ang nagagawa nito. Karamihan sa mga Kristiyano sa mundo ngayon ay hindi tinatanggap ang pagiging Diyos o kabanalan ng Tagapagligtas. Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, ang Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Itinuturo nang malinaw at di-mapag-aalinlanganan ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa katotohanan ng lahat ng iyon. Nagbibigay din ito ng pinakakumpletong paliwanag tungkol sa doktrina ng Pagbabayad-sala. Tunay ngang ang banal at inspiradong aklat na ito ay saligang bato sa pagpapatotoo sa mundo na si Jesus ang Cristo.14

This is the right side of the painting, "The Bible and the Book of Mormon Testify of Christ" which displays Christ visiting the Nephites in the Americas. Christ is showing the wounds in His hands to the people.

Sa Aklat ni Mormon, ang patotoo kay Jesucristo ay “malinaw, dalisay, at puno ng kapangyarihan.”

Sinabi … ni Propetang Joseph Smith, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” [History of the Church, 4:461]. … Hindi ba’t may nadarama tayo sa kaibuturan ng ating mga puso na naghahangad na mapalapit sa Diyos, na maging higit na katulad Niya sa ating buhay sa araw-araw, na madama sa tuwina ang Kanyang presensya? Kung gayon, ang Aklat ni Mormon ang tutulong sa atin upang magawa ito nang higit pa sa alinmang aklat. …

Ang mahal nating kapatid na si Pangulong Marion G. Romney, … na batid sa kanyang sarili ang kapangyarihang taglay ng aklat na ito, ay nagpatotoo tungkol sa mga pagpapalang maaaring dumating sa buhay ng mga taong magbabasa at mag-aaral ng Aklat ni Mormon. Sabi niya:

“Nakatitiyak ako na kung, sa ating mga tahanan, ay babasahin ng mga magulang nang may panalangin at regular ang Aklat ni Mormon nang personal at nang kasama ang kanilang mga anak, mapapasa ating mga tahanan at sa lahat ng nakatira roon ang diwa ng aklat na iyon. Madaragdagan ang pagpipitagan; mag-iibayo ang paggalang at pag-uunawaan sa isa’t isa. Mapapawi ang diwa ng pagtatalu-talo. Papayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may matinding pagmamahal at karunungan. Ang mga anak ay higit na susunod at magpapakumbaba sa payo ng kanilang mga magulang. Mag-iibayo ang kabutihan. Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay mag-iibayo sa ating mga tahanan at buhay, magdudulot ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan” (Ensign, Mayo 1980, p. 67).

Ang mga pangakong ito—ibayong pagmamahal at pagkakasundo sa tahanan, malaking paggalang sa pagitan ng magulang at anak, mas malakas na espirituwalidad at kabutihan—ay hindi mga pangako na walang-kabuluhan, kundi ito ang siyang talagang ibig sabihin ni Propetang Joseph Smith nang sabihin niyang tutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos.15

3

Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng totoong doktrina, nililito ang mga maling doktrina, at inilalantad ang mga kaaway ni Cristo.

Ipinahayag mismo ng Panginoon na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 20:9). Hindi ibig sabihin niyan na naglalaman ito ng lahat ng turo, lahat ng doktrina na ipinahayag. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At ang mga ito ay itinuturo nang malinaw at simple nang sa gayon matutuhan maging ng mga bata ang paraan ng kaligtasan at kadakilaan. Napakaraming ibinibigay ng Aklat ni Mormon na nagpapalawak ng ating pang-unawa sa mga doktrina ng kaligtasan. Kung wala ito, maraming itinuturo sa iba pang mga banal na kasulatan ang hindi magiging halos napakalinaw at napakahalaga.16

Kung pangangaral ng ebanghelyo ang pag-uusapan, nasa Aklat ni Mormon ang pinakamalinaw, pinakamaikli ngunit malaman, at pinakakumpletong paliwanag. Wala nang ibang talaan na maihahambing dito. Saang talaan ninyo makukuha ang gayon kakumpletong pag-unawa sa katangian ng Pagkahulog, katangian ng pisikal at espirituwal na kamatayan, doktrina ng Pagbabayad-sala, doktrina ng katarungan at awa kaugnay ng Pagbabayad-sala, at mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo? Nasa Aklat ni Mormon ang pinaka-kumpletong salaysay tungkol sa mga pangunahing doktrinang ito.17

Ang Aklat ni Mormon … ay nagpapatunay at nagbibigay-linaw sa Biblia. Pinapalis nito ang mga balakid, ipinanunumbalik nito ang maraming malinaw at mahahalagang bagay. Pinatototohanan namin na kapag magkasamang ginamit, lilituhin ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang mga maling doktrina, aalisin ang mga pagtatalo, at pananatilihin ang kapayapaan. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.)18

Dapat … mas alam natin ang Aklat ni Mormon kaysa iba pang aklat. Hindi lamang natin dapat alam ang nilalaman nitong kasaysayan at mga kuwento na nagpapalakas ng pananampalataya, kundi dapat nating maunawaan ang mga turo nito. Kung talagang pag-aaralan natin ang Aklat ni Mormon at uunawain natin ang doktrinang itinuturo niyon, mailalantad natin ang mga kamalian at mahahanap ang mga katotohanan upang madaig ang marami sa kasalukuyang mga maling palagay at pilosopiya ng mga tao.

Napansin ko sa loob ng Simbahan ang kaibhan sa pag-unawa, pananaw, pananalig, at sigla ng mga taong alam at mahal ang Aklat ni Mormon sa mga taong walang alam tungkol dito. Ang aklat na iyan ay isang napakagandang pansala.19

Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.) Pinatitibay nito ang mapagpakumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon. Ang Diyos, sa kanyang walang-hangganang kaalaman noon pa man, ay hinubog nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon.20

4

Ang Doktrina at mga Tipan ang nag-uugnay sa Aklat ni Mormon at sa patuloy na gawain ng Panunumbalik.

Gusto kong magsalita lalo na tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan. Ang dalawang sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan sa mga huling araw ay binigkis bilang mga paghahayag mula sa Diyos ng Israel upang tipunin at ihanda ang Kanyang mga tao para sa ikalawang pagparito ng Panginoon. …

Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Ang salinlahing ito ay tatanggap ng aking salita sa pamamagitan mo” (D at T 5:10). Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay bahagi ng katuparan ng pangakong iyon. Ang dalawang sagradong banal na kasulatang ito ay magkasamang nagdudulot ng malalaking pagpapala sa henerasyong ito. …

Bawat isa sa dalawang sagradong banal na kasulatang ito sa mga huling araw ay nagbibigay ng makapangyarihan at malinaw na patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Tunay na bawat pahina ng Doktrina at mga Tipan at ng Aklat ni Mormon ay nagtuturo tungkol sa Panginoon—sa malaking pagmamahal Niya sa Kanyang mga anak at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo—at nagtuturo sa atin kung paano mamuhay sa paraang maaari tayong makabalik sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.

Nasa bawat isa sa dalawang sagradong banal na kasulatang ito sa mga huling araw ang kaalaman at kapangyarihang tulungan tayong mamuhay nang mas mabuti sa panahon ng matinding kasamaan. Yaong mga mapanalanging sinasaliksik na mabuti ang mga pahina ng mga aklat na ito ay makasusumpong ng kapanatagan, payo, patnubay, at kakayahan na mapagbuti ang kanilang buhay.21

Ang Doktrina at mga Tipan ang nag-uugnay sa Aklat ni Mormon at sa patuloy na gawain ng Panunumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya.

Sa Doktrina at mga Tipan natututo tayo tungkol sa gawain sa templo, mga walang-hanggang pamilya, mga antas ng kaluwalhatian, organisasyon ng Simbahan, at marami pang ibang dakilang katotohanan ng Panunumbalik. …

Ang Aklat ni Mormon ang “saligang bato” ng ating relihiyon, at ang Doktrina at mga Tipan ang batong pang-ibabaw (capstone), na may patuloy na paghahayag sa mga huling araw. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang pagsang-ayon sa saligang bato at sa batong pang-ibabaw.22

Ang Doktrina at mga Tipan ay maluwalhating aklat ng banal na kasulatan na direktang ibinigay sa ating henerasyon. Naglalaman iyon ng kalooban ng Panginoon para sa atin sa mga huling araw na ito bago sumapit ang ikalawang pagparito ni Cristo. Naglalaman iyon ng maraming katotohanan at doktrinang hindi lubos na inihayag sa ibang banal na kasulatan. Gaya ng Aklat ni Mormon, palalakasin nito ang mga tao na pinag-aaralang mabuti at nang may panalangin ang nilalaman ng mga pahina nito.

Pinahahalagahan ba natin, bilang mga Banal ng Kataastaasang Diyos, ang salitang iningatan Niya para sa atin sa napakalaking halaga? Ginagamit ba natin ang mga aklat na ito ng paghahayag sa mga huling araw para mapagpala ang ating buhay at malabanan ang mga puwersa ng kasamaan? Ito ang layunin kaya ibinigay ang mga ito. Paano tayo hindi susumpain sa harap ng Panginoon kung babalewalain natin ang mga ito sa pagpapabayang maalikabukan lang ang mga ito sa ating mga estante?

Mahal kong mga kapatid, taimtim kong pinatototohanan na nasa mga aklat na ito ang kaisipan at kalooban ng Panginoon para sa atin sa mga araw na ito ng pagsubok at kahirapan. Kasama ng mga ito ang Biblia sa pagpapatotoo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Nasa mga aklat na ito ang tinig ng Panginoon para sa atin sa mga huling araw na ito. Nawa’y bumaling tayo sa mga ito nang may buong layunin ng puso at gamitin ang mga ito sa paraang nais ng Panginoon na magamit ang mga ito.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Kapag binasa ninyo ang mga turo ni Pangulong Benson na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon (tingnan sa bahagi 1), pagnilayan ang kahalagahan nito sa inyong buhay. Ano ang magagawa natin para mas maisentro sa Aklat ni Mormon ang ating mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo?

  • Sinabi ni Pangulong Benson na ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at inilalapit tayo sa Diyos (tingnan sa bahagi 2). Ano ang ilang bagay na natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas nang pag-aralan ninyo ang Aklat ni Mormon? Paano mas nailapit ng Aklat ni Mormon ang inyong buong pamilya sa Diyos?

  • Bakit dapat “mas alam [natin] ang Aklat ni Mormon kaysa iba pang aklat”? Paano kayo napatatag ng mga doktrina sa Aklat ni Mormon laban sa “mga doktrina ng diyablo sa ating panahon”? (Tingnan sa bahagi 3.)

  • Sa anong mga paraan nagtutulungan ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan para mapalakas tayo? (Tingnan sa bahagi 4.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Isaias 29:9–18; 1 Nephi 13:35–41; 2 Nephi 25:23, 26; 29:6–9; D at T 1:17–29

Tulong sa Pagtuturo

“Halos lahat ng manwal ng mga aralin ay may mga katanungan para mapasimulan ang mga talakayan at maipagpatuloy ang mga ito. Maaari ninyong gamitin ang mga katanungang ito at maghanda ng sariling inyo. Magtanong ng mga katanungang makapaghihikayat ng mga punang [pinag-isipang] mabuti at makatutulong sa bawat isa na tunay na pagbulay-bulayin ang ebanghelyo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 78).

Mga Tala

  1. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 489.

  2. Tingnan, halimbawa, sa “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 63–65; “A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 6–8; tingnan din sa Ezra Taft Benson: A Biography, 491–93.

  3. “A Sacred Responsibility,” Ensign, Mayo 1986, 78; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow (2012), 179–82.

  4. Tingnan sa Ezra Taft Benson: A Biography, 495.

  5. “Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 5.

  6. “Cleansing the Inner Vessel,” 5–6.

  7. “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 5.

  8. “A Sacred Responsibility,” Ensign, Mayo 1986, 78; inalis ang italics mula sa orihinal.

  9. “Flooding the Earth with the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1988, 6.

  10. “A New Witness for Christ,” 6.

  11. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 5, 6.

  12. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 4.

  13. “Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 83.

  14. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 4, 5.

  15. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 7. Si Pangulong Marion G. Romney ay naglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan mula Hulyo 1972 hanggang Nobyembre 1985.

  16. “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 6.

  17. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 56.

  18. “A New Witness for Christ,” 8.

  19. “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4.

  20. “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3.

  21. “The Gift of Modern Revelation,” Ensign, Nob. 1986, 79.

  22. “The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 83.

  23. “The Gift of Modern Revelation,” 80.