Kasaysayan ng Simbahan
35: Hindi Tayo Mabibigo


Kabanata 35

Hindi Tayo Mabibigo

mga kamay ng pintor na ipinipinta ang kapatid ni Jared

Sa pagsapit ng 1950, umigting ang Digmaang Malamig sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet. Sa ilalim ng impluwensya ng Unyong Sobyet, ang mga bagong komunistang pamahalaan sa gitna at silangang Europa ay isinasara ang kanilang mga hangganan at binabago ang kanilang pamumuhay sa lipunan at ekonomiya. Kasabay nito, ilang bansa sa kanlurang Europa ang umaanib sa Estados Unidos at Canada upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga posibleng pag-atake mula sa mga bansang komunista. Isa ring paligsahan sa paggawa at pag-imbak ng mga sandatang nuklear ang nagsimula matapos isakatuparan ng Unyong Sobyet ang unang matagumpay na pagsubok ng mga nuklear na sandata nito, ginugulat ang mundo sa pagsabog ng isang bomba na katulad ng ginamit ng Estados Unidos laban sa bansang Hapon noong digmaan.1

Sa Czechoslovakia, naghanda ang mga mission leader na sina Wallace at Martha Toronto para sa posibleng pagpapaalis sa kanila. Ang pamahalaang komunista ng bansa, na patuloy na nakatuon sa kanila at sa kanilang mga misyonero, ay kamakailan lamang nagpasa ng batas na nagbabawal sa kalayaang pangrelihiyon at pinagbabawalan ang mga dayuhan na maglingkod bilang mga pinuno ng relihiyon sa bansa. Ang bilang ng mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw na sapilitang pinalayas sa bansa ay umabot na ngayon sa labindalawa, at panahon na lamang ang hinihintay bago paalisin ng rehimen ang iba pa.

Sumulat si Wallace sa Unang Panguluhan tungkol sa krisis, at pinayuhan nila siya na ang kanyang pamilya at ang karamihan sa natitirang mga misyonero ay dapat umalis na ng Czechoslovakia. Subalit umaasa pa rin si Pangulong George Albert Smith at ang kanyang mga tagapayo na makakuha ng pahintulot na manatili si Wallace at ang isa o dalawang elder na naglilingkod bilang mga katuwang.

“Ikaw ay matapat at walang takot,” sinabi sa kanya ng Unang Panguluhan. “Para sa inyong banal na patnubay ay patuloy tayong magsusumamo sa Panginoon at aasa sa Kanyang nakapangingibabaw na kapangyarihang protektahan at paunlarin ang Kanyang Simbahan sa piling lupaing iyon.”2

Noong Lunes, ika-30 ng Enero, ipinaalam ng mga miyembro ng Prostjov Branch kay Wallace na dalawang misyonero na naglilingkod sa kanilang lunsod, sina Stanley Abbott at Aldon Johnson, ay hindi nagpunta para sa Sunday School noong nakaraang araw. Noong una ay inakala ng mga Banal na ang mga misyonero ay hindi umabot sa kanilang tren o naantala sa makapal na niyebe. Ngunit kalaunan ay nalaman ng mga miyembro ng branch na ang apartment ng mga elder ay ginalugad at ang sekreta ay mahigpit na nagtanong sa isang lokal na Banal sa mga Huling Araw. Ngayo’y natatakot na ang lahat sa maaaring pinakamalalang nangyari.

Nakipag-ugnayan si Wallace sa embahada ng Estados Unidos at agad na umalis patungong Prostjov. Sa pamamagitan ng mga komunikasyong diplomatiko, nalaman niya na ang mga elder ay ibinilanggo sa pagtatangkang bisitahin ang isang miyembro ng Simbahan na nasa labor camp.

Habang lumilipas ang mga araw at nagiging mga linggo, tumanggi ang pamahalaang Czechoslovak na direktang makipag-ugnayan kay Wallace. Pinagbawalan ng mga lokal na pulis sa Prostjov ang mga Banal na magdaos ng mga pulong sa bayan, at ilang miyembro ng branch ang pinagdudahan at ginulo. Pagsapit ng ika-20 ng Pebrero, pinamahalaan ni Wallace ang paglikas ng labing-isa pang misyonero, ngunit walang sinuman mula sa mission ang pinahintulutang madalaw o makausap si Elder Abbott o si Elder Johnson.

Ang mga ibinilanggong misyonero ay ikinulong nang magkahiwalay, kung saan si Elder Abbott ay ikinulong nang nag-iisa. Binigyan ng bilangguan ang mga misyonero ng isang tipak ng itim na tinapay sa umaga at isang mangkok ng sopas sa gabi. Hindi sila makaligo o makapagpalit ng kanilang mga damit. Sa mga oras ng pagtatanong, nagbanta ang mga sekreta na hahampasin sila ng mga baston na bakal at ibibilanggo sila sa loob ng maraming taon kung hindi sila aamin sa pagiging tiktik ng kalaban.3

Noong ika-24 ng Pebrero, sinagot ni Martha ang isang tawag sa telepono mula sa embahador ng Estados Unidos. Inilipat ng pamahalaang Czechoslovak ang mga nakabilanggong misyonero sa Prague at handa silang palayain ang mga ito kung mangangako ang mga itong lilisanin ang bansa sa loob ng dalawang oras. Mabilis na bumili si Martha ng dalawang tiket ng eroplano patungong Switzerland. Pagkatapos ay kinausap niya si Wallace, at nagkasundo silang magkita sa paliparan kung saan ihahatid ang mga misyonero.

Sa paliparan, may oras lamang si Wallace na ibigay sa mga misyonero ang kanilang mga tiket at ilang tagubilin. Samantala, nakatayo si Marta sa isang kalapit na palapag para sa mga nagmamasid. Nang makita niya ang pulis na sinasamahan ang dalawang binata pasakay ng isang eroplano, kinawayan niya ang mga ito. Mukhang namamayat at malungkot ang mga elder, at sumigaw siya para tanungin kung ayos lang sila.

“Oo,” sagot nila, at kumaway pabalik. Pagkatapos ay sumakay sila sa eroplano, at pinanood ni Marta habang naglalaho ang eroplano sa maitim na ulap na bumabalot sa lunsod.4

Nang sumunod na mga araw, nagmadali si Martha na maghanda para sa paglikas ng kanyang pamilya. Nagplano siyang maglakbay nang mag-isa kasama ang anim na bata, kabilang na ang isang sanggol na lalaki, habang mananatili si Wallace sa Czechoslovakia hangga’t pinahihintulutan ito ng pamahalaan.

Isang araw bago sila umalis, kumakain ng tanghalian ang pamilya nang dumating sa mission home ang mga lalaking may suot na katad at hiniling na makipag-usap kay Wallace. Kaagad na nabatid ni Marta na sila ang mga sekreta. May sakit na siya at pagod na pagod na ang damdamin, at ang pagpunta nila ay lalo lamang nagpalala sa nararamdaman niya. Matapos ang nangyari sa mga misyonero, at sa maraming mamamayan ng Czechoslovakia, wala siyang ideya kung ano ang maaaring gawin ng pulis sa kanyang asawa.

“Martha, kailangan kong sumama sa mga lalaking ito,” sabi ni Wallace. Nakatitiyak siya na nais magtanong ng mga ito sa kanya tungkol sa mga pinaalis na misyonero kamakailan. “Kung sakaling hindi ako bumalik,” sabi niya, “isama mo ang mga bata ayon sa plano bukas ng umaga at iuwi sila.”

Lumipas ang mga oras nang walang balita mula kay Wallace, at tila kailangang umalis ni Martha nang hindi nalalaman ang nangyari sa kanyang asawa. Pagkatapos, pitong oras matapos siyang kunin ng mga pulis, umuwi si Wallace nang may sapat na oras upang ihatid ang kanyang pamilya sa tren.

Sa istasyon, isang pulutong ng mga miyembro ng Simbahan ang nagtipon, dala-dala ang mga nakabalot na prutas, mga tinapay, at mga emparadados para kay Martha at sa mga bata. Iniabot ng ilang mga Banal ang pagkain sa mga bintana ng tren nang magsimula itong umandar palayo. Ang iba naman ay tumakbo sa platform at nagbigay ng halik sa hangin. Minasdan sila ni Martha, puno ng luha ang kanyang mga mata, hanggang sa lumiko ang tren at hindi na niya sila nakikita.5


“Papunta si Pangulong Mauss sa Nagoya. Maaari mo ba siyang puntahan at salubungin?”

Nagulat si Toshiko Yanagida sa tanong ng mga misyonero. Matagal na niyang hinihintay na makarinig ng balita mula sa bagong pangulo ng Japanese Mission mula nang lumiham siya rito ukol sa pagbubukas ng isang branch na gumagamit ng wikang Hapon sa kanyang bayang sinilangan sa Nagoya. Hindi pa tumutugon si Pangulong Mauss, kaya hindi siya nakatitiyak kung natanggap nito ang liham.6

Pumayag si Toshiko na sumama, at pinuntahan nila ng mga misyonero si Pangulong Mauss sa istasyon ng tren kalaunan. Pagdating na pagdating nito, tinanong niya kung nabasa na nito ang kanyang liham. “Nabasa ko,” wika niya. “Kaya ako nagpunta rito.” Nais nitong tulungan siyang makahanap ng lugar na pagdarusan ng mga pulong ng Simbahan sa bayan. Tuwang-tuwa si Toshiko.7

Agad nilang sinimulan ang paghahanap. Kakaunti lamang ang mga Banal sa Nagoya—tanging mga misyonero, ang pamilya ni Toshiko, at isang babaeng nagngangalang Yoshie Adachi sa isang lunsod na may anim na daang libong katao—kaya hindi na nila kailangan ng malaking espasyo para sa mga pagpupulong. Subalit nagpasiya si Pangulong Mauss na umupa ng isang bulwagan ng lektura sa isang malaking paaralan sa lunsod.

Idinaos ng mga Banal sa Nagoya ang kanilang unang pulong sa Sunday School noong Enero 1950. Upang makaakit ng mas maraming tao, naglagay si Toshiko at ang mga misyonero ng mga polyeto sa isang lokal na pahayagan. Nang sumunod na Linggo, 150 katao ang nagpunta sa bulwagan. Madalas umakit ng mga tao ang mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bansang Hapon matapos ang digmaan dahil sa kanilang paghahangad ng pag-asa at kabuluhan matapos ang trauma na kanilang naranasan.8 Ngunit para sa karamihan, pansamantala lamang ang interes sa Simbahan, lalo na habang nagiging mas matatag ang ekonomiya ng bansa. Dahil kaunti lamang ang taong nakadama ng pangangailangang bumaling sa pananampalataya, bumaba ang bilang ng mga taong dumadalo sa mga pulong.9

Si Toshiko at kanyang asawang si Tokichi ay nahirapan sa mga aspekto ng pagiging Banal sa mga Huling Araw—lalo na sa pagbabayad ng ikapu. Hindi gaanong kumikita si Tokichi, at kung minsan ay inisip nila kung mayroon silang pambayad para sa pananghalian ng kanilang anak sa paaralan. Inaasam rin nilang makabili ng bahay.

Pagkatapos ng isang pulong sa Simbahan, tinanong ni Toshiko ang isang misyonero tungkol sa ikapu. “Ang mga mamamayang Hapones ay lubhang naghihikahos ngayon pagkatapos ng digmaan,” sabi niya. “Napakahirap ng pagbabayad ng ikapu para sa atin. Dapat ba tayong magbayad?”10

Tumugon ang elder na iniutos ng Diyos sa lahat na magbayad ng kanilang ikapu, at binanggit niya ang mga pagpapala ng pagsunod sa alituntunin. Nag-alinlangan si Toshiko—at medyo nagalit. “Ito ay pag-iisip ng mga Amerikano lamang,” sabi niya sa kanyang sarili.

Hinikayat siya ng iba pang mga misyonero na manampalataya. Ipinangako ng isang babaeng misyonero kay Toshiko na ang pagbabayad ng ikapu ay makatutulong sa kanyang pamilya na maabot ang kanilang mithiin na magkaroon ng sarili nilang bahay. Dahil nais nilang maging masunurin, nagpasiya sina Toshiko at Tokichi na magbayad ng kanilang ikapu at magtiwala na darating ang mga pagpapala.11

Sa panahong ito, nagsimulang magdaos ang mga babaeng misyonero ng di-pormal na mga pulong ng Relief Society sa kanilang apartment para kay Toshiko at sa iba pang kababaihan sa lugar. Nagbahagi sila ng mga mensahe ng ebanghelyo, tinalakay ang mga praktikal na paraan upang mapangalagaan ang kanilang mga tahanan, at natutong magluto ng mga hindi mamahaling pagkain. Tulad ng mga Relief Society sa ibang panig ng mundo, nagtinda sila ng tsokolate at iba pang mga paninda sa mga tiyangge upang kumita ng pera para sa kanilang mga aktibidad. Mga isang taon matapos magsimulang magdaos ng mga pulong ang mga Banal na taga-Nagoya, isang Relief Society ang pormal na inorganisa, kung saan si Toshiko ang naging pangulo.12

Nakita rin nila ni Tokichi ang mga pagpapalang nagmula sa pagbabayad ng ikapu. Bumili sila ng abot-kayang lote sa lunsod at bumuo ng mga plano para sa isang bahay. Pagkatapos ay nagpasa sila ng mga papeles para sa home loan sa pamamagitan ng isang bagong programa ng pamahalaan, at sa oras na nakatanggap sila ng pahintulot na magtayo, sinimulan nilang gawin ang pundasyon.

Naging maayos ang proseso hanggang sa mapansin ng isang inspektor ng mga gusali na hindi madaling marating ng mga bumbero ang kanilang lote. “Ang lupaing ito ay hindi lupain na angkop sa pagtatayo ng bahay,” sinabi nito sa kanila. “Hindi po kayo makapagpapatuloy sa pagtatayo.”

Hindi tiyak kung ano ang gagawin, nakipag-usap sina Toshiko at Tokichi sa mga misyonero. “Kaming anim ay mag-aayuno at mananalangin po para sa inyo,” sabi sa kanila ng isang elder. “Gawin rin po ninyo ito.”

Nang sumunod na dalawang araw, nag-ayuno at nanalangin ang mga Yanagida kasama ang mga misyonero. Pagkatapos ay isa pang inspektor ang nagpunta upang muling suriin ang kanilang lote. Mayroon itong reputasyon sa pagiging mahigpit, at noong una ay halos hindi nito binigyan ang mga Yanagida ng anumang pag-asa na ipapasa nila ang inspeksyon. Ngunit nang tingnan niya ang lote, nakita niya ang isang solusyon. Sa isang emergency, maaaring makarating ang mga bumbero sa ari-arian sa pamamagitan lamang ng pag-aalis ng kalapit na bakod. Ang mga Yanagida ay maaaring magtayo ng kanilang bahay pagkatapos ng lahat.

“Palagay ko ay may nagawa kayong dalawa na pambihirang kabutihan noon,” sabi sa kanila ng inspektor. “Sa buong panahon ko bilang inspektor ay hindi ako kailanman naging ganito kadaling magpahintulot.”

Tuwang-tuwa sina Toshiko at Tokichi. Sila ay nag-ayuno at nanalangin at nagbayad ng kanilang ikapu. At tulad ng ipinangako ng babaeng misyonero, magkakaroon sila ng kanilang sariling tahanan.13


Noong unang bahagi ng 1951, nahihirapan si David O. McKay na harapin ang mga hamon sa programang misyonero ng Simbahan. Nitong nakaraang anim na buwan, nagmasid siya mula sa malayo habang ang isa pang pandaigdigang labanan ang nagsimula, sa pagkakataong ito ay sa silangang Asya. Suportado ng Tsina at Unyong Sobyet, nakikipagdigma ang komunistang Hilagang Korea sa Timog Korea. Natatakot sa pagkalat ng komunismo, ang Estados Unidos at iba pang mga kakampi nito ay nagpadala ng mga kawal upang suportahan ang mga taga-Timog Korea sa kanilang pakikipaglaban.14

Noong panahong iyon, mga limang libong full-time na misyonero ang Simbahan, kung saan halos lahat ay nagmula sa Estados Unidos, at daan-daang bagong misyonero ang tinatawag kada buwan.15 Ngunit ang digmaan sa Korea ay nangailangan ng karagdagang sundalo, at muling inobliga ng pamahalaan ng Estados Unidos ang karamihan sa mga kabataang lalaki sa pagitan ng labinsiyam hanggang dalawampu’t anim na taong gulang—ang mismong edad na pinagmumulan ng karamihan sa mga misyonero ng Simbahan. Matapos ang masusing pagsasaalang-alang, pansamantalang ibinaba ng Unang Panguluhan ang edad ng mga misyonero sa labingsiyam na taong gulang mula dalawampung taon, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga binata na magmisyon bago nila harapin ang mga tuksong matatagpuan sa buhay militar, kung sila man ay ipatatawag.16

Bilang tagapayo sa Unang Panguluhan na nangangasiwa sa gawaing misyonero, hindi nagtagal ay nakaranas ng pag-uusig si Pangulong McKay mula sa maraming panig. Nakakatanggap siya kung minsan ng mga liham mula sa mga Banal na pinaparatangan ang mga lider ng paboritismo sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng ilang binata para sa mga misyon, sa gayon ay hinahayaan silang ipagpaliban ang paglilingkod sa militar, habang hinahayaan ang iba na magpalista bilang sundalo. Samantala, ang mga lokal na mamamayan at lupon sa pagpapalista sa militar ay inakusahan ang Simbahan ng kapabayaan sa tungkulin nito dahil sa patuloy na pagtawag sa mga binata bilang mga misyonero.17

Hindi gayon ang pagkakita roon ng mga lider ng Simbahan. Matagal na nilang hinihikayat ang mga Banal na tumugon sa panawagan ng kanilang bansa tuwing darating ito.18 Gayunpaman, matapos sumangguni sa mga opisyal ng pagpapalista sa militar sa Utah, nagsagawa ang Unang Panguluhan ng mga karagdagang pagbabago sa kasalukuyang patakaran. Sa panahon ng digmaan, nagpasiya sila na ang mga binatang maaaring maglingkod na sa militar ay hindi na tatawagin para sa full-time mission. Ang mga tawag ay limitado lamang sa mga babaeng walang asawa at mas nakatatandang kalalakihan, mga mag-asawa, mga beterano, at kabataang lalaki na hindi maaaring maglingkod sa militar. Tumawag din ang Simbahan ng mas maraming senior na mag-asawa para magmisyon.19

Noong taglamig na iyon, habang nakikipag-ayos si Pangulong McKay sa mga opisyal ng pagpapalista sa militar, nagsimulang humina ang kalusugan ni Pangulong George Albert Smith. Binisita ni Pangulong McKay ang propeta noong kaarawan nito, ika-4 ng Abril, at natagpuan niya itong malapit nang pumanaw at napaliligiran ng pamilya. Puno ng emosyon, binasbasan ni Pangulong McKay ang propeta ilang oras lamang bago ito pumanaw.20

Makalipas ang dalawang araw, binuksan ni Pangulong McKay ang unang sesyon ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 1951. Nakatayo sa pulpito ng Tabernacle, nagsalita siya tungkol sa ulirang buhay ni Pangulong Smith. “Siya ay isang marangal na kaluluwa,” sabi niya sa kongregasyon, “pinakamaligaya tuwing napapasaya niya ang iba.”

Kalaunan sa kumperensya, sinang-ayunan ng mga Banal si David O. McKay bilang pangulo ng Simbahan, kasama sina Stephen L Richards at J. Reuben Clark bilang kanyang mga tagapayo. “Walang sinumang makakapamuno sa Simbahang ito nang hindi muna nakaayon sa pinuno ng Simbahan, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo,” sinabi ni Pangulong McKay sa mga Banal nang tinapos niya ang kumperensya. “Kung wala ang Kanyang banal na patnubay at palagiang inspirasyon, hindi tayo magtatagumpay. Sa Kanyang patnubay, sa Kanyang inspirasyon, hindi tayo mabibigo.”21

Habang nakatanaw ang bagong propeta sa hinaharap, taglay niya ang ilang dekadang karanasan upang gabayan siya. Maraming tao ang naniwala na ang kanyang matangkad at kagalang-galang na tindig, tumatagos na mga mata, at puting buhok ay nakatulong sa kanya na maging kawangis ang isang propeta. Ang kanyang galing sa pagpapatawa, pagmamahal sa mga tao, at pagiging malapit sa Espiritu ay nagpalapit din sa kanya sa kalalakihan at kababaihan sa loob at labas ng Simbahan. Ang kanyang mga taon bilang guro at punong-guro sa paaralan ay nakikita pa rin sa kanyang personalidad. Siya ay panatag at mapagpasiya sa ilalim ng mahihirap na sitwasyon at isang kawili-wiling tagapagsalita na madalas bumanggit ng mga tula sa kanyang mga mensahe. Kapag wala siyang gagawin sa Simbahan, karaniwang nagtatrabaho siya sa sakahan ng kanyang pamilya sa Huntsville, Utah.

Maraming mahihirap na bagay ang nasa isipan ni Pangulong McKay nang magsimula ang kanyang paglilingkod bilang pangulo. Sa panahon ng kanyang ministeryo bilang apostol, madalas siyang magsalita tungkol sa kasagraduhan ng kasal, pamilya, at edukasyon, at ang kanyang patuloy na pagtutuon sa mga prayoridad na ito ay nakatulong sa kanya na gabayan ang Simbahan sa tamang landas. Ang katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naghatid ng “biglang pagdami ng mga sanggol (baby boom)” sa Estados Unidos nang nagsiuwian ang mga sundalo, nag-asawa, at namalagi sa tahanan. Sa tulong pinansyal ng pamahalaan, marami sa kalalakihang ito ang pumasok sa mga unibersidad upang makapag-aral at tumanggap ng mahalagang pagsasanay sa mga propesyon. Ninanais nang lubos ni Pangulong McKay na bigyan sila ng suporta.22

Nag-alala rin siya tungkol sa mga kilabot na dulot ng Digmaan sa Korea at sa paglawak ng komunismo sa ilang bahagi ng mundo. Noong panahong iyon, maraming lider ng pamahalaan at relihiyon ang nagsasalita laban sa komunismo. Tulad nila, naniniwala si Pangulong McKay na sinusupil ng mga rehimeng komunista ang relihiyon at sinisikil ang kalayaan.

“Ang Simbahan ni Cristo ang naninindigan para sa impluwensya ng pagmamahal,” ipinahayag niya kaagad pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya, “na kalaunan ang siyang tanging kapangyarihan na magdadala sa sangkatauhan ng pagtubos at kapayapaan.”23


Noong tagsibol na iyon, sa Lunsod ng Salt Lake, alam ng pangkalahatang pangulo ng Primary na si Adele Cannon Howells na humihina na ang kanyang kalusugan. Siya ay animnapu’t limang taong gulang lamang, ngunit ang pagkakaroon niya ng rheumatic fever noong bata pa siya ay puminsala sa kanyang puso. Sa kabila ng kanyang kalagayan, tutol siyang tumigil sa pagtatrabaho.24

Ang kanyang plano na magpagawa ng isang serye ng mga ipinintang larawan ng Aklat ni Mormon para sa ikalimampung anibersaryo ng Kaibigan ng mga Bata ay sumusulong na rin sa wakas. Bagama’t hindi lahat ay nakaisip na ang pagkuha ng isang propesyonal na ilustrador tulad ni Arnold Frieberg ang pinakamainam na paggamit ng oras o pera, naniniwala si Adele na ang mga ipinintang larawan ay makakapukaw ng interes ng mga bata sa Aklat ni Mormon at magiging sulit ang gastusin.25

Nitong nakaraang dalawang taon, nagkamit siya ng suporta mula sa Sunday School at nakumbinsi ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na makabuluhan ang mga ipinintang larawan. Tinipon nina Adele at mga opisyal ng Sunday School ang isang komite upang pangasiwaan ang proyekto at ipinakita kay Pangulong McKay at sa kanyang mga tagapayo ang ilan sa mga iginuhit na larawan ni Arnold.26

Noong Enero 1951, nakipagpulong si Adele at isang kinatawan mula sa Sunday School sa Unang Panguluhan upang talakayin ang mungkahi.27 Nais nila ni Arnold na ilarawan ang mga kuwento sa Aklat ni Mormon na puno ng espirituwal na lakas at nakahihikayat na pagkilos, tulad ng mga kabataang mandirigma ni Helaman na humahayo upang makidigma at si Samuel ang Lamanita na nagpropesiya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ayaw ni Arnold na gawin ang mga ipinintang larawan sa estilong pambata. Naniniwala siya na dapat makita ng mga bata ang salita ng Diyos bilang makapangyarihan at maringal. Gusto niyang magmukhang pisikal na makapangyarihan ang mga bayani sa Aklat ni Mormon, halos mas kahali-halina, mas kamangha-mangha. “Ang mga kalamnan sa aking mga ipinintang larawan ay pagpapahayag lamang ng espiritu na nasa kalooban,” paliwanag niya kalaunan.28

Sumang-ayon ang Unang Panguluhan kay Adele na si Arnold ang tamang ilustrador para sa trabaho.29 Ang Sunday School at ang Deseret Book Company na pag-aari ng Simbahan ay nangakong babayaran ang dalawang-katlo ng unang gastusin, at binayaran ni Adele ang natitirang isang-katlo mula sa kanyang sariling bulsa.30 Sa mga sumunod na buwan, siya at si Arnold ay bumuo ng mga plano para sa mga ipinintang larawan habang patuloy na nanghihina ang kanyang kalusugan. Hindi nagtagal, naratay siya sa kama.31

Noong gabi ng ika-13 ng Abril, inayos ni Adele na ibenta ang ilan sa kanyang ari-arian upang mabayaran ang mga ipinintang larawan.32 Tinawag din niya si Marion G. Romney, isang katuwang sa Korum ng Labindalawang Apostol, upang talakayin ang Aklat ni Mormon at ang mga bata ng Simbahan. Binanggit niya ang tungkol sa mga ipinintang larawan at ang hangarin niyang matapos ang mga ito sa darating na taon. Sinabi niya na umaasa siya na ang lahat ng bata sa Simbahan ay magsisimulang basahin ang Aklat ni Mormon habang bata pa sila.

Kinabukasan ng hapon, pumanaw si Adele. Sa kanyang libing, pinuri ni Elder Romney ang malikhain at masiglang babae na malayang nagbigay sa organisasyon ng Primary. “Lubos niyang minahal ang gawain sa Primary,” sabi niya. “Bawat taong naimpluwensiyahan niya ay nadama ang lalim ng kanyang pagmamahal sa bawat isa sa kanila.”33

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, sinimulan ni Arnold Friberg ang kanyang unang ipinintang larawan sa Aklat ni Mormon: Nakita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon.34


Malapit sa lunsod ng Valence sa timog-silangang Pransya, naglakad-lakad si Jeanne Charrier kasama ang kanyang nakababatang pinsan. Makikita sa pampang ng Ilog Rhône, ang Valence ay isang magandang lugar na may ilang katedral ng mga Romano Katoliko na ilang siglo nang nakatayo. Bagama’t marami sa mga tao sa lunsod ang Katoliko, ang mga kapamilya ni Jeanne ay kabilang sa iilang Protestante. Ilang henerasyon na ang nakakaraan, isinuong nila sa panganib ang kanilang mga reputasyon at maging ang kanilang buhay para sa kanilang mga paniniwala.35

Si Jeanne ay lumaki na isang tapat na Kristiyano, ngunit kamakailan lamang, sa kanyang pag-aaral ng matematika at pilosopiya sa unibersidad, nalaman niya ang mga ideya na nagdulot sa kanyang mag-alinlangan sa kanyang pananampalataya. Pinagnilayan niya ang mga bantog na salita ng pilosopong Pranses na si René Descartes—“Nakapag-iisip ako, samakatwid, umiiral ako.” Nagdala lamang ang ideya ng iba pang mga tanong. Naisip niya, “Nasaan ako, paano, at bakit?”

Ilang sandali bago ang paglalakad sa burol ni Jeanne, inakay siya ng kanyang mga tanong na lumuhod at hanapin ang Panginoon. “Diyos ko,” panalangin niya, “kung umiiral ka, naghihintay po ako ng sagot.”36

Hindi nagdala si Jeanne at ang kanyang pinsan ng anumang maiinom sa kanilang paglalakad at hindi nagtagal ay nauhaw sila. Nakakita sila ng isang maliit na grupo ng mga tao at nagpasiyang humingi ng kaunting tubig. Isang mas matandang lalaki at babae ang masayang tumulong, at ipinakilala nila ang kanilang sarili bilang sina Léon at Claire Fargier. Sila ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng Banal sa mga Huling Araw, at ang dalawang binatang kasama nila ay mga misyonero. Inalok ng grupo si Jeanne at ang kanyang pinsan ng isang polyeto tungkol sa Simbahan, at inanyayahan sila ni Léon sa magaganap na kumperensya ng mission at isang konsiyerto ng isang string quartet mula sa Brigham Young University.37

Napukaw ang interes ni Jeanne at nagpasiyang dumalo. Sa kumperensya, may nagbigay sa kanya ng kopya ng Aklat ni Mormon. Nang makauwi na siya at sinimulang basahin ito, hindi niya ito mabitawan. “Kamangha-mangha ito,” naisip niya.38

Pagkatapos niyon, nagsimulang mag-ukol ng mas maraming oras si Jeanne kasama ng mga Fargier. Kasal na sina Léon at Claire nang labintatlong taon nang mabinyagan sila sa Simbahan noong 1932. Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naglingkod si Léon bilang misyonero at pinamunuan ang mga pulong sa araw ng Linggo para sa maliit na grupo ng mga Banal mula sa Valence at Grenoble, isang bayan na mahigit 65 kilometro ang layo.39 Nang magsimula ang digmaan at lumikas na ang mga Amerikanong misyonero, pinangasiwaan ni Léon ang mas malaking lugar. Naglakbay siya sa buong Pransya, binabasbasan ang maysakit at pinangangasiwaan ang sakramento. May mga araw na sumasakay siya ng tren sa pagitan ng mga bayan, ngunit kadalasan ay naglalakad siya o nagbibisikleta, kung minsan sa loob ng ilang oras sa isang araw.40

Nang makilala nila si Jeanne, sina Léon at Claire ay mga lokal na misyonero sa Valence Branch. Nahihirapang muling mag-organisa matapos ang pinsalang dulot ng digmaan, nagpulong ang maliit na kongregasyon sa isang paupahan. Sa kabila ng abang sitwasyon, naakit si Jeanne sa mga pulong at nasabik na malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo. Humingi siya ng iba pang mga aklat at nabigyan ng kopya ng Doktrina at mga Tipan. Habang binabasa niya ang aklat, hindi niya maikakaila ang kapangyarihan ng mga salita nito.

“Totoo ito,” natanto niya. “Imposibleng hindi ito totoo.”41

Hindi nagtagal, nais ni Jeanne na mabinyagan, ngunit nag-alala siya sa magiging reaksyon ng kanyang pamilya. Mahigpit na sumasalungat sila sa Simbahan, at alam niya na hindi nila susuportahan ang kanyang gagawing pagpili. Sa loob ng ilang panahon, nadama niyang nahahati siya sa pagitan ng kanyang pananampalataya at ng kanyang pamilya, at pinagpaliban niya ang kanyang pagpapabinyag. Pagkatapos ay naalala niya ang sinabi ni Pedro at ng iba pang mga apostol sa Bagong Tipan noong araw ng Pentecostes: “Kailangang sa Diyos [tayo] sumunod, sa halip na sa mga tao.”

Palagi niyang pinagninilayan ang kanilang mga salita, at alam niya kung ano ang kailangan niyang gawin. Sa isang magandang araw noong Mayo 1951, lumusong siya sa isang mainit na bukal sa kabundukan ng Cévenne at bininyagan ni Léon Fargier. Nais niyang makasama roon ang kanyang mga magulang, ngunit napakatindi ng poot na nadarama nila sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagpasiya siyang panatilihing lihim ang binyag.42

Gayunman, hindi nagtagal ay natuklasan ito ng kanyang pamilya, at kanilang itinakwil siya. Lubos na ikinalungkot ni Jeanne kanilang pagtatakwil. Bata pa siya—dalawampu’t limang taong gulang lamang—at inisip niya kung baka mas mainam siyang lumipat sa Estados Unidos at sumama sa mga Banal doon.43 Ngunit nagsumamo ang mga Fargier na manatili siya. Mayroon lamang siyam na daang Mga Banal sa buong Pransya, Belgium, at bahagi ng Switzerland na nagsasalita ng wikang Pranses, at kailangan nila ng tulong niya sa pag-oorganisa ng Simbahan sa Valence.44


Sa Brno, Czechoslovakia na mga 1,370 kilometro ang layo, binuksan ni Terezie Vojkůvková ang padalang pakete mula sa kanyang kaibigang si Martha Toronto, na ligtas na nakauwi sa Estados Unidos. Sa loob nito, nakita ni Terezie ang mga damit para sa kanyang pamilya, at lubos siyang nagpapasalamat. Halos hindi na kumikita nang sapat ang kanyang pamilya mula nang mawala sa kanyang asawang si Otakar Vojkůvka ang negosyo nito sa paglilimbag ng libro dalawang taon na ang nakararaan. Sapilitang kinuha ng mga opisyal na komunista ang kumpanya at dinakip si Otakar, na isang matagumpay na negosyante at pangulo ng Brno Branch. Matapos magtiis ng anim na buwan sa isang kampo ng paggawa, tumatanggap siya ngayon ng napakaliit na suweldo bilang manggagawa sa isang pabrika.

Sumulat si Terezie kay Martha para pasalamatan siya sa padala. “Mataas ang upa, at malaki ang gastos sa aming tinitirhan,” sabi niya sa kanyang kaibigan. “Napakalaki ng ginastos namin sa mga pagkakasakit, kaya kaunting-kaunti lang ang natitira para damitan ang pamilya.”45

Sa liham ding iyon, binanggit ni Terezie ang mga bagong pagbabawal na tiniis niya at ng iba pang mga Banal na Czechoslovak sa ilalim ng pamahalaang komunista. Ilang linggo matapos lisanin ni Martha ang bansa, ang kanyang asawang si Wallace ay napilitang sumunod sa kanya. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, iniutos ng pamahalaang komunista sa pansamantalang mission president, isang Banal na Czechoslovak na nagngangalang Rudolf Kubiska, na buwagin ang mission. Inutusan din ang mga Banal sa buong bansa na tumigil sa pagdaraos ng mga pampublikong pulong.

Hindi natitiyak kung paano tutugon sa mga kilos ng pamahalaan, inisip ng ilang mga Banal kung dapat nilang pahintulutan ang pamahalaan na magtalaga ng mga lider ng Simbahan upang patuloy silang makapagdaos ng mga pulong, tulad ng nangyayari sa ibang mga relihiyon. Gayunman, nadama ng mission presidency na ang gayong hakbang ay hindi katanggap-tanggap.

Nalungkot si Terezie na hindi makadalo sa mga lingguhang pulong ng Simbahan. “Ang mga araw ng Linggo ay mahaba at walang dalang inspirasyon kapag hindi natin maibabahagi ang ating damdamin at patotoo sa iba,” isinulat niya kay Martha.

Gayunpaman, hindi pa rin niya nadaramang pinabayaan siya. Bilang miyembro ng Partido Komunista, si Pangulong Kubiska ay may mga ugnayan sa pulitika, na naging kalasag ng mga Banal sa Czechoslovak mula sa matinding pang-aabuso at pag-uusig na dinanas ng ilang iba pang grupo ng relihiyon. Sa ilang huling tagubilin ni Pangulong Toronto, siya at ang kanyang mga tagapayo ay tahimik ding nagsagawa ng isang simpleng plano upang maipagpatuloy ang pagsamba.46

Tinuruan nila ang mga Banal kung paano sumamba sa tahanan. Bawat indibiduwal at pamilya ay mananalangin, mag-aaral ng mga banal na kasulatan, magtatabi ng mga ikapu at handog, at pag-aaralan ang ebanghelyo mula sa anumang materyal ng Simbahan na mayroon sila, kabilang na ang mga pinakahuling isyu ng Improvement Era na maingat na sinuri ng mga Toronto upang alisin ang anumang pambabatikos sa komunismo. Minsan sa isang buwan, ang maliliit na grupo ng mga Banal ay maaaring magtipon sa bahay ng isang miyembro upang tumanggap ng sakramento. Hangga’t maaari, ang mga korum ng priesthood ay dapat magpulong nang sarilinan, at susubukan ng mga lider ng branch at mission na bisitahin ang mga Banal.

Bilang pag-iingat, hindi isinulat ng panguluhan ng mission ang mga tagubiling ito kundi sa halip ay ipinakalat ang mga ito sa pamamagitan ng personal na pagpasa sa bawat tao. Ang pamumuhay ng walang pampublikong pulong ay nakatulong sa marami sa mga Banal sa Czechoslovakia na matanto kung gaano kahalaga ang kanilang pagiging miyembro ng Simbahan. Lumago sila sa espirituwal, at, sa kabila ng panganib, patuloy na ibinahagi ng ilan sa kanila ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan. May ilang tao na nabinyagan pa sa gitna ng pang-aapi.47

Sa tulong ng mga Banal sa Estados Unidos, inasikaso ni Terezie ang gawain sa templo para sa kanyang mga magulang. Pinangarap niyang makapunta siya at ang kanyang pamilya sa templo at mabuklod nang magkakasama. “Ang mga miyembro ng Simbahan sa Sion, lakas-loob akong magsasabi, ay hindi pinahahalagahan ang malaking pribilehiyong mayroon sila na makapamuhay nang napakalapit sa templo ng Panginoon,” isinulat niya kay Martha.

“Magkakaroon ba ng talagang inaasam na kapayapaan ang mga tao sa balat ng lupa?” pagninilay pa niya sa liham. “Kung maaari lamang nating mahalin ang isa’t isa—lahat tayo—at kung maaaring tumigil lamang ang digmaan at poot!”48

  1. Dunbabin, Cold War, 142–55, 162–65, 168–69; Fassmann at Münz, “European East-West Migration,” 521–24, 529–32; Fink, Cold War, 72–76.

  2. Wallace Toronto to First Presidency, Dec. 16, 1949; Dec. 21, 1949; First Presidency to Wallace Toronto, Jan. 30, 1950, First Presidency Mission Correspondence, CHL; Heimann, Czechoslovakia, 185–89; Bottoni, Long Awaited West, 66.

  3. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 57; Wallace Toronto to First Presidency, Feb. 2, 1950, David O. McKay Papers, CHL; Abbott, “My Mission to Czechoslovakia,” 11–12, 14–16; Wallace Toronto to First Presidency, Feb. 20, 1950, First Presidency Mission Correspondence, CHL.

  4. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 59–60; Abbott, “My Mission to Czechoslovakia,” 16; Czechoslovak Mission, “Missionary Bulletin,” Apr. 25, 1950.

  5. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 55, 60–62; Czechoslovak Mission, “Missionary Bulletin,” Apr. 25, 1950; tingnan din sa Wallace Toronto to First Presidency, Apr. 2, 1950, First Presidency Mission Correspondence, CHL.

  6. Yanagida, Oral History Interview [2001], 6; Takagi, Trek East, 336; Britsch, From the East, 91.

  7. Yanagida, Oral History Interview [2001], 6. Ang isinalin na sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Sinabi niyang mayroon siya at iyon ang dahilan kung bakit siya nagpunta sa Nagoya.”

  8. Yanagida, Oral History Interview [2001], 6; Yanagida, “Memoirs of the Relief Society in Japan,” 145. Paksa: Japan

  9. Yanagida, “Relief Society President Experiences”; Takagi, Trek East, 332–33.

  10. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13. Paksa: Ikapu

  11. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13.

  12. Yanagida, “Memoirs of the Relief Society in Japan,” 145–48; Yanagida, “Relief Society President Experiences”; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 318; Margaret C. Pickering, “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Ene. 1949, 36:200–208.

  13. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13; Yanagida, “Ashiato,” 10–14. Paksa: Pag-aayuno

  14. Stueck, Rethinking the Korean War, 61–82; Hwang, Korea’s Grievous War, 70; Patterson, Grand Expectations, 206–15.

  15. Joseph Fielding Smith, Journal, Dec. 14, 1949; Sept. 26, 1950; Nov. 13–15, 1950; Dec. 13, 1950.

  16. Joseph Fielding Smith, Journal, Aug. 6, 1950; First Presidency to Stake and Mission Presidents and Ward Bishops, Oct. 20, 1950; [Franklin J. Murdock], Memorandum, Jan. 30, 1951, 1, David O. McKay Papers, CHL; Flynn, Draft, 116–18; Joseph Anderson to Charles Shockey, Nov. 13, 1950, First Presidency General Correspondence Files, CHL. Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

  17. Clark, Diary, Jan. 15, 1951; David O. McKay, Diary, Mar. 30, 1950; Jan. 9–11 and 13, 1951 [CHL]; A. Duncan Mackay to David O. McKay, Jan. 10, 1951; Marion Jensen to First Presidency, circa Jan. 1951; John W. Taylor to David O. McKay, Jan. 30, 1951; Meeting of Selective Service and Church Officials, Minutes, Jan. 11, 1951, David O. McKay Papers, CHL.

  18. J. Reuben Clark, in One Hundred Twelfth Annual Conference, 93–94; First Presidency to Stake and Mission Presidencies, Nov. 18, 1948; First Presidency to Stake and Mission Presidents and Ward Bishops, Oct. 20, 1950, David O. McKay Papers, CHL; “Church Members Warned to Eschew Communism,” Deseret News, Hulyo 3, 1936, [1]; David O. McKay, sa One Hundred Twentieth Annual Conference, 175–76.

  19. David O. McKay, Diary, Jan. 11, 13, and 30–31, 1951 [CHL]; David O. McKay to John W. Taylor, Feb. 6, 1951, David O. McKay Papers, CHL; “Calls to Mission Must Be Cleared by Draft Boards,” Deseret News, Ene. 16, 1951, bahagi 2, [1]; Meeting of Mission Presidents and General Authorities, Minutes, Apr. 2, 1952, 2, 8, 11, Quorum of the Twelve Apostles Miscellaneous Minutes, CHL.

  20. David O. McKay, Diary, Apr. 2 and 4, 1951 [CHL]; Gibbons, George Albert Smith, 366–68. Paksa: George Albert Smith

  21. David O. McKay, Diary, Apr. 6, 1951 [CHL]; David O. McKay, sa One Hundred Twenty-First Annual Conference, 3, 157; David O. McKay, sa One Hundred Twenty-First Annual Conference, 138–41.

  22. Anderson, Prophets I Have Known, 119–26; Woodger, David O. McKay, 172–84, 189–90; McKay, My Father, 220–21; Allen, “David O. McKay,” 302–3; Allen, “McKay, David O.,” 870–75; Prince and Wright, David O. McKay, 3–5, 14–17; Frejka at Westoff, “Religion, Religiousness and Fertility,” 7–9; Patterson, Grand Expectations, 68–69, 76–79. Paksa: David O. McKay

  23. David O. McKay, sa One Hundred Twenty-First Annual Conference, 96; David O. McKay, Diary, Apr. 25, 1951 [CHL]; “LDS President Concerned over Red Attitude toward Christianity,” Salt Lake Telegram, Abr. 26, 1951, 21; Patterson, Grand Expectations, 165–205. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “naninindigan para sa impluwensya ng pagmamahal” sa orihinal ay pinalitan ng “maninindigan para sa impluwensya ng pagmamahal.”

  24. Peterson at Gaunt, Children’s Friends, 75.

  25. Spencer W. Kimball to Adele Cannon Howells, Counselors, and Primary Association, Aug. 18, 1949; Adele Cannon Howells to David O. McKay, Dec. 6, 1950, Primary Association General Records, CHL.

  26. Sunday School General Presidency, Minutes, Jan. 24, 1950; Harold B. Lee and Marion G. Romney to Adele Cannon Howells, Aug. 10, 1950; A. H. Reiser to First Presidency, Nov. 8, 1950; Book of Mormon Pictures Project Committee to Church Union Board, Jan. 8, 1951; A. Hamer Reiser to Elbert R. Curtis, Jan. 13, 1951, Primary Association General Records, CHL.

  27. Book of Mormon Pictures Project Committee to Church Union Board, Jan. 8, 1951; Book of Mormon Pictures Committee to the First Presidency, Jan. 6, 1951, Primary Association General Records, CHL.

  28. Adele Cannon Howells to Harold B. Lee and Marion G. Romney, Sept. 21, 1950, Primary Association General Records, CHL; Swanson, “Book of Mormon Art of Arnold Friberg,” 29; Barrett and Black, “Setting a Standard in LDS Art,” 33.

  29. Book of Mormon Pictures Committee of the Church Union Board to the First Presidency, Jan. 6, 1951; First Presidency to A. Hamer Reiser and Adele Cannon Howells, Jan. 10, 1951, Primary Association General Records, CHL.

  30. A. H. Reiser and others to First Presidency, Oct. 4, 1950; Book of Mormon Pictures Committee of the Church Union Board to the First Presidency, Jan. 6, 1951, Primary Association General Records, CHL.

  31. Andersen, “Arnold Friberg,” 249–50; “Adele Cannon Howells,” Cannon Chronicle, Dis. 1952, [4].

  32. Swanson, “Book of Mormon Art of Arnold Friberg,” 29; “High Tribute Paid Primary President,” Deseret News, Abr. 18, 1951, Church section, 4; David O. McKay, Diary, Feb. 15, 1952 [CHL].

  33. Marion G. Romney, Remarks at Adele Cannon Howells Funeral, Apr. 17, 1951, Primary Association General Board, Minutes, CHL; Romney, Journal, Apr. 14, 1951.

  34. Swanson, “Book of Mormon Art of Arnold Friberg,” 29–30; Agreement Signed by Arnold Friberg, June 1, 1951, Primary Association General Records, CHL; tingnan din sa Arnold Friberg, The Brother of Jared Sees the Finger of the Lord, sa Children’s Friend, Ene. 1953, tomo 52, isiningit na pahina.

  35. Charrier, Oral History Interview [2001], 2–3; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4.

  36. Descartes, Discourse on Method, 24; Charrier, Oral History Interview [2001], 2; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 3–4.

  37. Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4; Charrier, Oral History Interview [2001], 2–3, 9.

  38. Charrier, Oral History Interview [2001], 3.

  39. Euvrard, Histoire de Léon Fargier, 4–5, 8–9; Léon Fargier, “Famille Fargier,” L’Étoile, Set. 1979, 1.

  40. Euvrard, Histoire de Léon Fargier, 10, 13–14, 16–17, 22–24.

  41. Léon Fargier, “Famille Fargier,” L’Étoile, Nob. 1979, 15; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4; Charrier, Oral History Interview [2001], 3.

  42. Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 21, 2021; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4; Léon Fargier, “Famille Fargier,” L’Étoile, Nob. 1979, 16; tingnan din sa Mga Gawa 5:29.

  43. Charrier, Oral History Interview [2001], 18; Eldredge, Mission Journal, Sept. 6, 1954; Carlson, Mission Journal, Mar. 30, 1951.

  44. Charrier, Oral History Interview [2001], 29; French Mission, Monthly Mission Progress Report, Apr. 30, 1951; “Addresses of French Missionaries as of January 1, 1949,” [1]–[3], Missionary Department, Franklin Murdock Files, CHL. Paksa: France

  45. Terezie Vojkůvková entry, Prague District, Czechoslovak Mission, no. 116, sa Czechoslovakia, Record of Members Collection, CHL; Wallace Toronto to First Presidency, July 18, 1951, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL; Vrba, “History of the Brno Branch,” 2.  

  46. Wallace Toronto to First Presidency, July 18, 1951, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL; Czechoslovak Mission, “Missionary Bulletin,” Apr. 25, 1950; Wallace Toronto to First Presidency, Apr. 15, 1950, Missionary Department, Franklin Murdock Files, CHL; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 143–44, 146; Vrba, “History of the Brno Branch,” 3–4; Vrba, “Czechoslovak Mission,” 1–2.

  47. Vrba, “History of the Brno Branch,” 4–5; Vrba, “Czechoslovak Mission,” 2–3; Wallace Toronto to First Presidency, Apr. 15, 1950; Jan. 10, 1951, Missionary Department, Franklin Murdock Files, CHL; Wallace Toronto to First Presidency, July 18, 1951, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL. Paksa: Czechoslovakia

  48. Wallace Toronto to First Presidency, July 18, 1951, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL; Salt Lake Temple, Endowments for the Dead, 1893–1970, Mar. 17, 1950, microfilm 445,725; June 29, 1953, microfilm 445,847, U.S. and Canada Record Collection, FHL.