Ang Kaloob na Karunungang Bumasa at Sumulat
Gustung-gusto ng panganay naming anak ang kindergarten at mukhang magaling siya sa eskuwelahan. Gayunpaman, sa unang grado, naging malinaw sa amin na hindi siya nagbabasa. Nakakabasa siya ng pailan-ilang salita pero hirap siyang simulan man lang ang mga takdang- babasahin. Lumipas ang mga buwan, babahagyang umunlad sa pagbasa ang aming anak. Tumindi ang pag-aalala naming mag-asawa.
Isang araw naalala ko ang isang bagay na itinuro ng mission president ko ilang taon na ang nakalipas. Natawag akong magmisyon sa isang bansang dayuhan ang wika. Ang pag-aaral ng wikang Ruso ay isang hamong iba-iba ang tindi para sa bawat misyonero, at pinayuhan kami ng aming mission president na basahin ang Aklat ni Mormon sa wikang Ruso araw-araw. Nangako siya na makakatulong ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa kakayahan naming makipag-usap sa wikang Ruso. Tama siya. Sa paglipas ng panahon humusay ako kapwa sa pagsasalita at pag-unawa sa wika, at lumakas ang aking patotoo.
Makalipas ang mga taon pagkatapos ng misyon ko, naisip ko, “Kung nakaya ko ang wikang Ruso, bakit hindi makaya ng anak ko ang wikang Ingles?” Matapos ikuwento sa aming anak ang hirap kong matuto ng wikang Ruso at ang payo ng aking mission president, hinamon namin siya ng asawa ko na basahing mag-isa ang Aklat ni Mormon araw-araw. Kukulayan niya ang mga salitang Diyos at Panginoon tuwing makikita niya ito sa mga pahina. Di nagtagal at isinunod niya ang Jesus. Pagkatapos ay pumipili siya ng mga salitang nakita niya at magtatanong kung ano ang mga ito. Masigasig siyang nagbasa araw-araw, at sa pagtatapos ng taon humigit pa sa inaasahan namin ang husay niya sa pagbasa.
Ngayon nasa ikaanim na grado na ang aming anak. Napakahusay niyang magbasa at tumutulong sa pagtuturo sa lima pa niyang kapatid tungkol sa kaloob na natanggap niya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Bawat isa sa aming mga anak ay humusay sa pagbasa at nakagawiang basahin ang Aklat ni Mormon. Nararamdaman na nila ang makapangyarihang diwa ng katotohanan nito habang lumalakas ang kanilang mga patotoo.