Mensahe ng Unang Panguluhan
Pagtuturo ng Totoong Doktrina
May digmaan sa pagitan ng liwanag at kadiliman, sa pagitan ng mabuti at masama, bago pa man nilikha ang mundo. Patuloy pa ring sumisiklab ang digmaan, at tila dumarami ang mga biktima nito. Lahat tayo ay may mga kapamilyang mahal natin na inaatake ng mga puwersa ng mangwawasak, na gagawa ng ikalulunos ng lahat ng anak ng Diyos. Para sa marami sa atin, may mga gabing hindi tayo makatulog. Sinikap na nating idagdag ang bawat puwersa ng kabutihang maidaragdag natin sa mga kapangyarihang nakapalibot sa mga taong nanganganib. Minahal natin sila. Ibinigay na natin ang pinakamagandang halimbawang maibibigay natin. Ipinagdasal na natin sila. Isang matalinong propeta ang matagal nang nagpayo sa atin tungkol sa isa pang puwersang kung minsan ay maaaring minamaliit natin kaya hindi natin madalas gamitin.
Si Alma ang pinuno ng mga taong nanganib na malipol ng mababangis na kaaway. Sa harap ng panganib na yaon, hindi niya kayang gawin ang lahat, kaya kinailangan niyang magpasiya. Maaari siyang magtatatag ng mga depensa o magsanay ng mga hukbo o gumawa ng mga sandata. Ngunit ang tanging pag-asa niyang manalo ay humingi ng tulong sa Diyos, at dahil diyan alam niyang kailangang magsisi ang mga tao. Kaya nga ipinasiya niyang subukan muna ang isang espirituwal na bagay: “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umaakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).
Pagbubukas ng mga Puso’t Isipan
Ang salita ng Diyos ang doktrinang itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Alam ni Alma na matindi ang kapangyarihan ng mga salita ng doktrina. Mabubuksan nila ang isipan ng mga tao para makita ang mga espirituwal na bagay na hindi kita ng likas na mata. At mabubuksan nila ang mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagmamahal sa katotohanan. Ginamit ng Tagapagligtas ang dalawang pinagmumulang ito ng kapangyarihan, upang buksan ang ating mga mata at mga puso, sa ika-18 bahagi ng Doktrina at mga Tipan nang ituro Niya ang Kanyang doktrina sa mga nais Niyang maglingkod sa Kanya bilang mga misyonero. Habang nakikinig kayo, isipin ang binatilyong iyon sa inyong pamilya na ngayo’y atubiling ihanda ang kanyang sarili para sa misyon. Ganito tinuruan ng Guro ang dalawa sa Kanyang mga lingkod at ganito ninyo maituturo ang Kanyang doktrina sa binatilyong mahal ninyo:
“At ngayon, Oliver Cowdery, sinasabi ko sa iyo, at gayon din kay David Whitmer, bilang kautusan, sapagkat masdan, iniuutos ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, at sinasabi ko sa inyo, maging katulad kay Pablo na aking apostol, sapagkat kayo ay tinawag maging sa gayon ding tungkulin kung saan siya tinawag.
“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:9–10).
Sinimulan Niya ito sa pagsasabi kung gaano kalaki ang tiwala Niya sa kanila. Pagkatapos ay ibinaling Niya ang kanilang mga puso sa Kanya sa pagsasabi kung gaano Nila kamahal ng Kanyang Ama ang bawat kaluluwa. Sumunod Niyang binanggit ang pundasyon ng Kanyang doktrina. Inilarawan Niya kung gaano kalaki ang dahilan para mahalin natin Siya:
“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito, kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.
“At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.
“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (D at T 18:11–13).
Matapos ibigay ang doktrina ng Kanyang misyon upang mabuksan ang kanilang mga puso, inutusan Niya sila: “Dahil dito, kayo ay tinawag upang ipangaral ang pagsisisi sa mga taong ito” (D at T 18:14).
Sa huli, binuksan Niya ang kanilang mga mata upang makakita nang lampas sa tabing. Dinala Niya sila at tayo sa hinaharap, na inilarawan sa dakilang plano ng kaligtasan, kung saan tayo’y patungo. Sinabi niya sa atin ang magagandang samahan, na nararapat pagsakripisyuhan upang ating maranasan:
“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:15–16).
Sa iilang talatang iyon, nagturo Siya ng doktrina upang buksan ang ating mga puso sa Kanyang pagmamahal. At nagturo Siya ng doktrina upang imulat ang ating mga mata sa mga espirituwal na katotohanan, na hindi kita ng isipang hindi naliliwanagan ng Espiritu ng Katotohanan.
Paano Tayo Dapat Magturo
Ang pangangailangang buksan ang ating mga mata at puso ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat magturo ng doktrina. Nagkakaroon ng kapangyarihan ang doktrina kapag pinatunayan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Inihahanda natin ang ating mga tinuturuan, sa abot-kaya natin, na matanggap ang payapang mga bulong ng marahan at banayad na tinig. Kailangan diyan ang kahit kaunting pananampalataya kay Jesucristo. Kailangan diyan ang kapakumbabaan, ng kaunting kahandaang magpasakop sa kalooban ng Tagapagligtas para sa atin. Maaaring may kaunti ng alinman sa mga ito ang taong tutulungan ninyo, ngunit mahihimok ninyo siya na hangaring maniwala. Higit pa riyan, mapagkakatiwalaan ninyo ang iba tungkol sa mga kapangyarihan ng doktrina. Kayang ihanda ng katotohanan ang sarili nitong daan. Ang marinig lang ang mga salita ng doktrina ay magpupunla na ng binhi ng pananampalataya sa puso. At maging ang munting binhi ng pananampalataya kay Jesucristo ay nag-aanyaya ng Espiritu.
Higit nating kontrolado ang sarili nating paghahanda. Nagpapakabusog tayo sa salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at pinag-aaralan natin ang mga salita ng mga buhay na propeta. Nag-aayuno at nagdarasal tayo para anyayahan ang Espiritu na sumaatin at sa taong tuturuan natin.
Dahil kailangan natin ang Espiritu Santo, dapat tayong mag-ingat na totoong doktrina lamang ang ating ituro. Ang Espiritu Santo ang Espiritu Katotohanan. Dumarating ang Kanyang patunay kapag iniwasan nating magsapalaran o magbigay ng sariling interpretasyon. Maaaring mahirap gawin iyan. Mahal ninyo ang taong sinisikap ninyong impluwensyahan. Maaaring binalewala niya ang doktrinang dati niyang narinig. Nakatutuksong sumubok ng bago o kamangha-mangha. Ngunit inaanyayahan nating makasama ang Espritu Santo kapag iingatan natin na totoong doktrina lamang ang ating ituro.
Isa sa pinakatiyak na mga paraan para maiwasan nating mapalapit man lang sa maling doktrina ay ipasiyang simplihan ang ating pagtuturo. Natatamo ang kaligtasan sa kasimplihang iyan, at halos walang nawawala. Alam natin iyan dahil sinabi sa atin ng Tagapagligtas na ituro ang pinakamahalagang doktrina sa mga batang musmos. Pakinggan ang Kanyang utos: “At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walaong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.(D at T 68:25)
Matuturuan natin kahit ang isang bata na maunawaan ang doktrina ni Jesucristo. Posible kung gayon, sa tulong ng Diyos, na ituro nang simple ang nakapagliligtas na doktrina.
Magsimula nang Maaga
Nasa atin ang pinakamalaking oportunidad sa mga bata. Pinakamainam magturo nang maaga, habang ang mga bata ay hindi pa tinatablan ng mga tukso ng kanilang mortal na kaaway at bago pa man humirap na marinig nila ang katotohanan sa gitna ng sarili nilang mga problema.
Hindi palalagpasin ng isang matalinong magulang ang pagkakataong tipunin ang kanyang mga anak para pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo. Bibihira ang gayong mga sandali kumpara sa mga pagsisikap ng kaaway. Dahil sa bawat oras na ipinapasok sa buhay ng isang bata ang kapangyarihan ng doktrina, maaaring daan-daan ang oras ng mensahe at larawang nagtatatwa o nagbabalewala sa nakapagliligtas na mga katotohanan.
Ang tanong ay hindi dapat kung sobra na ba ang pagod natin para maghandang magturo ng doktrina o kung mas mainam na mapalapit sa bata sa pagkakatuwaan lamang o kung iniisip ba ng bata na sobra tayong mangaral. Ang dapat itanong ay, “Sa kakaunting panahon at kakaunting oportunidad, anong mga salita ng doktrina mula sa akin ang magpapatatag sa kanila laban sa pag-aatakeng ginagawa sa kanilang pananampalataya na tiyak na darating?” Ang mga salitang sinasabi ninyo ngayon ay maaaring siyang naaalala nila. At mabilis na maglalaho ang ngayon.
Lumilipas ang mga taon, itinuturo natin ang doktrina sa abot-kaya natin, subalit hindi pa rin tumutugon ang ilan. Malungkot iyan. Ngunit may pag-asa sa nakatala sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga pamilya. Isipin sina Nakababatang Alma at Enos. Sa kanilang mga kritikal na sandali, naalala nila ang mga salita ng kanilang mga ama, mga salita ng doktrina ni Jesucristo (tingnan sa Enos 1:1–4; Alma 36:16–19). Iniligtas sila nito. Ang pagtuturo ninyo ng sagradong doktrinang iyan ay maaalala.
Ang Walang Katapusang mga Epekto ng Pagtuturo
Dalawang pagdududa ang maaaring sumiksik sa isipan ninyo. Maaaring isipin ninyo kung sapat na ba ang kaalaman ninyo sa doktrina para ituro ito. At kung nasubukan na ninyong ituro ito, magtataka siguro kayo kung bakit wala kayong gaanong makitang mabuting epekto.
Sa sarili kong pamilya may kuwento tungkol sa isang dalagang lakas-loob na sinimulang magturo ng doktrina kahit bagong binyag pa lang siya at walang gaanong pinag-aralan. Ang katotohanang hindi pa tapos ang mga epekto ng kanyang pagtuturo ang nagbigay sa akin ng tiyagang hintayin ang mga bunga ng sarili kong mga pagsisikap.
Si Mary Bommeli ay lola ko sa tuhod. Hindi kami nagkakilala. Narinig siya ng kanyang apong babae nang magkuwento siya tungkol dito at isinulat ito.
Si Mary ay isinilang noong 1830. Tinuruan ng mga misyonero ang kanyang pamilya sa Switzerland noong 24 na taon siya. Nakatira pa siya noon sa bahay nila, naghahabi at nagtitinda ng tela para makatulong sa kanyang pamilya sa maliit na bukid nila. Nang marinig ng pamilya ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, alam nilang totoo ito. Nabinyagan sila. Nagmisyon ang mga kapatid na lalaki ni Mary, nang walang baong pera o pagkain. Ipinagbili ng pamilya ang kanilang mga ari-arian para pumunta sa Amerika at makitipon sa mga Banal.
Walang sapat na pera para makaalis ang lahat. Kusang nagpaiwan si Mary dahil ipinalagay niya na kikita siya nang sapat mula sa paghahabi at masusuportahan ang kanyang sarili at makapag-iipon ng pamasahe. Nakarating siya sa Berlin at sa isang bahay ng babaeng inupahan siya bilang tagahabi ng tela para sa pananamit ng pamilya. Tumira siya sa silid ng katulong at naghabi ng tela sa sala ng bahay.
Labag sa batas noon na magturo ng doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Berlin. Ngunit hindi kayang sarilinin ni Mary ang mabuting balita. Ang babaeng may-ari ng bahay at kanyang mga kaibigan ay nagtitipon sa paligid ng habihan para makinig sa pagtuturo ng babaeng Swiss. Ikinuwento niya ang pagpapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kay Joseph Smith, ang pagdalaw ng mga anghel, at ang Aklat ni Mormon. Nang makarating siya sa mga tala ni Alma, itinuro niya ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Nagdulot iyon ng kaunting problema sa kanyang paghahabi. Noong mga panahong iyon maraming batang namatay na napakabata. Ang mga babae sa paligid ng habihan ay namatayan ng mga anak, ang ilan sa kanila ay namatayan ng marami. Nang ituro ni Mary ang katotohanan na ang mga bata ay mga tagapagmana ng kahariang selestiyal at ang mga babaeng iyon ay maaari silang makapiling na muli at ang Tagapagligtas at ang ating Ama sa Langit, nagsitulo ang mga luha sa pisngi ng kababaihan. Umiyak din si Mary. Nabasa ng lahat ng luhang iyon ang telang hinabi ni Mary.
Lumubha pa ang problema dahil sa pagtuturo ni Mary. Kahit pinakiusapan ni Mary ang kababaihan na huwag pag-usapan ang sinabi niya sa kanila, pinag-usapan pa rin nila ito. Ikinuwento nila ang kagalak-galak na doktrina sa kanilang mga kaibigan. Kaya isang gabi may kumatok sa pintuan. Mga pulis iyon. Kinuha nila si Mary para ikulong. Habang daan itinanong niya sa pulis ang pangalan ng hukom na lilitis sa kanya kinaumagahan. Itinanong niya kung may pamilya ito. Itinanong niya kung mabuti ba itong ama at asawa. Napangiti ang pulis nang ilarawan niya ang hukom bilang isang taong makamundo.
Sa kulungan humingi ng lapis at ilang papel si Mary. Sumulat siya sa hukom. Sumulat siya tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ayon sa pagkalarawan sa Aklat ni Mormon, sa daigdig ng mga espiritu, at kung gaano katagal pag-iisipan at pag-aaralan ng hukom ang kanyang buhay bago humarap sa huling paghuhukom. Isinulat niya na alam niyang marami itong dapat pagsisihan na wawasak sa puso ng kanyang pamilya at magdudulot ng matinding kalungkutan sa kanya. Magdamag siyang sumulat. Kinaumagahan hiniling niya sa pulis na dalhin sa hukom ang kanyang sulat. Sumunod ito.
Maya-maya’y pinapunta na ang pulis sa opisina ng hukom. Ang liham na isinulat ni Mary ay malinaw na ebidensya na nagtuturo siya ng ebanghelyo kaya nilabag niya ang batas. Gayunpaman, hindi pa nagtatagal ay bumalik ang pulis sa kulungan ni Mary. Sinabi nito sa kanya na lahat ng paratang sa kanya ay pinawalang-bisa at malaya na siya. Ang pagtuturo niya ng doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagmulat nang sapat sa mga mata at puso kaya siya nakulong. At ang pagpapahayag niya ng doktrina ng pagsisisi sa hukom ang nagpalaya sa kanya mula sa kulungan.1
Paghubog sa Inyong mga Inapo
Higit pa sa kababaihang nakapalibot sa habihan at sa hukom ang naantig sa turo ni Mary Bommeli. Kinausap ako ng aking ama, na apo niya, gabi-gabi noong malapit na siyang mamatay. Binanggit niya ang masasayang muling pagkikitang malapit nang maganap sa daigdig ng mga espiritu. Nakikinita ko ang maningning na sikat ng araw at mga ngiti sa paraisong iyon habang ikinukuwento niya ito nang may katiyakan.
Minsa’y tinanong ko siya kung may dapat siyang pagsisihan. Ngumiti siya. Mahina siyang tumawa at sinabing, “Wala, Hal, nagsisisi na ako sa araw-araw ng buhay ko.” Totoo sa kanyang apo ang doktrina ng paraisong itinuro ni Mary Bommeli sa kababaihang iyon. At maging ang doktrinang itinuro ni Mary sa hukom ay naghubog sa buhay ng aking ama sa kabutihan. Hindi roon magwawakas ang turo ni Mary Bommeli. Ang tala ng kanyang mga salita ay magpapahayag ng totoong doktrina sa darating na mga henerasyon ng kanyang pamilya. Dahil naniwala siya na kahit isang bagong binyag ay sapat ang kaalaman sa doktrina para ituro ito, mabubuksan ang mga puso’t isipan ng kanyang mga inapo, at sila ay tatatag sa digmaan.
Ituturo ng inyong mga inapo ang doktrina sa isa’t isa dahil itinuro ninyo ito. Ang doktrina ay hindi lamang bubuksan ang mga isipan sa mga espirituwal na bagay at mga puso sa pag-ibig ng Diyos. Kapag naghatid ng galak at kapayapaan ang doktrinang iyon, may kapangyarihan din itong buksan ang mga labi. Tulad ng kababaihang iyon sa Berlin, hindi makakayang sarilinin ng inyong mga inapo ang magandang balita.
Nagpapasalamat akong mabuhay sa panahong napasaatin ng ating mga pamilya ang kabuuan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagpapasalamat ako sa misyon ng pag-ibig ng Tagapagligtas para sa atin at sa mga salita ng buhay na bigay Niya sa atin. Dalangin kong maibahagi natin ang mga salitang iyon sa ating mga minamahal. Pinatototohanan ko na ang ating Diyos Ama ay buhay at mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak. Si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman at ating Tagapagligtas. Alam ko na Siya ay nagbangon, at alam ko na malilinis tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo.