2011
Tawagan Mo ang Iyong mga Home Teacher
Enero 2011


Tawagan Mo ang Iyong mga Home Teacher

Diana Loski, Pennsylvania, USA

Maraming taon na ang nakalilipas noong maliliit pa ang apat na anak namin, nagtrabaho ang asawa ko sa ibang estado at naiwan ako hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang dalawa kong nakatatandang anak sa taong iyon. Naatasan kaming maging mga bagong home teacher, na nagkaroon ng pagkakataong makabisita nang dalawang beses lang bago nalipat ang asawa ko.

Isang gabi matapos patulugin ang mga bata, narinig kong umiiyak ang anak naming babae sa kuwarto niya. Nang kargahin ko siya, napansin kong inaapoy siya ng lagnat. Naisip kong dalhin siya sa ospital, ngunit nang tingnan ko ang bagong insurance policy namin nakasaad doon na sakop lamang nito ang mga residente ng Idaho—ang estado kung saan kasalukuyang nagtatrabaho ang asawa ko. Ang iba sa amin ay mga residente pa rin ng estado ng Washington.

Natakot ako nang kunan ko ng temperatura ang aming anak—105 degrees Fahrenheit (41 degrees C). Agad akong lumuhod sa panalangin at taimtim na humingi ng tulong. Dumating ang sagot na hindi ko kailanman naisip: “Tawagan mo ang iyong mga home teacher.”

Malalim na ang gabi, at alam ko na ang dalawang lalaki, sina Brothers Halverson at Bird, ay tiyak na tulog na. Gayunman ay dinampot ko ang telepono at tinawagan pa rin si Brother Bird, at mabilis na sinabi sa kanya ang problema. Sa loob ng limang minuto, alas-11:00 n.g., nasa pinto na ang mga home teacher ko—na naka-amerikana at kurbata.

Sa oras na ito mapula na ang mga pisngi at mata ng aming anak, at nanlalagkit na sa pawis ang kanyang buhok. Umungot siya sa sakit, ngunit kalmado lang sina Brother Bird at Brother Halverson nang kargahin siya. Pagkatapos habang nakapatong ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo, binasbasan nila ang anak ko at sinabihan siya sa pangalan ng Tagapagligtas na gumaling.

Nang magmulat ako ng mata matapos ang basbas, hindi ko mapaniwalaan ang nakita ko. Bumubungisngis na ang anak ko at nagpipilit bumaba para maglaro. Wala na siyang lagnat!

“Naramdaman ko na bumababa na ang lagnat niya habang binabasbasan namin siya,” sabi sa akin ni Brother Bird habang manghang minamasdan naming lahat ang aking anak. Hindi nagtagal at umalis na sila, at gising naman ako nang ilang oras kasama ang anak kong ayaw matulog at gusto pang maglaro. Ayos lang ito sa akin.

Maraming taon na ang nagdaan mula noong gabing iyon na dalawang naglilingkod na mga anghel, sa katauhan ng mga home teacher, ang nagbasbas sa aking anak. Hindi nagtagal lumipat na kami sa Idaho at nawalan kami ng komunikasyon sa kanila, ngunit lagi akong magpapasalamat sa dalawang mababait na home teacher na dumating nang alas-onse ng gabi sa paglilingkod sa Panginoon.