Magagawa Ko Bang Iwan ang Aking Impo?
Hugo Fabián Lallana, Córdoba, Argentina
Nang mag-21 anyos ako, ginusto kong magmisyon. Sinuportahan ng aking impo, si Margarita Sippo de Lallana, ang desisyon ko kahit nangahulugan iyon na maiiwan siyang mag-isa. Pinalaki niya ako mula noong maliit pa ako, at nag-alala ako kung sino ang mag-aalaga sa kanya habang nasa misyon ako.
Nabinyagan kami noong 1978, noong 11 anyos ako at ang aking impo ay 73. Di naglaon ay tumigil kami sa pagsisimba, ngunit dumating ang nagmamalasakit na mga kapatid sa Simbahan para pabalikin kami.
Naging aktibo akong muli, at inasam ng mga miyembro ng ward ang ordenasyon ko. “Magkakaroon tayo ng deacon!” tuwang-tuwang sinasabi nila iyon. Noon ay walang maytaglay ng Aaronic Priesthood sa ward namin. Naging pangulo ako ng deacons quorum dahil wala nang ibang deacon. Inisip ko kung bakit nila ako binigyan ng gayong katungkulan, ngunit naunawaan ko na sinasanay ako noon ng mga lider ng ward sa mga responsibilidad ng priesthood. Dahil dito, sinikap kong maging tapat.
Gayunman, nanatiling hindi gaanong aktibo ang lola ko, na paminsan-minsan lang magsimba. Ngunit sinuportahan niya ang desisyon kong magmisyon dahil alam niya sa puso niya na totoo ang ebanghelyo .
Nang ipasa ko ang aking papeles para sa misyon noong 1990, karamihan sa mga full-time missionary mula sa Córdoba ay tinawag na maglingkod sa Argentina Buenos Aires North o South Missions. Tiyak ko na matatawag ako sa isa sa dalawang misyong iyon at hindi ako gaanong mapapalayo sa aking impo.
Kalaunan, nang tumawag ang stake president ko, sinabi niya sa akin na kailangan ko ng pasaporte dahil sa Colombia ang punta ko! Sa kabila ng aking mga pag-aalala, hinikayat ako ng aking impo na tumuloy. Bago ako umalis, nangako siya na magbabalik siya sa simbahan sa susunod na Linggo mismo at pupunta sa templo bago ako bumalik. Mahirap paniwalaan ito ngunit ginawa nitong mas madali para sa akin na iwan siya.
Habang nasa misyon ako, tinupad niya ang mismong ipinangako niya. Bagama’t mahigit 80 anyos na, hindi lamang siya dumalo sa lahat ng miting niya kundi dumarating pa sa oras. At pinaghandaan niya ang at nagpunta siya sa Buenos Aires Argentina Temple.
Pagkaraan ng 12-oras, buong magdamag na pagsakay sa bus pauwi mula sa unang paglalakbay na iyon papunta sa templo, dumating ang aking impo sa aming ward meetinghouse nang alas-8:30 ng Linggo ng umaga, ilang minuto lamang bago nagsimula ang mga miting ng Simbahan. Sabi sa kanya ng aming stake president na si Rúben Spitale, “Ihahatid ko na kayo pauwi para makapahinga na kayo.”
“Hindi,” sagot niya. “Magsisimba ako.” At nagsimba nga siya.
Pagbalik ko mula sa aking misyon, tatlong beses kaming nagkasamang dumalo sa templo bago siya pumanaw noong 2000. Dahil sa aking misyon, kapwa kami pinagpala. Kung nanatili ako sa bahay, tiyak kong hindi mapapasaamin ang anuman sa mga pagpapalang ito.