2011
Nagkamali Ba ang Bishop Ko?
Enero 2011


Nagkamali Ba ang Bishop Ko?

Jeannie L. Sorensen, California, USA

Kailan lang hinati ang ward namin, kaya nang papuntahin ako ng bishop sa kanya, natiyak ko na bibigyan ako ng tungkulin sa bagong ward. Naglilingkod ako noon sa young women at mahal ko sila. Bukas ang puso’t isipan nila sa ebanghelyo at nagagalak akong turuan sila. Tiyak na papayag ang Panginoon na patuloy ko silang turuan.

Nagulat ako nang sabihin ng bishop na gusto ng Panginoon na magturo ako sa Primary. Tiyak kong nagkamali siya! Gayunman, tiniyak niya sa akin na nag-ayuno siya at nanalangin at malakas ang pakiramdam niya tungkol sa tungkulin ko. Mahal ko ang mga bata, pero ano ba ang alam ko sa pagtuturo sa kanila?

Sa loob ng 15 taong pagsasama, ang tanging kalungkutan naming mag-asawa ay hindi kami biniyayaan ng Panginoon ng mga anak. Hindi rin nagtagumpay ang mga pagsisikap naming mag-ampon ng bata dahil sa mga karamdaman namin.

Tiwala sa bishop, tinanggap ko ang tawag na magturo sa Primary, ngunit hirap ang kalooban ko. Nagalit ako sa Panginoon sa hindi pagbibigay sa akin ng anak, at inis ako sa bagong tungkuling ito.

“Panginoon, bakit po Ninyo ito ipinagagawa sa akin?” naisip ko. “Sa Inyong karunungan, pinagkaitan po akong magkaroon ng sarili kong mga anak. Bakit po ako hinilingang magturo sa mga anak ng ibang tao?”

Nagdasal ako at pinaglabanan ang damdaming ito at nakipagtunggali sa Panginoon, at lumuluhang nagsumamo ng pang-unawa. Sa huli nagpasiya ako na yamang tinanggap ko ang tungkulin, mas mabuti pang huwag na akong maawa sa sarili ko at gawin ang lahat ng abot-kaya ko.

Noon dumating ang mga pagpapala. Agad kong natutuhang mahalin ang mga bata, at natutuhan nila akong mahalin. Nalaman ko na sapat ang pagmamahal nila para punan ang kahungkagan sa buhay ko. Hindi naglaon ay hindi na ako makalakad sa bulwagan ng simbahan nang walang kahit dalawang bata lang na nakakapit sa magkabilang kamay ko at ang iba ay niyayakap pa ako pagdaan ko. Sa kabilang banda, tinawag ang asawa ko bilang Scout leader. Hindi nagtagal napuno ng mga bata at tinedyer ang tahanan namin.

Namatay ang asawa ko sa edad na 47 noong Nobyembre 1986. Minsan pa ay mas alam ng Panginoon kung ano ang kailangan ko. Mga ilang linggo pagkamatay ng asawa ko, pinaglingkod ako sa isang misyon na magturo sa Primary ng Fresno, California, Laotian branch. Ang tibay ng loob ng pambihirang mga taong ito at ng kanilang mga anak ay nagbigay sa akin ng lakas na magpatuloy kahit wala na ang aking asawa.

Kaylaking kagalakang makita ang mga kabataang tinuruan ko na lumaki, magmisyon, makasal sa templo, at magsimula ng sarili nilang pamilya. Marami pa rin sa mga batang “ampon” na ito ang dumadalaw upang bumati at pasiglahin ang araw ko, at masaya ako kapag nakikita ko sila sa Fresno California Temple, kung saan ako naglilingkod ngayon.

Ang paglilingkod ko sa Primary ay naging tunay na pagpapala habambuhay. Lubos akong nagpapasalamat na Panginoon ang nagdidikta ng ating mga tungkulin at hindi tayo.