2011
Sa mga Balita
Enero 2011


Sa mga Balita

Naglingkod ang mga Banal sa Africa

Ginugol ng mga miyembro ng Simbahan sa kontinente ng Africa ang araw ng Sabado, Agosto 21, 2010, sa pagpapaganda ng kanilang komunidad bilang bahagi ng 2010 All-Africa Helping Hands Day.

Sa taong ito, inanyayahan ng Aba Nigeria Stake ang ilang mga grupo ng kabataan sa kanilang komunidad na makiisa sa kanila, mahigit 1,000 katao sila sa kabuuan. Sa Umuahia Nigeria District, mahigit 100 miyembro mula sa anim na branch ang naghawan ng mga damo, nag-ayos ng mga bulaklak, at naglinis ng mga kanal at bakuran ng Broadcasting Corporation of Abia State.

Sa Accra, Ghana, ang mga branch ay inatasang maglinis sa iba’t ibang lugar, kabilang ang mga ospital, paaralan at presinto ng pulis. Ipinagawa sa ilang mga miyembro ang pagpapatag sa mga lubak o paglilinis ng mga baradong kanal.

Saanman magpunta ang mga miyembro na nakasuot ng kanilang mga Helping Hands vest, malugod na tinatanggap ng mga komunidad ang kanilang tulong. Sinabi ng rektor ng Abia State Polytechnic sa mga boluntaryo, “Sa isang panahong nagtatanong ang lahat kung ano ang magagawa ng pamahalaan para sa kanila, isang kasiya-siyang pangyayari ang magkaroon ng isang organisasyon na patuloy na naglilingkod sa mga tao.”

May Triple Combination na Ngayon sa Wikang Indonesian

May bersiyon na ngayon ng triple combination sa wikang Indonesian, dahil dito magkaroon na ang mga nagsasalita ng wikang Indonesian ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas sa kanilang sariling wika. Makukuha rin ang isang bagong edisyon ng Aklat ni Mormon sa wikang Indonesian.

Makikita rin sa internet ang Indonesian triple. Ang bersiyon sa internet ay kinapapalooban ng mga talababa, mapa, at larawan at nagtutulot sa mga mambabasa na markahan ang mga banal na kasulatan at magsaliksik ng mahahalagang salita. Makukuha ito sa scriptures.lds.org/ind.

May mahigit 6,000 miyembro ng Simbahan ang nagsasalita ng Indonesian sa iba’t ibang dako ng mundo, karamihan sa kanila ay nasa Indonesia, Malaysia, at Estados Unidos. Ang Indonesia ay pang-apat sa may pinakamalaking populasyon sa mundo.

Hinikayat ng Unang Panguluhan ang mga miyembro na magkaroon ng sarili nilang mga banal na kasulatan at gamitin ang mga ito sa regular na pag-aaral, sa mga miting ng Simbahan, at para sa mga gawain sa Simbahan.

Ang Programa ay Iniluklok sa Hall of Fame

Ang Music and the Spoken Word, ang lingguhang pagsasahimpapawid ng Mormon Tabernacle Choir, ay iniluklok sa Radio Hall of Fame sa Estados Unidos. Ang brodkast ay napili matapos ang nominasyon ng mga opisyal ng mga programa para sa pagluluklok at ang publiko ay bumoto para sa kanilang paboritong mga programa at personalidad.

Ang Music and the Spoken Word ay nanalo sa kategoryang National Pioneer, na nagpaparangal sa mga brodkaster na naglingkod ng 10 taon man lang sa industriya ng radyo at naging mga lider sa pagkakaroon o pagpapaunlad ng programa sa radyo sa bansa.

Ang Music and the Spoken Word ang pinakamatagal na brodkast sa radyo sa Estados Unidos. Ang unang brodkast ay nangyari noong Hulyo 15, 1929.

Ang programa ay isinahimpapawid sa mahigit 2,000 istasyon ng radyo, telebisyon, at cable system. Makukuha rin ito sa internet sa musicandthespoken word.org. Mula sa home page, magklik sa Listen Live at sundan ang link para sa online streaming.

Ang lingguhang Music and the Spoken Word ay iniluklok sa Radio Hall of Fame.

© Busath Photography