2011
Mula sa Paniniwala tungo sa Pagkaalam
Enero 2011


Ebanghelyo sa Aking Buhay

Mula sa Paniniwala tungo sa Pagkaalam

Ang paniniwala na totoo ang Aklat ni Mormon ay simula lamang.

Una kong nakilala ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa isang istasyon ng tren noong ako ay 19 anyos. Masasabi kong kakaiba ang mga dalagang ito, at may nagtulak sa akin na kausapin sila. Kaya’t lumapit ako at nagtanong kung ano ang ginagawa nila sa Taiwan. Sinabi nilang mga misyonera sila at nagsimulang magsalita tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos ng ilang pagkikita, natuto ako tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, at sa Aklat ni Mormon. Ang huli sa mga paksang ito—ang Aklat ni Mormon—ang naging dahilan ng pagsapi ko sa Simbahan.

Naaalala ko pa ang karanasan ko nang ipagdasal ko ang tungkol sa aklat. Matapos basahin ito isang gabi, isinara ko ang aklat, lumuhod ako, at nagtanong sa aking Ama sa Langit kung ito ay totoo. May nadama akong init na bumalot sa aking pagkatao, isang bagay na hindi ko kailanman nadama sa mga templong Buddhist na nadaluhan ko na sa buong buhay ko. Kakaiba ang damdaming ito. Alam kong may nakikinig. Sa sandaling iyon mula sa paniniwalang totoo ang Simbahan ay nalaman kong totoo ito, at nagdesisyon akong magpabinyag.

Patuloy nang pinagpala ng Aklat ni Mormon ang aking buhay mula noon. Pinagpala ako nito nang maglingkod ako bilang misyonero.

Pinagpala rin ako nito sa aking mga tungkulin. Habang naglilingkod bilang guro sa institute, nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.1 Ngunit sa paghahanda ng aking mga aralin, natuklasan ko na hindi lamang totoo ang pahayag na iyon sa lahat, kundi sa mga partikular na tao sa mga partikular na sitwasyon at panahon. Halimbawa, kung minsan habang naghahanda akong magturo, pumapasok sa isip ko ang mukha ng isa sa mga estudyante ko, at natatanto ko ang isang partikular na bagay na kailangan kong ituro para sa kapakanan ng taong iyon. Ang gayong mga paramdam ay madalas mangyari at napatunayan kong totoo kapag kinausap ako ng isang estudyante pagkatapos ng klase para ipaalam sa akin na ang araling iyon mismo ang kailangan niya.

Ang huli, at marahil ay pinakamakabuluhan, ginabayan ng Aklat ni Mormon ang aking buhay. Naaalala kong bumaling ako sa mga banal na kasulatan nang tatapusin ko na ang pakikipagdeyt sa isang tao. Nakadama ako ng matinding lungkot. Ngunit ang isang talatang nabasa ko, 2 Nephi 10:20, ay tuwirang nangusap sa aking puso at napanatag ako: “At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nalalamang binigyan tayo ng ating maawaing Diyos ng maraming kaalaman hinggil sa mga bagay na ito, atin siyang alalahanin, at isantabi ang ating mga kasalanan, at huwag iyuko ang ating mga ulo, sapagkat hindi tayo itatakwil; gayon pa man, itinaboy tayo palabas mula sa lupaing ating mana; subalit tayo ay dinala sa higit na mainam na lupain, sapagkat ginawa ng Panginoon na ang dagat ay maging daan natin, at tayo ay nasa isang pulo ng dagat.”

Ang pag-alaala sa Panginoon, tulad ng mungkahi sa talatang iyon, ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob at pag-asa. Makakaasa ako sa “maraming kaalaman” tungkol sa ebanghelyo na ibinigay sa akin ng Diyos, at makatitiyak ako na hindi ako “itinakwil.” May mabubuting bagay na naghihintay.

Malaking pagpapala ang maniwala sa sinasabi ng mga misyonero nang siyasatin ko ang Simbahan. Mas malaking pagpapalang malaman ang katotohanan ng ebanghelyo, lalo na ang katotohanan ng Aklat ni Mormon, sa sarili ko. Alam kong buhay ang Diyos at tuwiran at personal Niya tayong tinuturuan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.

Tala

  1. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon Is the Word of God,” Tambuli, Mayo 1988, 2.

Larawan © IRI

Print