Pagiging Tapat na Lalaking Maytaglay ng Priesthood
Bago kayo nagtapos sa Primary, marami sa inyo ang nakasaulo ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya at sana ay saulado pa ninyo ito. Ngayong taon kami sa panguluhan ay hinahamon kayong lampasan pa ang simpleng pagsasaulo at talagang alamin kung ano ang ibig sabihin ni Propetang Joseph Smith nang sabihin niya na sinusunod natin ang payo ni Pablo. Hinihiling namin sa inyo na pag-aralang mabuti ang bawat katangiang binanggit sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, ang tema ng Mutual ngayong taon. Inaanyayahan namin kayong ipamuhay ang natutuhan ninyo. At inaanyayahan namin kayong ibahagi sa iba ang galak sa buhay na hatid ng pamumuhay ayon sa mga pamantayang ito.
Ang huwarang ito ng pag-uugali ang mismong ginagamit ninyo sa bagong programang Tungkulin sa Diyos: matuto, kumilos, magbahagi. Ang pagsunod sa tatlong simpleng hakbang na ito ay makakatulong sa inyo na maging tapat na lalaking maytaglay ng priesthood.
Nakasaad sa bahagi ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, [at] marangal” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang pagiging ay higit pa sa kung paano kayo kumilos—ipinapakita nito kung sino kayo. Ang pagiging matapat, tunay, malinis at iba pa ay ginagawa kayong kaiba sa karamihan ng mga kabataang lalaking kaedad ninyo. Kapag nakikita ng iba ang magagandang katangian ninyo, nanaisin nilang makamtan ang taglay ninyo. Kapag natutuhan ninyo ang inyong mga tungkulin sa priesthood at isinagawa ang mga ito, magbabago kayo. Habang kayo ay “[gumagawa] ng mabuti sa lahat ng tao,” pagpapalain kayo at mababago ninyo ang buhay ng mga tao.
Mabubuting Halimbawa
Si Ben ay isang magandang halimbawa ng pagtulong sa iba at pagiging isang pagpapala sa buhay nila. Naghahanap siya ng mga taong hindi gaanong popular o hindi nadaramang kabilang sila. Iniisip niya ang iba nang higit kaysa sarili niya. Nang lumipat si Kelon sa ward ni Ben, sinabi nito na ang buhay niya ay “pulos kasiyahan lang” na papunta sa maling direksyon. Hungkag ang pakiramdam niya. Ngunit dahil sa mga halimbawa ng mga kaibigan niyang Banal sa mga Huling Araw at lalo na ng kanyang matalik na kaibigang si Ben, nakita niya na may mas magandang daan. Inanyayahan ni Ben si Kelon na makibahagi sa mga aktibidad sa Simbahan. Sa mga aktibidad na iyon napansin ni Kelon na may kakaiba sa mga binatilyo roon. Gusto niyang tularan sila. Hindi niya tiyak kung ano iyon, ngunit alam niyang gusto niya iyon. Nais niyang lumigayang tulad nila.
Nanalangin siya sa Diyos at nalaman niya na kailangan niyang sumapi sa Simbahan. Bininyagan ni Ben ang kanyang matalik na kaibigan noong 16 anyos sila. Sabi ni Kelon tungkol sa kanyang binyag, “Sa wakas ay natagpuan ko ang kapayapaan, at nadama ko ang mapagmahal na bisig ng Tagapagligtas pag-ahon ko mula sa bautismuhan. Nagpapasalamat ako sa mabubuting kaibigang ipinamumuhay ang pinaniniwalaan nila.”
Kapangyarihan ng Aaronic Priesthood
Sinasabi sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28 na “ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay,” na ginagawa ang “maraming bagay sa kanilang sariling kalooban” para “isakatuparan ang maraming kabutihan; sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila.” Ang kapangyarihang iyon ay nasa inyo. Ipinagkatiwala sa inyo ang kapangyarihan ng Aaronic Priesthood. Mahal namin kayo, at alam namin na makakagawa kayo ng mga dakilang bagay kapag kayo ay naging tapat na lalaking maytaglay ng priesthood.