Naniniwala Kami!
Naniniwala kami na ang isang marangal na kabataang babae, na pinapatnubayan ng Espiritu, ay mababago ang mundo. Bilang Young Women general presidency, naobserbahan namin ang mga kabataang babaeng ginagawa ang pinaniniwalaan nilang tama, tumatayo bilang saksi, ipinamumuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo, at talagang gumagawa ng kaibhan. Kamangha-mangha ang magagawa ng isang kabataang babae kapag siya ay marangal, nakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo, at tumatalima pagkatapos!
Nang isulat ni Joseph Smith ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, ipinahayag niya ang lahat ng maaari at dapat nating hangarin at kahinatnan bilang mga naniniwala. Alam ni Joseph Smith na kailangan nating maniwala sa mga pamantayan at pinahahalagahan at hangarin ang mga bagay na ito upang magkaroon ng kapangyarihan at lakas ng Espiritu Santo. Alam niya na kailangan nating sundin ang Tagapagligtas sa salita at gawa. Alam niya na ang paggawa nito ay maghahanda sa atin na maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo.
Maniwala sa Iyong Sarili
Paano mo gagawin ito? Paano mo maaakay ang iba na sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas, mamuhay nang marangal, at maghanda para sa templo? Una, maniwala sa iyong sarili! Ang iyong tapang at lakas ay nakatulong sa iyo na maging lider, at ang matibay mong pangako ang gagawa ng lahat ng kaibhan ngayong taon. Ang iyong mga ideya, inobasyon, at mga pagkilos ay maaaring hubugin ang mundo ngayon at sa hinaharap.
Dahil sa teknolohiya ng mundong iyong ginagalawan, may kakayahan kang punuin ang mundo ng mga bagay na marangal, kaaya-aya, at maipagkakapuri. Nasa dulo ng iyong mga daliri ang kakayahang patotohanan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Wala pang henerasyong nagkaroon kailanman ng gayong kakayahan, pagpapala, at oportunidad.
Tatlong Bagay at Isa Pa—Araw-araw!
Naniniwala kami sa iyo. Ngayon ang panahon para magkaisa at simulan ang pagbabagong magbibigay-lakas sa iyo at magpapala sa iba. Inaanyayahan ka naming patuloy na gawin ang tatlong bagay bawat araw—at isa pa.
-
Magdasal tuwing umaga at gabi.
-
Magbasa sa Aklat ni Mormon kahit limang minuto man lang araw-araw.
-
Ngumiti!
-
Bukod dito, inaanyayahan ka naming sundin at ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maging pamilyar sa mga pamantayang ito. Ibahagi ang mga ito sa iba. At maging halimbawa ng mga mananampalataya.
Ngayong taon, maniwala. Maniwalang ikaw ay anak ng Ama sa Langit, na nagmamahal at tutulong sa iyo. Maniwala sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Siya ang iyong liwanag. Siya ang iyong pag-asa. Siya ang iyong halimbawa at Manunubos. Maniwala sa iyong sarili! Maniwala sa kapangyarihan ng lahat ng kabataang babaeng ipinamumuhay ang mga pamantayan. Magkakasama nating hangarin ang mga bagay na marangal, kaaya-aya, at maipagkakapuri. Magkakasama tayong gagawa ng kaibhan sa ating daigdig.
Naniniwala kami na kayo ang henerasyong may mga paniniwala at pagkilos na magpapabago sa daigdig. Naniniwala kami sa inyo!